Pinupuri si Jehova sa Nagkakaisang Koro
Pinupuri si Jehova sa Nagkakaisang Koro
‘ANG pag-awit ay nakapangingilabot at nakaiiyak—napakaganda nito. Hindi na kailangan pa ng mga instumento sa musika, at ang waring masalimuot na baha-bahaging pag-awit ay buong husay na napangasiwaan. Ang armoniya ay katangi-tangi.’
Ang pahayag na ito ay binigkas ng dating presidente ng Samahang Watch Tower, si Nathan H. Knorr, pagkatapos dumalo sa isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Zambia. Mainam na inilalarawan nito ang nakaaantig-damdaming tunog ng daan-daang tinig ng mga Aprikano na nagkakaisang umaawit.
Ang pag-awit ay isang bahagi ng kulturang Aprikano. Sa isang karaniwang nayong Aprikano, madalas mong makita ang mga babaing nag-aasarol sa indayog ng tradisyunal na mga awitin, mga kabataang humuhuni ng paborito nilang mga himig habang ginagatasan nila ang mga baka, at ang mga lalaking umuusal ng paulit-ulit na mga himig na para bang pinasisigla ang kanilang mga baka na hatakin ang kanilang mabigat na karga. May awit sa halos bawat gawain sa nayon.
Sa maraming paaralang Aprikano, ang mga bata ay tinuturuang umawit sa pamamagitan ng sistemang tonic sol-fa. Ano ba ang tonic sol-fa? Sa pinakasaligan, ito ang pamamaraang “do, re, mi” na ginawang popular ng isang kilalang musikal na pelikula mga ilang taon na ang nakalipas. Ang do, re, mi, fa, sol, la, ti, do ay tumutugon sa walong nota ng isang iskala na tinutugtog sa Kanluraning mga instrumento ng musika. Ang sistemang ito na letter-notation ay gumagamit ng mga tutuldok, gatla, kuwit, at mga guhit upang ipakita ang bilang ng kumpas sa isang bar at ang tagal ng bawat nota. Ang apat ng tinig (soprano, alto, tenor, at baho) ay inaayos sa ibaba ng isa’t isa, at ang pagsasamang ito ng mga tinig ang lumilikha ng gayong nakaaantig-kaluluwang musika. Marami ang sumasang-ayon na ang paraang ito ay mas madaling matutuhan at maawit kaysa ang mas malawakang ginagamit na staff notation.
Kaya, ang mga himig sa aklat-awitan na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova, ang Umawit ng mga Papuri kay Jehova, ay isinulat sa tonic sol-fa sa lahat ng mga edisyong Aprikano. Una, maraming oras ang ginugol sa piyano upang ibagay ang mga himig sa karaniwang apat-na-bahaging armoniya. Pagkatapos, ang bawat tinig ay binago sa letter-notation ng tonic sol-fa. Sumunod, isa na pamilyar sa sistemang sol-fa ay inatasang awitin ang bawat tinig ng bawat awit upang tingnan ang kawastuan ng bawat nota. Saka ginamit ang mga computer upang ihanay ang tonic sol-fa sa mga titik ng bawat awit. Sa wakas posible nang ihanda para sa pag-iimprenta ang madaling basahing musika na narito sa pahinang ito.
Ang resulta? Maaaring pagsamahin ng mga Saksi ni Jehova sa Aprika ang kanilang mga tinig sa maligayang pagpuri kay Jehova. Ang mga salita ng isa sa mga awit ay mainam na ipinahahayag ang kanilang damdamin: “Kami’y umaawit sa tagumpay, ipinapalakpak ang aming mga kamay. Kayrami ng ginawa ng Diyos para sa amin! Ang aming mga tinig ay maligayang pupuri sa nagkakaisang koro.”
[Dayagram ng kingdom song sa sol-fa method sa pahina 27]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)