Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mananatili ba ang Lihim na Pakikinig sa Usapan ng Iba?

Mananatili ba ang Lihim na Pakikinig sa Usapan ng Iba?

Mananatili ba ang Lihim na Pakikinig sa Usapan ng Iba?

Maaaring lihim na nakikinig sila sa inyong usapan.

Maaaring nalalaman nila ang ilan sa inyong pinakaiingatang lihim. May plano ba kayo sa susunod na dulo ng sanlinggo? Baka alam na nila ang tungkol dito. Sino sila? Sila ang mga tao na ginagawang libangan nila ang pagsubaybay sa mga usapan sa cordless na telepono. Kung nais nila, maaari silang mag-ingat ng isang nasusulat na rekord ng gayong impormasyon na gaya ng numero ng iyong credit-card, kung saan ka nagtatrabaho, at ang iyong suweldo. Sa katunayan, karaniwang mayroon silang isang aklat kung saan inililista nila ang mga pangalan ng mga taong regular na gumagamit ng cordless na mga telepono.

Maaaring nakikilala o hindi mo sila nakikilala. Maaaring sila’y nakatira mga ilang bahay lamang o ilang milya ang layo sa iyo. Sa karamihan ng mga bansa, walang ilegal tungkol sa libangang ito, at napakadali nitong itaguyod. a

Sa ilang daang dolyar, ang isa ay makabibili ng isang scanner radio at ikabit ito sa isang antena sa labas. Makukuha ng scanner ang mga hudyat mula sa maraming wireless na mga aparato sa komunikasyon. Pinipili ng ilang nahihilig sa libangang ito na gamitin ang nabibitbit na mga scanner. Palibhasa ito’y magaan at maliit kung kaya’t ito’y kombinyenteng dalhin habang gumagala sa isang purok at makinig.

Sa ilalim ng kaaya-ayang atmosperikong kalagayan, ang isang opereytor na may scanner ay maaaring makinig sa paging system ng isang kalapit na ospital, sa mga usapan sa radyo ng kagawaran ng pulisya, at sa mga sistema ng intercom sa tahanan. Kung ginagamit ang mga wireless na mikropono, gaya sa ilang pagtatanghal sa teatro, ang mga hudyat ay madaling masasagap ng isang scanner. Ang ilang may ganitong libangan ay nasasangkapan upang lihim na makinig sa mga usapan ng hanggang 100 kilometro ang layo!

Ano ang magagawa mo upang hadlangan ang mga may ganitong libangan sa pagsalakay sa inyong personal na buhay sa pamamagitan ng kanilang mga scanner? Wala kang gaanong magagawa kung madalas mong gamitin ang iyong cordless na telepono. Mangyari pa, may mamahaling mga aparato na maaaring mag-scramble sa mga tawag sa telepono. Subalit dapat ikaw at ang taong tinatawagan mo ay may gayong aparato.

Gayunman, mayroon kang magagawa. Kung ang inyong mga usapan ay kompidensiyal, huwag gumamit ng wireless na mga aparato na gaya ng cordless na mga telepono. At tiyakin na ang iyong tinatawagan ay gayon din ang gawing pag-iingat. Kung hindi, ang inyong mga lihim ay lulutang sa himpapawid, naghihintay lamang ng isa na makikinig.

Ang isang bagay na hindi mo magagawa ay alisin ang kanilang libangan. Kahit na kung gawin mong mahirap para sa kanila na lihim na makinig sa iyo, madali silang makasusumpong ng iba na pakikinggan. Habang ang mga tao ay patuloy na bumibili ng wireless na mga aparato at nakikipag-usap sa iba sa pamamagitan nito, tama man o mali, ang libangan ng lihim na pakikinig sa usapan ng iba ay mananatili!

[Talababa]

a Ang pagsubaybay sa mga usapan sa isang cellular-phone ay labag sa batas sa ibang bansa, gaya sa Estados Unidos, samantalang ang pagsubaybay sa mga usapan sa cordless na telepono ay hindi.