Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Bukál ng Tunay na mga Pamantayan

Ang Bukál ng Tunay na mga Pamantayan

Ang Bukál ng Tunay na mga Pamantayan

Wawakasan ng Pagkakapit Nito ang Pagbaba ng Moral

ANG tao ay tumitingala sa mabituing langit sa gabi, at siya ay tigib ng sindak at pagtataka. Habang minamasdan niyang mabuti ang mabituing langit sa itaas, nadarama niya na siya’y maliit at walang halaga. Ang salita ng salmista na malaon nang binanggit ay maaaring magunita niya: “Pagka natatanaw ko ang iyong mga langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano baga ang taong mortal upang iyong alalahanin siya, at ang anak ng makalupang tao upang iyong pangalagaan siya?” (Awit 8:3, 4) Nakita ng salmista ang ilang libong bituin at nadama niyang siya’y walang halaga; nalalaman ngayon ng tao na may bilyun-bilyong galaksi na may bilyun-bilyong bituin sa bawat galaksi, at siya’y nakadarama na lalo pa siyang walang halaga. Maaaring bumangon ang maraming tanong sa kaniyang isip: ‘Ano ang halaga ko? Bakit ako narito? Sino nga ba ako?’

Subalit walang hayop ang may gayong pag-iisip.

Minamasdan ng tao ang sari-saring buhay sa paligid niya at napapansin ang kahanga-hangang disenyo upang magawa ang praktikal na mga layunin. Nakikita niya ang mga ibon na nandarayuhan ng libu-libong milya, mga mammal na natutulog sa buong taglamig, at marami pang ibang anyo ng buhay na gumagamit ng sonar, air-conditioning, jet propulsion, pag-aalis ng asin sa tubig-alat, panlaban sa lamig, tulad-scuba na mga kayarian, inkyubeytor, termometro, papel, kristal, orasan, kompas, kuryente, mga motor na rotary, at marami pang ibang mga kababalaghan bago pa man ito kailanma’y naisip ng tao. Ang nag-iisip na mga tao ay nagtatanong: ‘Paano nangyari ang lahat ng kahanga-hanga, masalimuot, may layuning mga disenyong ito? Anong dakilang talino ang nasa likuran nito?’

Minsan pa, walang hayop ang nag-iisip sa alinman dito.

Subalit ito’y pinag-iisipan ng tao. Sa lahat ng laksa-laksang kinapal sa lupa, bakit ang tao lamang ang isa na humahanga na may pagkasindak at pagtataka sa mga langit sa itaas at sa mga hiwaga ng buhay dito sa ibaba? Bakit? Sapagkat ang tao ay naiiba.

Bakit Lubhang Naiiba ang Tao?

Sapagkat siya lamang ang nilalang sa larawan at wangis ng Diyos: “At sinabi ng Diyos: ‘Lalangin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.’ ” (Genesis 1:26) Ipinaliliwanag nito ang napakalaking agwat sa pagitan ng tao at ng hayop. Ipinaliliwanag nito kung bakit walang ibang nilikha sa lupa ang kahawig ng tao. Ipinaliliwanag nito kung bakit ang tao ay isang nag-iisip na nilikha, nagtatanong tungkol sa daigdig sa paligid niya, at nababahala sa mga pamantayang moral.

Sa anong paraan na ang tao ay ayon sa larawan at wangis ng Diyos? Ito’y sa pamamagitan ng pagtataglay ng ilang katangian at mga kalidad ng Diyos, gaya ng pag-ibig, awa, katarungan, karunungan, kapangyarihan, kabaitan, kabutihan, pagtitiis, katapatan, pagkatotoo, pagkamatapat, kasipagan, at mapanlikha. Ang mabubuting katangiang ito ay orihinal na nakaprograma sa tao, ngunit hindi ginamit sa wastong paraan ng unang mag-asawa ang kalayaang pumili, na humantong sa kanilang paghihimagsik, ang mga katangiang ito ay napilipit at sa gayo’y hindi naipasa na may kasakdalan sa kanilang mga supling. Ang mga katangiang ito ay nawalan ng timbang, at dahil sa hindi isinasagawa ang ilan ay naglaho sa limot. Gayunman, ipinakikita ng Colosas 3:9, 10 na sa pamamagitan ng pagkakamit ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at sa pagkakapit nito, maisusuot natin ang isang bagong pagkatao at muling makakatulad sa ‘larawan at wangis ng Diyos.’

Nang ibigay ng Diyos na Jehova sa mga Israelita ang Kautusang Mosaiko, ito’y naglalaman ng tunay na mga pamantayan, kabilang na rito ang Sampung Utos at ang payo na ‘ibigin ang kanilang kapuwa na gaya ng kanilang sarili.’ (Levitico 19:18; Exodo 20:3-17) Ang mga pamantayang ito ay ipapasa bilang pamana sa susunod na mga salinlahi. Sinabi ni Moises sa Israel na sundin ang Kautusang ito, at sabi pa niya: “Inyong iuutos sa inyong mga anak na isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito. Sapagkat ito’y hindi walang kabuluhang salita sa inyo, kundi ito’y nangangahulugan ng inyong buhay.” (Deuteronomio 32:46, 47) Pagkalipas ng ilang siglo, tinukoy ito ng Kawikaan 8:18 bilang “minamanang mga pamantayan.”

Mga Pamantayan Upang Itaas ang Pagbaba ng Moral

Gayunman, marami ang tumututol na ang lipunan ngayon ay totoong magkakaiba anupa’t walang set ng mga pamantayan ang makasasaklaw sa pangangailangan ng lahat. Ang iba’t ibang pinagmulan at kultura ay nangangailangan ng iba’t ibang mga pamantayan, sabi nila. Subalit ano bang makabagong problema ang hindi malulutas sa pagsasagawa ng utos ni Jesus na ibigin ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili? O gawin sa iba ang nais ninyong gawin nila sa inyo? O mamuhay sa mga simulaing nakapaloob sa Sampung Utos? O pagsikapang magbunga ng mga bunga ng espiritu na inilalahad sa Galacia 5:22, 23: “Ang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kaamuan, pagpipigil-sa-sarili. Laban sa ganiyang bagay ay walang kautusan.” Isa man dito ay hindi humihiling ng anumang bagay na imposible; aalisin ng alinman dito ang malaking bahagi ng kasalukuyang mga pighati ng lipunan.

‘Ngunit ang mga tao ay hindi mamumuhay nang ganiyan!’ sabi mo. Gayunman, kung inaakala mong ang mga lunas na iyon ay napakahirap, huwag mong asahang malulutas ang mga problema sa pamamagitan ng madaling mga kahalili. Nasa kapangyarihan ng lipunan na ikapit ang mga panlunas na ito, bagaman maliwanag na wala ito sa kanilang kalooban na gawin iyon. Hindi inaagwanta ng salinlahing ito ang mga pagpipigil sa mga kalayaan nito, pati na ang kalayaang gumawa ng masama at pagtiisan ang mga bunga nito.

Ang pahayagang Bottom Line/Personal ay nagtatanong: “Ano na ba ang Nangyari sa Pagpipigil-sa-Sarili?” Pagkatapos magkomento na “ang karamihan ng mga tao ay natatakot sa mga resulta ng ating panahon na mapagpalayaw sa sekso,” sabi pa nito: “Gayunman itinuturing na sagrado ng mga tao ang kahalagahan ng pagpapalayaw sa sekso sa sukdulan. . . . Ang mga tao’y inaasahang magdidiyeta, mag-eehersisyo, hihinto ng paninigarilyo, magkakaroon ng disiplina-sa-sarili tungkol sa paraan ng kanilang pamumuhay alang-alang sa kanilang kalusugan. Tanging ang pagbibigay-kasiyahan sa sekso ang waring pinagkalooban ng napakasagradong katayuan para sa patuloy na walang takdang pagpapalayaw.” Hindi naman dahilan sa hindi nila maikapit ang mga pamantayan; ayaw nilang ikapit ito. Kaya naman inaani ng lipunan ang inihasik nito.

Ngayon ang mga pamantayang ito ay di na pinaniniwalaan. Tinatawag ng marami na mabuti ang masama at masama ang mabuti, gaya ng inihula na gagawin nila: “Sa aba nila na nagsisitawag ng mabuti sa masama at ng masama ay mabuti, na inaaring dilim ang liwanag at liwanag ang dilim, na inaaring mapait ang matamis at matamis ang mapait!” (Isaias 5:20) Gayunman, ang iba ay lubhang nababahala. Nakikita nila ang bulok na ani na nanggagaling sa pilosopyang gawin-mo-ang-gusto-mo at nais nilang makita ang pagtaas na muli ng kasalukuyang mababang moral.

Makatutulong ba ang Relihiyon at Pamilya?

Maraming programa ang inialok para sa pagsasauli ng mga pamantayan. Ang isa ay ang relihiyon. Ipinalalagay na ito’y magbibigay ng espirituwal na lakas. Subalit ang lakas na iyon ay hindi masusumpungan sa ortodoksong mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Ang ilang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay nagbalik sa paganismo upang buhayin-muli ang mga kalapastanganan na gaya ng Trinidad, walang-hanggang pagpapahirap, at ang kaluluwang walang-kamatayan. Iniwaksi naman ng iba ang pantubos at paglalang upang yumukod sa siyentipikong relihiyon na ebolusyon. Tinatanggap nila ang nakatataas na kritisismo na pinag-aalinlanganan ang integridad ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Kanilang iniaalok ang isang “pagka-Kristiyano” na lubhang nabantuan at nadumhan anupa’t wala nang natitirang pamantayan, at nakikita lamang ng nakababatang salinlahi ang pagpapaimbabaw at hungkag na panunuya. Hindi, hindi tayo makaaasa ng espirituwal na lakas sa gayong maysakit na mga relihiyon kundi sa isang tunay na pagsambang salig sa Bibliya na naghahayag ng Kaharian ni Jehova bilang ang tanging pag-asa ng daigdig.

Gayunman, may isa pang pinagmumulan ng tulong para sa nababahalang mga tao, at iyan ay ang pamilya, ang tanawin kung saan maaari pang ikintal ng mga magulang ang mga pamantayan sa kanilang mga anak. Ang pagmamahal na nagsimula sa pagsilang ay dapat na magpatuloy. Ang mga anak na umiibig at nagtitiwala sa kanilang mga magulang ay nagnanais na maging tulad nila, tularan ang paraan ng kanilang pagsasalita at pagkilos, gayahin ang kanilang mga pag-uugali, at tanggapin ang kanilang moral, at sa paglipas ng panahon ang mga pamantayan ng magulang ay nasasama sa sistema ng mga pamantayan ng mga bata. Ang simpleng mga paliwanag, hindi ang maligoy na mga lektyur; dalawang-daan na komunikasyon, hindi ang dogmatikong mga pangungusap, ang mabisang mga paraan.

Ang mga magulang na hindi lamang nangangaral kundi isinasagawa rin ang tunay na mga pamantayan ay magkakaroon ng mga anak na gagawing pamantayan nila ang mga iyon. Ang gayong mga anak ay hindi isasapanganib ng negatibong mga huwaran ng mga kasama sa paaralan o saanman. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 22:6: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.” Magsanay sa pamamagitan ng mahalagang payo. Mas mahalaga, magsanay sa pamamagitan ng mahalagang halimbawa.

Potensiyal Para sa mga Pamantayan na Nakaprograma Na sa Ating mga Gene

Sabi ni Jesus: “Maligaya yaong palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Isa itong katutubong pangangailangan na nakaprograma na sa atin, gaya ng sabi ng ilang saykayatris. Totoo rin na sa pamamagitan lamang ng espirituwal na lakas na makakaya nating labanan ang maling mga pamantayan na itinataguyod ngayon.

Kasuwato ng katotohanan na tayo’y nilalang sa larawan at wangis ng Diyos, taglay ang potensiyal para sa mga pamantayan na katutubo sa atin, ganito ang sabi ni Thomas Lickona, isang propesor sa edukasyon: “Sa palagay ko ang kapasidad para sa kabutihan ay naroon mula sa simula.” Subalit susog pa niya na “dapat palakihin ng mga magulang ang mga katutubong kabutihang iyon kung paano tinutulungan nila ang kanilang mga anak na maging mahusay na mga mambabasa o manlalaro o mga musikero.”

Ang prodyuser sa TV na si Norman Lear ay panauhing tagapagsalita sa isang pambansang kombensiyon ng National Education Association. Pagkatapos kilalanin “ang problema niyaong mas may kabatiran, may higit na pinag-aralang mga tao sa atin​—niyaong pinawalang-saysay ang pananaliksik sa isang bagay na higit pa sa materyal na pag-iral bilang kakatwa o walang kaugnayan,” sinabi niya: “Wala akong problema sa paghihinuha, mula sa kasaysayan ng tao, na ang tugon sa buhay, sa may malay na pag-iral, ang simbuyo na maniwala sa isang bagay na mas mahalaga kaysa iyong sarili, ay napakalakas at hindi malalabanang katangian ng henetikong pagkakaprograma sa atin.”

Ipinagsasakdal ni Lear ang malalaking negosyo at ang apat na dekada ng telebisyon sa paghahatid ng isang “bagong sistema ng pamantayan” na lubhang maimpluwensiya sa moralidad ng publiko at sa personal na mga pamantayan anupa’t nagbunga ng maraming sakit sa lipunan: mga paaralan at kolehiyo kung saan ang mga tao’y nagtatapos nang hindi marunong bumasa’t sumulat; lumalagong paggamit ng mga droga; walang asawang mga tinedyer na babae na nagkakaanak; at mga pamilyang walang ipon na lumulubog sa utang. Saka isinusog ni Lear: “Kapag binabanggit natin ang tungkol sa sandaang sakit ng lipunan​—sa palagay ko maaaring pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga sakit ng lipunan na hindi biglaang nangyari kundi naipasa mula sa isang salinlahi tungo sa isa pa na, sa tulong ng telebisyon, ay ibinagsak ang buong kultura.” At minsan pa ay sinabi niya na siya’y “naniniwala na, nakabaon sa ating mga gene ang paniniwala na mayroong mas malakas na puwersa at hiwaga sa pagbalangkas ng ating buhay, na dapat bigyan ng pansin.”

Ang kilalang saykayatris na si C. G. Jung ay nagsabi na ang relihiyon “ay isang katutubong saloobin na natatangi sa tao, at ang mga katunayan nito ay masusundan sa buong kasaysayan ng tao.” Katutubo rin ang isang budhi na nagsasabi kung ano ang tama at mali: “Sapagkat kung ang mga tao ng mga bansa na walang kautusan sa katutubo ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga taong ito, bagaman walang kautusan, ang siyang kautusan sa kanilang sarili. Sila mismo ang nagtatanghal ng bagay na ang kautusan ay nasusulat sa kanilang mga puso, samantalang pinatotohanan ito ng kanilang budhi at, sa kanilang sariling mga pag-iisip, sila ay sinusumbatan na may kasalanan o kaya’y pinawawalang-kasalanan pa nga.” (Roma 2:14, 15) Ang “budhi” ay “ang pagkakilala ng isa sa kaniyang sarili” na gaya ng isang panloob na hukuman ng katarungan na nagtitipun-tipon sa loob natin upang hatulan ang ating paggawi, hinahatulan tayo na maysala o walang-sala. Gayunman, kung tayo’y nagpapakita ng “pagsuway sa hukuman” sa ating budhi, ang pagkasensitibo nito ay magiging manhid at hindi na tutugon.

Nakikita ng mga Siyentipiko ang mga Hiwaga na Tanging ang Diyos Lamang ang Makapagpapaliwanag

Totoong kawili-wili ang bagay na habang ang siyensiya ay natututo nang higit tungkol sa lupa at sa sansinukob, ang mga siyentipiko ay nahuhulog sa paniniwala na isang kataas-taasang talino ang nasa likuran ng lahat ng ito. Gayunman, ayaw nilang tanggapin ang Diyos ng Bibliya.

Inilahad ng astropisikong si George Greenstein, sa kaniyang aklat na The Symbiotic Universe, “na detalyado kung ano ang sa wari’y isang kagila-gilalas na pagkakasunud-sunod ng kahanga-hanga at di-tiyak na mga aksidente na nagbukas ng daan para sa paglitaw ng buhay. May isang talaan ng mga pagkakataon, pawang mahalaga sa ating pag-iral.” Sinabi ni Greenstein na ang talaan ay humahaba, ang mga pagkakataon ay hindi maaaring nagkataon lamang, at nagkaroon ng kaisipan na may sobrenatural na ahensiya na kumikilos. “Posible ito,” naisip niya, “na walang anu-ano, hindi sinasadya, ating natuklasan ang siyentipikong katibayan ng pag-iral ng isang Kataas-taasang Maykapal? Ang Diyos ba ang nakialam at ginawa ang lupa para sa ating pakinabang?” Nakadama siya ng “matinding biglang pagbabago” sa gayong kaisipan at di-makatuwirang nagsabi: “Hindi paliwanag ang Diyos.” Gayunman ang dumaraming talaan ng “mga pagkakataon” ay nagpangyari sa kaniya na magtanong.

Tinalakay ng isa pang astropisiko, ang nagwagi ng gantimpalang Nobel na si Fred Hoyle, sa kaniyang aklat na The Intelligent Universe, ang mahiwagang mga pagkakataon ding iyon na bumagabag kay Greenstein: “Ang gayong mga katangian ay waring nasa tela ng likas na daigdig na gaya ng isang sinulid ng maligayang mga aksidente. Subalit napakaraming kakatwang mga pagkakataong mahalaga sa buhay anupa’t ang ilang paliwanag ay waring kinakailangan para sa mga ito.” Sumasang-ayon din si Hoyle kay Greenstein na hindi ito maaaring nagkataon lamang. Samakatuwid, sabi ni Hoyle, ‘ang pinagmulan ng sansinukob ay nangangailangan ng isang talino,’ ‘isang nakatataas na talino,’ ‘isang talino na nakahihigit sa atin at na inakay sa kusang pagkilos na paglalang ng mga kayariang angkop para sa buhay.’

Binanggit ni Einstein ang Diyos subalit hindi sa diwa ng ortodoksong relihiyon. Ang kaniyang ideya tungkol sa Diyos ay nauugnay sa “walang-hanggang superyor na espiritu” na nakikita niya sa kalikasan. Si Timothy Ferris, sa kaniyang artikulong “The Other Einstein,” ay sinipi si Einstein gaya ng sumusunod: “Ang nakikita ko sa kalikasan ay isang napakagandang kayarian na bahagya lamang nating mauunawaan, at dapat na lumipos sa nag-iisip na tao ng damdamin ng ‘pagpapakumbaba.’ Ito ay isang tunay na relihiyosong damdamin na walang kaugnayan sa mistisismo. . . . Ang aking pagiging relihiyoso ay binubuo ng isang hamak na paghanga sa walang-hanggang superyor na espiritu na isinisiwalat ang kaniyang sarili na bahagya nating mauunawaan, sa ating mahina at madaling lumipas na unawa, tungkol sa katotohanan. . . . Nais kong malaman kung paano nilalang ng Diyos ang daigdig na ito. Nais kong malaman ang kaniyang mga kaisipan, ang iba pa ay mga detalye.”

Si Guy Murchie, pagkatapos talakayin ang ilan sa hindi maunawaang mga hiwaga sa sansinukob, ay nagkokomento sa kaniyang aklat na The Seven Mysteries of Life: “Madaling maunawaan kung bakit ang modernong mga pisisista, na itinutulak ang hangganan ng kaalaman sa dako pa roon na marahil ay mas malalim sa pang-unawa ng sinumang iba pang siyentipiko nitong nakalipas na mga dantaon, ay nakauulos sa karamihan ng kanilang mga kapuwa siyentipiko sa pagtanggap sa sumasaklaw-sa-lahat na hiwaga ng sansinukob na karaniwang tinutukoy bilang Diyos.”

Hanapin ang Diyos, Makinabang, Mabuhay Magpakailanman

Ang tao ay nag-aapuhap. Ang inaapuhap niya ay ang Diyos. Ginagawa ito ng iba noong kaarawan ni Pablo. Sabi niya: “Upang hanapin nila ang Diyos, baka sa kanilang pag-aapuhap ay tunay ngang matagpuan siya, bagaman, ang totoo, siya’y hindi malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Walang hayop ang nag-aapuhap sa Diyos. Isa man sa kanila ay walang anumang ideya tungkol sa Diyos. Ang tao ay mayroon, siya ay ginawa sa wangis ng Diyos, taglay ang napakalaking agwat na humihiwalay sa kaniya kahit sa pinakamasulong na hayop. At gaya ng sinasabi sa atin ng teksto, ang Diyos ay “hindi malayo sa bawat isa sa atin.”

Nakikita natin ang katibayan niya sa lahat ng dako sa paligid natin na nababanaag sa kaniyang mga paglalang, gaya ng sinasabi ng Roma 1:20: “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita magmula pa ng paglalang sa sanlibutan, sapagkat natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniya mang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, kaya’t wala silang maidadahilan.” Habang higit at higit pa ang nakikita ng mga siyentipiko sa di-maipaliliwanag na mga pagkakataon at mga kasalimuotan at pinag-iisipan ang kasindak-sindak na mga kababalaghan ng sansinukob, marahil higit at higit pa sa kanila ang makatatanto na ang Kataas-taasang Talino ang kumikilos sa likuran ng lahat ng mga bahaging iyon at kilalanin ang kanilang Maylikha, ang Diyos na Jehova.

Ang lupa at ang lahat ng naririto ay kay Jehova. Siya ang naglalagay ng mga pamantayan para sa mga maninirahan dito. Ibinigay niya ang tunay na mga pamantayan bilang mga panuntunan sa kaligayahan at buhay. Binigyan din niya ang tao ng kalayaang pumili. Hindi nila kailangang sundin siya. Maaari nilang ihasik ang nais nila, subalit sa malao’t madali ay aanihin din nila kung ano ang kanilang inihasik. Ang Diyos ay hindi napabibiro. Ibinigay niya ang tunay na mga pamantayan, hindi para sa kaniyang kapakanan, kundi para sa kapakanan ng kaniyang mga sakop sa lupa. Gayon ang sabi ng Isaias 48:17, 18: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na Siyang pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong dapat lakaran. Oh kung sana’y talagang magbibigay-pansin ka sa aking mga utos! Kung magkagayo’y magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay gaya ng mga alon ng dagat.”

Sinusunod ang masikap na pagsamo ni Jehova, ang lahat ng bayan sa gayon ay tatahak sa daan na dapat nilang lakaran at sila’y magbibigay-pansin sa mga utos ng kanilang Maylikha. Lahat ay makikinabang sa kapayapaan na gaya ng isang ilog at sa katuwiran na gaya ng mga alon ng dagat. Ikakapit ng lahat ang namamanang mga pamantayan at hindi na kailanman muling daranas ng pagbaba ng moral. At kailan mangyayari ang lahat ng ito? Kapag sinagot na ang panalangin, sa malapit na hinaharap: “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”​—Mateo 6:10.

[Mga larawan sa pahina 7]

Jet propulsion

Pag-aalis ng alat

Paggawa ng papel

Sonar