Paglaki ng Populasyon ng Daigdig—Isang Mahalagang Isyu
Paglaki ng Populasyon ng Daigdig—Isang Mahalagang Isyu
“IKALIMANG Bilyong Sanggol.” Iyan ang itinawag ng pamahalaan ng Tsina kay Wang He, isang sanggol na babaing isinilang sa isang ospital sa Beijing noong hatinggabi, Hulyo 11, 1987. Kung ang sanggol ay talaga ngang nagdala sa kabuuang populasyon ng daigdig sa 5,000,000,000 noong panahong iyon, walang nakaaalam. Gayumpaman, siya ay ipinanganak sa eksaktong sandali na pinili ng United Nations kung kailan maaabot ng populasyon ng daigdig ang bilang na iyon. Ginamit lamang ng pamahalaang Intsik ang pangyayaring ito upang isadula ang matinding isyu ng paglaki ng populasyon na nakakaharap ng Tsina at ng daigdig.
Ipinakikita ng mga estadistika na ang bilang ng mga tao sa lupa ay dumarami sa bilis na nakatatakot sa ilang eksperto. Sa kasalukuyang bilis ng paglaki, ang populasyon ng daigdig ay dudoble sa loob lamang ng halos 40 taon. Sa bilis na iyan, sabi sa atin ng mga eksperto, malapit nang mahigitan ng dami ng pagkaing kakailanganin upang pakanin ang populasyon ng daigdig ang produksiyon, at ang magiging resulta ay pandaigdig na pagkagutom. Isa pa, yamang ang panustos na likas na yaman ng daigdig ay may hangganan, ito ay maagang mauubos ng lumalagong populasyon, at ito ay maaari lamang mangahulugan ng pambuong-daigdig na kapahamakan. Sabi ng mga eksperto, kung ang kakulangan ng pagkain at likas na yaman ay hindi magpangyari ng ating pagkawasak, ang pinsalang pangkapaligiran na ginagawa natin ay tiyak na magpapangyari nito. Literal na sinasakal natin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng kung ano ang ating ginagawa sa hangin, tubig, at lupa, at lalo lamang itong pinabibilis ng mas maraming tao. Lahat ng ito ay wari ngang nangangahulugan ng nalalapit na kapahamakan.
Gayunman, paano ba ito malulunasan? Maraming opinyon tungkol sa bagay na ito. Inaakala ng iba na malibang magsagawa ng mahigpit na pagkilos upang bawasan ang paglaki ng populasyon, ang kapakanan ng lahat ng tao ay nanganganib. Ang iba ay naniniwala na gaya noong una, makasusumpong ng bagong mga paraan upang lutasin ang mga problema tungkol sa pagkain, likas na yaman, polusyon, at kung ano pa ang nasasangkot. Ang iba pa ay nag-aakala na sa dakong huli ang kabuuang populasyon ay hindi na dadami pa, anupa’t hindi kinakailangang maging labis na mataranta tungkol dito. Sa katunayan, may matitibay na opinyon at mga palagay halos sa bawat aspekto ng paksang ito. Maliwanag, ang paglaki ng populasyon ng daigdig ay isang kontrobersiyal at mahalagang isyu.
Gayumpaman, ang bagay na kapansin-pansin ay na ang mga taong nakatira sa mga lupain na maluwang pa at mayaman ang karaniwang siyang mariing nagsasalita tungkol sa dumarating na katapusan ng mundo. Tahasan nilang ipinahahayag ang kanilang mga pangamba sapagkat nadarama nila na ang kanilang pamantayan ng pamumuhay o kinabukasan ay nanganganib. Subalit kumusta naman yaong nakatira sa mas mahihirap, hindi maunlad, at masyadong mataong mga lupain? Ano ang kanilang palagay sa isyu tungkol sa populasyon? Ano ba ang katulad ng pamumuhay sa mataong mga sulok ng daigdig?
Dinadala ka ng Gumising! sa ilan sa pinakamataong mga dako sa daigdig upang bigyan ka ng ideya na galing mismo sa nagbalita kung ano ba ang katulad ng pamumuhay sa ilalim ng panggigipit ng pagputok ng populasyon at tulungan kang maunawaan ang ilan sa mga isyung nasasangkot.