Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hangang-hanga sa Kanilang Nakita

Hangang-hanga sa Kanilang Nakita

Hangang-hanga sa Kanilang Nakita

NOONG nakararaang tag-araw sa maraming bahagi ng Silangang Europa gayundin sa malayong Kazakhstan at Siberia, ang mga Saksi ni Jehova ay naobserbahan sa mga paraan na hindi kailanman nila nakita noon. Ang mga maninirahan doon at mga bisita sa kombensiyon sa mga dakong iyon ay humanga, oo, gulat na gulat pa nga, sa kanilang nakita.

Ang mga delegado sa Zagreb ay paulit-ulit na sinabihan: “Hindi namin akalain na kayo’y darating!” Kinansela ng karamihan ng ibang turista ang kanilang mga plano sa paglalakbay​—subalit hindi ang mga Saksi ni Jehova. Ang The Times ng London ay nag-ulat tungkol sa kombensiyon: “Ito, sa katunayan, ang unang kombensiyon na inorganisa ng mga Saksi ni Jehova sa isang estado na nakikipagdigma sa kaniyang sarili.”

Ang mga pulis lalo na ay namangha nang labis. Ang isa sa Zagreb ay nagsabi: “Makabubuting ipakita sa media kung ano ang nangyayari sa istadyum na ito, dito mismo, kung saan makikita natin ang mga Serbiano, Croats, Sloveniano, Montenegrins, at iba pa na mapayapang nauupong magkakatabi.”

Sa Budapest isang pulis ang hiniling na ihambing ang mga Saksi na nagkakatipon sa napakalaking istadyum sa karaniwang pulutong na nanonood ng larong soccer. Siya ay ngumiti, tumingala, at nagsabi: “Ang kaibhan ay tulad ng pagitan ng langit at lupa.”

“Anong ibig ninyong sabihin?”

“Bueno,” tugon niya, “tingnan mo lang. Walang naninigarilyo, walang kalat saanman, at ang mga tao ay magalang. Ginagawa nila kung ano ang ipinagagawa sa kanila.”

Sa Kiev, ang kabisera ng Ukraine, 14,654 ang nagtipon sa Dynamo Stadium, na ang ilan ay makikita sa pabalat ng magasing ito. Tinanong ng isang Saksi roon ang isa sa mga kapitan ng pulis kung ang kaniya bang mga tauhan ay kailangang magpagal sa panahon ng kombensiyon. “Hindi, sa susunod ay dalawa na lamang pulis ang ipadadala namin sa inyo.”

“Bakit dalawa?” tanong niya.

“Kapag nakatulog ang isa,” pabiro niyang tugon, “mababantayan siya ng isa.”

Humanga ang Madla

Ang Pesti Hírlap, isang pahayagan sa Budapest, ay nag-ulat: “Mahigit na 40,000 ang gumugol ng dulo-ng-sanlinggo sa Népstadion. Walang piraso ng papel, walang mumo ng tinapay, wala ni upos ng sigarilyo ang naiwan.” Ang Fehérvár Hírlap, isa pang pahayagan sa lungsod, ay nagsabi: “Yaong nagkataong gumala sa Népstadion sa pagitan ng Hulyo 26 at 28 ay tiyak na nagulat. . . . Makikita nila ang bihirang maranasang halimbawa ng Kristiyanong paggawi at paraan ng pamumuhay.”

Noong dulo-ng-sanlinggo binaha ng malakas na buhos ng ulan ang Budapest; mahigit na limang centimetro ang bumuhos. Subalit hindi nito napahinto ang mga Saksi. “Hindi kapani-paniwala! Nakalilito sa isip! ” narinig na sinabi ng isang pulis. “Patuloy silang dumarating . . . Walang makapigil sa kanila.” Noong Lunes ay ulong-balita ng isang pahayagan ang artikulo nitong “Panalangin sa Ulan” at sinipi ang mga delegado: “Kami’y nabasa lamang ng ulan, hindi natangay! ”

Sa Lvov, kung saan 17,531 ang nagtipon sa Central Ukraine Stadium, isang opisyal ng pulis ang nagsabi sa isa sa mga Saksi: “Para sa anumang ibang pangyayaring pampubliko na dinadaluhan ng napakaraming tao, kami’y mangangailangan ng daan-daang pulis. Para sa inyong kombensiyon mayroon kaming sampung pulis, at sila’y hindi talagang kailangan.”

Pagkatapos, ipinahahayag kung gaano siya humanga sa kombensiyon, ang opisyal ay nagsabi: “Kayo’y nakahihigit sa pagtuturo sa iba kung ano ang mabuti, pinag-uusapan ninyo ang tungkol sa Diyos, at hindi kayo gumagawa ng karahasan. Pinag-uusapan namin kung bakit pinag-usig namin kayo, at naghinuha kami na hindi kami nakinig sa inyo at wala kaming nalalaman tungkol sa inyo.”

Pagkatapos ng kaniyang pagbisita sa kombensiyon sa Usolye-Sibirskoye, Siberia, isang reporter para sa pahayagang Sobyet na Leninskiy Put’ ay sumulat: “Nakapagtatakang makita ang paggalang, gayundin ang kakayahang umunawa at tumugon sa pangangailangan ng iba, na ipinakikita ng mga lingkod ni Jehova sa isa’t isa. Hinding-hindi ko malilimutan ang mga salita sa kombensiyon: ‘Huwag kayong magnanakaw! Huwag kayong magsisinungaling! Huwag kayong iinom [nang labis]! Maging masipag! Tulungan ang inyong kapuwa! ’ Sa paano man, ang mga simulaing ito ang dapat pagsikapan ng mga tao sa pangkalahatan. Subalit madalas nating makalimutan ito.

“Kahanga-hanga rin, ang saloobing kapatid na ipinakikita sa iba, ang pagiging handang tumulong. Isang babae ang nag-alok sa amin ng isang diaryo upang hindi kami maupo sa maalikabok na bangko. Nang magsimulang umulan, iniabot sa akin ng isang dalagang nakaupo sa tabi ko ang kaniyang payong na nakangiti, at literal na hinila ng isang lalaki ang basang bata sa ilalim ng kaniyang payong. . . .

“Ang kapaligiran mismo sa kombensiyon ay nagpapangyari sa isang tao na bumuti ang pakiramdam, maging mas edukado, mas marangal. Imposibleng hindi ngumiti sa kabaitan na ipinakikita ng mga estranghero. . . . Nilisan namin ang istadyum na ang pakiramdam namin kami’y nalinis, nakaranas ng isang magandang bagay.”

Para sa kombensiyon sa Kiev, mahigit na 2,000 ang dumating mula sa Moscow at mga 4,500 mula sa Caucasus. Isang information desk ang inilagay sa airport, at idinispley ang mga literatura sa Bibliya. Marami ang nagtanong na magiliw namang sinagot. Isang gabi isang lalaki ang lumapit at nagsabi: “Matagal ko na kayong pinagmamasdan. Hangang-hanga ako sa mabait na pakikipag-usap ninyo sa mga tao tungkol sa Kaharian. Pahintulutan ninyo akong ibigay ko sa inyo ang mga bulaklak na ito bilang isang regalo sa inyong napakahusay na trabaho.”

Noong panahon ng bautismo sa kombensiyon sa Usolye-Sibirskoye, isang peryudista ang labis na humanga nang makita niya ang maraming Ruso na niyayakap at binabati ang isang taong bagong bautismo na mula sa bayan ng Buryat. Bagaman ang Siberia ay pangkalahatang malaya sa pambansang di-matuwid na opinyon, bihirang-bihira ang tunay na pagkakaibigan sa pagitan ng mga Ruso at ng taong iyon. “Paano ninyo napagtagumpayan ang pambansang mga hadlang na ito?” tanong ng peryudista.

“Sa pamamagitan ng pagkakapit ng simulain sa Bibliya na ‘dapat mong ibigin ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili,’” sabi sa kaniya.

Isang Internasyonal na Kapatiran

Ang totoong nakapagpapagalak-puso sa tatlong internasyonal na kombensiyong ito ay ang pagpapakita ng pag-ibig sa pagitan ng mga delegado mula sa buong daigdig. Ang Budapest ay nagkaroon ng bisita na mula sa 35 bansa, karamihan sa kanila ay buhat sa Poland at Alemanya, subalit marami ring nagsidalo buhat sa maraming iba pang lugar, pati na ang halos 500 mula sa Unyong Sobyet. Ang Prague ay may mga delegado buhat sa 39 na mga bansa, kasali na ang mahigit na 26,000 mula sa Alemanya, halos 13,000 mula sa Poland, mahigit na 900 mula sa Italya, 819 mula sa Netherlands, 746 mula sa Sweden, at 743 mula sa Hapón. Ang Zagreb ay may mga bisita buhat sa 15 bansa, sa kabila ng banta ng gera sibil.

Sa bawat internasyonal na kombensiyon, tatlong plataporma ang itinayo sa larangan na nakaharap sa iba’t ibang bahagi ng istadyum. Mula sa mga platapormang ito ang buong programa ay iniharap nang sabay-sabay sa tatlong wika. Sa Budapest ang mga wika ay Hungariano, Polako, at Aleman; sa Prague ito ay Czech/Slovak, Polako, at Aleman; at sa Zagreb ito ay Croatiano/Serbiano, Sloveniano, at Italiano. Noong panahon ng nakapagtuturong drama sa Bibliya, na mula sa mga karanasan ng sinaunang si Ezra at ang kaniyang mga kasama, napapanood ng mga delegadong nagsasalita ng iba’t ibang wika ang pagtatanghal sa alinman sa tatlong wikang mga dako na pinili nilang upuan.

Karamihan ng mga pangunahing pahayag sa mga kombensiyon ay ipinahayag nang sabay-sabay sa Ingles ng iba’t ibang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Bawat isa sa kanila ay nagsalita sa isa sa tatlong plataporma. Mangyari pa, ang mga pahayag na ito ay isinalin para sa kapakinabangan ng tatlong pangunahing pangkat ng wika, at sa Budapest at sa Prague, ito ay isinalin din sa maraming ibang wika.

Ang iba’t ibang tagasalin sa mga wikang ito ay tumayo sa larangan sa harap ng kani-kaniyang pangkat na wika. Pinangyari ng mga laudispiker na nakatutok sa partikular na wikang iyon na marinig ang kanilang sariling wika nang hindi nagagambala ng mga pagsasalin sa ibang wika sa ibang bahagi ng istadyum. Sa Budapest, halimbawa, ang mga pahayag ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay isinalin sa Olandes, Finis, Pranses, Griego, Italiano, Hapones, Norwego, Kastila, at Sueko, bukod pa sa pangunahing mga wikang Hungariano, Polako, at Aleman.

Sa bawat isa sa internasyonal na mga kombensiyon, ang nakagaganyak na pangwakas na pahayag ay ipinahayag ng tatlong miyembro ng Lupong Tagapamahala. Ang kanilang hamon ay matapos hangga’t maaari nang sabay. Pagkatapos, mga tinig ng maraming nasyonalidad ay nagsama-sama sa awit, at sa wakas ang mga puso’y nagkaisa sa taimtim na panalangin ng pasasalamat sa Diyos na Jehova sa pagpapala sa kamangha-manghang mga pagtitipong ito na maging matagumpay.

Nang ang pangwakas na “Amen!” ay mabigkas, walang sinuman ang nais na umalis. Tumulo ang mga luha sa mukha ng libu-libo. Sa ibayo ng malalaking istadyum, ang mga panyo, bandana, at mga payong ay nagwagaywayan sa pamamaalam sa minamahal na mga kaibigan na nanatiling tapat sa Diyos sa kabila ng mahahabang taon ng pagbabawal at pagkabilanggo. Sa Prague maraming kaibigan ang nanatili ng mahigit na isang oras, nag-aawitan at nasisiyahan sa pakikisama sa mga kapatid.

Ang kamangha-manghang tagumpay ng mga kombensiyong ito ay hindi nangyari nang walang pagsisikap. Literal na daan-daang libong oras ang ginugol ng mga Saksi ni Jehova hindi lamang sa paghahanda upang dumalo kundi sa pangangalaga rin sa daan-daang detalye na kailangan upang gawing matagumpay ang mga kombensiyong ito.

Paghahanda ng mga Pasilidad

Ang pagkalaki-laking Strahov Stadium sa Prague, na hindi ginamit sa loob ng mga taon para sa malaking pagtitipon, ay lubhang nangangailangan ng kumpuni. Mayroon lang halos 55,000 magagamit na upuan, hindi sapat sa inaasahang bilang para sa pinakamalaking kombensiyon sa Silangang Europa sa tag-araw. Kaya isang nasirang makinang pangkatam ang hinanap, inayos, at ginamit upang gumawa ng mahigit na 18 kilometro ng mga bangko para maupuan ng karagdagang 30,000 o higit pang mga tao.

Mangyari pa, ang paggawa at pagkabit ng mga bangko ay bahagi lamang ng gawain. Kailangan din ang pagpipintura, paglilinis, pagdadamo, at pagkukumpuni. Sa wakas, ang istadyum ay pinalamutian ng 8,300 pasô na may 33,200 bulaklak at 1,357 punong conifer. Kung minsan isang libong manggagawa ang naroroon. Lahat-lahat mahigit na 66,000 oras ang ginugol ng mga boluntaryo mula sa 260 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Gayunding gawain ang ginawa upang maihanda ang mga istadyum sa Budapest, Zagreb, at iba pang lungsod. Halos 4,000 boluntaryo ang gumugol ng mahigit na 40,000 oras ng pagtatrabaho sa mga dako ng kombensiyon sa Lvov. Ang kanilang ginawa ay naging pinaka-bayad nila sa pag-upa sa mga pasilidad. Lahat ng mga bangko sa istadyum ay kinumpuni at pininturahan, at lahat ng mga palikuran ay nilinis at inayos. Gayundin, isang tatlumpu’t-tatlong-metro-ang haba na gusaling yari sa laryo ang itinayo na naglalaman ng karagdagang mga pasilidad na palikuran. Kahawig nito, sa Khimik Stadium sa Usolye-Sibirskoye, 52 ekstrang palikuran ang ginawa para sa gamit sa panahon ng kombensiyon.

Ang punong inhinyero sa istadyum sa Lvov ay nagsabi: “Sa buong buhay ko, hindi pa ako kailanman nakakita ng gayong pambihirang mga tao. Kayo’y nagtatrabaho na parang isang malaking pamilya. Hindi ko ito maintindihan, subalit ang paggawang kasama ninyo ay kaaya-aya.” Ang administrasyon ng istadyum ay naghanda ng isang sulat na doo’y pinasalamatan nila ang mga Saksi “sa kanilang mahusay na paggawa at sa kanilang mabubuting katangian at diwa ng pananagutan.” Ang sulat ay nagtapos: “Sana’y magkaroon kayo ng matagumpay na kombensiyon sa Lvov.”

Sa Kiev ang sahig sa silid na pagtatayuan ng kapiterya ay nangangailangan ng kumpuni. Sa loob ng dalawang araw ay natapos ang trabaho. Dalawang manggagawa sa istadyum ang pumaroon upang tingnan ang “himala,” sabi ng isa sa kaniyang kasama: “Sa loob ng dalawang araw ay nagawa nila ang isang gawain na kalahating taóng gagawin ng ating mga tao.” Ang presidente ng samahan para sa isports na pantubig ay nagsabi sa tagapangasiwa ng kombensiyon: “Binago ninyo nang husto ang istadyum anupa’t hindi na namin ito makilala.”

Ang mga kawani sa istadyum ng Kiev ay sumulat bilang pagpapahalaga: “Tuwang-tuwa kami sa kaayusan ng kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. . . . Kung paanong ang mga bukal mula sa sapa ay nagsasama-sama upang maging isang umaapaw na agos, gayon ang pag-agos ng mga Saksi ni Jehova mula sa maliit hanggang sa malaki ay sama-samang umaagos sa kanilang kapistahan. Ito’y karapat-dapat sa paghanga. Nakikita natin ito sa kauna-unahang pagkakataon. Pinasasalamatan namin kayo na kami’y inyong tinuruan sa pamamagitan ng inyong halimbawa.”

Pag-aasikaso sa mga Delegado

Isa sa pinakamalaking atas ay ang pag-aayos ng mga tutuluyan para sa libu-libong bisita. Binuksan ng mga Saksi roon ang kanilang mga tahanan sa mga delegado. Para sa kombensiyon sa Prague, pinatuloy ng mga Saksing Czech sa kanilang sariling mga tahanan ang 6,280 mula sa Poland. Sa Budapest, 2,203 mga delegado ang tumuloy sa pribadong mga tahanan. At pinatuloy ng 278 mga Saksi sa Kiev ang mga 750 hanggang 800 bisita.

Karagdagan pa, maraming paaralan at mga himnasyo sa Budapest at Prague ang nagsilbing mga tirahan. Mahigit na 40 paaralan ang ginamit sa Budapest upang maging tuluyan ng 7,930 katao. Sa Prague, 12,530 ang natulog sa mga paaralan at mga himnasyo. Libu-libong mga kutsong de hangin ang binili para magamit sa mga pasilidad na ito. Mahigit na 29,000 na dumalo sa kombensiyon sa Prague ang tumuloy sa mga dormitoryo ng mga estudyante at sa mga youth hostel, at libu-libo pa ang tumuloy sa karaniwang mga otel.

Sa ibang mga kombensiyon, gumawa ng mga kaayusan para sa mga delegado na matulog sa mga tren na nagdala sa kanila. Ginamit ng halos dalawang libong mga Saksi mula sa Zakarpatskaya Oblast ang mga kotse ng tren bilang kanilang mga tulugan sa Kiev. Ang iba na galing sa Caucasus patungong Kiev ay gayundin ang ginawa. Gayon din, ang mga Saksi sa Lithuania na naglakbay patungo sa kombensiyon sa Tallinn, Estonia, ay natulog sa mga tren na sinakyan nila.

Kahit na pagdating nila, ang mga delegado ay inasikaso sa maraming paraan ng kanilang maalalahaning mga maypabisita. Halimbawa, gumawa ng mga kaayusan sa Prague na magpatakbo ng 40 bus upang tulungan ang isang linya na karaniwang sinasaklaw ng isa lamang bus. Karagdagan pa, dahil sa paunang bayad, ang mga delegado ay libreng makasasakay sa pampublikong mga sasakyan patungo sa kombensiyon sa umaga at pauwi sa gabi sa pagpapakita lamang ng kanilang mga badge ng kombensiyon. Sa Unyong Sobyet, 11 bus patungo sa kombensiyon sa Usolye-Sibirskoye mula sa kalapit na Angarsk ay inihatid ng dalawang kotse ng trapik pulis, isa sa harap at isa sa likod!

Mga Pagsisikap na Dumalo

Ang mga delegado sa mga kombensiyon sa Sobyet ang partikular na naglakbay ng malalayong distansiya sa pagkalaki-laking halaga. Ang ilan ay nag-impok ng isang buong taon upang makabayad sa kanilang pasahe. Isang delegasyon ang nanggaling pa buhat sa daungan sa Karagatang Pasipiko ng Vladivostok, naglalakbay ng mahigit 3,200 kilometro tungo sa Usolye-Sibirskoye. Labindalawang iba pang delegado ay galing sa isla ng Sakhalin sa Karagatang Pasipiko hilaga ng Hapón. Ang isa ay 20-anyos na kabataan na kasama ng tatlong iba pang kabataan na pinagdarausan niya ng pag-aaral sa Bibliya.

Isang tsuper ng bus sa Sayanogorsk, na balak magpabautismo sa Usolye, ay matiyagang humingi sa kaniyang amo ng ilang araw na bakasyon upang dumalo sa kombensiyon, subalit ayaw siyang payagan ng kaniyang amo. Kaya ang lalaki ay nagtungo sa lungsod ng Abakan at kumuha ng isang kopya ng dokumentong Sobyet nitong nakalipas na Marso 27 na opisyal na kumikilala sa mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyosong organisasyon. Sa kabila ng pagkakita sa dokumento, ayaw pa rin siyang payagan ng kaniyang amo na magbakasyon. Maaga noong araw ng kaniyang pag-alis, pagkatapos ng isang taimtim na panalangin, ang lalaki ay muling sumamo at sa wakas ay pinayagan na umalis.

Bautismo at Bagong mga Publikasyon

Ang bautismo ay isang kapana-panabik na bahagi ng lahat ng mga kombensiyong ito sa Silangang Europa. Sa pamamagitan ng sagisag na pagpapalubog sa tubig, 18,293 katao na dumalo sa mga kombensiyong ito ang nagpatunay na walang pasubaling inialay nila ang kanilang buhay sa Diyos na Jehova. Isang batang kandidato sa bautismo sa Prague, na kamakailan lamang ay tumanggap ng isang magandang alok na trabaho, ay nagsabi: “Para bang ako’y pinapili sa pagitan ng isang trinitaryong diyos na binubuo ng dolyar ng U.S., mark ng Alemanya, at shilling ng Austria sa isang panig at si Jehova naman sa kabilang panig. Nagpasiya ako sa panig ni Jehova at tinanggihan ko ang alok.”

Ang bautismo sa Tallinn ay ginanap sa isang panlabas na pool malapit sa Dagat ng Baltic kung saan isang dating moog na ginamit na isang bilangguan ay makikita sa background. Dito maraming Saksing taga-Estonia ay kinulong bago sila pinadala sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Russia noong maagang 1950’s. Anong laking tuwa, lalo na sa may edad na, na makita ang 447 bagong mga mananampalataya na sagisagan ang kanilang pag-aalay kay Jehova sa isang pangmadlang seremonya!

Ang isa pang kapana-panabik na bahagi ng mga kombensiyon ay ang paglalabas ng bagong mga publikasyon. Ang mga kaibigang taga-Lithuania sa Tallinn ay literal na lumukso sa kanilang mga upuan at sumigaw sa kagalakan nang sa kanila’y sabihin na ang brosyur na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng Bagay” ay makukuha na ngayon sa kanilang wika. Gayundin naman, isang tampok ng mga kombensiyon sa Romania ay ang paglalabas ng aklat na Apocalipsis​—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito! sa wikang Romaniano, at para naman sa mga Czech at mga Slovak sa Prague, ito ay ang pagtanggap ng New World Translation of the Holy Scriptures sa kani-kanilang wika.

Gayunman, sa karamihan ng mga kombensiyon, ang nagdulot ng lipós na tuwa ay ang paglalabas ng bagong aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Sampung angaw na mga kopya na ang nailimbag sa 59 na mga wika.

Wastong Paggamit sa Kalayaan

Ngayon, ang literatura sa Bibliya ay tinatanggap sa Silangang Europa, pati na sa Unyong Sobyet. Mga trak na may kargang Ang Bantayan at Gumising! ay umaalis sa napakalaking palimbagan ng mga Saksi ni Jehova sa Selters/Taunus, Alemanya, at nagtutungo sa ibayo ng mga hangganan ng mga bansa sa Silangang Europa. Anong laking pagkakaiba noon nang, sa panganib ng pagkabilanggo, kailangang ipuslit ng mga Saksi ang mga literatura sa mga bansang ito!

Inilalarawan ang kamangha-manghang pagbabago, ang sumusunod na pag-uusap ay naganap sa pagitan ng isang opisyal ng adwana at ng isa sa mga Saksi ni Jehova noong panahon ng kombensiyon sa Tallinn:

“Ano ang laman ng maliit na kahong iyan?”

“Mga magasin po.”

“Anong mga magasin? Ito ba’y mga magasing tungkol sa Diyos? ”

“Opo, gayon nga po.”

“Mga magasin ng Diyos na si Jehova?”

“Opo! ”

“Jaa’a, maganda iyan. Makalalakad na kayo.”

Pagkatapos ng kombensiyon sa Budapest, inanyayahan ni Arpad Goncz, presidente ng Hungary, ang isang Saksi na nakasama niya sa selda noong panahon ng paniniil ng Komunista. Si Mr. Goncz ay gumugol ng isang oras na kasama niya at pagkatapos ay hiniling ang kaniyang dating kasama sa selda na ipaabot ang kaniyang pagbati sa mga Saksi ni Jehova. Ang mga maibigin sa maka-Diyos na kalayaan saanman ay tunay na nagpapasalamat na ipinahihintulot ngayon ng kasalukuyang mga opisyal, gaya ni Mr. Goncz, ang kalayaan ng pagsamba sa Silangang Europa.

Ipinakikita na wastong ginagamit ng bayan ni Jehova ang kanilang kalayaan, inilarawan ng The New York Times nitong Setyembre ang isang tanawin sa St. Petersburg (dating Leningrad), na ang sabi: “Ang mabagal na mga nota ng ‘Summertime’ ni Gershwin ay pumailanglang sa ibayo ng Ilog Neva . . . Ang mga nota ay lumutang tungo sa mga nagbibilad sa araw, sa mga batang hinahabol ang mga aso, sa mga tindero na nagbibili ng mga mapa ng matandang St. Petersburg at sa mga Saksi ni Jehovang naghahanap ng mga kumberte.”

Oo, masigasig na ginagamit ng mga Saksi ang kanilang kalayaan upang ipangaral ang mabuting balita! Nais mo bang malaman ang higit pa tungkol sa kanilang mensahe? Ganito ang paliwanag ng pahayagang Sobyet na Vostochno-Sibirskaya Pravda: “Ang detalyadong impormasyong tungkol sa kanilang mga gawain ay makukuha sa mga dako ng edukasyon sa Bibliya ng mga Saksi ni Jehova sa anumang lungsod.” Saan ka man nakatira sa daigdig, huwag mag-atubiling magtanong.

[Chart sa pahina 13]

MGA KOMBENSIYON SA SILANGANG EUROPA AT SA UNYONG SOBYET

Bansa Pinakamataas na Nabautismuhan

Bilang ng Dumalo

Czechoslovakia (Prague) 74,587 2,337

Hungary (Budapest) 40,601 1,134

Poland (12 lungsod) 131,554 4,250

Romania (8 lungsod) 34,808 2,260

Unyong Sobyet (7 lungsod) 74,252 7,820

Yugoslavia (Zagreb) 14,684 492

Kabuuang 30 Kombensiyon: 370,486 18,293

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Kanan: Pagsasalin para sa iba’t ibang pangkat ng wika sa Prague

Ibaba: Strahov Stadium sa Prague na punô ng mahigit 74,000 delegado

[Mga larawan sa pahina 10]

Itaas: Kombensiyon sa Tallinn, Estonia

Kombensiyon sa Budapest, kung saan umula’t umaraw, 40,000 delegado ay nasiyahan sa programa

[Mga larawan sa pahina 15]

Itaas: Ilan sa mga palikurang itinayo para sa kombensiyon sa Usolye-Sibirskoye, Siberia

Pagpinta sa istadyum at paggawa ng mga bangko para sa ekstrang upuan sa Prague

[Mga larawan sa pahina 16]

Ang drama sa Bibliya at bautismo sa Zagreb

[Mga larawan sa pahina 17]

Itaas: Pag-aalay noong Hunyo 1991 ng unang Kingdom Hall na itinayo ng mga Saksi sa Hungary

Gitna: Mahigit na 20,000 ang natulog sa mga paaralan at mga himnasyo sa Budapest at Prague

Ibaba: Pamamahagi ng aklat na “Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman” sa Usolye-Sibirskoye, Siberia