Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatagalan ng Pont du Gard ang Pagsubok ng Panahon

Natatagalan ng Pont du Gard ang Pagsubok ng Panahon

Natatagalan ng Pont du Gard ang Pagsubok ng Panahon

“MATAGAL na panahon pagkatapos na mamatay ang Imperyong Romano, ang kaniyang mga padaluyan ng tubig (aqueduct) ay nanatiling ginagamit at hinahangaan at nagsisilbing inspirasyon sa mga tagapagtayo ng sumunod na mga panahon,” paliwanag ng The New Encyclopædia Britannica. Ang Pont du Gard ay hindi kataliwasan sa tuntunin. Marahil ito ang pinakakilalang bakás ng Romano sa Pransiya.

Ang Romanong mga padaluyan ng tubig ay hindi karaniwang itinatayo bilang patubig sa mga bukid kundi upang maghatid ng tubig sa mga bayan. Ang mga bayang ito ay may mga paunten ng bayan, thermal baths, swimming pools, at mga lunas ng tubig; at ang ilan sa mas malalaking lungsod ay may sistema pa nga ng alkantarilya o imburnal. Oo, ang Romanong mga bayan at mga kolonya ay nangangailangan ng tubig​—at marami nito.

Tumataas ng halos 49 na metro sa ibabaw ng ilog Gard, ang Pont du Gard ay isang tulad-tulay na kayarian, ang pinakamataas na itinayo ng mga Romano na sumusuporta ng isang kanal ng tubig. Bagaman 275 metro ang haba, ito ay maliit na bahagi lamang ng buong padaluyan ng tubig. Ang buong haba ng padaluyan ng tubig ay sa katunayan 49 na kilometro. Ito ang ginamit upang tustusan ng tubig ang Romanong bayan ng Nîmes. Tulad ng iba pang kayariang Romano nang panahon ding iyon, ang padaluyan ng tubig ay tumagal na rin ng mga dantaon at nagpapatunay sa mataas na uri ng mga pamantayan sa trabaho ng mga Romano at sa kahusayan ng kanilang mga inhinyero. Ang pagkalaki-laking mga bloke ng batong apog, ang iba ay tumitimbang ng mga anim na tonelada, ay tinibag at tinapyas sa isang kalapit na tibagan ng bato sa Vers. Kawili-wili, walang ginamit na argamasa upang pagdugtungin ang mga bloke ng bato.

Ang pagtatayo ng anda-andanang mga arko ay kailangan sa ilang kadahilanan. Kapag naabot ng isang kayarian ang isang taas, kailangang gawin itong magaang, at ang hugis ng mga arko ay dinisenyo upang makamit ito. Ngunit kailangan ding tulayin ng Pont du Gard ang isang ilog. Upang malabanan ang malalakas na agos ng tubig, dinisenyo ng mga tagapagtayo ang tulay na may bahagyang kurbada.

Bagaman hindi pinahahalagahan ng lahat ng mga tagahanga ng tulay, ang ilang pagbabago sa kayarian ay nang maglaon isinagawa. Ang makapal na mga andana nito ay pinutol upang makatawid ang mga kariton na hinihila ng kabayo, at noong ika-18 siglo, ang kayarian ng unang palapag ay pinalapad. Pagkalipas ng isang siglo, isinagawa ni Emperador Napoleon III, isang conservationist bago pa ito naisip ng iba at interesado sa pag-iingat sa dakong iyon, ang kinakailangang gawain upang isauli ang tulay.

Mahigit na dalawang milyon katao ang dumadalaw rito sa bawat taon. Ang pagkalaki-laking interes na ito ay nagsapanganib sa Pont du Gard, at iba’t ibang proyekto ang isinasagawa upang ingatan ang lugar na ito. Kung ano man ang kinabukasan nito, ipinakikita ng tulay na ito na matatagalan ng trabahong mahusay ang pagkakagawa ang pagsubok ng panahon.