Paano Ko Maiiwasan ang Pinsala ng Pag-alembong?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maiiwasan ang Pinsala ng Pag-alembong?
“ANO ka ba? Ikaw ba’y bato?” Nasaktan at litó, gustong malaman ni Michelle kung bakit pinapaniwala siya ni Eduard na interesado siya sa kaniya. Pagkatapos na pag-ukulan siya ng romantikong atensiyon, bakit ngayon ay sasabihan niyang hindi siya seryoso sa kaniya? Inaamin ni Eduard na hindi naman niya nais na saktan siya, ngunit siya’y hindi mapatatawad ni Michelle. Para sa kaniya, si Eduard ay wala kundi isang malupit na alembong.
Ang pag-alembong ay paggawi na punô nang pagsinta na walang seryosong hangarin. Ang paggawa ng gayon ay tunay na nakapipinsala, kahit na nga ginagawa ng mga kabataang nag-aaral pa na ang ibig lamang ay makatawag ng pansin sa kanilang sarili o magyabang. At kapag ang mga nasa gulang nang mag-asawa’y pinaglalaruan ang damdamin ng iba, ang ibubunga ay napakasakit at kabiguan.
Ang ilang alembong ay sadyang nananakit ng damdamin ng iba, may masamang hangarin pa nga, na ang kahihinatnan ay pagkaligalig sa emosyon para sa sunud-sunod na walang-malay na biktima. Gayunman, kapansin-pansin, marami sa mga nakasasakit ng damdamin ang gumagawi nang gayon dahil sa kawalan ng karanasan kaysa dahil sa malisya. Karaniwan nang hindi nauunawaan ng mga kabataang lalaki at babae kung paanong ang kanilang paggawi ay nakaaapekto sa damdamin ng iba. O maaaring iligaw sila ng kanilang ‘mapandayang puso’ at bigyan-matuwid pa nga ang alembong na paggawi.—Jeremias 17:9.
Isaalang-alang ang kalagayan ni Eduard at ni Michelle. Maaga pa sa kanilang relasyon, maingat na ipinaliwanag ni Eduard kay Michelle na bagaman gusto niya si Michelle bilang kaibigan, wala siyang balak na maging seryoso. Gayunman, siya’y sumasamang mamasyal at gumawa ng mga bagay na kasama niya, nakikipag-usap sa telepono, at nakikipagpalitan ng regalo. Naghahawakan pa man din sila ng kamay. Gayunman, si Eduard ay nangangatuwiran na hangga’t wala pa siyang kaugnayan, siya’y libre sa anumang pananagutan. Kaya siya’y nabigla at hindi niya alam ang sasabihin nang ihayag ni Michelle ang damdamin niya sa kaniya.
Gayumpaman, maliwanag na hinayaan ni Eduard na iligaw siya ng kaniyang puso. Paano mo maiiwasan na gumawa ng gayon ding pagkakamali? At mayroon bang paraan upang maiwasan na masaktan ng isang alembong?
Ang Pag-alembong ay Nakasasakit Din sa Alembong
Una, dapat mong matanto na ang pakikitungo sa isa na para bang interesado ka sa pag-aasawa gayong sa totoo ay hindi naman ay pagsisinungaling. Ang alembong ay namumuhay sa dalawang malupit na pamantayan. Inaasahan niya na ang iba’y makikitungo sa kaniya nang may kataimtiman, samantalang siya’y hindi nakikitungo nang gayon. Siya’y katulad ng mangangalakal noongKawikaan 12:22; 20:23) Maaaring makasira rin iyan sa iyong reputasyon sa iba.
panahon ng Bibliya na may “dalawang uri ng panimbang” para sa kaniyang timbangan—isa ay tapat, ang isa ay dinisenyo upang dayain ang kaniyang mámimili. Ang gayong pandaraya noon at ngayon ay “kasuklam-suklam” kay Jehova. (Ang awtor na si Kathy McCoy ay nagbabala pa sa isang artikulo sa magasing Seventeen, na ang pag-alembong ay maaaring “sumira sa iyong kakayahang magbahagi, at maaari nitong hadlangan ang pagiging malapit. Pagkatapos ng ilang panahon, ang pag-alembong na walang emosyonal na kaugnayan ay maaaring maging isang nakapagpapamanhid na karanasan.”
Kung Paano Iiwasang Maging Alembong
Kaya dapat mo munang suriin ang iyong motibo kapag ikaw ay natutuksong magpapakita ng interes sa isang di-kasekso. Ikaw ba’y talagang interesado sa pag-aasawa? Kung hindi, ano ang dahilan ng labis na atensiyon sa taong iyon? At kung pag-aasawa ang nasa isip mo, dapat mo pa ring disiplinahin ang iyong sarili na maging malinis, tapat, at tahasan sa iyong pakikitungo. Inilalarawan ng Bibliya ang malinis na relasyon sa pagitan ng binatang pastol at ng dalaga. Walang anumang di-katiyakan o paglabag sa katapatan sa ugnayang iyon; sila’y tapat at taimtim sa kanilang damdamin sa isa’t isa.—Awit ni Solomon 2:16.
Ang pamumuhay sa gayong simulain ay nagbubunga ng mabuti sa ngayon. Si Juan at Anaeli ay mahigit nang dalawang taóng nakakasal. Ang sabi ni Juan: “Isang bagay ang nakatulong sa amin na maging tunay na maligaya. Sa isang salita ito ay, KATAPATAN.” Ang pagiging tapat sa isa’t isa ay tumulong sa kanila na maglagay ng matibay na pundasyon na kung saan lalago ang tunay na pag-ibig. Sa kaniyang aklat na Loving Each Other—The Challenge of Human Relationships, sinabi ni Leo Buscaglia: “Hindi natin maaaring isapanganib na itayo ang isang relasyon sa mga kasinungalingan, kahit na yaong may kabaitang kasinungalingan. . . . Ang katotohanan lamang ang makapagbibigay sa atin ng kinakailangang pagtitiwala para sa isang tumatagal na relasyon.” Malaon nang iniuugnay ng Bibliya ang katapatan sa pag-ibig sa pagsasabing: “Sa pagsasalita ng katotohanan, sa pamamagitan ng pag-ibig ay magsilaki tayo sa lahat ng mga bagay.”—Efeso 4:15; ihambing ang Kawikaan 3:3.
Tunay nga, kahit na ang isa na nagsisikap maging tapat at maalalahanin ay maaaring masangkot sa isang relasyon na hindi matagumpay. Ang tapat na bagay na dapat gawin ay ipakipag-usap ang bagay na iyon nang lubusan at, kung kinakailangan, ay wakasan ang relasyon. a Gayunman, niligawan ni Erik si Ingrid nang mahigit na isang taon bago niya napagwari na hindi sila dapat makasal. Sa halip na makatotohanang harapin niya ang kaniyang nadarama, unti-unti niyang tinapos ang kanilang relasyon. Nang sa wakas ay mahayag ang katotohanan, si Ingrid ay nanangis: “Sa lahat ng panahong ito ay hinihintay ko siyang magpasiya, at pagkatapos ay sasabihin niya sa akin kung ano ang kaniyang nadarama at ako’y nabigla!” Hindi tunay na kabaitan na patagalin ang isang walang-pag-asang pagmamahalan. At sa paggawa niyan ikaw ay mababansagang isang alembong.
Karaniwan na, ang maling romantikong pasimula at di-pagkakaunawaan ay maiiwasan kung sa una pa lang ay ikinakapit na ang payo ng Bibliya na: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang kapakinabangan, kundi yaong sa kaniyang kapuwa.” (1 Corinto 10:24) At katulad ng pagkakasabi ng manunulat na si Kathy McCoy: “Mag-ingat at managot sa anumang pagtugon na iyong pinukaw sa iba.” Oo, ikapit ang Ginintuang Tuntunin sa inyong relasyon at “laging pakitunguhan ang iba na gaya ng pakikitungong nais mong gawin nila sa iyo.” (Mateo 7:12, The New English Bible) Paalalahanan mo ang iyong sarili na ang ibang tao rin naman ay may damdamin. Iwasan na magbigay ng maling impresyon sa halip na sisihin ang iba sa hindi pag-unawa sa iyo.
Huwag Kang Masaktan sa Isang Alembong!
Paano, kung gayon, maiiwasang ikaw ay mabiktima? Una, iwasang lubusang tumugon sa atensiyon ng di-kasekso. Huwag maghinuha na ang bawat magiliw na ngiti ay nagpapahiwatig ng isang romantikong interes.
Ang ilang adulto ay nagkakamali rin na agad na emosyonal na masangkot. Si Jonathan ay nagkagusto kay Deborah bagaman siya’y kilala sa pagiging alembong. Di nagtagal at sila’y naging magkatipan. Pagkatapos, biglang-bigla at walang paliwanag, tinapos ni Deborah ang kanilang relasyon. Sa pagpapakita ng kunwang katapangan, itinago ni Jonathan ang kaniyang nasaktang damdamin, sa pagsasabing: “Wala akong pakialam sa kaniya. Balak kong magkaroon ng katuwaan na gaya ng dati!” Ngunit pagkatapos ay inilagay niya ang kaniyang ulo sa kaniyang mga kamay at talagang umiyak. Si Deborah? Siya’y dalawang beses pang nakipagtipan, sa bawat pagkakataon ay nakikipagkalas na gaya ng dati.
Bagaman si Deborah ang higit na masisisi, si Jonathan ay masisisi rin. Sa isang bagay, si Jonathan ay kilala rin sa pagiging alembong. Kaniyang naranasan ang simulaing: ‘Aanihin mo kung ano ang iyong itinanim.’ (Galacia 6:7) Huwag gumawa ng gayon ding pagkakamali. Yamang ang alembong ay waring nakatatawag-pansin sa kapuwa alembong, malamang na maiwasan mong mabiktima kung iyong pakikitunguhan ang di-kasekso nang may paggalang.
Si Jonathan ay hindi rin nagpakita ng karunungan at mabuting pagpapasiya. Ang Kawikaan 14:15 ay nagsabi na “ang matalino ay tumitinging mabuti sa kaniyang lakad.” Sa ibang salita, alamin mo muna kung ano ang nasasangkot bago ka gumawa ng pagkilos. Bago ka emosyonal na mapasangkot sa isa, alamin mo mula sa maygulang, responsableng mga adulto kung ang taong iyon ay may mabuting ulat o wala. (Ihambing ang Gawa 16:2.) Kung ginawa lamang iyon ni Jonathan, sana’y nalaman niya na si Deborah ay kilala sa pagiging makasarili sa kaniyang pakikitungo sa mga kaibigan.
Sa katapusan, alamin ang pagkakaiba sa pagitan ng pag-ibig at ng pagkahumaling. Si Deborah ang uring salawahan, madaling magambala ng ibang mga binata. Ito sana ang nagbabala kay Jonathan sa katotohanan na ang interes niya sa kaniya ay panandalian lamang. Ang tunay na pag-ibig ay hindi salawahan.—Ihambing ang Awit ni Solomon 8:6.
Pagpapahilom sa Sakit
Maaaring di-maiwasan ang mga pasâ at galos sa isang tunay na pag-ibig. Ngunit kung sinaktan ang damdamin mo ng isang alembong, huwag kang susuko sa buhay. Si Michelle (nabanggit sa simula) ay hindi naghinanakit o naging mapaghiganti. Sa halip na patuloy na pagningasin ang pag-ibig niya kay Eduard, siya ay nagpatuloy sa kaniyang buhay at mula noon ay nagtamasa ng maraming pribilehiyo sa paglilingkurang Kristiyano. Kamakailan siya’y naging katipan ng isang magaling na binata.
Hanggang sa ikaw ay makapag-asawa, panatilihin mo ang paggalang-sa-sarili. Hindi mo kinakailangang umalembong o ligawan ang isang alembong upang matuto tungkol sa di-kasekso o upang makasumpong ng tunay na pag-ibig. Lumayo sa mga di-kasekso na mabababaw o interesado lamang sa kanilang pagpapahalaga sa sarili. Maging makatuwiran, tapat, at di-sakim sa iyong pananalita at pagkilos. Sa paggawa ng gayon, maiiwasan mo ang pinsala ng pag-alembong.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Dapat ba Kaming Maghiwalay?” na lumitaw sa Hulyo 22, 1988, na labas ng Gumising!
[Larawan sa pahina 18]
Ang pag-alembong ay maaaring humantong sa di-pagkakaunawaan at sama ng loob