Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Gumaling Na ang Dating mga Sugat ng Damdamin

Kapag Gumaling Na ang Dating mga Sugat ng Damdamin

Kapag Gumaling Na ang Dating mga Sugat ng Damdamin

ANG kabataang si Adeline Nako, nabanggit sa simula ng seryeng ito, ay nagkaroon ng matinding poot sa lupang-tinubuan ng kaniyang mga ninuno, ang Hapón. Nang tawagin ng ibang mga bata na “Japs” ang mga Hapones-Hawayano, ang pakli niya’y, “Kami’y mga Amerikano.” Gumawa siya ng mga poster na nagsasabing, “Lipulin ang mga Kapangyarihang Axis” at nanguna sa kampaniya na bumili ng mga selyo upang mangilak ng salapi para sa digmaan. Sabi ni Adeline: “Ipinagmamalaki ko ang ika-100 at ika-442 batalyon na binubuo ng mga nisei, o ikalawang-salinlahi ng mga Hapones-Amerikano, na buong giting na nakipagbaka para sa Amerika.”

Gayunman, habang siya’y nagkakaedad, siya’y nagsimulang magtanong: ‘Bakit kailangang magpatayan ang mga tao?’ Ang lahat ng ito ay waring mali. ‘Ang mga Budista ay nakikipagdigma. Ang mga Kristiyano ay nakikipagdigma. Sila’y pawang mga mapagpaimbabaw,’ naisip niya. Samantalang sinisimulan niya ang pag-aaral ng Bibliya sa tulong ng mga Saksi ni Jehova, hinamon niya ang guro niyang Saksi ng tanong na, “Kayo bang mga Saksi ni Jehova ay nakikipagdigma?”

Siya’y sinabihan na sila ay hindi gumagamit ng sandata upang patayin ang sinumang tao. Nang panahong iyon ang digmaan ay nagngangalit sa Europa gayundin sa Asia. Nalaman ni Adeline na ang mga Saksi sa Alemanya ay ipinadadala sa mga kampong piitan at yaong nasa Estados Unidos ay ibinibilanggo sapagkat ayaw nilang makibahagi sa digmaan. ‘Ito na nga ang tunay na relihiyon,’ naisip niya.

Mapayapang Misyon

Habang sumusulong ang kaniyang kaalaman sa Bibliya, siya’y napakilos na ialay ang kaniyang buhay kay Jehova, ang Diyos ng Bibliya. Ang kaniyang debosyon sa “Diyos ng kapayapaan” ay nag-udyok sa kaniya na palawakin ang kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagsunod sa mga yapak ng limang Hapones-Hawayano na nagboluntaryong magtungo sa Hapón pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. (Filipos 4:9) Sila’y sabik na tulungan ang mga tao sa lupain ng kanilang mga ninuno, mga dating kaaway pa nga, sa pamamagitan ng pangangaral bilang mga misyonero ng nakaaaliw na mabuting balita ng Kaharian buhat sa Bibliya.​—Mateo 24:14.

Naaalala ng isa na nagboluntaryong tumulong sa giniyagis-ng-digmaan na lupain ng Hapón, si Shinichi Tohara, kung ano ang nadama niya tungkol sa kaniyang misyon. “Pinag-isipan ko ang katapatan ng mga Haponés pagdating sa paglilingkod sa mga panginoong tao at sa emperador,” sabi niya. “Naisip ko ang mga pilotong kamikaze, na ibinuwis ang kanilang buhay para sa emperador sa pamamagitan ng kusang pagpapalipad ng kanilang mga eruplano sa mga bapor de gera ng kaaway. Kung ang mga Haponés ay tapat sa mga tao, naisip ko, ano kaya ang gagawin nila kung masumpungan nila ang tunay na Panginoon, si Jehova?”

Taglay ang gayong positibong mga pangmalas, ang mga boluntaryong ito ay pumasok sa Tokyo noong 1949, na hindi pa natatagalan ay naging kagibaan ng durog na mga bato dahil sa mga pagsalakay sa himpapawid ng B-29. Ano ang nakita nila sa mga kubo sa gitna ng mga kagibaan? Ang mahiyaing mga tao na napakasisipag na mga manggagawa. Mangyari pa, may mga tao pa rin na nagkikimkim ng sama ng loob at masamang opinyon sa iba. Gayunman, ang marami ay mabuti ang pagtugon sa mensahe ng Bibliya ukol sa kapayapaan.

Noong 1953, si Adeline ay sumama sa unang mga misyonerong iyon. May pananabik na tinulungan niya yaong mga nagugutom at nauuhaw sa nakaaaliw na mensahe na masusumpungan sa Bibliya. May nakatagpo rin siyang mga tao na salungat sa kaniyang gawaing pangangaral. Sasabihin nila sa kaniya: “Kayong mga tao ang naghulog ng mga bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki!”

“Bueno,” sasabihin niya, “alam ninyo ako’y taga-Hawaii. At ang Hapón ang unang sumalakay sa Pearl Harbor at pumatay ng maraming tao roon. Subalit hindi iyan nakahadlang sa akin na magtungo sa Hapón upang sabihin ang mabuting balitang ito sa mga tao rito.” Karaniwan nang iyan ang magpapahinahon sa kanila, at sila ay tatanggap ng literatura na nagpapaliwanag sa Bibliya.

Dahil sa mainam na pundasyong inilagay niyaong unang mga misyonero mula sa Hawaii at sa iba pang bansa, ngayon mahigit na 150,000 Haponés ay bahagi ng isang kapatiran niyaong hindi na “mangag-aaral pa man ng pakikipagdigma.”​—Isaias 2:4; 1 Pedro 2:17.

Kung Paano Magwawakas ang Lahat ng Digmaan

Oo, ang pagkilala sa isa’t isa at ang pagpapayaman ng walang-imbot na pag-ibig sa isa’t isa ay kailangang-kailangan sa kapayapaang pandaigdig. Gayunman, hindi sapat iyan. Ang mga taong umiibig sa kapayapaan at may mga kaibigan sa kabilang panig ay ginamit din sa digmaan sa Pasipiko sa ilalim ng pamimilit ng umano’y “makatuwirang” mga layunin. Ang nasyonalistikong mga propaganda ang nanaig sa kanilang likas na mga hilig. Bagaman ang ilan ay tumangging makipagdigma kahit na nanganganib mabilanggo sa mga kampong piitan o sa mga bilangguan, ang kanilang mga kilos, bagaman kapuri-puri, ay may kaunti, o anumang, epekto sa pagsugpo sa alab sa digmaan.

Kapag ang buong bansa ay inaakay sa digmaan, higit pa sa mga kamay ng tao ang umaakay. Karaniwang iginigiit ng lahat ng kasangkot na nais nilang iwasan ang digmaan. Gayunman, may napakalakas na puwersa na umiimpluwensiya sa kanila laban sa kanilang mga kagustuhan. Ipinakikilala ng Bibliya ang makapangyarihang puwersang iyon bilang “ang diyos ng sistema ng mga bagay na ito.” (2 Corinto 4:4) Oo, “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot,” si Satanas na Diyablo.​—1 Juan 5:19; tingnan din ang Juan 12:31; 14:30.

Gayunman, ang Bibliya ay nangangako na “dudurugin ng Diyos na nagbibigay ng kapayapaan si Satanas.” (Roma 16:20) Ang simula ng pagdurog na ito ay nangyari sa langit mga 77 taon na ang nakalipas. Pakinggan ang paglalarawan na nakita ni apostol Juan sa isang kapana-panabik na pangitain na 18 siglong maaga sa katuparan nito noong 1914: “Sumiklab ang digmaan sa langit . . . Kaya’t inihagis sa ibaba ang dakilang dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”​—Apocalipsis 12:7-9.

Mula noon si Satanas na Diyablo ay napipigilan sa kapaligiran ng lupa. Sa pagmamaneobra sa mga pulitiko at mga militarista na gaya ng mga papet, pinakawalan niya ang labis-labis na pahirap sa mga digmaan sa siglong ito. Gayunman, ang pagkainip niya ay nagpapabanaag lamang ng malaking galit niya, “nalalamang may kaunting panahon na lamang siya.” (Apocalipsis 12:12) Sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” si Jesu-Kristo, patatahimikin ng Diyos si Satanas pagkatapos ng “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa “Har–​Magedon.”​—Isaias 9:6; Apocalipsis 16:14, 16.

Di-gaya ng lahat ng digmaan na ipinakipagbaka ng mga tao, ang pamantayan ng katarungan na iiral sa dumarating na digmaan ng Diyos ay hindi mapag-aalinlanganan. Ito ang pamantayan ng Maylikha ng sangkatauhan, na nasa puso ang pinakamagaling na kapakanan ng tao. Di-gaya ng pulitikal na mga lider na ginigipit ang kanilang mga tao sa digmaan, sasabihin ni Jehova, ang ating Maylikha, sa kaniyang bayan kung ano ang sinabi niya sa kaniyang bansang Israel noong kaarawan ni Jehosaphat ng Juda noong ikasampung siglo B.C.E.: “Kayo’y hindi mangangailangang makipagbaka sa pagkakataong ito. Magsilagay kayo, magsitayo kayong matatag at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova alang-alang sa inyo.”​—2 Cronica 20:17.

Pagka naalis na ang maitim na ulap ng impluwensiya ni Satanas, ang mga indibiduwal buhat sa lahat ng bansa ay magtatamasa ng tunay na kapayapaan at katiwasayan sa buong lupa. Sa panahong iyon ang sumusunod na mga kalagayan na inihula ni Isaias ay magkakatotoo. “Narito, ako’y lumilikha ng mga bagong langit at ng bagong lupa. Ang mga dating bagay ay hindi na maaalaala o mapapasaisip man.”​—Isaias 65:17, The New English Bible.

Kaya, ang naganap sa Pearl Harbor ay hindi na maaalaala pa sa masakit na paraan, ni sisigaw pa man ang mga biktima ng mga bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki ng “Wala Nang mga Hiroshima!” Bakit? Sapagkat ang sumusunod na mga salita sa hula ni Isaias ay magiging totoo rin sa bawat tao sa lupa: “At tiyak na hahatol siya [ang Diyos] sa gitna ng mga bansa at magtutuwid ng mga bagay-bagay tungkol sa maraming bayan. At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”​—Isaias 2:4.

Ang katuparan ng mga hulang ito ay nakikita na sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, na ngayo’y bumubuo ng isang pambuong daigdig na kapatiran ng angaw-angaw. Kitang-kita ito lalo na sa internasyonal na mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginaganap sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Ikaw may ay maaaring maging bahagi ng internasyonal na pagkakaisa at kapayapaan na iyan. Halika’t matuto kung paano magiging isa sa bayan na ‘pinanday na ang kanilang mga tabak upang maging sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging karit,’ na hindi na ‘nangag-aaral ng pakikidigma,’ at na umaasa sa isang paraiso na malapit nang dumating sa lupa, kung saan hinding-hindi na magkakaroon ng mga digmaan.​—Awit 46:8, 9.

[Larawan sa pahina 9]

Sina Jerry at Yoshi Toma, Shinichi at Masako Tohara, at Elsie Tanigawa ay nagboluntaryong tulungan ang kanilang dating mga kaaway

[Larawan sa pahina 10]

Ngayon isang internasyonal na kapatiran ang sumasamba sa Diyos sa pagkakaisa at kapayapaan