Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Bunga ng Cold War
Sa kabila ng wakas ng Cold War, ang pangglobong gastos militar noong 1990 ay lumampas pa rin ng $900 bilyon at sa tunay na mga termino ay mahigit na 60 porsiyentong mas mataas sa katamtamang taunang salaping panggugol noong 1970’s, sang-ayon sa bagong pag-aaral ng World Priorities, isang pangkat ng mananaliksik sa Washington, D.C. Natuklasan din ng taunang report na World Military and Social Expenditures 1991 na sa mga nasawi sa digmaan sa buong daigdig, ang katumbasan ng kamatayan ng mga sibilyan ay tumaas tungo sa 74 porsiyento noong 1980’s at kasintaas ng 90 porsiyento noong 1990. Ipinalalagay ng awtor ng report, si Ruth Leger Sivard, isang ekonomista, ang pagtaas na ito ng mga kamatayang sibilyan ay dala ng higit at higit na nakamamatay na mga sandata. “Ang tinatawag na karaniwang mga sandata ngayon ay halos katulad ng maliliit na sandatang nuklear sa mapangwasak na lakas nito,” aniya. Nasumpungan din ng pag-aaral na ang mga hukbong sandatahan ng daigdig ang kaisa-isang pinakamalakas na tagapagparumi sa lupa; sa Estados Unidos sila ay gumagawa ng mas maraming lason taun-taon kaysa limang pinakamalalaking kompaniya ng kemikal na pinagsama.
Kamatayan Dahil sa Aborsiyon
“Hanggang 10,000 mga babae ang namamatay sa Nigeria dahil sa aborsiyon taun-taon at 200,000 [ang] naoospital dahil sa mga komplikasyon,” ulat ng Sunday Concord ng Nigeria. Marahil kasindami ng mga 20 porsiyento ng mga kasong ito ay kinasasangkutan ng mga tinedyer. Si Dr. Uche Azie, isang patnugot ng Family Planning International Assistance, ay iniulat na nagsasabing “tinangka ng marami na magpalaglag sa ganang sarili nila.” Binanggit niya na ang kawalang-alam tungkol sa seksuwal na mga bagay ang may malaking pananagutan sa mga pagdadalang-tao na humahantong sa aborsiyon.
Isang Buwang Walang Kotse
Bilang tugon sa isang kahilingan ng mga sosyologo, anim na pamilya sa Bremen, Alemanya, ang nagboluntaryong hindi gagamitin ang kanilang mga kotse sa loob ng isang buwan. Naglalakbay sa ibang mga paraan, inilista nila ang kanilang araw-araw na mga karanasan. “Ibinubukod ng kotse sa kapaligiran ang gumagamit nito” paliwanag ng lider ng proyekto na si Propesor Krämer-Badoni sa Süddeutsche Zeitung. “Basta gusto mong makarating agad sa isang lugar hangga’t maaari.” Subalit kung ikaw ay naglalakbay sakay ng bus o bisikleta o naglalakad, ang isa ay mas may kabatiran sa kapaligiran, pinapansin ang kaakit-akit na mga gusali o nagsisimula ng mga pag-uusap. “Ang mga paglalakbay ay naging mahalaga sa ganang sarili,” sabi ng propesor. Kasunod ng eksperimento, ipinagbili ng limang pamilya ang kanilang kotse.
Pagkasugapa sa Bulkan
Nang sumabog ang bulkan ng Bundok Unzen sa gawing timog ng Hapón maaga nang taóng ito, mahigit na 30 katao ang nasawi. Kabilang sa kanila ang tatlong bulkanologo. Ang mga kasamahan nila ay lubhang nalilito sa kamatayan ng Amerikanong si Harry Glicken, yamang siya ang nagbibigay ng mga babala sa media hanggang noong kaniyang kamatayan. Kasama niya ang pangahas na koponan ng mag-asawa, sina Maurice at Katia Krafft ng Pransiya, na napabantog sa nakalipas na 25 taon dahil sa kanilang pananaliksik, mga aklat, at mga video tungkol sa pinakaaktibo at mapanganib na mga bulkan ng daigdig, nagbababala tungkol sa panganib nito. Sinipi ng Asahi Evening News si Maurice Krafft na una pa rito’y nagsabi: “Kung balang araw ako ay mamatay, nais kong ito’y sa gilid ng isang bulkan.” Itinulad ng mag-asawa ang kanilang pagkahilig sa mga bulkan sa “pagkasugapa” at sinabing: “Minsang malapitang makita mo ang isang pagputok ng bulkan, hindi ka mabubuhay nang wala ito.”
Hindi “Kaloob ng Buhay” ang Pagsasalin ng Dugo
Ang mga pagsasalin ba ng dugo ay talagang nagliligtas-buhay? Parami nang paraming awtoridad sa medisina ang nag-aalinlangan. Ang direktor ng hematolohiya sa Sydney Royal North Shore Hospital sa Australia ay nagpahayag sa Medical Journal of Australia ng pagkabahala sa pagiging ligtas ng pagsasalin ng dugo. Naniniwala siya na may kaugnayan ang kanser, impeksiyon, at pagsasalin ng dugo. Sinisipi ng Courier-Mail sa Brisbane ang kilalang doktor na ito na nagsasabing: “Ang pagsasalin ng dugo ay dati-rating nakikita bilang isang kaloob ng buhay, ngunit bumaligtad na ang mesa at ang panlahat ng pagkaunawa ngayon ay na ang operasyong hindi ginagamitan ng dugo at ang pag-iwas sa pagsasalin ay malamang na siyang kaloob ng buhay. Ang bagong impormasyon na nagpapahiwatig na ang pagsasalin ng dugo sa panahon ng operasyon ay maaaring maging isang mapanganib na salik sa paglitaw muli ng kanser at impeksiyon pagkatapos ng operasyon ay nakababahala.”
Karahasan sa Campus sa Nigeria
Ang lihim na mga kulto ay gumagala-gala sa mga campus ng mga unibersidad sa Nigeria at “nagsasabog
ng takot at lagim,” ulat ng The Observer ng Nigeria. Ang mga miyembro ng kulto ay sinasabing nasasandatahan ng mga sandatang pumuputok, mga baril, palakol, patalim, at asido. Iniulat na sinalakay pa nga nila ang ilang guro at ginahasa at matinding pinahirapan ang kapuwa mga estudyante. Ang mga sagupaan sa pagitan ng magkaribal na mga gang ng kulto ay nagbunga ng kamatayan ng di-kukulanging apat na estudyante. Ang mga kulto na ito sa campus ay pangunahin nang binubuo ng mga estudyanteng galing sa mayayamang pamilya, sabi ng The Observer. Ang minister ng edukasyon ay nag-utos sa mga awtoridad ng unibersidad na paalisin sa paaralan ang mga miyembro ng lihim na mga kulto at pinagbantaang ipasasara ang mga paaralan na hindi gagawa nito.Sa Isang Oras na Trabaho
Inihambing kamakailan ng isang pag-aaral ang lakas ng kita ng mga manggagawa sa 159 na iba’t ibang propesyon mula sa 49 na iba’t ibang antas sa lipunan sa palibot ng daigdig, ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde. Ipinakikita ng pag-aaral, na isinagawa ng International Labor Organization, kung gaano lubhang di magkasukat ang lakas ng pagbili ng mga manggagawa sa iba’t ibang dako. Halimbawa, ang isang manghahabi sa Sudan, isang weyter sa Sri Lanka, isang tagaikid sa Yugoslavia, isang tsuper ng bus sa Bangladesh, isang panadero sa Republika ng Sentral Aprika ay kailangang magtrabaho ng mahigit na tatlong oras upang makabili lamang ng isang kilong bigas. Sa kabaligtaran naman, ang isang nag-oopisina sa French Polynesia o isang karpintero sa Sweden ay makabibili ng hindi kukulanging 9 na kilong bigas sa sahod ng isang oras lamang ng trabaho.
Mga Alarmang Teddy-Bear
Ang “sudden infant death syndrome” ay talagang kinatatakutan ng maraming magulang. Ngayon, sa pamamagitan ng mga teddy bear na ginamitan ng modernong teknolohiya, idinisenyo ni Dr. Jan Heunis ng Aerospace Research Laboratories sa Timog Aprika, ang mga sanggol ay maaaring masubaybayan 24 oras sa isang araw. Sinusubaybayan ng masarap yapusing laruan ang mahahalagang tanda ng sanggol. Nag-uulat tungkol sa aparato, ang The Star, isang pahayagang inilalathala sa Johannesburg, Timog Aprika, ay nagsasabi na kung magkaroon ng mga iregularidad sa mahahalagang tanda ng sanggol, gaya ng “mga abnormalidad sa temperatura, mabagal na tibok ng puso o mabilis na pintig ng pulso,” tutunog ang isang alarma upang hudyatan ang mga magulang sa posibleng panganib. Ang “Medi-teddy,” gaya ng tawag sa bagong produkto, ay nagkakahalaga ng halos $350, U.S.
Halaga ng Hamak na Patatas
“Nang dumating ang Europeong mga manlulupig sa Amerika, sila’y dumating taglay ang ideya na ang mga kayamanan ay mga metal at mamahaling bato. Kailangang lumipas ang tatlong siglo bago ‘natuklasan’ ang halaga ng patatas sa ekonomiya.” Gayon ang sabi ni Eduardo H. Rapoport, ng Regional University Center ng Bariloche, Argentina, sa magasin sa Brazil na Ciência Hoje. Ang patatas ay isa sa pinakamahalaga at masustansiyang pagkain at naglalaman ng maraming bitamina. Kaya, ito’y tinatayang nagkakahalaga ng bilyun-bilyong dolyar sa bawat taon. Susog pa ni Rapoport: “Ang halaga ng ani ng patatas sa daigdig, sa isang taon, ay higit pa sa lahat ng ginto at pilak na kinuha ng Espanya sa Amerika.”
Bumaba ang Pandaigdig na Kamangmangan
“Sa kauna-unahang pagkakataon, ang bilang ng mga taong hindi marunong bumasa’t sumulat o mangmang sa daigdig ay bumaba nang bahagya sa nakalipas na mga taon,” sabi ng The New York Times. “Tinataya ng report, na inilabas ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization, ang bilang ng mga taong hindi marunong bumasa’t sumulat noong 1990 ay 948 milyon, isang pagbaba mula sa tantiya noong 1985 na 950 milyon.” Halos 26.6 porsiyento ng populasyon ng daigdig ay hindi marunong bumasa’t sumulat, at kung magpapatuloy ang kasalukuyang hilig, iyan ay bababa sa 21.8 porsiyento, o 935 milyon, sa taóng 2000. Kasuwato nito, noong nakaraang taon ay tinawag na International Literacy Year. Bukod sa higit na pagkukusa sa bahagi ng mahihirap na bansa na pasulungin ang literasya, nagkaroon din ng higit na kabatiran sa functional illiteracy sa industrialisadong mga bansa, ngayo’y tinatayang nasa pagitan ng 10 at 20 porsiyento.
AIDS—“Palasak sa Loob ng mga Dekada”
“Samantalang sinisimulan ng epidemya ng AIDS ang ikalawang dekada nito, masakit na tinalikdan ng mga mananaliksik at mga tagapagtaguyod sa mga taong may gayong sakit ang kanilang dating masidhing pag-asa na masugpo agad ang salot,” sabi ng The New York Times. “Ang pag-asang ito ay naglaho habang ang pananaliksik para sa mabisang mga gamot ay naging mas mahirap kaysa dating inaakala, at ang mga pagsisikap na makagawa ng isang bakuna ay patuloy na bigo dahil sa tusong mga depensa ng virus. Ang mga dalubhasa sa medisina ay nagsasabi ngayon na inaakala nilang ang mga virus ng AIDS ay magiging palasak sa loob ng mga dekada.” Tinatayang sa taóng 2000, mga 40 milyon katao ang nahawaan na ng virus ng AIDS. Bagaman naibukod na ng mga mananaliksik ang virus, napag-aralan na ang mga protina nito at na-clone ang mga gene nito, at nakagawa ng mga gamot upang mapaginhawa ang ilang paghihirap ng mga pasyenteng may AIDS, ang sakit ay nakamamatay pa rin na gaya ng dati.