Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Kamatayan ng Isang Bata Ang mga artikulo sa “Ang Pangmalas ng Bibliya” na “Bakit Kinuha ng Diyos ang Anak Ko?” (Pebrero 8, 1991) at “Ang Kamatayan ng Isang Bata​—Bakit Pinapayagan Ito ng Diyos?” (Marso 8, 1991) ay nagbigay ng kaaliwan na kailangan ko sa tamang panahon. Noong Enero 9, ako’y nagsilang ng isang sanggol na namatay pagkaraan ng tatlong oras. Ako’y nagalit sa aking sarili at pinatungkol ko pa nga ang aking maling galit sa Diyos. Pagkatapos ay nabasa ko ang mga artikulong ito. Ang lalim ng awa ng Diyos ay mababasa sa mga pahina, at ako’y umiyak nang umiyak. Salamat sa pag-asang inilaan ninyo nang ako’y nalulungkot at miserable.

C. K., Hapón

Mga Koponán sa Paaralan Salamat sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Sumali sa Koponán sa Paaralan?” (Hunyo 22, 1991) Inanyayahan ng aking paaralan ang lahat ng estudyante na interesadong sumali sa koponán ng volleyball. Matagal ko nang gustong makibahagi sa mga laro. Subalit pinag-isipan ko itong maingat. Ang mga laro at pagsasanay ay matatapat sa aking ministeryong pag-eebanghelyo at sa mga pulong Kristiyano. Kaya pagkatapos basahin ang artikulo, kumbinsido ako na hindi ako dapat sumali sa koponán.

M. C. P., Brazil

Mga Judio at mga Kristiyano Katatapos ko lamang basahin ang mga artikulo tungkol sa paksang “Mga Kristiyano at mga Judio​—Magkasundo Kaya?” (Hunyo 22, 1991) Bilang isang Judio, lumaki akong naniniwala na may malaking bangin na umiiral sa pagitan ng “piniling bayan” at ng “goyim.” Ako’y tinuruan din tungkol sa pagdating ng isang Mesiyas sa hinaharap, subalit ito ay isang napakalabong ideya. Isang araw ay dumalaw ang mga Saksi ni Jehova sa aming bahay at nakipag-usap tungkol sa isang hinaharap ng kapayapaan dito mismo sa lupa. Wari ngang ito’y kaakit-akit! Maliwanag, ang mga Saksi ay walang kaugnayan sa mga simbahan. Isa pa, sinasamba nila ang Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob. Naunawaan ko na ang pagiging isang tunay na Kristiyano ay hindi pagtataksil sa aking pamanang Judio. Kaya pinahahalagahan ko, higit sa masasabi ko, ang inyong mga artikulo kamakailan, at inaasahan kong makikita ng marami pang mga tao ang nagniningning na kaibhan sa pagitan ng mga Saksi ni Jehova at ng ibang mga relihiyon.

N. S., Estados Unidos

Pagbabago ng Iyong Sarili Bagaman sinikap kong daigin ang masamang ugali ng masturbasyon, ako’y nasiraan ng loob dahil sa pagbabalik sa ugaling ito. Gayunman, sa pamamagitan ng mga serye ng artikulo tungkol sa paksang “Dapat Mo bang Baguhin ang Iyong Pagkatao?” (Hulyo 8, 1991), natutuhan ko ang limang espisipikong mga hakbang na maaaring kunin upang baguhin ang aking sarili. Pinalakas ako nito sa aking determinasyon na daigin ang aking masamang ugali.

R. H., Hapón

Asbestos Ako’y labis na nagpapasalamat sa artikulong “Ang Kuwento ng Asbestos​—Mula sa Pagiging Tagapaglitas-Buhay Tungo sa Banta ng Kamatayan.” (Marso 22, 1991) Ako’y nagtatrabaho sa isang pagawaan at madalas na gumagawang may kaugnayan sa asbestos. Gayunman, hindi nalalaman kung gaano kapanganib ang materyal na ito, ako’y gumagawang walang anumang pananggalang na mga hakbang na iminungkahi sa Gumising! Ang artikulo ay tunay na kapaki-pakinabang sa akin at sa aking mga kasama sa trabaho, yamang naipakipag-usap ko ang tungkol sa bagay na ito sa aming pang-araw-araw na miting pangkaligtasan.

J. R. T., Brazil

May isang aksidente sa trapiko na kinasangkutan ng asbestos, at hindi alam niyaong nakibahagi sa pagsagip kung gaano kapanganib na malantad sa materyal na iyon. Nabasa ko ang inyong artikulo mga ilang araw bago ang aksidenteng ito. Bilang isang inhinyero, ako’y nakapagbigay ng patnubay upang ang pagsagip ay maisagawa nang ligtas.

D. C., Brazil

Mga Ibong Umaawit Salamat sa kahali-halinang artikulo tungkol sa mga ibong umaawit sa labas ng Mayo 22, 1991. Ang aking mister ay nagpapakain ng mga ibon sa aming bakuran sa likuran ng bahay sa loob ng mga taon, at kapuwa kami nasisiyahan sa panonood sa mga ito. Subalit pagkatapos mabasa ang tungkol sa hindi kapani-paniwalang paraan ng paggawa ng mga ibon ng kanilang mga nota, kami ngayon ay nakikinig na mainam sa kanila. Kami’y totoong nagpapasalamat sa inyong maganda ang pagkakasulat na paglalarawan ng isa pang kababalaghan ni Jehova.

J. S., Estados Unidos