Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Huwag Kang Gagawa ng Anumang Kahangalan, Kung Hindi’y Papatayin Kita”

“Huwag Kang Gagawa ng Anumang Kahangalan, Kung Hindi’y Papatayin Kita”

“Huwag Kang Gagawa ng Anumang Kahangalan, Kung Hindi’y Papatayin Kita”

Ang dulo ng baril ay nakapasok sa bukás na bintana ng kotse at nakatutok sa ulo ko.

Isang tinig ang nagsabi:

“Huwag kang tumingin sa akin, Ale. Buksan mo ang pinto. Lumipat ka sa upuan ng pasahero.” Ginawa ko ang sinabi sa akin. Ang lalaki ay naupo sa upuan ng tsuper, na ang baril ay nakatutok pa rin sa akin.

“May susi ka ba ng bangko?”

“Wala akong susi. Anumang minuto ay may darating na isa na magbubukas nito.”

“Huwag kang gagawa ng anumang kahangalan,” babala niya, “kung hindi’y papatayin kita.” Pinaandar niya ang kotse at kami’y umalis.

Hindi ito ang unang pagkakataon na naranasan ko ito. Ako’y isang teller sa isang sangay ng Trust Company Bank. Noong nakaraang Abril isang babae ang itinutok ang pitaka niya sa akin at sinabi: “May baril ito sa loob. Ibigay mo sa akin ang pera.” Gayon ang ginawa ko.

Pagkaraan ng ilang linggo, isang lalaki ang lumapit sa aking bintana. Kitang-kita ang kaniyang baril. “Ibigay mo sa akin ang pera.” Itinulak ko ang isang talaksan ng perang papel sa kaniya.

Hindi ko na kaya. Hiniling ko na ako’y ilipat sa ibang sangay. Ang aking kahilingan ay ipinagkaloob. Kaya ngayon, nang umagang ito ng Huwebes, Mayo 23, nakaupo ako sa aking kotse sa paradahan ng bagong sangay, ang sangay ng Peachtree Mall sa Columbus, Georgia. Hinihintay kong magbukas ito. Alas–8:25 noon. Karaniwang pumapasok ako ng mga ilang minutong maaga at binabasa ko ang teksto sa Bibliya para sa araw na iyon. Sa partikular na umagang ito, ito ay Mateo 6:13, na nagsasabing: “Iligtas mo kami sa masama.” Hindi ko ito natalos noon, ngunit ang tekstong iyon ay naging napakahalaga sa akin sa sumunod na dalawang araw.

Dalawang linggo pa lamang akong nagtatrabaho sa sangay na ito kaya’t hindi pa ako binibigyan ng susi. Ang salamin ng kotse ko ay nakababa nang bahagya, at pinag-iisipan ko ang tungkol sa teksto, na kababasa ko lamang, nang lumitaw ang dulo ng baril sa bintana. Dalawang beses noon, tinangay ng mga magnanakaw ang pera ng bangko. Sa pagkakataon ito ako ang tinangay.

Habang siya’y nagmamaneho, nagsimula akong manalangin nang malakas: “Oh Jehova, pakisuyong tulungan po ninyo ako!”

“Sino si Jehova?” tanong ng dumukot sa akin.

“Siya ang Diyos na sinasamba ko.”

“Huwag kang tumingin sa akin! Doon ka tumingin sa labas ng bintana mo! Jehova . . . iyan ang Watchtower, Saksi ni Jehova, hindi ba?”

“Oo.”

“Kilala ko sila nang nakatira ako sa Lungsod ng New York. Ako’y isang Katoliko mismo. Sa paano man, manalangin ka nang tahimik. Ayaw ko itong marinig.” Ngunit idinagdag niya: “Narito, hindi kita sasaktan. Pera ang habol ko, hindi ikaw. Huwag kang gagawa ng anumang kahangalan, at hindi ka masasaktan.”

Habang naglalakbay kami sakay ng kotse, tinatanong niya ako tungkol sa bangko. Sino ang magbubukas nito? Anong oras ito nagbubukas sa publiko? Gaano karaming pera mayroon ito? Maraming tanong tungkol sa bangko. Sinasagot ko ito sa pinakamainam na magagawa ko at kasabay nito ay nananalangin ako nang tahimik. Nagsusumamo ako kay Jehova na tulungan akong maligtasan ito.

Pagkaraan ng mga sampung minuto, tinungo niya ang isang baku-bakong daan patungo sa kakahuyan. Maliwanag na mayroon siyang kakatagpuin, sapagkat nagsimula siyang bumulung-bulong sa kaniyang sarili: “Nasaan siya? Nasaan siya?” Inihinto niya ang kotse at lumabas at pinadausos niya ako tungo sa upuan ng tsuper at palabas, na nakatalikod sa kaniya sa lahat ng panahon. Nakatutok ang baril sa aking tagiliran, inakay niya ako sa kaloob-looban ng kakahuyan, ang aking mata ay laging nakatingin sa lupa upang hindi ko siya makita. Napakahirap maglakad sa makapal na mga palumpon sa suot kong damit at mataas na takong ng sapatos. Inakay niya ako sa isang punungkahoy, pinaharap ako sa katawan ng kahoy, at nilagyan ng duct tape ang aking mga mata at bibig. Tinalian din niya ng tape ang aking mga kamay sa likod ko at saka itinali ako sa puno na itinatali ako ng tape sa katawan ng punungkahoy.

Nang sandaling ito ako ay nangangatog nang husto. Ipinag-utos niya sa akin na ihinto ito. Umungol ako na hindi ko magawa. “Bueno, basta pumirme ka. May nagbabantay sa iyo, at kung sisikapin mong makawala, papatayin ka niya.” Pagkasabi niyaon ay iniwan niya ako. Nagunita ko ang pang-araw-araw na teksto na nagsasabing, “Iligtas mo kami sa masama,” at naisip ko kung gaano kaangkop ito para sa akin sa pagkakataong ito.

Di-nagtagal ay nagbalik siya subalit dala niya ang ibang kotse​—makikilala ko ang kotse ko sa tunog ng makina nito. Maaaring ipinagpalit niya ito sa kaniyang kotse. Inalis niya ang tape sa palibot ng aking baywang at sa punungkahoy subalit hindi niya inalis ang tape sa aking mata at bibig, at ang aking pulsuhan ay nakatali pa rin ng tape sa aking likod. Inakay niya ako sa palumpon tungo sa kotse. Binuksan niya ang likod ng kotse (trunk), inilagay ako rito, isinara ito nang malakas, at pinatakbo ang kotse.

Nagsimula na naman akong manalangin. Wala akong ginawa kundi manalangin at humingi kay Jehova ng lakas na kailangan ko upang matiis ko kung ano man ang maaaring mangyari. Tumakbo kami marahil na 15 o 20 minuto bago siya huminto at binuksan ang likod ng kotse, inalis ang tape sa bibig ko, at tinanong ako kung ano ang numero ng telepono sa bangko. Ibinigay ko ito sa kaniya. Tinanong niya ako kung sino ang boss ko. Sinabi ko sa kaniya, at ibinalik niya ang tape sa bibig ko. Iyan ang pagkakataon na tinawagan niya ang bangko at humingi siya ng pera​—$150,000, napag-alaman ko nang dakong huli.

Sinabi niya kay George​—iyan ang pangalan ng opisyal na nasa bangko noong araw na iyon—​na dapat ay nasa partikular na telephone booth siya sa timog ng Atlanta sa ganap na ikadalawa ng hapon taglay ang salapi, kung saan tatanggap siya muli ng mga tagubilin. Ipinaalam niya sa akin ang mga pangyayaring ito at tiniyak niya sa akin na malapit na akong mapalaya. Gayunman, napakatagal pa ng alas dos, at ako’y nakakulong at nakatali sa loob ng likod ng kotse at tumitindi ang init. Mabagal na lumipas ang mga oras. Minsan o makalawa ay tiningnan niya ako upang alamin ang aking kalagayan. “Inaalagaan ka ng iyong Diyos na si Jehova,” sabi niya. Kaya natandaan niya ang panalangin ko kay Jehova noong umaga.

Naalaala ko ang aking pamilya. Alam kaya nila na ako’y nawawala? Kung alam nila, ano kaya ang reaksiyon nila? Higit akong nag-aalala sa kanila kaysa aking sarili. Inisip ko ang iba’t ibang kasulatan. Ang tungkol sa pangalan ni Jehova na ‘isang matibay na moog na tinatakbuhan ng matuwid at naliligtas.’ Gayundin ang ‘kung ikaw ay tatawag sa pangalan ni Jehova, ikaw ay maliligtas.’ At totoong ikinakapit ko ang payo ni apostol Pablo na “manalangin nang walang patid.” (Kawikaan 18:10; Roma 10:13; 1 Tesalonica 5:17) Karagdagan pa sa mga teksto sa Bibliya, ang mga salita at himig ng mga awiting Pangkaharian ay paulit-ulit sa aking isipan, gaya ng ‘Jehova, ikaw ang aking moog, ang aking lakas, at ang aking kapangyarihan’ at ‘Si Jehova ang aking kanlungan.’

Mula sa mga karanasang nabasa ko sa Ang Bantayan, naalaala ko na tinulungan ni Jehova ang iba na magtiis sa mga pagsubok. Isang karanasan sa Gumising! na naalaala ko ay tungkol sa isang Saksi, na ginawang bihag sa isang nakawan sa bangko. a Siya ay mahigpit na hinawakan sa leeg samantalang iwinawasiwas ng magnanakaw ang isang granada at pinagbabantaan siya. Ang kaniyang kakila-kilabot na karanasan ay nagpatuloy sa loob ng ilang oras; siya at ang magnanakaw ay nakulong sa loob, samantalang ang mga pulis ay nasa labas. Natiis din niya ang kaniyang kakila-kilabot na karanasan sa pamamagitan ng panalangin kay Jehova at pag-alaala ng mga kasulatan, at ang kaniyang tibay-loob ay ginantimpalaan sapagkat siya ay ligtas na naibalik sa kaniyang pamilya.

Sa wakas ay huminto ang kotse, at ang tsuper ay lumabas. Hindi ko makita ang aking relos, yamang ito ay nasa aking pulsuhan at nakatali ng tape sa likod ko, ngunit inaakala ko, tama naman, na alas dos na at na siya ay nakipagkita na kay George mula sa bangko. Umaasa akong malapit na akong palayain. Subalit hindi gayon ang nangyari. Maliwanag, ang kaniyang mga plano ay hindi tumakbo nang maayos, at muling tumakbo ang aming kotse.

Walang anu-ano’y bumilis ang makina, at ang kotse ay humagibis nang buong tulin! Hindi lamang siya tumatakbong napakabilis kundi palihis-lihis din na para bang umiiwas sa trapiko. Napapahagis ako sa likod ng kotse. Tumatalbug-talbog ang katawan ko sa sahig, ang aking ulo ay bumabangga sa magkabi-kabila ng likod ng kotse. Palibhasa’y nakatali ang aking mga kamay at braso sa likod, wala akong magawa upang suhayan ko ang aking sarili o sanggahin ko ang mga hampas, yamang ako ay inihahagis sa lahat ng dako. Nagpatuloy ito sa loob marahil ng sampung minuto, subalit wari bang mas matagal kaysa riyan.

Di-nagtagal pagkatapos nito ay huminto ang kotse, at binuksan niya ang likod ng kotse upang alamin ang kalagayan ko. Kitang-kita naman, ako ay naalog nang husto at nagdurusa sa hampas na tinanggap ko. Mabilis ang tibok ng aking puso at nahihirapan akong huminga. Ako’y basang-basa ng pawis at hindi ko man lamang mapahiran ito yamang ang aking mga kamay ay nakatali sa likod ko. Ang paghinga ay lalo pang mahirap yamang ang ilong ko lamang ang nakalabas sa pagitan ng tape sa aking mga mata at ng tape sa aking bibig. Inalis niyang sandali ang tape sa aking bibig upang ako’y makahinga at makapagsalita kung gusto ko.

Sinabi niya sa akin na namataan ng pulis ang kotse niya, marahil mula sa kanilang pagbabantay, at hinabol siya. Iyon ang dahilan kung bakit napakabilis ng pagpapatakbo niya at lumilihis upang huwag mabunggo ang ibang kotse. Naiwasan naman niya ang mga pulis. Ipinaliwanag niya na hindi pa niya nakukuha ang pera, subalit susubok naman siya ng ibang paraan, na ito ay medyo matatagalan, ngunit hindi ako dapat mag-alala. Tiniyak niya muli sa akin na hindi niya ako pisikal na sasaktan, na hindi ito ang kaniyang intensiyon. Kailangan niya ng pera, at ako ang susi upang makuha niya ito. Nang sabihin niya ito, napalagay ang isip ko, yamang nanalangin ako na kung sasaktan niya ako, tutulungan ako ni Jehova na kumilos sa tamang paraan.

Ang oras ay mabagal na lumipas. Huminto siya ng dalawang beses, marahil upang tumawag sa telepono o sinisikap na kunin ang pera. Noong minsang siya’y huminto, narinig kong nilalagyan niya ng gas ang tangke. Nakabaluktot ako nang husto kaya’t sinikap kong pumihit hangga’t magagawa ko at ito’y gumawa ng ingay. Agad niyang binuksan ang likod ng kotse at binabalaan ako na huwag akong gagawa ng anumang ingay. Nagtanong ako kung anong oras na kaya. Hindi niya sinabi sa akin, maliban noong unang pagkakataon, nang ito ay alas dos. Nalalaman ko na nasa Atlanta pa rin kami dahil naririnig ko ang paglipad at paglapag ng mga eruplano sa paliparan.

Pagkatapos, bubuksan niya ang likod ng kotse at sasabihin, ‘Isang oras pa. Isang oras pa at ika’y lalaya na.’ Ilang beses niyang sinabi iyan, hindi na ako naniniwala sa kaniya. Umaasa na lamang ako. Hindi lubhang mainit na araw sa labas, subalit sa loob ng likod ng kotse ito ay sarado at walang hangin at tumitindi ang init. Basang-basa ako ng pawis, at nahihirapan akong huminga. Nagsimula akong manalangin tungkol sa pagkabuhay-muli sapagkat hindi ko alam kung gaano katagal pa ako makahihinga.

Kung mamatay nga ako, umaasa akong tutulungan ni Jehova ang aking pamilya na makayanan nila ito. Ako’y nababahala sa aking pamilya gayundin sa aking sarili. Batid ko na kung mamatay ako, bubuhayin akong muli ni Jehova, at na muli kong makakasama ang aking pamilya sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan ng katuwiran. (Juan 5:28, 29; 2 Pedro 3:13) Ang aking mga alaala tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga pangako ay umalalay sa akin.

Muling binuksan ng tsuper ang likod ng kotse. Madilim​—ilang oras nang madilim. Gumawa siya ng higit na mga tawag sa telepono. Walang nangyari sa mga pagsisikap niya na makuha ang pantubos. Sinabi niya na pagod na siya sa kasusubok at na ibabalik na niya ako sa Columbus at palalayain. Nang makabalik na kami, patang-pata na ako. Basta ako nakahiga sa likod ng kotse at inisip kong magwakas na sana ang lahat ng ito. Ngunit pinalakas ko ang aking sarili at naisip ko, ‘Hindi, kailangang maging alisto ako. Kailangang manatili akong gising. Malapit na itong matapos. Sumuko na siya, at iuuwi na niya ako.’

Palalabasin niya ako sa aking kotse, subalit wala ito sa lugar na inaakala niyang naroon ito. Dinala niya ako sa isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, subalit nakasindi ang ilaw sa apartment na tinitirhan ng isa sa aming naglalakbay na kinatawan. “Hindi kita palalabasin sa lugar na may tao!” Gayunman, pinalabas niya ako mula sa likod ng kotse sa unang pagkakataon. May piring pa rin ang aking mata, ang aking mga kamay ay nakatali pa rin ng tape sa likod ko, subalit inalis niya ang tape sa bibig ko. Para bang ang gaang ng ulo ko at hindi ako halos makalakad​—manhid na manhid ang aking mga paa. Ibinalik niya ako sa likod ng kotse, dinala niya ako sa isang kalye, iniwan ako sa likod ng isang simbahan ng Baptist, at umalis. Ala–1:30 ng Biyernes ng umaga.

Nadama kong talagang magaang ang ulo ko, naupo ako, at nawalan ng malay. Ang huling bagay na natatandaan ko ay ang pagkarinig ko sa kotse niya na papaalis. Nang magkamalay ako, pagkalipas ng tatlong oras, ako’y nakahiga sa damuhan at putik. Inalis ko ang tape sa aking pulsuhan at inalis ko ito sa aking mga mata. Tiningnan ko ang aking relos. Mga 15 minuto pa bago mag alas-5. Nasa loob ako ng likod ng kotse sa loob ng 17 oras at walang malay sa lupa sa loob ng 3 oras. Sa mga paang nangangatog at manhid, lumakad ako sa kalye. Isang lalaki ang umaatras sa kaniyang driveway sakay ng kaniyang trak. Sinabi ko sa kaniya na ako’y kinidnap at kailangan kong tawagan ang aking pamilya at ang pulisya. Dumating ang mga pulis pagkalipas ng sampung minuto. Tapos na ito.

Ako’y dinala sa medical center upang suriin. Sa loob ng 20 oras wala akong ininom o kinain at walang mga pasilidad sa banyo, at ang huling tatlong oras lamang ang itinulog ko. Ang aking katawan ay pasâ, ang aking damit ay putikan, magulo ang buhok ko, marumi ang mukha ko at pumangit dahil sa mga marka ng tape. Subalit hindi nito sinira ang muling pagkikita namin ng aking asawa, si Brad, at ng aking nanay, si Glenda, gayundin ng maraming pang ibang mahal na mga kamag-anak at mga kaibigan na nagtipun-tipon doon upang salubungin ako. Ang kanilang kakila-kilabot na karanasan ng paghihintay at pag-aalala ay kakaiba sa akin subalit sa isang paraan marahil ay mas napakasakit.

Mula sa medical center, nagpunta ako sa istasyon ng pulis upang sagutin ang mga tanong at magbigay ng ulat ng mga pangyayari. Gaya ng iniulat sa Columbus Ledger-Enquirer, Mayo 25, 1991, sinabi ng pulisya na ang kidnaper, na ngayo’y nadakip na, ay “ipagsasakdal din ng panggagahasa at malubhang sodomiya na nangyari noong nakaraang dulo ng sanlinggo,” na nauna lamang sa pagkidnap niya sa akin. Iniulat din sa balitang ito ang paliwanag ng Hepe ng Pulis na si Wetherington sa kahilingan niya na alisin ito sa media: “Talagang nababahala kami sa buhay ni Lisa.” Lahat ng ito ay lalo pang kumumbinse sa akin na ang pagtitiwala ko kay Jehova ang nagligtas sa akin.

Umuwi ako ng bahay sa pinakamahusay na mainit na paligo sa buhay ko, sa mahimbing na pagtulog, at sa nakapagpapasigla-sa-pusong kaisipang ito ako ay nakatulog: Ang teksto noong araw na iyon sa Mateo 6:13 ay isang kaaliwan pa rin sa akin, at kasuwato ng Awit 146:7, naranasan ko ang ‘pagpapalaya pagkatapos magapos.’​—Gaya ng isinaysay ni Lisa Davenport.

[Talababa]

a Tingnan ang Gumising! ng Disyembre 8, 1990, pahina 17-19.

[Blurb sa pahina 17]

“Manalangin ka nang tahimik. Ayaw ko itong marinig”

Binuksan niya ang likod na kotse, inilagay ako rito, isinara ito nang malakas, at pinatakbo ang kotse

[Blurb sa pahina 17]

Tumatalbug-talbog ako sa sahig, ang ulo ko ay bumabangga sa magkabi-kabila ng likod ng kotse

[Blurb sa pahina 18]

Basta ako nahiga sa likod ng kotse at inisip ko na sana’y matapos na ang lahat

[Blurb sa pahina 20]

Nang magkamalay ako, pagkalipas ng tatlong oras, ako’y nakahiga sa damuhan at sa putik