Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Panliligalig sa Paaralan Maligayang-maligaya akong matanggap ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Siya Maitataboy?” (Mayo 22, 1991) Ito ang unang taon ko sa high school, at marami nang lalaking pinipilit akong magkaroon ng kaugnayan sa kanila. Ayaw akong tigilan ng isa sa kanila. Inanyayahan niya ako sa prom, niyaya akong kumain sa labas, at gugulin ang dulo ng sanlinggo sa kabundukan. Ang pagtanggi ko ay hindi niya pinapansin. Subalit ang artikulo ay nagpalakas sa pasiya ko na tanggihan siya.
P. B., Estados Unidos
Bagaman ako’y 17 anyos lamang, nakaengkuwentro ko na ang mga kalagayang gaya niyaong inilalarawan sa artikulo. Palibhasa’y natutuwa sa atensiyong ipinakikita, hindi ko sinikap na ihinto ito. Ngayon ay nauunawaan ko na ang pangangailangan na tanggihan ang gayong mga pasaring kapagdaka.
L. A. R., Brazil
Ang artikulo ay nakatulong sa akin na pakitunguhan ang lumalagong imoralidad sa aking dako ng trabaho. Binanggit nito ang mga panganib at inalalayan ang mga argumento ng mga halimbawa sa Kasulatan. Maliwanag na ang mga artikulong iyon ay kapaki-pakinabang hindi lamang sa mga kabataan kundi sa mga walang asawa ng lahat ng gulang.
K. H., Alemanya
Ang artikulo ay nakatulong sa akin na pagtibayin ang aking determinasyon, tulad ng dalagang Shulamita, na maging “isang pader.”
E. S., Pilipinas
“TMJ Syndrome” Salamat sa artikulong, “Mula sa mga Panga—Ang Dakilang Impostór.” (Hunyo 22, 1991) May naririnig akong malakas na ugong sa aking mga tainga sa loob ng dalawang taon dahil sa TMJ syndrome. Tinulungan ako ng inyong artikulo na magpasiya kung anong uri ng doktor ang kailangan kong kunsultahin. Inaakala ko na inilaan ni Jehova ang artikulong ito para sa akin at sa di-mabilang na iba pang pinahihirapan ng TMJ.
R. B., Estados Unidos
Ang “Gumising!” ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, subalit kami ay nalulugod na magbigay ng kapaki-pakinabang na impormasyon sa aming mga mambabasa. Hindi kataka-taka, ang artikulo tungkol sa TMJ ay pumukaw ng di-pangkaraniwang pagtugon mula sa mga mambabasa sa buong daigdig.—ED.
Paninigarilyo Palibhasa’y nabasa ko ang dalawang artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” tungkol sa paninigarilyo (Agosto 8 at 22, 1991), talagang mapatutunayan ko kung ano ang naisulat. Nagsimula akong manigarilyo sa gulang na 13, pagkatapos akong himukin ng aking mga kaibigan sa eskuwela. Subalit nang ako’y maging Kristiyano sa gulang na 15 at ako’y huminto ng paninigarilyo, ako’y iniwan ng aking “mga kaibigan.” Nang maglaon, ako ay muling ginipit na manigarilyo ng aking mga kasama sa trabaho. Mabuti na lamang, ako ngayon ay nagtatrabaho sa isang kapuwa Kristiyano, at ang hangin sa paligid ko ngayon ay malinis—sa literal at espirituwal.
B. S., Alemanya
Pagbabagong-Buhay Salamat sa inyong artikulong “Ang Kapangyarihan ng Katotohanan na Baguhin ang Buhay.” (Hulyo 22, 1991) Ako ngayon ay nakabilanggo at ako’y napatibay-loob na makaalam na may isang nagbabago ng kaniyang buhay. Sinisikap ng mga awtoridad na magpanibagong-buhay ang mga kriminal, upang ibalik lamang sila sa daigdig ni Satanas upang muling magkasala. Nasumpungan ko, sa tulong ng ilang napakamaunawaing ministro ng mga Saksi ni Jehova, na ang tanging nagtatagal na pagbabagong-buhay ay nagsasangkot ng paghahanap at paglilingkod sa Diyos.
J. S., Estados Unidos
Tirahang Dako Nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Gawing Maluwang ang Tirahang Dako!” (Abril 22, 1991) Kami’y nakatira sa isang miniapartment, at sa tuwina’y para bang napakarami naming mga gamit. Ang artikulong ito ay lubhang kapaki-pakinabang sa amin sapagkat nagpasiya kaming alisin ang lahat ng bagay na hindi namin ginagamit. Hindi ito madaling gawin, at pinagsusumikapan pa namin. Maraming-maraming salamat, wari bang ang artikulong ito ay isinulat lalo na para sa amin.
L. C., Guatemala