Cricket o Baseball—Ano ang Pagkakaiba?
Cricket o Baseball—Ano ang Pagkakaiba?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
NANG si Reyna Victoria ng Inglatera ay nagdiwang ng kaniyang ikalimampung taon noong 1897, sangkapat ng sukat ng lupa ng daigdig ay nasa ilalim ng pamamahala ng Britaniya. Ngayon, ang dating makapangyarihang Britanong Imperyo ay umiiral lamang bilang isang alaala. Gayunman, kataka-taka, ang impluwensiya nito ay nakikita pa rin at nadarama sa maraming bahagi ng daigdig ngayon. Ang isang pamanang iyon ay ang nakaiintrigang larong Ingles na cricket.
Ito’y popular sa karamihan ng mga bansa na nasa ilalim ng Britanong pamamahala, gaya sa Asia, sa West Indies, at sa Aprika—subalit hindi sa Estados Unidos, kung saan ang baseball ang popular na laro. Gayunman, may iniulat na hindi kukulanging isang daang mga club ng cricket sa dating koloniya. Doon sa mga hindi pa kailanman nakapanood ng larong cricket, hayaan mong ipaliwanag namin. Ito’y isang laro na nilalaro sa isang malaking oval field, na ang lahat ng mga manlalaro ay nakadamit ng puti, kung saan sisikapin ng mga bowler (isa na naghahagis ng bola) na tamaan ang isang wicket na ipinagtatanggol ng isang batsman (tagapalo ng bola). Subalit mamaya na natin pag-usapan ang higit pa tungkol diyan.
Kahawig ba ng Baseball ang Cricket?
Oo at hindi. Sa karamihan ng mga mahilig sa baseball, ang cricket ay waring isang tahimik, mabagal na laro, parang ‘baseball kung saan ang mga manlalaro ay pinakalma ng Valium’ gaya ng pagkakasabi rito ng isang komedyante ng E.U. Gayunman, ang ilang termino sa cricket ay parang pamilyar. Sa kabilang dako, ang mga layunin ng laro at ang mga tuntunin ng laro ay lubhang kakaiba. At, ang pagkaunawa sa kung ano ang sinisikap gawin ng bawat magkalabang koponan sa field ng cricket ay maaaring baguhin ang iyong kabiguan tungo sa pagkahalina.
Katulad sa baseball, ang cricket ay may dalawang magkalabang koponan. Ang bawat koponan ay binubuo ng 11 lalaki, at isang reserba na tinatawag na ika-12 tao. Ito’y naiiba sa siyam-kataong koponan ng baseball. Ang terminong “batsman,” sa halip na “batter,” ay ginagamit para sa manlalaro na pumapalo sa bola, at ang hugis ng pamalo sa larong cricket ay lubhang naiiba sa pamalo ng bola sa baseball. (Tingnan ang larawan, pahina 23.) Gayundin, ang isa na naghahagis ng bola ay tinatawag na bowler, hindi pitcher. Ang katagang “scoring runs” ay karaniwan sa dalawang laro, bagaman ang paraan ng pag-iiskor ay magkaiba. Ang katagang “innings” ay ginagamit sa kapuwa isports. Gayunman, na ang mga terminong ito ay magkahawig ay hindi dapat pagtakhan, ang Encyclopedia International ay nagsasabi sa atin na ang baseball ay nabuo noong dakong huli ng ika-19 na siglo mula sa larong Ingles na cricket, isinama sa isa pang isport na kilala bilang rounders.
Gayumpaman, bukod sa nabanggit na mga pagkakatulad, ang pagkakaiba sa pagitan ng mga larong cricket at baseball ay marami. Ang suot at tayo ng mga manlalaro, ang disenyo at plano ng oval field ng cricket laban sa diamond field ng baseball, ang pagpupuwesto sa mga fielder, at ang bilis ng laro ay waring may kaunting pagkakatulad. Gayunman, sa kabila ng mga pagkakaiba, yaong nakauunawa alinman sa mga laro ay karaniwang nauunawaan at nasisiyahan sa isa minsan ang mga tuntunin ng laro ay ipaliwanag.
Ngayon, Alamin Natin ang Laro
Ang huwarang lupa para sa cricket ay isang oval o isang field na halos 140 metro ang lawak at 150 metro ang haba. Malapit sa gitna ng field ay ang pitch, 20 metro ang haba at 3 metro ang lapad. Sa primera-klaseng mga laban, ang pitch ay damo, tinabas at maingat na nirolyo. Sa ibang laban ito ay maaaring kongkreto o matigas na luwad na tinakpan ng matting. Sa bawat dulo ng pitch ay ang mga wicket, na binubuo ng tatlong nakatayong tuod na kahoy na 71 centimetro ang taas at may agwat sa pagitan sa kabuuang lapad na 23 centimetro. Kaya, ang bola ay hindi makadaraan sa pagitan ng mga tuod. Dalawang maliliit na bail, o piraso ng kahoy, na akmang-akma sa mga uka sa itaas, dulo sa dulo, na bumabagtas sa tatlong tuod na kahoy.
Puting mga linya, na tinatawag na creases, ay iginuguhit sa ibayo ng pitch na 1.2 metro sa harap at kahilera ng bawat wicket. Tinatandaan nito ang ligtas na mga dako para sa mga batsman kapag naglalaro na. Hindi dapat lalampas sa guhit na ito ang bowler kapag inihahagis ang bola; kung hindi ito ay tinatawag na no ball at pinarurusahan ng isang awtomatikong iskor.
Sa paghahagis ng pera, tinitiyak ng magkalabang kapitan kung aling koponan ang unang papalo sa bola. Ang manalo ay maaaring pumili kung ang kaniyang koponan ang unang papalo o ang kabilang panig ang papalo kung inaakala niyang may bentaha sa kaniyang koponan dahil sa lagay ng panahon, kondisyon ng pitch, o iba pang konsiderasyon.
Dalawang batsman ang nagtutungo sa creases—isa sa bawat dulo ng pitch. Sila kapuwa ay nakasuot ng pananggalang sa paa at katawan at batting gloves, at nitong nakalipas na mga taon karamihan ng mga batsman ay nagsusuot ng mga helmet. Lahat ng mga manlalaro sa panig na hindi pumapalo ng bola ay estratihikong nakapuwesto sa palibot ng field sa iba’t ibang layo mula sa batsman na tumatanggap ng inihagis na bola. Ang wicketkeeper (catcher, sa larong baseball) na protektado nang husto ay nakatayo sa likod ng wicket ng batsman, na ang layon ay saluin ang anumang bola na lalampas sa batsman gayundin tayain siya o i-stump siya kapag siya ay wala sa kaniyang crease.—Tingnan ang kahon, pahina 24.
Dalawang bowler ang sinusugo ng kapitan sa tungkuling iyon hanggang sa magalingin niya. Ang bawat bowler ay naghahagis ng anim na sunud-sunod na bola (walo sa Australia at Timog Aprika) mula sa magkabilang dulo ng pitch. Ang yugtong ito ng anim na hagis ng bola ay tinatawag na “overs.” Karaniwan nang may ilang bowler sa bawat koponan, at ang kapitan ang nagpapasiya kung kailan magpapalit ng mga bowler mula sa mabilis at medyo mabilis tungo sa mas mabagal, o umiikot na hagis ng bola. Ang bola ay hindi dapat ihagis na
gaya sa baseball, kundi ang bowler, na may overarm action, ay dapat na panatilihin ang kaniyang braso na tuwid nang hindi binabaluktot ang siko hanggang sa makompleto ang buong pagkilos at ang bola ay naihagis.—Tingnan ang pahina 2.Ang bola ng cricket, karaniwan nang pula at yari sa balat, ay tumitimbang ng halos 156 gramo at mas maliit na kaunti, mas matigas, at mas mabigat kaysa bola sa baseball. Ang umiikot na hagis ng bowler, na nakakamit sa paggamit ng masinsing tahi sa bola, ay nakaaapekto sa paglipad ng bola sa himpapawid at tinitiyak ang direksiyon nito pagkatapos tumalbog, di-gaya sa baseball, ang bola ay karaniwang tumatalbog na minsan bago dumating sa tagapalo. Paminsan-minsan lamang na ang bowler ay naghahagis ng hindi-tumatalbog na ganap na hagis, o hagis na ubos lakas, isa na matatamaan ng batsman bago ito tumama sa lupa. Ang mahusay na bowler na paikot ang hagis ng bola ay kadalasang mas mahirap tamaan kaysa isang mabilis na bowler. Nakakamit niya ang paikot na hagis sa pamamagitan ng pag-ikot sa bola, alin sa kaliwa
o sa kanan, bago ito umalis sa kaniyang kamay. Ito ay nagpapangyari ng dalawang uri ng pag-ikot, na tinatawag na “off breaks” at “leg breaks.”Ang Malaking Trabaho ng Batsman
Bawat batsman ay may dalawang papel: ingatan ang kaniyang wicket at iwasang mapaalis o mataya sa ibang paraan; at mabilis na maglagay ng iskor sa iskorbord hangga’t maaari. (Tingnan ang kahon, pahina 24.) Gayunman, ang masyadong maingat na batsman na nagtutuon ng pansin sa pagtatanggol sa kaniyang wicket at hindi gumagawa ng iskor ay kadalasang pinupuna dahil sa depensibong paglalaro sa halip na gumawa ng iskor sapagkat siya ang nagiging dahilan ng lubhang nakaiinip na laro ng cricket.
Ang mahusay na batsman ay depende sa pagkakatugma ng mata-kamay-paa, mabilis na mga replekso, at kakayahang tumakbo nang mabilis sa pagitan ng mga wicket. Tuwing ligtas na tatakbo siya mula sa isang wicket tungo sa isa, nakikipagpalitan sa kaniyang kapareha, siya ay nakakaiskor ng isang run. Kung ang kaniyang palo ay naghagis sa bola sa hangganan ng bakod bago ito masalo, siya ay binibigyan ng apat na run nang hindi na niya kailangan pang takbuhin ito. Kung ang kaniyang palo ay napakalas anupa’t ang bola ay lumampas sa hangganang bakod, tulad ng home run sa baseball, kung gayon anim na run ang idaragdag sa kaniyang talaan.
Ang bawat koponan ay nananatili sa batting crease hanggang sa 10 sa kanilang bilang ay mapaalis, sapagkat ang ika-11 batsman ay laging tinatawag na “hindi taya,” yamang siya ang natitirang walang kapareha sa pagpalo. Pagkatapos ang kalaban naman ang papasok upang gumawa ng mas maraming run kaysa kanilang kalaban. Kung ito ay isang-inning na laban, ang koponan na may pinakamataas na kabuuang iskor ang mananalo. Subalit karamihan ng primera-klaseng mga laban ay may dalawang inning sa bawat koponan, anupa’t ang isang major cricket na laban ay maaaring tumagal ng (hintayin ninyo, mga tagahanga ng baseball!) mula tatlo hanggang limang araw, at ang bawat koponan ay maaaring umiskor ng daan-daang run! Ang ilang kilalang batsman ay nilabag ang pagpapaalis ng ilang araw, na umiiskor ng mahigit 400 run. Kakaiba sa baseball, kung saan kahit na ang bawat koponan ay maglaro ng siyam na inning, ang laro ay karaniwang natatapos sa loob ng tatlo hanggang apat na oras. At kahit na pagkatapos niyan, ang isang koponan ay maaaring manalo sa pamamagitan ng isang run laban sa wala!
May dalawang umpire, isa sa bawat dulo ng pitch. Ang isa ay nakatayo mga ilang distansiya sa isang panig ng batsman, at ang isa naman ay nasa likuran mismo ng wicket sa panig ng bowler. Ang disisyon ng umpire ay pangwakas. Hindi ‘marangal na pag-uugali’ na makipagtalo sa isang umpire!
Habang Tumatagal, Lalong Nagiging Kawili-wili
Ang pang-akit ng cricket ay nakahahawa minsang masangkot ka sa laro. Si Tom, na nandayuhan kasama ng kaniyang pamilya mula sa Europa nang siya ay siyam na taóng gulang lamang, ay madaling natutuhan ang larong ito pagdating nila sa Australia. Kailanman ay hindi niya narinig ang larong ito, subalit hindi nagtagal siya ay naging mahilig sa cricket. Gunita ni Tom: “Habang natututo akong maglaro ng cricket at naging pamilyar sa mga tuntunin, lumago ang interes ko. Di-nagtagal ay natutuhan ko na ang isang batsman ay kailangang may matalas na mata, mabilis na mga replekso, at mahinahon habang hinaharap niya ang hagis ng bola sa kaniya sa bilis na hanggang 150 kilometro sa isang oras.”
Mangyari pa, maraming magagaling na punto tungkol sa cricket na hindi nasaklaw sa maikling artikulong ito. Subalit inaasahan namin na sa susunod na pagkakataong mapanood mo ang isang laro, panonoorin mo ito taglay ang higit na pagkaunawa, marahil taglay pa nga ang pagkahalina, habang pinagmamasdan mong mabuti ang walang takot na pagpalo ng batsman at ang tusong mga kasanayan ng bowler.
[Kahon sa pahina 24]
Mga Paraan na Maaaring Mapaalis ang Isang Batsman
Bowled. Kung tamaan ng bowler ang wicket at malaglag ang mga bail.
Caught. Kung ang bola na pinalo ng batsman ay masalo bago pa ito tumama sa lupa.
Stumped. Kung ang batsman ay wala sa kaniyang crease at malaglag ng wicketkeeper ang isang bail na tangan ang bola.
Leg Before Wicket (lbw). Kung ang anumang bahagi ng katawan ng batsman maliban sa kaniyang kamay ay humadlang, ang bola na ipinalalagay ng umpire na maaari sanang tumama sa wicket.
Run Out. Kung ihagis ng isang fieldman ang bola at tamaan ang wicket kung saan tumatakbo ang batsman bago niya maabot ang ligtas na dako ng kaniyang crease.
Hit Wicket. Kung tamaan ng batsman ang kaniyang wicket ng kaniyang pamalo o ng anumang bahagi ng kaniyang katawan samantalang sinisikap na tamaan ang bola.
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang pag-unlad ng pamalo ng cricket sa nakalipas na mga siglo
Harap at tagilirang kuha ng makabagong pamalo
Wicket na may mga bail
[Larawan sa pahina 24]
Ang batsman na tumatanggap ng bola mula sa bowler. Pansinin ang umpire (dulong kaliwa), wicket keeper (dulong kanan), at ikalawang batsman, umaabante tungo sa pitch