Ang Namamalaging Ipis
Ang Namamalaging Ipis
BAGAMAN milyun-milyon na ang nakarinig sa masayang katutubong awiting Mexicano na “La Cucaracha” (Ang Ipis), kakaunti sa mga maybahay ang aktuwal na umaawit nito kapag nakikita nila ang maliliit na mga insektong ito na sumisibad upang magtago sa kusina. Sa karamihan ng tao, ang mga ipis ay nakayayamot na mga peste. Hindi sila kaakit-akit, sa ating paningin. Sila’y nagdadala ng mga sakit. Ang kanilang masansang na amoy ay nakaririmarim.
Gayunman, sa kabila ng pagkasuklam ng tao, ang mga ipis ay patuloy na dumarami. Ang kanilang kakayahang mabilis na magparami, pati na ang kakulangan ng likas na mga kaaway at kakayahan ng mga ipis na bumagay at pangalagaan ang kanilang sarili, ay mabilis na nagpaparami sa populasyon nito. Ang karaniwang ipis Aleman, halimbawa, ay madaling magkakaroon ng 35,000 inapo sa isang taon. Iyan ang katamtaman, hindi ang pinakasukdulang bilang, na maaaring humigit sa 100,000 isang taon. Paano? Ang ootheca, o lalagyan ng itlog ng Alemang ipis, ay maaaring maglaman ng hanggang 48 itlog. Ang babaing ipis ay gumagawa ng pitong ootheca sa katamtamang 140-araw na haba ng buhay nito. Kung walang anumang mangyayari sa ipis, na ang bawat babaing ipis sa bawat salinlahi ay gumagawa ng magkatulad na dami, sampu-sampong libong ipis ang magagawa sa maikling panahon.
Karamihan ng mahigit na 3,500 uri ng ipis ay namumuhay sa labas ng bahay, hindi napapansin ng mga tao. Subalit iilan lamang, gaya ng mga uring Aleman, ay mas gustong manirahan sa mga gusali ng tao. Sa katunayan, ang pambansang pangalan (Amerikano, Australiano, Aleman, taga-Oryente, at iba pa) ay talagang walang kahulugan. Ang mga Europeo, sabi nito, ay papanganlan ang ipis sa kanilang kalapit na mga bansa. Tinatawag ito ng mga Romano na lucifaga, mula sa ugali nitong pagtakas sa liwanag. Ang salitang Ingles na “cockroach” ay galing sa Kastilang cucaracha.
Ang ibang entomologo ay nag-uulat ng isang buhay pampamilya sa gitna ng mga ipis. Ang mga adulto ay nakikitang pinapasan ang maliliit sa kanilang likod. Ang mga ina ay nakikitang tinutulungan ang lumalabas na batang ipis mula sa kapsula ng itlog. Pagkatapos mapisa ito ay karaniwang pinagsasama-sama at nililimliman ng ina, at isang kuyog ng mga nimpa, o mga batang ipis, ang karaniwang masusumpugan na kasama ng ilang nakatatandang ipis.
Hindi Mapiling mga Mangangain
Kinakain ng mga ipis ang halos lahat ng bagay. Kakainin nila ang anumang kinakain ng tao, gayundin ang maraming iba pang bagay, gaya ng katad, buhok, papel sa dingding, at mga bangkay ng hayop. Kinakain din nila ang mga aklat—lalo na kung ito ay napawisan—at kakainin din nila ang pabalat upang makain ang pandikit. Sa ibang bahagi ng daigdig, ang katad ng hayop ay hindi maaaring gamitin para sa legal na mga dokumento sapagkat ito ay karaniwang pinipinsala o sinisira ng mga ipis. Gustung-gusto nila ang maruruming dako at basura subalit maaari rin nilang pamugaran kahit ang pinakamalinis na mga dako.
Sa katunayan, ang mga ipis ay hindi nangangailangan ng maraming pagkain. Ang isang dosena sa kanila ay maaaring mabuhay ng isang linggo sa pagkain ng pandikit ng isa lamang selyo. Ang tubig ay mas mahalaga sa kanila, iyan ang dahilan kung bakit sila ay karaniwang masusumpungan sa mga kusina at sa mga banyo.
Ang mga ipis ay pinaratangan na mga tagapagdala ng baktirya at mga virus na sanhi ng nakahahawang hepatitis, pagkalason sa pagkain, mga impeksiyon sa daanan ng ihi, mga impeksiyon sa balat, mga alerdyi, at disinterya—upang banggitin lamang ang ilan. Habang ito’y gumagala, dinudumhan nila ang pagkain at mga kagamitan at
nag-iiwan ng hindi kanais-nais na amoy, na sama-samang resulta ng kanilang dumi, likido na inilalabas nila mula sa kanilang mga glandula, at isang maitim na kulay na likidong kanilang ibinabalik upang palambutin ang kanilang pagkain bago nila kanin ito. Ang mga pinggang nadumhan ay dapat na hugasang mabuti at saka banlian; kung hindi, kapag inilagay sa pinggan ang mainit na pagkain, babalik ang hindi kanais-nais na amoy.Nag-aadyang mga Pakinabang?
Mayroon bang anumang bagay na mabuti tungkol sa ipis? Sa katunayan, ito ay isang lubhang masalimuot na nilalang. Napapansin ng mga sensor ng ipis ang mga pagbabago sa presyon at temperatura ng hangin, at nahahanap din nito ang tubig at nagbababala sa dumarating na maninila. Ang mga antena ng ipis ay may 40,000 dulo ng nerbiyos na siyang humihipo, tumitikim, at umaamoy para sa ipis. Ang pinakamalaking sangkap ng pandamdam ng mga ipis ay ang tambalang mata, na binubuo ng maraming maliliit na lente, gayunman hindi malinaw na nakikita ng ipis ang mga bagay. Gayunman, napakasensitibo nito sa kilos at agad na napapansin nito ang kahit na pinakamaliit na pagbabago sa tindi ng liwanag. Ang cerci—ang nagsangang pares ng appendages sa dulo ng tiyan—ang nakararamdam sa mga pagyanig gayundin sa kilos ng tunog o hangin at sa gayo’y nagpapangyari sa pagtakas ng insekto na nagkukumamot sa pinakamalapit na bitak o siwang. Nababalaan, ang isang ipis ay maaaring kumilos na wala pang 0.054 segundo at sisibad!
Ang ipis ay humihinga sa pamamagitan ng mga spiracle, tulad-butas na mga bukasan sa magkabilang panig ng katawan nito. Ang dugo ay ibinobomba sa isang napakalaking tubo na tumatakbo sa buong kahabaan ng katawan nito. Napugutan ng ulo, ang ipis ay maaari pa ring mabuhay ng mahigit na isang araw—sapat ang haba para ang isang babaing ipis ay ligtas na makapagdiposito ng kaniyang mga itlog. Ang Amerikanong ipis ay maaaring mabuhay nang hanggang anim na linggo nang walang pagkain o tubig.
Isang kataka-takang kinapal, oo, subalit ano ba ang pakinabang nito sa tao? Bueno, sa isang bagay, ito ay kilalang kaaway ng surot. At dahil sa laki nito at madaling pagpapalaki, ang Amerikanong ipis ay kadalasang ginagamit sa mga laboratoryo para sa siyentipikong pananaliksik. Ang mga mananaliksik na Hapones, halimbawa, noong minsa’y matagumpay na gumamit ng likidong galing sa ipis sa paggamot sa sakit sa atay ng dagang ginagamit sa laboratoryo at sila’y umaasang ito’y gagana rin sa mga tao. Ginagamit ng ilang mangingisda sa Silangan ang ipis bilang pain para sa paghuli ng isdang bream, isang isdang-araw. Subalit ang munting kinapal na ito ay pangunahin nang isang basurero, ginagawa ang gawain ng pagkalikha sa kaniya: ibinabalik ang dumi, basura, at patay na hayop sa lupa.
Pagpapaalis sa mga Ito sa Bahay
“Paano ba nakapasok ang mga insektong ito sa bahay ko?” tanong ng isang maybahay. Bueno, ang mga ito—o ang kanilang mga itlog—ay maaaring dumating sa pamamagitan ng mga bag ng groseri, mga sako ng patatas o sibuyas, sa mga karton ng mga inumin. Ang mga ito ay maaaring nakapasok sa paglipad sa loob ng bahay. Yamang maaaring panipisin ng ipis ang sarili nito, ito ay maaaring nakapasok sa ilalim mismo ng inyong pinto sa harap. At kung ikaw o ang iyong mga bisita ay nakadalaw sa isang dakong may ipis, ang mga ito ay maaaring nakisakay sa inyong sapatos o damit. Sa mga apartment, ang mga ito ay maaaring pumasok sa pamamagitan ng mga bitak sa dingding o sa mga sahig o maglakbay sa “mga haywey ng ipis”—ang karaniwang tubo ng tubig at pasingawan.
Paano mo ito mapaaalis at panatilihin sa labas? Mahalaga ang maingat na paglilinis sa bahay. Ang malamang na dakong taguan, gaya ng mga bitak at mga siwang sa sahig, baseboards, at mga butas, ay dapat na linisin nang madalas. Panatilihing malinis ang lahat ng espasyo sa palibot ng kalan, repridyeretor, at mga kabinet. Linisin ang mga natapon at mumong pagkain nang lubusan at karaka-raka. Huwag iwan magdamag ang maruruming pinggan sa lababo o sa kabinet. Ilagay ang itinagong pagkain sa mga sisidlang mahigpit ang pagkakatakip. Yamang ang tuyong pagkain ng aso o pusa ay maaaring pagpiknikan ng mga ipis, makabubuting itabi ito sa isang sisidlan na may takip at iwasang maglabas ng higit na pagkain kaysa makakain ng alagang hayop. Suriin ang dumarating na mga bag ng groseri at mga sisidlan ng soft-drink para sa natatagong mga insekto at sa kanilang mga itlog. Ilabas ang basura sa bahay araw-araw. Kumpunihin ang lahat ng tumutulong gripo. Gayunman, tandaan na samantalang ang pagpapanatiling malinis sa kusina ay gagawa kay Señor Cucaracha na hindi tinatanggap sa kusina, kung ikaw ay kumakain ng iyong pagkain sa sala o sa silid aralan, baka masumpungan mo na inaanyayahan mo siya roon.
Kung ang isang silid ay maipis, baka kailanganin ang pestisidyo. Gayunman, baka makasamâ sa iyo kung labis ang isprey mo. Alin sa iiwasan ito o magiging-immune na sa lason ang ipis. Kaya maingat na basahin ang etiketa at sundin nang eksakto ang mga tagubilin. Bigyan-pansin ang mga pag-iingat, at isaisip lalo na ang mga bata, ang mga may edad, o lahat ng may sakit sa palahingahan.
Ang sobrang dami ng ipis ay kadalasang nangangailangan ng propesyonal na tulong. Sapagkat nangangailangan ng 30 araw bago mapisa ang itlog ng ipis, baka kailanganin sumandali ang buwanang paglilingkod. Kung tatawag ka ng isang propesyonal, ang sumusunod ay makatutulong. Linising mainam ang kusina bago siya dumating, at tiyakin na ang pagkain at mga pinggan ay inalis sa mga kabinet. Ang mga pinggan at mga kagamitan ay maaaring pansamantalang ilagay sa ibabaw ng isang mesa at ingatan sa pamamagitan ng isang sapin na plastik. Ang mga pagkain ay maaaring itago sa loob ng pugon o sa repridyeretor. Kung ang teknisyan sa pagsawata-ng-peste ay magbigay ng mga mungkahi o magrekomenda ng mga pagbabago, tiyaking isaalang-alang ang mga ito.
Ang pakikipagbaka laban sa mga ipis ay nagpapatuloy sa loob ng ilang panahon na. At ang mga ipis ay lumalaban. Nalalabanan na nila ang karamihan ng mga pestisidyo na ginamit sa nakalipas na mga taon. Ang mga siyentipiko ngayon ay bumabaling sa biolohikal na mga sandata. Isang bagong gawang timpla, isang sintetikong hormone na tinatawag na hydroprene, ay pumipigil sa mga ipis na magparami sa pamamagitan ng pagpapanatili sa kanila sa batang yugto. Gayunman, bagaman hindi nagpaparami, ang salinlahing iyon ay nananatiling buháy. Kaya ang mga resulta ay hindi agad nakikita malibang ang hydroprene ay ihalo sa isa pang pestisidyo.
Mangyari pa, kung baga ang mga pesteng ito ay maaalis sa mga sambahayan o hindi ay hindi pa alam. Hanggang sa ngayon ang la cucaracha ay nananatili at dumarami.
[Kahon sa pahina 23]
Alisin ang mga Ipis sa Inyong Tahanan
◻ Panatilihing malinis ang buong kusina. Bigyang pansin ang lahat ng espasyo sa palibot at sa ilalim ng kalan, kabinet, at repridyeretor.
◻ Linising madalas ang lahat ng posibleng dakong pinagtataguan—gaya ng mga bitak at mga siwang sa sahig, baseboards, at mga butas. Kailanma’t maaari, tapalan ang mga bitak at mga siwang sa kusina at banyo.
◻ Ilabas ang basura araw-araw.
◻ Itago ang pagkain sa mga sisidlang natatakpang mahigpit.
◻ Linisin ang mga natapon o mumong pagkain karaka-raka at lubusan.
◻ Suriin ang lahat ng pumapasok na bag at mga sisidlan kung may mga insekto at mga itlog nito.
◻ Hadlangan ang kahalumigmigan. Kumpunihin ang lahat ng mga tulo ng tubig, at huwag ibabad ang mga pinggan nang magdamag.
◻ Gumamit ng magaling na pain sa ipis.