Nauna ang Bibliya sa Siyensiya sa Pakikipagbaka sa Sakit
Nauna ang Bibliya sa Siyensiya sa Pakikipagbaka sa Sakit
Kailanma’t nababanggit ang Bibliya ngayon, maraming taong walang kabatiran ang agad na pinawawalang-saysay ito na hindi sulit pag-ukulan ng kanilang pansin. Ayaw nilang buksan ang kanilang mga isipan upang tuklasin na libu-libong taon nang binanggit nito kung ano ang nalaman kamakailan o aalamin pa ng makabagong tao. Totoo ito may kaugnayan sa mga pangyayari sa daigdig, sa pamahalaan, astromoniya, kapaligiran, likas na kasaysayan, pisyolohiya, at saykolohiya. Totoo rin ito kung tungkol sa sakit.
ANG Bibliya ay isang aklat ng buhay. Walang ibang aklat o kalipunan ng literatura ang may gayon kalawak na pagkakapit sa napakaraming aspekto ng buhay. Ang mabuting kalusugan at buhay ay magkaugnay, kaya hindi kataka-taka na ang Bibliya ay naglalaman ng maraming simulain na nagpapatunay ng kaugnayan nito sa kalusugan. Binabanggit ng Bibliya ang maraming sakit, gaya ng ketong, almuranas, pamamanas, at sakit sa sikmura.—Deuteronomio 24:8; 28:27; Lucas 14:2; 1 Timoteo 5:23.
Ang Bibliya ay hindi pangunahing isinulat upang turuan tayo tungkol sa mga sakit ng katawan. Gayunman, ang impormasyon na ibinibigay nito ay siyentipikong wasto at kapaki-pakinabang na repasuhin. Ang katawan ng tao ay kasindak-sindak sa salmista noong una, at tungkol dito ay isinulat niya: “Sapagkat ikaw [Jehova] ang gumawa ng aking mga bato; iyo akong tinakpan sa bahay-bata ng aking ina. Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya ng nalalamang mabuti ng aking kaluluwa. Ang mga buto ko ay hindi nakubli sa iyo nang ako’y gawin sa lihim, nang ako’y yariin sa mga pinakamababang bahagi ng lupa. Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang napasulat ang lahat ng bahagi, tungkol sa mga araw nang mabuo ang mga ito at wala pa kahit anuman sa kanila.”—Awit 139:13-16.
Bagaman ang binhi ay natatakpan sa kadiliman ng bahay-bata, nakikita ni Jehova ang pagsibol nito at ang paglaki ng mga buto. Sa kaniya “ang kadiliman ay para na ring liwanag.” (Aw 139 Talatang 12) Walang maitatago kay Jehova. Sa medikal na pananalita, ang binhi ay natatakpan ng inunan mula sa ina kaya hindi ito tinatanggihan bilang isang naiibang katawan. Gayunman, ang katotohanang binabanggit ng awit na ito ay hindi pangmedisina kundi pang-espirituwal, yaon ay, nakikita ni Jehova ang lahat, kahit na sa kadiliman ng bahay-bata.
Mula sa sandali ng paglilihi, ‘lahat ng bahagi ng ating katawan ay napasulat’ sa genetikong kodigo sa napunlaang itlugan sa bahay-bata ng ina. Gayundin, ang pagsasaoras ‘sa mga araw nang mabuo ang mga ito,’ bawa’t isa’y sa kani-kaniyang tamang ayos, ay tinitiyak ng maraming biyolohikal na mga orasan na nakaprograma sa mga gene.
Hindi nalalaman ng salmistang si David ang lahat ng siyentipikong detalyeng ito, kundi si Jehova, na kumasi sa kaniya na isulat ang awit, ang nakaaalam, sapagkat Siya ang lumalang sa tao. Ikinakaila ng mga kritiko ang pagsulat nito ni David, subalit sila man ay kailangang magtakda ng panahon ng pagkakasulat ng awit na mga dantaon bago si Kristo.
Itinutuon ng Bibliya ang Pansin sa Pag-iingat
Nirerepaso ang mga kautusan ng Diyos na ibinigay sa Israel sa pamamagitan ni Moises 15 dantaon bago si Kristo, nakitang ang pangunahing pagdiriin ng Kautusang iyon kung tungkol sa kalusugan ay malinaw na nakatutok sa pag-iingat. Halimbawa, sa Deuteronomio 23:13, sinasabi nito: “At ikaw ay magkakaroon ng isang pala sa kasamahan ng iyong mga kasangkapan, at mangyayari na pagka ikaw ay palilikod sa labas, ay huhukay ka at ikaw ay babalik at tatabunan mo ang iyong dumi.” Ang kautusang ito tungkol sa pagtatabon ng dumi ay lubhang adelantadong pangontrang hakbang upang mag-ingat laban sa salmonellosis na dala ng langaw, disinterya na dala ng baktiryang shigella, tipus, at marami pang ibang disinterya na sumasawi pa rin ng libu-libong buhay ngayon sa mga dako kung saan hindi sinusunod ang simulaing iyon.
Ang Levitico kabanata 11 ay nagpapatunay na ang sakit ay maaaring ikalat ng insekto, ng daga, at, higit sa lahat, ng maruming tubig. Ang huling banggit ay nagpapatunay sa simulain na ang sakit ay pinangyayari ng mga maykroorganismo, ipinakikita na ang Bibliya ay nauna ng libu-libong taon kay Leeuwenhoek (1683) o kay Pasteur (ika-19 na siglo). Gayundin ang masasabi tungkol sa pagkukuwarentenas, na ipinag-utos sa Levitico kabanata 13 sa mga kaso ng ketong.
Kabilang sa ipinagbabawal na pagkain na nakatala sa Levitico 11:13-20 ang mga maninila, gaya ng mga agila, lawin, at mga kuwago, at mga hayop na kumakain ng mga bulok na bagay, gaya ng uwak at buwitre. Yamang naroon sa itaas na kawing ng pagkain, nakukuha nila ang maraming lason. Kinakain ng mga hayop sa gawing ibaba ng kawing ng pagkain ang mas kaunting lason, samantalang ang mga hayop na iyon sa itaas na kawing ng pagkain ay kinakain ang mas maraming lason. Ang Kautusang Mosaiko ay nagpapahintulot sa pagkain ng ilang hayop na kumakain ng pananim at wala sa kawing ng pagkain na may matapang na mga lason. Ang ilang ipinagbabawal na karne ay may mga parasito na gaya niyaong pinagmumulan ng bulati (trichinosis).
Ang pagbabawal ng Bibliya laban sa maling paggamit ng dugo, na kasali sa Kautusang Mosaiko sa ilang dako, ay napatunayan ngayon na magaling sa medikal na paraan pagkalipas ng 3,500 taon. (Genesis 9:4; Levitico 3:17; 7:26; 17:10-16; 19:26; Deuteronomio 12:16; 15:23) Ang pagbabawal ay inulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Gawa 15:20, 29 at Gawa 21:25. Sinisikap na bawasan o lubusang alisin ng medisina ang paggamit ng kaloob na dugo sa dayalisis ng bato, makinang bumubomba sa puso-bagà, at sa pag-oopera sa pangkalahatan. Ang hepatitis sa marami nitong anyo, AIDS, cytomegalovirus na impeksiyon, at marami pang ibang sakit na dala ng dugo ay nakatatakot na tagapagpaalaala sa mga nagmamarunong sa sanlibutan na winawalang-bahala ang mga kautusan ng Diyos.
Ang ehersisyo ay mahalaga sa mabuting kalusugan, at kinikilala ng Bibliya ang mga pakinabang nito. Ang aktibong ehersisyo tatlong beses sa isang linggo kahit na 20 minuto lamang sa isang sesyon ay maaaring bawasan ang mga panganib sa puso at sa sistema ng sirkulasyon ng dugo. Pinararami nito ang pananggalang na HDL na anyo ng kolesterol, pinabubuti ang iyong antas ng enerhiya, at nakadaragdag sa iyong pagkasunud-sunuran at diwa ng kagalingan. Ang Bibliya, bagaman kinikilala ang halaga ng ehersisyo, ay inilalagay ito na pangalawa sa mas mahalagang pag-unlad ng espirituwalidad: “Ang pagsasanay ng katawan ay mapapakinabangan nang kaunti; ngunit ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, sapagkat may pangako ng buhay ngayon at sa darating.”—1 Timoteo 4:8.
Ang moral na mga kautusan sa Bibliya ay pangunahin ng nagsisilbing proteksiyon laban sa mga sakit na naililipat ng pagtatalik, na walang alinlangang umiiral na noon gayunma’y hindi pa nakikilala o marahil ay hindi pa nga pinaghihinalaan ng mga iskolar sa loob ng mga dantaon.—Exodo 20:14; Roma 1:26, 27; 1 Corinto 6:9, 18; Galacia 5:19.
“Isang Walang Kamali-maling Siyentipikong Aklat”
Si Hippocrates ay isang Griegong manggagamot noong ikalima at ikaapat na siglo B.C.E. na nakilala bilang “ang ama ng medisina,” subalit ang marami sa mga sakit na sinasabi ng Bibliya ay isinulat ni Moises, halos isang libong taon bago niyan. Gayunman, mahalaga, inilathala ng The AMA News ang isang liham mula sa isang doktor na nagsasabi: “Ang may kabatirang mga mananaliksik sa medisina na ngayo’y gumagawa ng pinakamagaling na pananaliksik ay dumarating sa konklusyon na ang Bibliya ay walang kamali-maling siyentipikong aklat. . . . Ang mga katotohanan tungkol sa buhay, rikonosi, paggamot, at pangontrang medisina na ibinibigay sa Bibliya ay mas nauna at maaasahan kaysa mga teoriya ni Hippocrates, na ang marami ay hindi pa napatutunayan, at ang ilan ay nasumpungang lubhang hindi tama.”
Si Dr. A. Rendle Short sa kaniyang aklat na The Bible and Modern Medicine, pagkatapos banggitin na ang mga kautusan sa sanitasyon sa gitna ng mga bansa na nakapaligid sa sinaunang Israel ay napakasimple kung umiral man ang mga ito, ay nagsabi: “Higit na kataka-taka nga na sa isang
aklat na gaya ng Bibliya, na sinasabing hindi makasiyentipiko, ay mayroon pa ngang kodigong pansanitasyon, at nakapagtataka rin na ang isang bansang kalalaya pa lamang sa pagkaalipin, madalas nagagapi ng mga kaaway at nadadalang bihag sa pana-panahon, ay may matalino at makatuwirang kodigo ng mga tuntunin sa kalusugan sa mga aklat ng kautusan nito.”Saykosomatikong mga Problema
Ang Bibliya ay napatunayang adelantado sa medikal na paraan sa pagkilala nito sa kaugnayan ng saykosomatikong mga problema sa ilang karamdaman sa kalusugan bago pa ito tinanggap sa larangan ng medisina. Bukod pa riyan, ang paliwanag ng Bibliya sa bahaging ginagampanan ng isip sa pagkakaroon ng pisikal na karamdaman ay nananatiling isang huwaran ng maliwanag na pagkaunawa. Ang Kawikaan 17:22 ay nagsasabi: “Ang masayang puso ay mabuting kagamutan, ngunit ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto.” Pansinin na walang paghatol dito, pagsasaysay lamang ng katotohanan. Walang pagpapayo na sabihan ang taong nagapi ng malungkot na mga kaisipan at damdamin na tigilan niya ang panlulumo, para bang gayon kasimple.
Ang isang positibong saloobin ay nakatutulong; ang pag-aalala ay negatibo at nakapipinsala. “Ang kabigatan sa puso ng tao ay nagpapahukot, ngunit ang mabuting salita ay nagpapasaya.” (Kawikaan 12:25) Ang Kaw kabanata 18, talatang 14, ng Kawikaan ay karapat-dapat na pag-isipan: “Aalalayan ng diwa ng tao ang kaniyang sakit; ngunit ang bagbag na diwa, sinong makababata nito?” Iminumungkahi ng kasulatang ito na ang kakayahan ng isa na mabata ang pisikal na sakit (karamdaman) ay maaaring matulungan ng pagtanggap ng alalay mula sa espirituwal na lakas ng isa.
Ganito ang sinabi ni James T. Fisher, isang saykayatris, tungkol sa saykolohikal na pamantayan sa Sermon sa Bundok ni Jesus: “Kung kukunin mo ang kabuuang bilang ng lahat ng opisyal na mga artikulo na kailanma’y isinulat ng pinakakuwalipikadong mga sikologo at saykayatris sa paksang may kaugnayan sa kalusugang pangkaisipan (mental hygiene)—kung pagsasamahin mo ito, at dadalisayin ito, at sisibakin ang sobrang pagkamaligoy—kung kukunin mo ang lahat ng mahalagang impormasyon at hindi ang maligoy na pananalita, at kung kukunin mo ang walang-halong mga piraso ng dalisay na siyentipikong kaalaman na tamang-tamang ipinahayag ng pinakamagaling na nabubuhay na makata, magkakaroon ka ng hindi akma at hindi kompletong pagbubuod ng Sermon sa Bundok. At ito’y kulang na kulang kung ihahambing sa Sermon sa Bundok.”—A Few Buttons Missing, pahina 273.
Maaaring impluwensiyahan ng saykosomatikong mga damdamin ang kalagayan ng ating katawan, subalit sa ganang sarili ay hindi ito nangangahulugan na walang aktuwal na karamdaman ang katawan. Mahalaga kung gayon na sikaping tugunan muna ang pisikal na mga pangangailangan at sa paano man ay kilalanin ang karamdaman, kasabay nito ay himukin ang positibong kaisipan at diwa, na tutulong sa isang tao na magtiis. Ito ay lalo nang mahalaga kapag walang tiyak na paggamot na makukuha sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.
Pagkatapos magkasala ni Adan, ang kamatayan ay naging isang genetikong katotohanan para sa lahat ng sangkatauhan. (Roma 5:12) Kaya nga, karaniwan nang hindi angkop na ipagpalagay ang espisipikong sakit ng isa sa kaniyang espirituwal na katayuan. Mahalagang tandaan ito kapag nakikitungo sa mga problema ng mga indibiduwal na nasa mahinang emosyonal na katayuan.
Ang Papel ng Manggagamot
Paano dapat makitungo ang mga Kristiyano sa mga manggagamot at sa makabagong panggagamot? Sa pagsusuri sa Bibliya, wala tayong masusumpungang saligan sa Kasulatan sa paglalagay sa mga manggagamot sa pedestal o sa pag-asa sa medikal na teknolohiya bilang ang pangwakas na pag-asa para sa mabuting kalusugan. Bagkus, ang kabaligtaran ang totoo. Sinasabi sa atin ni Marcos ang tungkol sa “isang babae na inaagasan ng dugo” sa loob ng maraming taon na “pinahirapan ng maraming bagay ng mga manggagamot at nagugol niya ang lahat niyang tinatangkilik at hindi gumaling kundi, bagkus, siya’y lumulubha pa.” (Marcos 5:25-29) Bagaman ang karaniwang sakit na ito ay kadalasang matagumpay na nagagamot ngayon, maraming sakit ang nananatiling hindi napagagaling, at maraming bagong hindi napagagaling na sakit ang patuloy na natutuklasan.
Gayunman, hindi itinataguyod ng Bibliya angColosas 4:14, ang paglalarawan kay Lucas bilang “ang minamahal” na manggagamot ay tiyak na tumutukoy sa kaniyang espirituwal na mga kuwalipikasyon kaysa kaniyang medikal na mga kakayahan. Gayumpaman, ang pribilehiyong tinamasa niya sa pagsulat ng bahagi ng Banal na Kasulatan sa ilalim ng pagkasi ay malamang na hindi ipagkakaloob sa isa na ang panggagamot ay hindi etikal o hindi makakasulatan.
kabilang pangmalas ng ilan na ipinalalagay na ang tradisyunal na panggagamot ay may kaunti o walang halaga. Inaalis ng iba ang doktor sa pedestal at inihahalili ang kanilang sarili o ang iba pang hindi medikal na pamamaraan na maaaring uso sa kasalukuyan. SaMay katibayan na nagpapahiwatig na si Lucas ay nagsagawa ng panggagamot na makabago noong panahon niya, ginagamit ang mga terminolohiya at medikal na paglalarawan na nagpapakita ng impluwensiya ni Hippocrates. Bagaman hindi laging tama si Hippocrates, sinikap niyang ipakilala ang lohika sa panggagamot at tinuligsa niya ang pamahiin at ang huwad na relihiyosong teoriya sa medisina. At, ang simpleng ilustrasyon ni Jesus sa Lucas 5:31, “Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit,” ay magkakaroon ng kaunting kabuluhan kung hindi tinatanggap na yaong may medikal na karanasan ay mahalaga sa paggagamot sa mga karamdaman.
Wala namang saligan sa Kasulatan sa pagkuha ng sukdulang palagay na hatulan ang paggamit ng mga antibayotiko, antiseptiko, o mga pamatay-kirot (analgesic) kapag ang pangangailangan para sa kanilang gamit ay ipinahihiwatig. Inilalarawan ng Jeremias 46:11 at 51:8 ang isang balsamo sa Gilead na maaaring pumapawi ng kirot na gaya ng mga katangian ng pamatay-kirot at isa ring antiseptiko. Walang maka-Kasulatan o doktrinal na katayuan laban sa pag-inom ng mga medisina.
Gayunman, hindi kaya ng napakaraming antibayotiko ang patuloy na paglantad sa nakahahawang sakit na dala ng mga langaw, lamok, at mga susô—ang numero unong sanhi ng kamatayan sa buong daigdig. Ang mga manggagawa sa kalusugan ay kailangang bumalik at magsimula sa pangunahing mga simulain ng Bibliya tungkol sa maingat na pagtatapon ng dumi ng imburnal, pangangalaga sa panustos na tubig, pagsupil sa mga insektong tagapagdala ng sakit, at pag-iingat na mahawa sa mga taong maysakit at sa pagsubo ng kamay-sa-bibig. Nito lamang mga taon ng 1970, ang mga nars at mga doktor ay paulit-ulit na pinaalalahanan ng mga karatulang nakapaskil sa mga lababo ng ospital at sa ibabaw ng mga kama ng mga pasyente na kababasahan ng: “Maghugas ng Kamay”—ang numero unong paraan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Isang Salita ng Pag-iingat
Yaong nagbibigay ng payong pangkalusugan—sila man ay isang manggagamot, isang chiropractor, isang homeopath, o isang kaibigan na may mabuting intensiyon ngunit marahil ay walang kabatiran—ay may malaking pananagutan kailanma’t sila’y nagpapayo sa isa na may sakit. Totoo ito lalo na kung ang payo na kanilang ibinibigay ay nakapipinsala o nakaliligaw, may kinikilingan, o inaantala ang tulong na kadalasang mabisa sa taong may sakit. May mga sapat na babala sa Bibliya sa mga manggagamot gayundin sa mga pasyente na mag-ingat laban sa pangkukulam at espiritismo sa kung ano ang maaaring isang desperadong personal na paghahanap ng tulong. Tandaan ang Kawikaan 14:15: “Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang bawat salita, ngunit isinasaalang-alang na mabuti ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”
Ang mga simulain bang nakabalangkas sa Banal na Kasulatan ay praktikal para sa pagpapanatili ng kalusugan ngayon? Kung paano ang pangunahing pokus ng Kautusang Mosaiko ay ang pag-iingat, kaya ngayon, ang pag-iingat na pamamaraan sa pangangalaga sa kalusugan ay mas mahalaga kaysa yaong pangunahin nang salig sa paggamot. Ang makabagong leksiyon ng World Health Organization sa pagsisikap na ipatupad ang modernong paggagamot na pangkalusugan sa mahihirap na bansa ay ito: “Ang kaunting pag-iingat ay mas maigi kaysa maraming paggamot.”
Bilang konklusyon, ang isang Kristiyano ay dapat na magkaroon ng isang may paggalang, pangmatagalang pangmalas sa kalusugan taglay ang tunguhing gamitin ang mabuting kalusugan sa ikaluluwalhati ng Diyos sa ikasusulong ng maligayang gawaing pang-Kaharian. At sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, ang pangako ay: “Walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit.’”—Isaias 33:24.
[Larawan sa pahina 4]
“Ang mga buto ko ay hindi nakubli sa iyo nang ako’y gawin sa lihim”