Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
TV Salamat sa inyong serye ng “Telebisyon—Ang Kahon na Bumago sa Daigdig.” (Mayo 22, 1991) Sa tuwina’y may problema ako sa TV; wala akong lakas na patayin ito. Ang inyong mga mungkahi ay nakatulong. Susubaybayan ko kung gaano karaming oras ang ginugugol ko sa panonood ng telebisyon. Inilagay ko rin ang aking TV sa aparador upang kung nais kong manood nito, maaari kong timbangin muna ang mga bentaha at disbentaha sa paggawa niyaon. Maraming salamat na muli.
W. H., Estados Unidos
Mga Koponan sa Paaralan Katatapos ko lamang basahin ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Sumali sa Koponan sa Paaralan?” (Hunyo 22, 1991) Ako’y ginigipit ng aking mga kasama na sumali sa koponan sa paaralan sapagkat alam nilang mahilig ako sa isports. Salamat sa inyo, maaari ko na ngayong ipaliwanag kung bakit hindi ako sasali.
D. K., Estados Unidos
Pagbabago ng Iyong Pagkatao Nais ko kayong pasalamatan mula sa kaibuturan ng aking puso sa ekselenteng mga mungkahing ibinigay ninyo sa mga seryeng “Dapat Mo bang Baguhin ang Iyong Pagkatao?” (Hulyo 8, 1991) Natanto ko na kailangan kong gumawa ng ilang pagbabago sa aking pagkatao, subalit wala akong pangganyak na gawin iyon. Ako sa kasalukuyan ay nagsisikap na ikapit ang payong ibinigay ninyo, at talaga namang nasusumpungan kong ito’y totoong kapaki-pakinabang.
S. C., Italya
Paglabas ko sa psychiatric ward ng ospital, nabasa ko ang mga artikulo tungkol sa ‘pagbabago.’ Tamang-tama ito sa akin! Nangailangan ako ng 30 taon upang makita ko ang aking sarili kung ano nga ba ako, at ngayon ay talos ko na ang problema ko, maaari ko nang kunin ang positibong mga hakbang upang masupil ko ang aking sarili.
J. D., Estados Unidos
Ang mga Bagà Ako po’y 13 anyos. Natatandaan ko pong napag-aralan ang tungkol sa mga bagà sa ikalimang grado, subalit nakalimutan ko na ang karamihan ng impormasyon. Ipinaalaala ito sa akin ng inyong artikulong “Ang mga Bagà—Isang Kababalaghan ng Disenyo” (Hunyo 8, 1991). Napakahusay ng pagkakasulat nito, at ang larawan ay tamang-tama. Maraming-maraming salamat sa mga artikulong gaya nito na tumutulong upang patindihin ang ating pagpapahalaga sa kahanga-hangang mga gawa ni Jehova.
A. M., Estados Unidos
“TMJ Syndrome” Ang artikulong “Mula sa mga Panga—Ang Dakilang Impostór” (Hunyo 22, 1991) ay lalo nang kawili-wili sa akin, yamang ako’y isang seruhanong dalubhasa sa pag-opera ng bibig at panga at ginagamot ang mga problema sa TMJ sa loob ng mahigit na 14 na taon. Binanggit ninyo na ang pinakakaraniwang sanhi ng sakit na TMJ ay malocclusion, yaon ay, ang hindi magkalapat ang itaas at ibabang mga ngipin. Ipinakikita ng bagong mga literatura sa medisina at ng akin mismong karanasan na bagaman ang hindi magkalapat na mga ngipin ay gumaganap ng bahagi sa ilang pasyente, hindi ito ang pangunahing sanhi. Karamihan ng mga pasyente ay may aktuwal na panloob na diperensiya sa hugpong mismo ng panga. Ang iba pang salik ay waring kasangkot, gaya ng suliranin sa gulugod. Ang mga pamamaraang hindi ginagamitan ng operasyon gaya ng physical therapy at chiropractic treatments ay maaaring maging mabisa sa pagpapaginhawa sa mga reklamo ng isang pasyente. Dapat ding isaalang-alang ng mga pasyenteng may TMJ syndrome ang pagtatakda ng kanilang pagkain sa malalambot na pagkain. Ang pagpapagaan sa gawain ng mga kalamnan at ng mga hugpong sa panga ay maaaring magbunga ng pagbuti ng kanilang mga sintomas. Subalit sa karamihan ng mga pasyente, walang tunay na lunas—ang tanging tunay na lunas ay darating sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.
C. A., D.M.D., Estados Unidos
Salamat sa karagdagang impormasyong ito, na suportado ng iyong karanasan. Pinasasalamatan namin ang karagdagang mga obserbasyong ito.—ED.
Tapusin ang Sinimulan Mo Nang mabasa ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ‘Bakit Hindi Ko Matapos ang Sinimulan Ko?’” (Setyembre 8, 1991), akala ko’y ako ang isinusulat ninyo. Sa tulong ng inyong mga artikulo at sa tulong ni Jehova, matatapos ko ang sinimulan ko. Salamat sa inyong napapanahong impormasyon.
A. P., Estados Unidos