Mga Katotohanan o Alamat ng Pasko?
Mga Katotohanan o Alamat ng Pasko?
“KUNG tatanungin mo ang tapat na mga Katoliko kung bakit ang Pasko ay ipinagdiriwang sa ika-25 ng Disyembre, sa paano man siyam sa sampu, ang iba’y magtataka at ang iba nama’y magtatawa, ay sasagot: ‘Aba, iyan ang araw ng kapanganakan ni Jesus!’ Gayunman, kung tatanungin mo ang isa sa mga Saksi ni Jehova kung bakit hindi niya ipinagdiriwang ang selebrasyong ito, walang pagbabagong sasagot siya: ‘Sapagkat hindi ito binabanggit sa mga Ebanghelyo.’”
Ganito sinimulan ang isang artikulo tungkol sa Pasko sa Il Mattino, isang pahayagan sa Naples, Italya. Ngunit aling pangmalas ang tama? “Ang kailangan mo lamang gawin,” susog pa ng pahayagan, “ay buklatin ang Mateo at Lucas (ang tanging dalawang ebanghelista na nagsasaysay tungkol sa Kapanganakan ni Jesus) upang matuklasan mo na ang ikalawang sagot ang tama.”
Ang gayong mga artikulo ay hindi na pambihira. Malimit na inilalantad ng mga pahayagan bilang mga alamat ang karaniwang mga paniwala tungkol sa Pasko. Halimbawa, noong Disyembre 1990, itinampok ng The Press, ng Christchurch, New Zealand, ang artikulong “Ang Anim na Alamat ng Pasko.” Sabi nito:
“ALAMAT 1. Si Santa Klaus, na nakatira sa Hilagang Polo, ay mabilis na naglalakbay sa palibot ng daigdig kung Bisperas ng Pasko upang ihatid ang mga regalo sa mababait na mga batang babae at lalaki. Bueno, walang may nais na sirain ang katuwaan, subalit ito’y hindi tama, di ba? Paano niya madadalaw ang napakaraming tahanan sa loob lamang ng isang gabi, at makakain ang napakaraming fruitcake at maiinom ang alak na inilalaan para sa kaniya sa bawat tahanan? At ano ang nangyayari kung walang tsimea kung saan siya pumapasok? Hindi, ang kuwentong ito ay hindi totoo. . . .
“ALAMAT 2. Ang Disyembre 25 ang kapanganakan ni Kristo. Hindi. Ang ebanghelyo ni Lucas ay nagsasabi na nang si Jesus ay isilang sa Bethlehem, ang mga pastol ay nasa labas at binabantayan ang kanilang mga kawan sa gabi. Sa rehiyong iyon ng Palestina ang temperatura kung Disyembre ay karaniwang
7° C [45° F.] sa araw at mas malamig sa gabi. Madalas na may malamig na ulan, kung minsan ay may niyebe sa mga paltok. Ang mga pastol ay tiyak na nasa kinaroroonan ng kanilang mga tupa sa panahong iyon ng taon—sa isang kulong na kanlungan. . . .“ALAMAT 3. Ang unang Pasko ay sa Bethlehem, nang si Kristo ay isilang. Sa katunayan ang pinagmulan nito ay waring sa Roma, na ang pinakamaagang rekord ng pagdiriwang nito ay noong 336. Ito’y lumaganap sa Silangan at sa Kanluran hanggang sa ito’y itaguyod ng Iglesia sa Jerusalem noong kalagitnaan ng ika-5 siglo.
“Sa diwa, ang pasimula ng Pasko ay dumating nga nang antas-antas at ang binago lamang ay ang pangalan ng pagdiriwang: ang kahawig na paganong mga labis na pagkakatuwaan at kapistahan ay isinasagawa kung bandang huli ng Disyembre sa loob ng mga dantaon bago si Kristo bilang bahagi ng mga pagdiriwang ng winter solstice sa hilagang hating-daigdig . . .
“Ang pagsasama ng kapanganakan ni Kristo sa mga kasayahang ito na salig-pagano ay maliwanag na hindi tinutulan ng mga lider ng simbahan, na waring hindi gaanong interesado sa katotohanan o sa kadalisayan ng turo at mas interesado sa pagkakataon na paramihin ang kanilang kawan at sa dakong huli ang kanilang sariling kapangyarihan. . . .
“Hindi kataka-taka na sinikap pawiin ng mga Puritano sa Scotland, Inglatera at New England ang Pasko noong ika-17 siglo, hinahatulan ito bilang isang pagpapatuloy ng ‘mga banidad at kalabisan na isinasagawa ng mga pagano.’
“Kaya ang taunang sigaw na ‘ibalik si Kristo sa Pasko’ ay wala ngang kabuluhan: ang totoo ay, siya ay hindi kailanman bahagi nito.
“ALAMAT 4. Ang tradisyon na pagbibigayan ng regalo kung Pasko ay hango sa gawaing pagbibigay kay Jesus ng mga regalong ginto, insenso at mira. Ang totoo ang mga tao ay nagpapalitan ng mga regalo kung Disyembre 25 at 26 sa loob ng mga dantaon bago si Kristo bilang bahagi ng mga pagdiriwang ng solstice na iyon. Ang sinaunang mga Romano ay nagpapalitan ng regalo bilang bahagi ng kanilang kapistahan ng pagsamba sa araw, ang Saturnalia.
“At ang mga Mago ay nagregalo kay Jesus, hindi sa isa’t isa, kasuwato ng kaugalian noon, kapag dumadalaw sa kilalang mga tao. Sa paano man, ipinakikita ng ebanghelyo ni Mateo ang kanilang interes kay Jesus ay bilang ang hinaharap na hari ng mga Judio.
“ALAMAT 5. Ang ‘tatlong taong pantas’ at ang mga pastol ay yumukod kay Jesus habang siya ay nakahiga sa kaniyang sabsaban. Sinumang gumuguhit ng magagandang tanawing iyon ng kapanganakan ni Jesus na nagpapakita sa mga pastol at sa mga taong pantas na magkakasama sa sabsaban ay hindi gaanong binabasa ang kanilang Bibliya.
“Maliwanag na binabanggit ng ebanghelyo ni Mateo na nang masumpungan ng ‘mga taong pantas’ si Jesus, siya nang panahong iyon ay nasa loob ng bahay—at, malamang na dalawang taon na pagkatapos na siya’y isilang.
“Isa pa, nang ilarawan ni Mateo ang pagdalaw ng mga Mago, tinutukoy niya si Jesus bilang isang bata, hindi bilang isang sanggol. Hindi na siya nakabalot sa lampin nang panahong iyon at ang mga pastol ay malaon nang nagbalik sa kanilang mga kawan.
“Isaalang-alang din, na nang nais ipapatay ni Herodes ang Mesiyas, ginamit niya ang petsang ibinigay sa kaniya ng mga Mago at ipinag-utos na ang lahat ng batang lalaki hanggang sa gulang na dalawang taon ay patayin.
“Gagawin ba niya ang gayong katakut-takot—at gayundin ay lubhang di-popular—na utos kung ang isa na hinahanap niyang patayin ay mga ilang linggong gulang lamang? . . .
“Sa katunayan hindi binabanggit saanman sa Bibliya kung ilan ang mga Mago. Ang salitang Griego sa ebanghelyo ay magoi, kung saan hinango ang salitang ‘mahiko.’ . . .
“ALAMAT 6. Ang Pasko ay isang panahon ng kapayapaan sa lupa at kabutihang-loob sa lahat ng tao. Isang marangal na kaisipan nga, subalit hindi iyan ang sinasabi ng Bibliya. . . .
“Ang interlinear na mga salin ng ebanghelyo ni Lucas sa orihinal na Griego ay nagpapakita na ang aktuwal na sinabi ng pulutong ng mga anghel na nagpakita sa mga pastol ay: ‘at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.’
“At iyan ang kaibhan. Ang pagdiriwang ng isang araw sa isang taon sa pamamagitan ng labis na pag-iinuman, pagpapakabundat sa pagkain, at labis na pagdiriin sa komersiyalismo ay hindi gumagawa sa isang tao na isang Kristiyano; ang kapayapaan, sabi ng Bibliya, ay hindi dumarating sa mga nagdiriwang ng huwad na kapanganakan ni Jesus, ito’y dumarating sa mga sumusunod sa kaniyang mga turo—sa lahat ng panahon.”