Nangunguna sa Pag-opera na Walang Ginagamit na Dugo sa mga Saksi ni Jehova
Nangunguna sa Pag-opera na Walang Ginagamit na Dugo sa mga Saksi ni Jehova
ANG mga Saksi ni Jehova ay madalas na nalalagay sa paulong balita nitong nakaraang mga taon sapagkat hindi sila nagpapasalin ng dugo. Bagaman ang dahilan ng kanilang pagtanggi ay maka-Kasulatan, kinikilala rin nila ang pisikal na mga panganib. (Genesis 9:3, 4; Levitico 17:10-12; Gawa 15:28, 29) Ang kanilang paninindigan ay nagbunga ng mga alitan sa mga doktor, sa mga ospital, at sa mga hukuman. Ang mga Saksing may sapat na gulang ay hindi inopera sapagkat tumanggi silang pasalin ng dugo; ang kanilang mga anak ay pinilit na pasakop sa utos ng hukuman (court order).
Mayroon ngayong pagbabago ng katayuan tungkol sa pagsasalin ng dugo. Ang mga panustos na dugo ay kadalasang marumi. Ang mga sakit, ang ilan ay nakamamatay, ay naililipat sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo. Ang kasakiman ay naging isang salik yamang ang dugo ay naging malakas na negosyo at ang rutinang ito ay hinihimok—na nakadaragdag pa sa di-kinakailangang panganib sa pag-oopera. a Dahil dito at sa iba pang kadahilanan, marami bukod sa mga Saksi ni Jehova ang muling pinag-iisipan ang pagtanggap sa rutinang pagsasalin ng dugo.
Ang mga Saksi ni Jehova ay gumanap ng isang bahagi sa lahat ng ito. Libu-libo sa kanila ang inopera at sa maraming kaso ay mas mabilis na gumaling kaysa mga tao na sinalinan ng dugo. Ang karanasan ng mga Saksi ay nagpapakita na ang mga seruhano ay maaaring umopera nang kaunti lamang ang nawawalang dugo at na sa ilang kaso ang bilang ng dugo (blood count) ay maaaring mas mababa kaysa dating inaakalang ligtas na bilang. Bukod pa riyan, ipinakita ng kanilang mga kaso na maraming panghaliling paraan ang makukuha ngayon, sa gayo’y binabawasan ang gastos at inaalis ang panganib ng pagsasalin ng dugo. Ang kanilang mga tagumpay sa hukuman ay nagbalik din sa mga pasyente ng kanilang karapatan na tumanggap o tumanggi sa ilang medikal na pamamaraan.
Nagawa ng mga Saksi ni Jehova ang marami rito sa pakikipagtulungan sa mga doktor at sa mga ospital. Nitong nakalipas na mga taon sila ay nagtatag sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan ng isang departamento na tinatawag na Hospital Information Services (HIS). Ang mga kinatawan ng departamentong ito ay nagtutungo sa mga bansa sa maraming bahagi ng daigdig, na nagdaraos ng mga seminar sa ilan sa mga tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower at nagtatatag ng mga Hospital Liaison Committee na nakikipag-ugnayan sa mga ospital at sa mga doktor ayon sa pangangailangan. Samantalang sa mas malalaking tanggapang sangay, ang mga kinatawan ng HIS ay
nagtatatag din ng isang Hospital Information Services desk upang ipagpatuloy ang gawain pag-alis nila.Sinasanay ng mga seminar ang mga komiting ito upang makipag-usap sa mga doktor at sa mga tauhan sa ospital, ipinakikipag-usap ang angkop na mga kahalili sa pagsasalin ng dugo at ipinaliliwanag na ang meseselang mga kagalingan sa pag-oopera ay maaaring lubhang makabawas sa pagkaubos ng dugo. Sa wakas, ang dumadalaw na mga miyembro ng HIS ay nagbibigay ng aktuwal na pagsasanay sa mga bagong liaison committee sa pagsasama sa kanila sa pakikipag-usap sa mga doktor at sa mga administrador sa ospital.
Bilang pasimula, 18 seminar ang idinaos sa Estados Unidos. Pagkatapos niyan, apat ang idinaos sa dako ng Pasipiko, isa sa Australia, Hapón, Pilipinas, at Hawaii, pinaglilingkuran ang walong tanggapang sangay ng Watch Tower sa dakong iyon. b Noong Nobyembre at Disyembre 1990, tatlong miyembro ng HIS ay nagdaos ng karagdagang sampung seminar sa Europa, Latin Amerika, at sa Caribbean. Ang sumusunod ay report tungkol sa mga resulta ng mga seminar na iyon.
Ang lima ay ginanap sa Europa—isa sa Inglatera, Sweden, Pransiya, Alemanya, at Espanya. Ang limang seminar na ito ay naglingkod sa 20 sangay ng Samahang Watch Tower at nagsanay ng mahigit na 1,700 mga elder para sa gawain ng Hospital Liaison Committee.
Kinilala ng isang seruhanong Pranses na ang mga Saksi ni Jehova, sa pamamagitan ng kanilang matibay na paninindigan sa dugo, ay nakatulong sa propesyon ng medisina na gumawa ng pagsulong sa larangan ng pag-opera na walang ginagamit na dugo. Sinabi niya na walang ibang relihiyon ang gumagawa ng gayong pagsisikap upang tulungan ang mga miyembro nito na mapagtagumpayan ang mahihirap na isyung ito.
Ang pinakamodernong ospital sa Madrid, Espanya, ay galit na galit sa mga Saksi sa isyung ito. Isang Saksi na nangangailangan ng operasyon sa gulugod ang hindi ginamot sapagkat siya’y tumangging pasalin ng dugo. Nang siya’y tumangging umalis sa ospital, pinuwersa nilang paalisin siya sa pamamagitan ng pagkakait sa kaniya ng pagkain at inumin. Gayunman, ang mga miyembro ng HIS ay gumawa ng isang appointment at dalawang-oras na nakipagpulong sa medikal direktor at sa pinuno sa pag-oopera. Ang resulta? Sila’y sumang-ayon na isagawa ang operasyon at tinawagan nila ang pinaalis na Saksi na bumalik para sa operasyon.
Ang mga Saksi sa Italya ay nagbalik mula sa seminar at agad na nakaharap nila ang isang pagtatangkang sapilitang pagsasalin ng dugo sa isang sanggol na kulang sa buwan. Gaya ng sabi nila: “Taglay ang impormasyon na nakuha namin buhat sa seminar, napakalma namin ang kalagayan, at ang sanggol ay matagumpay na ginamot ng walang dugo.”
Sa Latin Amerika at sa Caribbean
Ang sumunod na limang seminar ay idinaos sa Mexico, Argentina, Brazil, Ecuador, at Puerto Rico. Tatlumpu’t dalawang mga sangay ng Samahang Watch Tower ang pinaglingkuran ng limang seminar na ito.
Ang direktor sa bangko ng dugo sa Lungsod ng Mexico ay nagsabi na ang mga Saksi ni Jehova ang nanguna sa pag-opera nang walang ginagamit na dugo at na ngayon mayroon nang sapat na kahusayan sa larangang ito anupa’t ang iba ay maaaring makinabang mula sa pangungunang mga pagsisikap na iyon. Tiningnan niya ang HIS na papel na naglilista ng panghaliling mga pamamaraan sa paggamot sa mga kaso ng pagdurugo. c Pagkatapos ay sinabi niya: ‘Nais kong gumawa ng mga kopya nito para sa mga bulletin board sa bawat ospital sa Lungsod ng Mexico. Hihilingin ko sa mga doktor na kopyahin ito para sa kanilang impormasyon. Pagkatapos, sa hinaharap, kapag tatawagan nila ang bangkong ito ng dugo para sa dugo, hihilingin muna namin sila na ilabas ang papel na ito, at saka namin sila tatanungin, “Ginamit ba ninyo ito? Sinubok ba ninyo iyon?” Kung hindi pa nila nasubok muna ang mga panghaliling ito, hindi sila makakukuha ng dugo sa amin hanggang hindi nila nagawa iyon!’
Ang direktor ng bangko ng dugo sa hilagang Argentina ay matulungin din. Sa dakong iyon, may patakaran na ang sinumang nagtutungo sa isang ospital na pinatatakbo ng Estado ay kailangang patiunang magsaayos para sa mga kamag-anak o mga kaibigan na magkaloob ng hindi kukulanging
dalawang yunit ng dugo o siya ay hindi gagamutin. Ang mga Saksi ay hindi makatugon at sila’y hindi inopera. Pagkatapos naming ipaliwanag ang aming taimtim na mga paniwala tungkol sa gamit ng dugo, isinaayos ng direktor na baguhin ang patakarang ito sa susunod na pagkakataong ito’y muling isulat. Samantala, ang mga Saksi na ipinakikita ang kanilang Advance Medical Directive card kapag pumapasok sa ospital ay hindi na hihilingang magkaloob ng dugo.Sa Ecuador may isang kilala at maimpluwensiyang seruhano na nakagawa na ng mahigit na 2,500 operasyon sa mga Saksi at di-Saksi nang hindi gumagamit ng dugo. Sinabi niya na balak niyang simulan ang isang kampaniya upang himukin ang pag-opera nang walang ginagamit na dugo sa bansang iyon dahil sa maraming panganib sa pasyente mula sa panustos ng dugo.
Kasunod ng seminar sa Ecuador, isang seruhano na dumalo sa presentasyon ay nagsabi: “Kung nagagawa ng mga taong ito ang mahusay na pananaliksik na ito sa medisina, may sinasabi ito tungkol sa kanilang pag-aaral ng Bibliya at nadarama ko na ang kanilang relihiyon ay karapat-dapat sa pagsisiyasat.”
Isang pagbabago ng saloobin ang nasumpungan sa Puerto Rico. Noon, ang mga Saksing may sapat na gulang ay kung minsan tinatalian at pinipilit na salinan ng dugo; ang ilan sa kanila ay namatay nang dakong huli. Ang mga kinatawan ng HIS ay nakipagkita kapuwa sa bise presidente at abugado ng Puerto Rico Hospital Association; ang huling banggit ay siya ring administrador ng ospital. Agad-agad pagkatapos ng pormal na mga pagpapakilala at bago magsimula ang presentasyon ng HIS, sinabi ng abugado na siya ay may sasabihin. Sa pagtataka ng mga Saksi, inilarawan niya ang tungkol sa plano na pagbutihin ang mga karapatan ng mga pasyente sa mga ospital ng kapuluan, at sinaklaw nito ang pangunahing mga punto ng presentasyon! Humingi rin siya ng pahintulot na kopyahin ang ilang impormasyon na naiwan sa kaniya; nais niyang isama ito sa isang artikulo na inihahanda para sa magasin ng samahan ng mga ospital.
Mga Resultang Nakamit sa Estados Unidos
Isang doktor—si James J. Riley, tagapamanihala sa departamento ng pag-oopera sa kaniyang ospital—ay gumawa ng mahalagang pangungusap sa lokal na liaison committee: “Kayo na mga tao, ayon sa aking pagkaunawa, ang nangunguna sa medikal at legal na impormasyon tungkol sa gamit ng dugo.”
Sa isang malaking ospital sa dako ng Washington, D.C., ang Hospital Liaison Committee ay nakipagkita sa isang grupo ng administrador at medikal na mga tauhan na nangako ng kanilang suporta at ipinahayag pa nga ang kanilang pagpapahalaga sa “ginagawa ng Watchtower na tulungan ang sarili nitong mga miyembro sa panahon ng pangangailangan sa pamamagitan ng isang kaayusang gaya nito.”
Ang pinuno ng isang departamento sa pangangalaga sa pasyente sa isang ospital sa Wisconsin ay nagsabi kung gaanong maling-mali ang impormasyon niya tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Pinalakas-loob niya ang Hospital Liaison Committee na “magpatuloy upang maihatid ang mensaheng ito sa lahat ng medikal na mga tagapaglaan.”
Ang isang bahagi ng gawain ng HIS ay ang magpadala sa pamamagitan ng koreo ng medikal at legal na mga impormasyon sa napiling mga doktor, ospital, at mga samahan ng mga ospital at medisina. Isang tugon buhat sa isang risk manager (isang administrador na legal na nangangalaga sa ospital at sa mga tauhan ng ospital) sa isang ospital sa Baltimore, Maryland, ay nagsasabi: “Salamat sa malawak na impormasyong ipinadala ninyo sa akin tungkol sa mga pagsasalin ng dugo at sa mga Saksi ni Jehova. Ang impormasyong ito ay magiging kapaki-pakinabang sa pagtulong sa aming ospital na baguhin ang aming mga patakaran tungkol sa paggamot sa mga Saksi ni Jehova.”
Sa Estados Unidos lamang, halos 10,000 doktor ang nasa talaan niyaong mga handang magsagawa ng pag-opera na walang ginagamit na dugo sa mga Saksi ni Jehova.
Sa gayon, sa pamamagitan ng 32 seminar na idinaos hanggang sa ngayon, mga liaison committee ay naitatag sa 62 tanggapang sangay upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Ang mga ito ay handa na ngayong tingnan ang kapakanan ng angaw-angaw na mga Saksi ni Jehova. Ipinahihiwatig ng mga resulta na pinagpapala nga ni Jehova ang mga pagsisikap ng HIS.
[Mga talababa]
a Para sa detalye, tingnan ang Gumising! ng Oktubre 22, 1990, pahina 2-15.
b Para sa report sa mga bansang ito, tingnan ang Gumising! ng Nobyembre 22, 1990, ang artikulong pinamagatang “Pagkakaroon ng Mabuting Ugnayan sa Pagitan ng mga Doktor at mga Pasyenteng Saksi.”
c Ang papel na ito ay nasa pahina 10 ng magasing ito.
[Kahon sa pahina 10]
Paghadlang at Pagsupil sa Pagdurugo Nang Walang Pagsasalin ng Dugo
1. Mga Aparato sa Pag-opera:
a. Electrocautery
b. Pag-opera sa pamamagitan ng laser
c. Argon beam coagulator
d. Gamma knife radiosurgery
2. Mga Pamamaraan at Aparato Upang Hanapin at Ihinto ang Pagdurugo sa Loob ng Katawan:
a. Endoscopy upang alamin kung saan ang pagdurugo sa loob ng katawan
b. Flexible suction coagulator electrode (Papp, J. P., JAMA, Nobyembre 1, 1976, pahina 2076-9)
c. Arterial embolization (JAMA, Nobyembre 18, 1974, pahina 952-3)
d. Controlled hypotension (hanggang sa maihinto ang pagdurugo)
e. Tissue adhesives (Dr. S. E. Silvas, MWN, Setyembre 5, 1977)
3. Mga Pamamaraan sa Pag-opera at Pag-anestisya:
a. Hypotensive anesthesia (pagpapababa sa presyon ng dugo)
b. Hypothermia (pagpapababa sa temperatura ng katawan)
c. Hemodilution sa panahon ng operasyon
d. Mga aparato na nagbabawas sa pagdurugo sa panahon ng operasyon, hal., “cell-saver”
e. Maseselang pagpapatigil sa pagdurugo at pamamaraan sa pag-opera
f. Pagdaragdag ng mga miyembro sa pangkat ng mga seruhano upang bawasan ang panahon ng operasyon
4. Mga Aparato sa Pagsubaybay:
a. Transcutaneous oxygen monitor
b. Oximeter
5. Mga Pandagdag sa Dami ng Dugo:
a. Crystalloids
(1) Ringer’s lactate (Eichner, E. R., Surgery Annual, Enero 1982, pahina 85-99)
(2) Normal saline
b. Colloids
(1) Dextran
(2) Gelatin (Howell, P. J., Anaesthesia, Enero 1987, pahina 44-8)
(3) Hetastarch
6. Kemikal na mga Pampaampat ng Dugo:
a. Avitene
b. Gelfoam
c. Oxycel
d. Surgicel
e. Marami pang iba
7. Mga Panlunas sa Mababang Hemoglobin:
a. Oksiheno
b. Hyperbaric oxygen chamber (Hart, G. B., JAMA, Mayo 20, 1974, pahina 1028-9)
c. Iron dextran (Dudrick, S. J., Archives of Surgery, Hunyo 1985, pahina 721-7)
d. Folic acid
e. Erythropoietin—pinasisigla ang utak sa buto na gumawa ng dugo
f. Anabolic steroids, hal., Decadurabolin o sintetikong hormone para sa paglaki
g. Bitamina B-12 na iniiniksiyon sa kalamnan
h. Bitamina C
i. Bitamina E (lalo na sa bagong panganak)
8. Panlabas na mga Hakbang:
a. Para sa pagdurugo:
(1) Diinan
(2) Bulsa de yelo
(3) Pagpupuwesto sa katawan
(hal., itaas ang nasugatang kamay upang pabagalin ang pagdurugo)
b. Para sa pagkatulala:
(1) Lagyang ng pressure cuffs sa paa
(2) Antishock na pantalon
(3) Pag-aangat ng dalawang paa upang panatilihin ang presyon ng dugo
9. Mga Gamot Para sa mga Pasyenteng May Problema sa Dugo:
a. DDAVP, desmopressin (Kobrinsky, N. L., Lancet, Mayo 26, 1984, pahina 1145-8)
b. E-aminocaproic acid (Schwartz, S. I., Contemporary Surgery, Mayo 1977, pahina 37-40)
c. Bitamina K
d. Bioflavonoids (Physician’s Desk Reference)
e. Carbazochrome salicylate
f. Tranexamic acid (Transfusion Medicine Topic Update, Mayo 1989)
g. Danazol
10. Iba Pang Punto:
a. Ang katamtamang pagbaba sa presyon ng dugo ng hanggang mga 90-100 mm ng Hg (hemoglobin) ay maaaring makatulong sa paghinto ng pagdurugo sa pamamagitan ng natural na pamumuo ng dugo sa naputol na arterya
b. Ang tuntunin ng pinakamababang 10g hemoglobin para sa operasyon ay walang mabisang siyentipikong patotoo
c. Ang mga pasyenteng inopera ay nakaligtas kahit na ang hemoglobin nila ay kasimbaba ng 1.8 (Anaesthesia, 1987, Tomo 42, pahina 44-8)
d. Ang mas mababang hemoglobin ay nagbubunga ng mas mabagal na paglapot ng dugo, sa gayo’y binabawasan ang dalahin ng puso at pinagbubuti ang pagdaloy ng himaymay at pagtustos ng oksiheno sa dugo