Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Kahina-hinalang Reputasyon

Noong 1990 ang Estados Unidos ay naging ang pinakamalaking tagapagtustos ng mga armamento sa nagpapaunlad na mga bansa, hinihigitan ang Unyon Sobyet sa kauna-unahang pagkakataon sapol noong 1983. Sang-ayon sa report ng Congressional Research Service, ang Estados Unidos din ang pinakamalaking tagatustos ng mga sandata sa Gitnang Silangan, kung saan napunta ang mahigit na kalahati ng lahat ng armas na nabili sa nakalipas na walong taon. Sa yugto ng panahon mula noong 1983 hanggang 1990, ang nagpapaunlad na mga bansa ay bumili ng $301.7 bilyong halaga ng mga armas. Sa $41.3 bilyong halaga ng armas na binili noong nakaraang taon mula sa lahat ng tagatustos, ang Estados Unidos ay nagbenta ng pinakamarami sa halagang $18.5 bilyon​—mahigit na doble ng ibinenta nito noong 1989—​samantalang ang benta ng armas ng Unyong Sobyet ay bumaba sa $12.1 bilyon. Ang pag-aaral ay humula ng patuloy na pagkakagusto sa mga sandatang gawa sa E.U. pagkatapos ng kanilang matagumpay na pagtatanghal sa digmaan sa Persian Gulf. Ang Tsina at ang Pransiya ang pinakamalaking tagapagbenta ng mga sandata kasunod ng Estados Unidos at Unyong Sobyet.

Ang mga Bansa ay Sumasamo: Ihinto ang Pagnenegosyo ng Armas

“Hinihimok ng mga pamahalaan sa Latin Amerika at Caribbean ang Estados Unidos na ihinto ang pagnenegosyo [ng armas], na sa nakalipas na dekada ay naging napakalawak at lubhang organisado anupa’t ang mga pangkat na nagpupuslit ng baril ay nakapag-aalok na ngayon ng pinakamalakas na mga sandata sa mga kliyente saanman sa daigdig,” sabi ng The New York Times. Ang mga sandata ay ginamit sa mga tangkang kudeta, upang guluhin ang mga eleksiyon, upang pataksil na patayin ang mga kandidato, at sa mga pagkidnap. Ang salaping nakukuha sa ilegal na benta ng mga baril ay sinasabing pangalawa lamang sa kita ng pangangalakal ng narkotiko. “Mayroon tayong reputasyon bilang ang No. 1 tagatustos ng mga sandata sa hating-daigdig na ito, at ang reputasyong iyan ay malamang na nararapat,” sabi ni Stephen E. Higgins, direktor ng Kawanihan ng Alkohol, Tabako at Sandata ng E.U. “Ang aking karanasan ay na ang karamihan ng mga bansang binibentahan natin ay mayroong mas mahigpit na pagkontrol sa mga sandata kaysa ginagawa ng Estados Unidos.”

Pagganyak Upang Huminto sa Paninigarilyo

“Kanser sa bagà, atake sa puso, atake serebral. Para sa ilang tao na naghahanap ng mapanganib na mga gawain, ang nakamamatay na mga panganib ng paninigarilyo ay aktuwal na nakaragdag sa pang-akit ng sigarilyo, gaya ng ipinakikita ng pananaliksik,” sabi ng Science News. “Subalit dalawang bagong report na nagtutuon ng pansin sa ilang di-nakamamatay na mga epekto ng paninigarilyo ay maaaring magbigay kahit sa mga pangahas na ito ng malakas na pangganyak na ihinto ang bisyo ng nikotina.” Binabanggit ng unang report na sangkatlo ng lahat ng babaing pinahihirapan ng nakahihiyang problema ng di-mapigil na pag-ihi ay maaaring matunton sa kanilang problema sa kasalukuyan o dating bisyo ng paninigarilyo. Nasumpungan ng ikalawang pag-aaral na kapuwa ang mga lalaki at mga babae na naninigarilyo ay mas malamang na mangulubot ang mukha at na ang maagang pangungulubot ng balat ay sumisidhi sa tagal ng bisyo at sa dami ng nakukunsumong sigarilyo. Ang mga malakas manigarilyo ay halos limang ulit na mas malamang na magkaroon ng labis-labis na pangungulubot ng balat kaysa roon sa mga hindi naninigarilyo. “Para sa maraming maninigarilyo, lalo na sa mga kabataan, ang katibayan na ang paninigarilyo ay nagiging sanhi ng mga kalagayan na gaya ng mga kulubot, mabahong hininga o naninilaw na ngipin ay mas mapuwersa kaysa ang katibayan na ang paninigarilyo ay nakamamatay,” sabi ni Thomas E. Kottke ng Mayo Clinic sa Rochester, Minnesota, E.U.A.

Mga Bagay na Pinahahalagahan sa Europa

Ang lingguhang babasahin sa London na The European ay nagsagawa ng isang surbey sa anim na bansa sa Europa upang itatag kung ano ang pinakamahalaga sa buhay ng mga tao. “Dalawang konsepto, ang pamilya at ang mga karapatan ng tao, ang nasa unang tatlo sa talaan ng bawat isa sa anim na mga bansa,” ulat ng pahayagan. “Nasa talaan din sa lahat halos ng dako ang kalayaan at pagkakapantay-pantay.” Bagaman mahal ng mga Europeo ang kanilang mga pamilya, sila ay “walang hilig sa pag-aasawa” at “walang gaanong paggalang sa pag-aasawa mientras mas bata sila.” Yaong mga sinurbey ay nababahala sa trabaho, natatakot silang mawalan ng trabaho, subalit kasabay nito, inilalagay nila ang salapi sa dulo ng kanilang listahan ng mga prayoridad. Ang “kapansin-pansing bahagi,” sabi ng pahayagan, ay na “sa mga bagay na lubhang pinahahalagahan ng mga Europeo,” ang relihiyon ay nasa dulo.

Ang Pumatay o Huwag Pumatay

‘Ang pagpatay ay maaaring maging Kristiyano,’ sabi ng Romano Katolikong cardinal Giacomo Biffi. Sa isang pakikipanayam kamakailan sa mga Italyanong tumatanggi dahil sa budhi, sabi niya: “Kayo ay maaaring maging isang Kristiyano, pumatay, [at] makipagdigma kung iyan ay magliligtas ng ibang buhay,” gaya ng iniulat ng pahayagan sa Madrid na El País. Bagaman siya ay isang matatag na kalaban ng aborsiyon, iginiit niya na “ang kapayapaan at kawalang-karahasan ay hindi walang-takdang mga pamantayan” o “Kristiyanong mga pamantayan” pa nga. Sinabi ng prelado sa kaniyang nagtatakang mga tagapakinig na ang tumatanggi dahil sa budhi ay sa katotohanan “walang halaga” sapagkat ang kapayapaan “ay isang di-makasanlibutang pag-asa anupa’t magiging di-praktikal na asahan ito sa lupa.”

Mga Di-Judiong Nandarayuhan sa Israel

“Ating pinupuno ang Israel ng mga di-Judio,” reklamo ng minister sa pandarayuhan ng Israel, si Rabbi Yitzhak Peretz. Tinataya niya na 35 porsiyento ng 186,000 mandarayuhan mula sa Unyong Sobyet noong nakaraang taon, at mahigit pa sa 300,000 inaasahan sa taóng ito, ay sa katunayan mga Gentil, na makababawas sa pagiging Judio ng Estadong Judio. Sa isang pagdalaw kamakailan sa Moscow, ang rabbi ay nabigla nang makita niya ang maraming tao na nakasuot ng mga krus ng Kristiyano samantalang nag-aaplay na mandayuhan sa Israel. Sang-ayon sa Interior Minister Arye Deri, ginagamit ng maraming Gentil ang kanilang kakayahan na mandayuhan sa Israel (ang pagkamamamayan ay iniaalok sa mga kamag-anak ng Judio, at ang mga mandarayuhang Sobyet ay may mataas na bilang ng mga haluang pag-aasawa) upang takasan ang mga suliraning pangkabuhayan sa U.S.S.R. at upang makinabang sa $30,000 na gugugulin ng Israel upang bigyan ng tirahan ang bawat mandarayuhang Sobyet. Kapag naubos na ang tulong na salapi ng pamahalaan, inihuhula niya, sila ay aalis. “Kahit na ang mga tunay na Judiong Sobyet na dumarating sa Israel ay hindi na lahat gayon kadebotado,” sabi ng Newsweek. “Karamihan​—72 porsiyento, ayon sa isang surbey—​ay itinuturing ang kanilang sarili na sekular at hindi man lamang humihingi na paumanhin tungkol dito.”

Nakukubli ang Tanawin sa Lupa

Ang mga astronot na umiikot sa globo sakay ng space shuttle na Atlantis noong Agosto ay nag-ulat na isang makapal na ulap sa palibot ng lupa ang kumubli sa mga tanawin mula sa kalawakan. Inaakala nilang ito ay pinangyari kapuwa ng mga abo mula sa mga pagputok ng bulkan kamakailan sa Pilipinas at sa Hapón at dahil sa makapal na usok mula sa nasusunog na mga balon ng langis sa Kuwait. Sinabi ng mga astronot na may malaking pagkakaiba sa atmospera ng lupa kung ihahambing sa naunang mga paglipad. Habang siya’y tumitingin mula sa kalawakan sa mga apoy ng nasusunog na langis sa Kuwait, ang komandante ng paglipad na si Koronel John E. Blaha ay nagsabi: “Tunay na ito’y isang malungkot na tanawin.”

Bagong Uri na Nasumpungan

“Si Kathryn Fuller, presidente ng World Wildlife Fund, ay hindi na lumayo pa sa kaniyang tanggapan sa Washington, D.C. at nakakita ng mapusyaw na dilaw na langgam na napatunayang bago sa siyensiya,” sabi ng magasing National Geographic. Ang mga langgam, na naakit sa kaniyang mesa dahil sa mga mumo ng kaniyang pagkain, ay natunton sa isang halaman na nasa paso. Ang mga ispesimen ay ibinigay sa awtoridad tungkol sa mga langgam na si Edward O. Wilson ng Harvard University, na nasumpungang ang mga ito ay kabilang sa isang uri na tinatawag na Pheidole, at binabalak niyang panganlan ang bagong uri sa karangalan niya. “Kung makasusumpong kayo ng bagong uri sa isang tanggapan sa Washington,” sabi ni Fuller, “ang bilang ng mga uri na naroroon sa kalikasan na naghihintay na matuklasan ay tiyak na kagila-gilalas.”

Sa kabilang dako naman, isang bagong uri ng balyena ang natuklasan sa Karagatan sa Pasipiko sa may Peru​—ang una sa loob ng 28 taon. Ito ang pinakamaliit na miyembro ng pangkat na tinatawag na balyenang may tukâ. Ang may sapat na gulang na lalaking balyena ay sumusukat ng halos 4 na metro. Ito ay bihirang-bihirang makita anupa’t ang mga siyentipiko ay gumugol ng 15 taon upang masumpungan ang sapat na mga ispesimen upang patunayan ang bagong uri, ngayo’y tinatawag na Mesoplodon peruvianus. Ang balyena ay maliwanag na nabubuhay sa pagkain ng mga pusit. “Kung papaanong ang isang uri ng balyena, kahit na ang maliit na uri, ay hindi napansin sa loob ng mahabang panahon ay isang himala,” sabi ng The New York Times.

Namamatay ang Wikang Aramaiko

Ang Aramaiko ay maliwanag na isa sa mga wika na sinalita ni Jesu-Kristo nang siya ay narito sa lupa 2,000 taon na ang nakalipas. Ngayon ang “wika ng Panginoon” ay namamatay, ulat ng magasing Der Spiegel ng Hamburg, Alemanya. Bagaman ito’y sinasalita pa ng mga tao sa ilang liblib na mga nayon sa kabundukan ng Syria, ito ay unti-unting nadadaig ng Arabe habang ang kanilang mga kabataan ay nag-aaral at pumapasok sa paglilingkod sa militar. Upang malunasan ito, si Arsobispo François Abu Mukh ng Damascus, na galing sa isa sa mga nayong ito, ay nagsisikap na itatag ang nasusulat na anyo ng wika at ngayo’y nag-oorganisa ng mga klase sa Aramaiko sa mga taganayon.

Kapaki-pakinabang na Basura

“Ang Brazil ay nagtatapon ng US$596,146,869 taun-taon.” Ito ang halaga ng 32.8 milyong tonelada ng basura, sang-ayon kay João Tinoco Pereira Neto, coordinator ng Center of Biological Treatment of Organic Residues ng Federal University ng Viçosa, Minas Gerais. Tinataya niya na ‘2,200 milyong tonelada ng papel, plastik, salamin, at mga metal, bukod pa sa maraming damit, goma, balat, at troso na maaaring makuha pa.’ At ang pagreresiklo sa basura ay makapaglalaan ng “15 milyong tonelada ng organikong mga abono,” binabawasan ang mataas na halaga ng kemikal na mga abono. Gayunman, si Propesor Pereira ay sinipi na nagsabi sa Jornal da Tarde: “Nakasisirang-loob na malaman na ang iba’t ibang pakinabang ay maaaring makuha sa pamamagitan ng pagreresiklo sa basura at naghihinuha na ito ay hindi nakikita bilang isang mahalagang paglilingkod sa madla.”