Ang mga Estudyante ay Nakibahagi sa Araw ng Kasaysayang Pambansa
Ang mga Estudyante ay Nakibahagi sa Araw ng Kasaysayang Pambansa
MGA tawag sa telepono ang tinanggap sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York noong Abril ng 1991. Ito’y mula sa mga taong gumagawa ng mga proyekto ng pananaliksik tungkol sa mga Saksi.
Bilang bahagi ng programa sa Araw ng Kasaysayang Pambansa, taun-taon ang mga estudyante sa Estados Unidos mula sa ika-6 hanggang ika-12 baitang ay sumasali sa mga paligsahan na itinataguyod ng paaralan may kaugnayan sa isang taunang paksa. Ang paksa sa taóng ito, “Mga Karapatan sa Kasaysayan,” ay may kinalaman sa ika-200 anibersaryo ng Katipunan ng mga Karapatan ng E.U. Isang listahan ng nauugnay na mga impormasyon ang inilaan upang tulungan ang mga estudyante sa pagpili ng isang paksang kanilang gagawin.
Mga 500,000 estudyante ang lumahok sa pitong kategorya ng paligsahan. Kawili-wili sa mga Saksi ni Jehova ang mga lahok ng ilang nasa ikawalong baitang na siyang mga nagwagi sa kanilang estado at nang maglaon ay ginawa ang kanilang mga presentasyon sa Washington, D.C.
Pinili ng dalawang 14-anyos na mga batang babae mula sa Pennsylvania, sina Nicole DiSalvo at Gwen Naglak, na hindi mga Saksi ni Jehova, ang dalawang kaso tungkol sa pagsaludo sa bandila na kinasangkutan ng mga Saksi noong 1940’s. Sa kanilang pananaliksik, kinausap nila ang mga nasangkot sa mga kasong Minersville School District v. Gobitis at sa West Virginia Board of Education v. Barnette, at dinalaw nila ang pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova upang malaman ang higit tungkol sa mga paniwala ng mga Saksi. a
Isang Presentasyong Pasalita
Iniharap ni Nicole ang isang pasalitang presentasyon na pinamagatang “The Courage to Sit Down” (Ang Tibay ng Loob na Maupo). Ginampanan niya ang papel ni Lillian Gobitas at binigyan-buhay niya ang mga damdamin at tibay ng loob ng mag-aaral na si Lillian habang isinasaysay niya ang personal na disisyon ni Lillian na huwag sumaludo sa bandila sa kabila ng bagay na maaari siyang layuan ng kaniyang mga kaeskuwela. Ipinakita niya ang kagalakan ni Lillian sa pagwawagi sa bawat hakbang sa legal na proseso na humantong sa Korte Suprema noong 1940. Nagsusuot ng isang itim na kapa upang gampanan ang papel ng isang hukom ng Korte Suprema, ipinahayag niya ang opinyon ng Hukuman laban kay Bb. Gobitas. Bagaman natalo ang kaso, iniharap ni Nicole ang matibay na paniniwala ni Lillian na ang kaniyang disisyon ang tama para sa kaniya.
Isang Nasusulat na Presentasyon
Sinuri ng sanaysay ni Gwen Naglak, “Isang Bansa sa Ilalim ng Diyos,” ang pandaigdig na kalagayan noong 1935 at ang bagay na ang mga Saksi ni Jehova ay tumangging sumaludo sa bandila. Nadarama ng bumabasa ang epekto nito nang una si Willian, 10, at pagkatapos si Lillian, 12, ay pinaalis sa paaralan.
Sa mga kaso sa hukuman na sumunod sa pagpapaalis sa kanila sa paaralan sa Pennsylvania, lahat ng mga hukom ay nagpasiya na pabor sa pamilyang Gobitas. Gayunman, dinala ng lupon ng paaralan ang kaso sa Korte Suprema. Doon, noong Hunyo 3, 1940, ang Hukuman ay nagpasiya laban sa mga Gobitas. Ang isang resulta ay na libu-libong pag-abuso ang ibinunton sa mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ay tinunton ni Gwen ang mga pangyayari sa disisyon ng Korte Suprema noong 1943, nang baligtarin ng Hukuman ang disisyon noong 1940.
Sa kaniyang konklusyon, isinulat ni Gwen: “Hinahangaan ko sina Lillian at William sa pagkakaroon ng tibay ng loob na gawin kung ano ang inaakala nilang tama at ipaglaban ang kanilang mga paniwala. Sa palagay ko, sila ang tunay na mga nagmamahal sa kanilang bansa.”
Isang Pangkatang Pagtatanghal
“A Divine Command, a Constitutional Right” (Isang Banal na Utos, Isang Karapatan Ayon sa Konstitusyon) ang pamagat ng isang pangkatang pagtatanghal ng dalawa pang mag-aaral sa ikawalong baitang, sina Robert Young at Stacey Wright, buhat sa Virginia, kapuwa mga Saksi ni Jehova. Ginampanan ni Robert ang papel ng isang reporter ng pahayagan na kinakapanayam si Lillian Gobitas, na ginampanan naman ni Stacey.
Sina Robert at Stacey, taglay ang pangangasiwa ng mga magulang, ay naglakbay ng mahigit 4,000 kilometro sa paghahanap ng impormasyon para sa kanilang proyekto. Kabilang sa iba pang katotohanan, isiniwalat ng kanilang pananaliksik na ang pagsaludo sa bandila sa Estados Unidos ay nagsimula noong ika-19 na siglo. At sila’y nagulat na matuklasan na tinutulan ni George Washington ang mga panata ng katapatan sa bansa.
Lalong pinahalagahan ng mga kabataang ito ang mga salita ni Propesor C. S. Braden, na, sa kaniyang aklat na These Also Believe, ay nagsabi tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Sila’y nakagawa ng isang mahalagang paglilingkod sa demokrasya sa pamamagitan ng kanilang pakikipagbaka upang ingatan ang kanilang mga karapatang sibil, sapagkat sa kanilang pakikipaglaban ay malaki ang nagawa nila upang makuha ang mga karapatang iyon para sa bawat pangkat ng minoridad sa Amerika.”
[Talababa]
a Tingnan ang mga talababa sa pahina 23 ng naunang artikulo.