Paano Ako Makapaghahanda Para sa Daigdig ng Trabaho?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Makapaghahanda Para sa Daigdig ng Trabaho?
“AKO’Y kapuwa natatakot at natutuwa!” Gayon ang bulalas ng 16-anyos na si Maureen nang tanungin siya kung ano ang nadarama niya tungkol sa pagpasok sa daigdig ng trabaho balang araw. Natural lamang na nerbiyusin kapag iniisip mo ang tungkol sa paghahanap ng trabaho—kahit na nga inaasam-asam mo ang hamon nito. Bago magtapos sa pag-aaral si René, sabi niya: “Pagkatapos ng 12 taon na pahirap sa eskuwela, ang trabaho ay magiging isang kasiyahan.”
Anuman ang iyong damdamin, malamang na ikaw ay magtrabaho balang araw. Paano mo mapaghahandaan ang araw na iyon? Ang pag-aaral ay nagbibigay sa iyo ng pagkakataon na magkaroon ng mabubuting ugali, gaya ng pagiging nasa oras. Isa pa, ang mga kabataang nag-aaral pa ay maaaring magkaroon ng karanasan sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa mga trabahong part-time. Gayunman, upang makapaghandang mainam para sa daigdig ng trabaho, mahalaga na seryosong pag-isipan ang mga kursong pipiliin mo sa eskuwela.
Isang Timbang na Pangmalas sa Trabaho
Una, dapat na tiyakin mo kung ano ang ibig mo mula sa isang trabaho. Ang ibang mga kabataan ay hindi tumitingin sa halaga ng sahod na tinatanggap. Ipagpalagay na, “ang salapi ay pananggalang” at mahalaga sa buhay. (Eclesiastes 7:12) Subalit totoo ang Bibliya nang sabihin nito na “kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nanggagaling sa mga bagay na pag-aari niya.” (Lucas 12:15) Sa aklat na Yes—I Can!, nina Barkai, Barkai, at Yeo, ganito ang payo ng mga awtor: ‘Huwag kang mahulog sa bitag na paghahanap lamang ng trabaho dahil sa malaking sahod.’ Sabi pa nila: “Ang kasiyahan sa trabaho ay mahalaga rin sa iyong kaligayahan sa hinaharap.” Sa gayo’y ipinakita ng 17-anyos na si Paulo ang pagkakatimbang nang sabihin niya: “Nais ko lamang kumita ng sapat para ikabuhay samantalang nasisiyahan ako sa aking ginagawa.”
Gayunman, kung ikaw ay isang Kristiyano, may iba pang mga dapat isaalang-alang. Kahit na ang pinakanakasisiya, mapanghamon na trabaho ay hindi makasasapat sa iyong espirituwal na pangangailangan. Tutal, “ang buong katungkulan ng tao” ay “matakot sa tunay na Diyos at sundin ang kaniyang mga utos.” (Eclesiastes 12:13) Yamang ang utos ng Diyos para sa mga Kristiyano ay “gumawa ng mga alagad,” maraming kabataang Saksi ni Jehova ang nagpaplano ng karera bilang mga payunir, o buong-panahong mga ebanghelisador. (Mateo 28:19, 20) Gayon nga ang ginawa ng isang batang babaing taga-Timog Aprika na nagngangalang Shulamite. At aniya ito’y nagbigay sa kaniya ng “malaking kasiyahan na tumulong sa pagpunô sa espirituwal na pangangailangan ng mga tao.”
Marahil ikaw man ay nagnanais na makibahagi sa buong-panahong ministeryo. Gayunman, malamang na kailangan mo pa ring magtrabaho upang suportahan ang iyong sarili. Balang araw baka kailanganin mo pang suportahan ang isang pamilya. Sa kabilang dako, maaaring hindi ipahintulot ng mga kalagayan na ikaw ay maging isang payunir, at maaaring kailanganin mong humanap ng buong-panahong trabaho. Sa alinmang kalagayan, hindi mo ba gugustuhing humanap ng trabaho na
magpapahintulot sa iyo na lubusan ding makabahagi sa paglilingkod sa Diyos hangga’t maaari? Depende iyan sa kung anong mga kurso ang pipiliin mo sa eskuwela.Piliin ang Tamang mga Asignatura
Sa ibang lupain ang isang kabataan ay makapipili sa pagitan ng akademiko, pangnegosyo, teknikal, at bokasyonal na edukasyon. Kadalasan nang mapaghanda na isaalang-alang kung anong uri ng mga trabaho ang lokal na makukuha. Kasabay nito, maaari mong tasahin ang iyong kakayahan at mga interes. Paano? Sa pamamagitan ng paggawa ng isang talaan ng lahat ng bagay na interesado ka o na doon ay magaling ka. Ito ba’y matematika? Computer science? Awtomekaniko? Isama mo ang iyong mga libangan at iba pang mga interes. Sa paano ma’y magbibigay ito sa iyo ng ilang ideya sa kung anong uri ng trabaho ang maaaring nababagay sa iyo at kung anong uri ng mga kurso ang aakay sa iyo sa direksiyong iyon. Ang pakikipag-usap sa iyong mga magulang o sa iba pang maygulang na mga adulto ay maaari ring tumulong sa iyo na tasahin mo ang iyong mga kakayahan at mga hilig nang makatotohanan.—Ihambing ang Kawikaan 15:22.
Halimbawa, ikaw ba’y palakaibigang tao? Kung gayon ay maaaring kunin mo ang mga asignatura na magagamit mo sa pagbebenta o sa iba pang larangan na humihiling ng malapit na pakikipag-ugnayan sa mga tao. Sa kabilang dako naman, kung may talino ka sa paggawa sa pamamagitan ng iyong mga kamay, baka gugustuhin mong kumuha ng isang kursong bokasyonal. Sa paano man, sinusuportahan ng maraming buong-panahong ebanghelisador ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mga kasanayan na natutuhan nila sa high school. Ang iba ay nakakita ng trabaho sa konstruksiyon, pagkumpuni ng mga kagamitan, karpinterya, mga panindang gawa sa bahay, word processing, o sekretaryal na gawain.
Para kay Damaris, isang dalagita buhat sa Columbia, Timog Amerika, ang pag-aaral magmakinilya at bookkeeping ay nakatulong. Nakakuha siya ng kalahating-araw na trabaho bilang sekretarya na sumuporta sa kaniya sa kaniyang karerang pag-eebanghelyo. Natugunan naman ng ibang Kristiyano ang kanilang pangangailangan sa pamamagitan ng dyanitoryal na gawain, landscaping, at iba pa.
Kung Kakaunti ang Pagpipilian
Gayunman, hindi lahat ng paaralan ay nag-aalok ng sapat na pagsasanay sa trabaho; ang iba pa nga ay hindi tinuturuan ang kanilang mga estudyante ng pangunahing mga kasanayan sa pagbasa at pagsulat. Sa ilang lugar baka kailanganin pa ang karagdagang edukasyon upang makakuha ng halos anumang anyo ng trabaho. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, maaaring tingnan mo kung may anumang pagsasanay-sa-trabaho o mga programa sa pag-aaprendis na lokal na makukuha. Ang isang panandaliang kurso sa paaralan na nagtuturo ng isang kasanayan na madaling makapasok
ka sa trabaho ay isa pang mapagpipilian. Kawili-wili, kinuha ng ilan ang gayong pagsasanay karagdagan pa sa kanilang trabaho bilang buong-panahong mga ebanghelisador.Maaaring masumpungan ng mga kabataan sa nagpapaunlad na mga bansa na ang mapagpipiliang mga asignatura at paaralan ay lubhang limitado. Si Katiti, isang binata buhat sa isang lalawigan sa gawing timog ng Aprika, ay walang mapagpipilian kundi ang mag-aral ng Latin, matematika, at physical science, kahit na ang mga asignaturang iyon ay limitado ang halaga sa mapagtatrabahuan doon. Gayumpaman, si Katiti ay nagtagumpay sa paghanap ng trabaho. Paano? Sa pamamagitan ng pag-aangkop ng kaniyang mga kasanayan sa lokal na mga pangangailangan. Nang si Katiti ay magtapos sa paaralan, sinuportahan niya ang kaniyang sarili sa pagtatanim at paglalako ng mga gulay, pagniniting at pagbibili ng mga lanang bandana at mga gora, at pamamahagi pa nga ng patenteng mga gamot sa rural na mga dako. Sapagkat siya’y sinangkapan ng paaralan ng kinakailangang kasanayan sa komunikasyon, epektibo niyang napangangasiwaan ang kawili-wili’t sarisaring hanapbuhay na ito.
Ang aklat na Choosing Your Career and Your Higher Education ay nagsasabi na ang kakayahang “makipagtalastasan, umunawa at maunawaan ay totoong mahalaga” sa dako ng trabaho. Karamihan ng mga larangan, ito man ay teknikal, komersiyal, o akademiko, ay humihiling ng mga kasanayan sa komunikasyon. Kaya kahit na kung ang iyong paaralan ay hindi nag-aalok ng espisipikong pagsasanay sa trabaho, magsikap ka na maging bihasa sa pagsulat, pagsasalita, at pakikinig. Ang impresyon na gagawin mo sa inaasahan mong maypatrabaho ay depende nang malaki sa iyong kakayahang makipagtalastasan; maaari pa ngang ito’y maging salik na makuha mo ang trabahong nais mo. Sa mga Saksi ni Jehova, nahasa ng maraming kabataan ang kanilang mga kasanayan sa komunikasyon sa pamamagitan ng pakikibahagi sa Paaralan ukol sa Teokratikong Pagmiministro sa kongregasyong Kristiyano.
Paggawa ng mga Sakripisyo
Ang aklat na Your Child at School ay nagsasabi: “Hindi pare-pareho ang kayarian natin.” Ang ibang kabataan ay mahilig sa mekanikal na mga bagay, samantalang ang iba naman ay may akademikong talino. At ang iba pa ay pinagkalooban ng talino at kakayahan sa larangan ng musika, sining, o atletiks. Ang pagsuporta sa sarili bilang isang commercial artist o isang instruktor sa musika ay isang bagay, subalit ang paghahangad ng kayamanan o katanyagan sa gayong mga larangan ay maaaring magharap ng espirituwal na mga panganib sa isang Kristiyano. Karagdagan pa, yamang ang mga karerang ito ay maaaring mag-iwan sa iyo ng limitadong panahon para sa mga gawaing Kristiyano, gaya ng pagdalo sa mga pulong at pakikibahagi sa gawaing pangangaral, matalino bang gumugol ng mga taon sa pagkakamit ng edukasyon at pagpapasakdal sa mga kasanayan na kinakailangan upang magtagumpay sa mga ito?—1 Corinto 7:29.
Isang kabataang Saksi na nagngangalang Philip ang naghangad na itaguyod ang isang magandang karera sa tennis. “Sa wakas,” pagtatapat ni Philip, “kailangang pumili ako sa pagitan ng Kristiyanismo at ng tennis. Walang sapat na panahon na maibibigay ko ang aking sarili sa kapuwa mga gawain. Ipinasiya kong isuko ang tennis, at bagaman mahirap noon, kailanman ay hindi ko ito pinagsisihan.”
Si apostol Pablo ay gumawa ng kahawig na pasiya. Bagaman nag-aral ng batas, pinili niyang itaguyod ang ministeryong Kristiyano, sinusuportahan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng kalakal na paggawa ng tolda. (Gawa 18:3; 22:3) Subalit hindi pinagsisihan ni Pablo ang kaniyang napili. Sabi niya: “Ang mga bagay na sana’y pakikinabangan ko, ang mga ito’y inari kong kalugihan alang-alang kay Kristo. . . . Tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng bagay at itinuturing kong isang tambak na sukal, upang tamuhin ko si Kristo.”—Filipos 3:7, 8.
Marahil ikaw ay mapakikilos na gumawa ng kahawig na mga pagpili. Sa halip na linangin ang iyong akademiko, musikal, o artistikong mga kasanayan, maaaring magpasiya kang linangin ang iyong espirituwal na mga kakayahan. Ito’y maaaring mangahulugan ng pag-aaral ng isang hanapbuhay o trabaho na itinuturing ng karamihan na hindi kaakit-akit. Kung minsan ang isang kabataan ay maaaring matuto ng isang hanapbuhay sa paggawang kasama ng kaniyang mga magulang, marahil ay natututo sa pagkakarpintero, pagtutubero, o iba pang hanapbuhay na gaya niyaon.
Anuman ang mapagpasiyahan mo sa bagay na ito, pag-isipan ang iyong kinabukasan. Matalino, maingat na piliin ang iyong mga asignatura. Sa tulong ng Diyos, ikaw ay lubusang magiging handa sa daigdig ng trabaho!
[Larawan sa pahina 26]
Sinusuportahan ng marami ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mga kasanayan na natutuhan nila sa paaralan