Okavango—Paraisong Disyerto ng Aprika
Okavango—Paraisong Disyerto ng Aprika
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog Aprika
ANG bilog ng liwanag na likha ng lamparang gasolina ay kaunting ginhawa habang ang kawan ng mga elepante ay marahang kumikilos sa kadiliman sa paligid namin. Ang kanilang malalim na mga buntong-hininga at kaluskos ng mga sangay ay nagpapahiwatig ng kanilang pagkanaroroon. Habang lumalalim ng gabi sa tahimik na Aprika, batid namin na mahigit sa isang pares ng mga mata ang nagmamasid sa amin.
Ang Disyerto
Ang aming kotse ay nabaon sa putik sa Wawa ng Okavango—isang pambihirang matubig na lugar na biglang nagsisimula at bigla ring nagwawakas, sa pagkalawak-lawak na buhangin ng Disyerto ng Kalahari sa gawing hilaga ng Botswana. Bagaman kasinlaki ng Hilagang Ireland, ang wawa ay napakaliit sa 260,000 kilometro kudrado ng walang daan, tahimik na Kalahari. Pagkalisan sa hangganan ng Timog Aprika, napakahirap ng biyahe namin sa 600 kilometro ng masukal, madamong lupa, at salt pan sa takbong 20 kilometro por ora. Tanging isang aandap-andap na malikmata ang madayang nagsasayaw sa abot-tanaw.
Noong ikaapat na araw, isang kapansin-pansing katangian ang lumilitaw. Ang langit ay nagsimulang
maging bughaw sa kaningningan. Sa dako pa roon ay may tubig. Maraming tubig! Isang latian na umaabot na parang mga daliri ng isang kamay ng higante upang gawing isang luntiang hardin ang tuyong disyerto. Nanggagaling sa paltok ng sentral Angola, ang Ilog Okavango ay paliku-liko sa isang libo’t anim na raang kilometro ng Aprika, sa paghahanap ng isang karagatan. Subalit bigo, sapagkat ang ilog ay namamatay sa kalawakan ng disyerto ng Kalahari. Gayunman, bago ito lubusang mamatay, ang matandang ilog ay nagbibigay buhay sa isang pambihirang sistema ng ekolohiya.Ang Wawa
Sa kaguluhan, ang tubig ay tumatapon sa mabuhanging sahig upang mag-anyong animo’y tirintas na mga kanal, hugis-gasuklay na mga lawa, at mga daanan ng tubig na nababakuran ng mga papiro. Ang mga punungkahoy at mga halaman na pagkarami-raming hugis at kulay ang nakatawag na aming pansin. Ang palmang garing, ligaw ng igos, ebano, at mga sausage tree ang nasa gilid ng wawa. Ang matataas na talahib, mga water lily, at mga bulaklak na kulay magenta (muradong pula) ay nagkakalat ng nasalang liwanag sa isang umaga ng taglamig. Subalit Aprika pa rin ito, at hindi magtatagal ay madarama mo ang nakapapasong init ng araw. Kasiya-siyang ginhawa ang masusumpungan sa panlalawigang tagni-tagning kagubatan ng matataas na punong mopani. Ang mga punungkahoy na ito mismo ang gumagawang posible na bagtasin ang iláng na ito, sapagkat ang umuugoy, lumalangitngit na mga tulay na yari sa punong mopani ang tanging kawing namin sa daigdig sa labas.
Mga Maninirahan sa Wawa
Ang kahanga-hangang pagkasarisari ng mga maninirahan sa wawa ay nakaakit sa amin. Pagkatapos ng baog na disyerto, para bang may masayang espiritu sa himpapawid habang ang lahat ng mga nilikha ay naglululundag at naglulublob na hindi pinag-iintindi ang bukas. Matataba dahil sa dami ng pagkain, 30 hipopotamos ang nakatingin sa amin na may luhaang mata. Ang kanilang maikli, malalim na mga singhal ay nagbababala sa amin na huwag manghimasok sa kanilang Epicureong istilo ng buhay. Isang kawan ng mahigit na isang daang elepante ang sumipa ng napakaraming alabok anupa’t ang nagsasayaw na silahis ng liwanag ay para bang nagmalikmata sa amin.
Sa bilang ng mga hayop, ang Wawa ng Okavango ay lubhang kagila-gilalas. Dalawampung libong kalabaw, sa mga kawan na bumibilang ng hanggang 200, ang kontentong nanginginain sa madamong gilid. Paminsan-minsan ang katahimikan ay binabasag ng mga maninila—leon, leopardo, hyena, asong gubat. Ang pagkabasag sa katahimikan ay karaniwang panandalian lamang, at maaga sa umaga, tanging ang aali-aligid na mga buwitre ang nagpapahiwatig sa iyo na may isang hayop na napatay roon nang nagligad na gabi.
Malalaking kuyog ng mga anay ang nagtutulak sa mga lupa ng wawa tungo sa mga bunton na palaki nang palaki. Kapag tumaas ang tubig ng Okavango, ang mga punsong ito ay nagiging matabang lupang mga isla. Ang iba’t ibang uri ng antelope ay nakasusumpong ng kanlungan ng mapayapang katiwasayan sa nakakalat na mga islang ito ng wawa—sassaby, wildebeest, kudu, lechwe, roan, at ang pambihirang sitatunga. Ang mahiyaing antelope na ito ay nabubuhay na nagtatago sa mga tambo at bihirang makipagsapalaran sa labas. Anumang pahiwatig ng panganib at bababa siya sa tubig, na ang ilong niya lamang ang nakalitaw para sa hangin.
Tubig—nagbibigay-buhay na tubig! Ang Wawa ng Okavango ay hindi isang maligamgam na latian. Ang manggagalugad at misyonero-doktor na si David Livingstone, na nagtungo sa dakong ito noong 1849, ay bumulalas: “Narating namin ang isang malaking sapa . . . Nagtanong ako kung saan ito galing. ‘Oh, mula sa isang bansa na puno ng ilog . . . ’ Nasumpungan naming ang tubig ay napakalinaw, malamig at madulas . . . anupa’t naisip namin ang natutunaw na niyebe”! Maraming tilapia at tiger fish at naglalaan ng pagkain para sa mga naninirahan sa mga wawa sa Aprika.
Walang gaanong pagbabago sa nakalipas na mga taon, at para bang ang pagkanaroroon ng tsetse fly at lamok ay nagtagumpay upang huwag sirain ng makabagong tao ang paraisong ito ng buhay-ilang. Ang mga taong-gubat (Bushmen) ang dating tunay na mga may-ari ng Okavango. Nang maglaon ay sumama sa kanila ang mga taong baYei. Ngayon ay maaaring makita mo pa rin ang dalubhasang mga taong mamamangkang ito na itinutulak ng tikin ang kanilang mekoro (mga bangka) paglubog ng araw. May matandang kasabihan sa gitna nila: “Siyang nagtutulak ng kaniyang tikin nang malalim ay nananatiling kasama nito”! Pagtingin mo muli, naglaho na sila sa kahabaan ng lihim ng mga kanal na lumalagos sa mga tambo.
Ang Okavango ay paraiso rin ng mga mahilig sa ibon. Daan-daang mga uri ng ibon ang naninirahan sa wawa ng hindi kukulanging isang bahagi ng taon. Sa gabi isang matining na panangis ang maaaring umakay sa iyo sa pambihirang mangingisdang kuwago ng Pel, na nangingisda sa gabi. Sa araw ang tumatagos, mataginting na sigaw ng agila ay sumasaliw sa huni ng mga kalaw. May mga bulilit na gansa, Goliat na tagak, sacred ibis, at maayos ang bihis na mga lily trotter. Walang katapusang pagkasarisari. Mula sa matataas na dako, ang mukhang nagbabanal-banalang marabou storks sa kanilang kasuotan na animo’y nagsasaayos ng libing ay waring nandidilat ang mata sa hindi pagsang-ayon sa mga kasayahang nangyayari.
Ipinababanaag ng tubig ang lumulubog na araw sa Aprika na para bang ito’y likidong apoy, marahang dinadala ang isa pang araw sa paraisong disyertong ito sa kapahingahan. Mula sa mga lawa, ang masayang musika ng kalimba (Aprikanong piyano) ay pumapailanglang sa simoy ng hangin. Ang mga zebra, giraffe, at elepante ay dumarating mula sa mga damuhan upang pawiin ang kanilang uhaw na magkakatabi.
Gaano Katagal Ito Tatagal?
Ang alabok at pawis ay umagos na parang putik sa aming mga katawan habang pinagsisikapan naming palitan ang ehe ng aming Land-Rover. Ang buhangin na kasimpino ng pulbos ay pumasok sa mga gulong hanggang sa rim nito. Kaya naputol ang ehe. Sa kasiya-siyang tunog, ang bagong ehe ay lumagay sa puwesto.
Dahil sa pagkaapurahan ng aming atas, ang pumapaligid na mga elepante ay hindi kami ginambala, ni sila man ay waring natakot. Naisip namin ang panahon kapag ang tao at ang hayop ay muling iiral sa ganap na pagkakasuwato. (Genesis 2:19; Isaias 11:6-9) Ang ikinalulungkot nga lang namin ay na sandali na lamang at kami’y magsisimula na sa mahaba, maalikabok na paglalakbay pauwi.
Gayunman, gaya ng iba pang magagandang tanawin sa lupa, may lumalagong pagkabahala tungkol sa epekto ng tao at ng kaniyang modernong mga pamamaraan sa pangangaso. “Taun-taon,” sulat ni Creina Bond sa aklat na Okavango—Sea of Land, Land of Water, “8,000 hayop ang pinapatay sa Wawa ng 1,300 pantribo at 200 panlibangang mga mangangaso.” Karagdagan pa, ang ibang mga tao ay nangangarap na ilihis ang mga tubig ng Okavango para sa gamit ng tao.
Anuman ang gawin ng tao, nakatitiyak tayo na tutuparin ng Maylikha ng kahanga-hangang bagay na ito ang kaniyang layunin sa buong lupa na gagawing isang paraiso. Sa panahong iyon, ang pang-akit nito ay higit pa, sapagkat “ang disyerto ay sasaya at mamumulaklak na gaya ng rosa. At ang tigang na lupa ay magiging lawa, at ang uhaw na lupa ay mga bukal ng tubig.”—Isaias 35:1, 7.
[Mapa/Mga larawan sa pahina 24, 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ANGOLA
ZAMBIA
ZIMBABWE
NAMIBIA
BOTSWANA
SOUTH AFRICA
ATLANTIC OCEAN
INDIAN OCEAN