Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Wala Nang mga Hiroshima!”

“Wala Nang mga Hiroshima!”

“Wala Nang mga Hiroshima!”

BAGAMAN ang mga Haponés ay tuwang-tuwa sa tagumpay nila sa Pearl Harbor at ginugunita ito samantalang sila’y nananalo, ang petsa ay inilibing sa limot pagkatapos nilang matalo sa digmaan. Nang ang gobyerno ng Hapón ay tanungin kamakailan tungkol sa hindi paghingi ng paumanhin sa pagsalakay, ang pinuno ng gabinete ay sumagot: “Sa estratihiko at pangkalahatang pananalita, may palagay ako na ang pagsalakay sa Pearl Harbor ay hindi kapuri-puri. Gayumpaman, ang mga bagay may kaugnayan sa digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at ng Hapón ay inayos na ng Kasunduan sa Kapayapaan sa San Francisco.”

Ang kaniyang mga pananalita ay kumakatawan sa mga damdamin ng ilang Haponés tungkol sa biglaang pagsalakay na nagpasimula sa digmaan sa Pasipiko. Bagaman mahigit na isang milyong Haponés ang dumadalaw sa Hawaii taun-taon, ulat ng pahayagang Mainichi Shimbun, kakaunti lamang ang dumadalaw sa U.S.S. Arizona Memorial, na itinayo upang alalahanin ang pagsalakay sa Pearl Harbor.

Bagaman ang sawikaing “Alalahanin ang Pearl Harbor!” ay nagpapagunita ng mapapait na alaala sa ilang Amerikano, nagugunita naman ng mga Haponés ang kanilang mga paghihirap sa sigaw na “Wala Nang mga Hiroshima.” Ang mga bomba atomika na sumabog sa mga lungsod ng Hiroshima at Nagasaki noong Agosto 1945 at nagkaroon ng traumatikong epekto hindi lamang sa mga biktima kundi sa bansa sa kabuuan.

Ang pagkarinig mismo sa mga karanasan ng mga nakaligtas ay tutulong sa atin na maunawaan ang kanilang mga damdamin. Kunin halimbawa, si Itoko, na katatapos lamang sa pag-aaral at naging isang sekretarya sa Naval Institute sa Hiroshima. Kahit na siya ay nasa loob ng gusaling pinagtatrabahuan niya, nadama niya ang kislap ng bomba atomika, para bang siya ay inugoy ng liwanag mismo. “Nagtrabaho akong kasama ng mga sundalo upang linisin ang lungsod ng mga bangkay,” sabi ni Itoko. “Sa isang ilog, inihagis ng mga sundalo ang isang lambat sa pangingisda mula sa isang bangka at nakakuha ng mahigit na 50 bangkay sa tuwing hihilahin nila ang lambat. Dinala namin ang mga bangkay sa pampang at isinalansan ito nang limahan at sinunog ang mga ito. Karamihan sa kanila ay hubo’t hubad. Hindi ko makilala ang lalaki sa babae, at ang kanilang mga labi ay namamaga na parang mga tukâ ng pato.” Hindi makalilimutan ng mga Haponés ang kakilabutang dala ng dalawang bomba atomika.

Kung Bakit Ginamit ang Sandata ng Lansakang Pagpuksa

Si Propesor Shigetoshi Iwamatsu ng Nagasaki University, na isang biktima mismo ng bomba atomika, ay sumulat sa mga pahayagan sa Kanluran mahigit na 20 taon ang nakalipas upang ipaalam sa kanila ang suliranin ng mga biktima. “Siya’y nagitla sa mga sagot,” ulat ng Asahi Evening News. “Kalahati ng mga sagot ay na ang mga bomba atomika ang nagpahinto sa pagsalakay ng Hapón at na kakatuwa para sa mga biktima ng bomba na manawagan para sa kapayapaan.”

Ipinaliliwanag ang dahilan sa paggamit ng sandata ng lansakang pagpuksa, ang The Encyclopedia Americana ay nagsasabi: “Siya [si Harry S. Truman] ay nagpasiyang gamitin ang mga bomba atomika laban sa Hapón, naniniwalang mabilis na wawakasan nito ang digmaan at ililigtas ang mga buhay.” Bagaman hindi walang pakiramdam sa mga damdamin ng mga biktima ng bomba atomika, si Kenkichi Tomioka, isang peryudistang Haponés na nag-ulat sa magulong kalagayan pagkatapos ng digmaan, ang nagsabi: “Ginugunita ang panahon sa pagitan ng Marso/Abril at Agosto 1945, nang ang mga operasyon upang wakasan ang digmaan ay sumapit sa sukdulan na isinasapanganib ang kalagayan ng bansa, hindi namin maaaring waling-bahala ang papel na ginampanan ng dalawang bomba atomika, lalo na sa pagpapalamig sa maiinit na ulo, na ginawa sa mga militaristang humihiling ng isang pangwakas na laban upang ipagtanggol ang inang bayan. Ang isang pangwakas na laban ay maaaring mangahulugan ng gyokusai (pagsugod sa kamatayan sa halip na sumuko) ng 100 milyong populasyon.”

Gayumpaman, yaong mga nawalan ng mga mahal sa buhay sa mga pagbombang atomika at yaong mga nagkasakit dahil sa radyasyon ay nakasusumpong na ang kanilang mga kirot ay hindi mapagiginhawa ng mga salita na nagbibigay-matuwid sa paghuhulog ng pikadon, o “kislap-at-pagsabog,” gaya ng tawag ng mga nakaligtas sa mga bomba atomika. Bagaman malaon na nilang nakita ang kanilang mga sarili bilang walang malay na mga biktima, batid ngayon ng ilang nakaligtas sa bomba atomika na bilang mga Haponés, dapat nilang kilalanin, gaya ng pagkakasabi ni Propesor Iwamatsu, ang “mga krimen na nagawa nila sa kanilang pagsalakay laban sa ibang bansa sa rehiyon ng Asia-Pasipiko.” Noong 1990 isang biktima ng bomba ang humingi ng paumanhin sa mga krimen ng digmaan ng Hapón sa harap ng banyagang mga delegado sa taunang demonstrasyon laban sa bomba sa Hiroshima.

Talaga Bang May Dahilan Silang Pumatay?

Isang matinding pagkapoot sa digmaan ang nasa mga puso ng maraming nakaligtas at mga nakasaksi mismo sa Pearl Harbor, Hiroshima, at Nagasaki. Nililingon ang nakaraan, tinatanong ng iba kung ang kanila bang mga bansa ay may mabisang dahilan upang hilingin na ihandog ng kanilang mga mahal sa buhay ang kanilang buhay upang ipaglaban ang kanilang bansa.

Upang pukawin ang kaalaban sa digmaan at bigyang-matuwid ang pagpatay, ang magkabilang panig ay naglunsad din ng berbal na mga pagsalakay. Tinawag ng mga Amerikano ang mga Haponés na “sneaky Japs” at nasumpungan nilang napakadaling pag-alabin ang poot at paghihiganti sa mga salitang “Alalahanin ang Pearl Harbor!” Sa Hapón ang mga tao ay tinuruang ang mga Anglo-Amerikano ay mga kichiku, ibig sabihi’y “demonikong mga hayop.” Marami sa Okinawa ang naakay pa ngang magpakamatay kaysa mahulog sa kamay ng “mga hayop.” Sa gayunding paraan, pagkatapos sumuko ng mga Haponés, nang ang lumulusob na mga hukbong Amerikano ay bumaba sa kalapit na daungan, ang kabataang si Itoko, na nabanggit kanina, ay binigyan ng dalawang dosis ng nakalalasong potassium cyanide ng kaniyang komandante. “Huwag mong hayaang maging laruan ka ng mga sundalong banyaga,” utos niya.

Gayunman, sa pamamagitan ng kaniyang Hapones-Hawayanong mga kaibigan, unti-unting napalawak ni Itoko ang kaniyang pangmalas at natanto niya na kapuwa ang mga Amerikano at mga Britano ay maaaring maging palakaibigan, magiliw, at mabait. Nakilala niya si George, isang Irlandes na ipinanganak sa Singapore, na ang ama ay napatay ng mga Haponés. Nagkakilalahan sila at nagkapangasawahan. Isa lamang silang halimbawa ng marami na nakasumpong na ang kanilang dating mga kaaway ay mapayapang mga tao. Kung minalas ng lahat ang “mga kaaway,” hindi sa paningin ng mga nanghihikayat ng digmaan, kundi sa kanilang sariling walang kinikilingang mga mata, maaari nilang paulanan sila ng pag-ibig sa halip ng mga bomba.

Oo, ang kapayapaan sa pagitan ng mga indibiduwal salig sa pagkakaunawaan sa isa’t isa ay mahalaga sa kapayapaang pandaigdig. Subalit dahil sa napakaraming digmaang ipinagkipaglaban sapol noong 1945, maliwanag na ang tao ay hindi natuto sa mahalagang leksiyong ito mula sa Pearl Harbor at Hiroshima. Gayuman, kahit na ang kapayapaan sa pagitan ng mga indibiduwal ay hindi sapat upang magdala ng kapayapaang pandaigdig. Ano ang magdadala nito? Ipaliliwanag ito ng susunod na artikulo.

[Blurb sa pahina 7]

Samantalang ang sawikaing “Alalahanin ang Pearl Harbor!” ay nagdadala ng mapapait na alaala sa ilang Amerikano, ginugunita naman ng mga Haponés ang kanilang paghihirap sa sigaw na “Wala Nang mga Hiroshima!”

[Blurb sa pahina  8]

Ang kapayapaan sa pagitan ng mga indibiduwal na salig sa pagkakaunawaan sa isa’t isa ay mahalaga sa kapayapaang pandaigdig

[Larawan sa pahina 7]

Sina Lloyd Barry at Adrian Thompson, mga misyonero ng Samahang Watch Tower, sa harap ng Hiroshima’s Peace Memorial noong 1950

[Larawan sa pahina 8]

Ang kagibaan ng Hiroshima pagkatapos ng pagsabog ng bomba-atomika

[Credit Line]

U.S. Army/Sa kagandahang-loob ng Japan Peace Museum