Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagkatuto ay Nagsisimula sa Bahay-Bata

Ang Pagkatuto ay Nagsisimula sa Bahay-Bata

Ang Pagkatuto ay Nagsisimula sa Bahay-Bata

KAY Aristotle ang utak ng sanggol sa pagsilang ay isang tabula rasa, isang walang sulat na pisara. Pagkalipas ng mahigit na dalawang libong taon, gayon pa rin ang palagay ng marami. “Kapag ang sanggol ay bagong silang,” sulat ng isang propesor sa medisina mula sa University of Pennsylvania noong 1895, “ito ay matalino lamang ng kaunti sa isang gulay.” Ang alamat ay tumutol at sinasabing ang isang sanggol ay natututo sa bahay-bata at na may kabatiran sa mga nangyayari sa labas nito. Ngayon sinasabi ng siyensiya na kapuwa si Aristotle at ang propesor ay mali at na ang mga nagkukuwento ng alamat ay tama.

Ang utak ay may maliit na pasimula, subalit kasindak-sindak ito kapag ito’y nabuo na! Ang pagkabuo nito ay nagsisimula sa panahon ng ikatlong linggo ng pagdadalang-tao bilang isang manipis na suson ng mga selula na tinatawag na neural plate. Sinasabi sa atin ng neurologong si Richard M. Restak kung nagiging ano ito sa pagtatapos ng pagdadalang-tao: “Ngunit mula sa hindi magandang pasimula ito ay nagiging ang pinakakagila-gilalas na sangkap sa sansinukob.” Ang proseso ay nagsisimula sa marahil ay 125,000 selula at dumarami sa bilis na 250,000 sa isang minuto. Sabi pa ni Restak: “Sa wakas ito ay magpaparami hanggang sa isang daang bilyong neuron na siyang saligan ng lahat ng gawain ng utak.”

Habang lumalaki ang utak, nagkakaroon ng mga koneksiyon sa pagitan ng mga neuron nito. Sa ikawalong linggo, ang mga koneksiyong ito, na tinatawag na mga synapses, ay nabubuo at di-nagtatagal ay umaabot ng angaw-angaw habang ginagampanan nila ang maraming gawain ng utak ng ipinagbubuntis na sanggol. Sa panahon ding ito​—sa pagtatapos ng ikalawang buwan ng pagdadalang-tao—​na “ang lahat ng masusumpungan sa ganap nang tao ay . . . naitatag na,” sang-ayon sa malawak na ipinagbubunying aklat na A Child Is Born. Lahat ng mga bahagi ng katawan nito ay nasa ayos na lugar na, at ito ay hindi na isang binhi. Nagsimula na ang yugto para sa paglaki at kasakdalan ng ipinagbubuntis na sanggol. Gayumpaman, sinasabi ng mga aborsiyunista na ito ay hindi pa nabubuhay.

Ang pinakamaagang pagkilos ng ipinagbubuntis na sanggol ay nagsisimula sa ikapito at kalahating linggo. Sa ika-13 linggo ay gumagana na ang panlasa, at pagtatagal kapag idinaragdag ang asukal sa tubig sa inunan, ang bilis ng paglunok ay dumudoble. Subalit kapag isang pangit ang lasa ang idaragdag, agad na inihihinto ng ipinagbubuntis na sanggol ang kaniyang paglunok at ngumingibit upang ipakita ang pagkasuya nito. Sa ika-15 at ika-16 na linggo, ang paghinga, pagsinok, pagsipsip, paglunok, paghikab, kilos ng mata​—at sa susunod na mga linggo ang REM sleep​—lahat ng ito ay nangyayari. “Sa limitadong antas,” sabi ni Restak, “ang ipinagbubuntis na sanggol man ay nakaririnig, nakakikita, nakalalasa, nakaaamoy, at nakadarama sa daigdig ng bahay-bata.” Subalit hindi pa raw ito isang nabubuhay na nilalang, tinitiyak sa atin ng mga aborsiyunista.

Natatandaan ng bagong silang ang mga bagay na narinig nito sa loob ng bahay-bata​—ang tibok ng puso ng ina nito, halimbawa. Nakakatulog ito sa tunog na iyon, nagigising sa tunog nito, nagpapahinga rito, kumikilos sa indayog nito. Ito ay lagi niyang kasama, nagbibigay ng katahimikan at katiwasayan. Napatunayan ng mga mananaliksik ang nakapagpapahinahong lakas nito sa isang eksperimento sa isang maternity ward. Ang mga sanggol na naririnig ang isang rekording ng tibok ng puso ng tao ay hindi gaanong umiiyak at mas malakas kaysa roon sa wala nito. Kawili-wili, “ang mga nangyayari sa bahay-bata at ang iba pang mga tunog ay nakapagpapahinahon (sa maselang mga sanggol) tanging kapag ito’y iniharap sa antas na kahawig niyaong masusumpungan sa bahay-bata.”

Ang utak ng ipinagbubuntis na sanggol ay hindi lamang kasangkot sa mga gawain sa loob ng bahay-bata kundi napapansin din nito at natatandaan ang mga bagay na nangyayari sa labas. “Si Vivaldi ay isa sa paboritong kompositor ng di pa isinisilang na sanggol,” sabi ni Dr. Thomas Verny. “Isa pa si Mozart. Kailanma’t ang isa sa kanilang isinaplakang komposisyon ay pinatutugtog, ulat ni Dr. Clements, ang bilis ng tibok ng puso ng mga ipinagbubuntis na sanggol ay humihinahon at nababawasan ang pagsipa. . . . Sa kabilang dako, lahat ng uri ng musikang rock ay nagpangyari sa mga ipinagbubuntis na sanggol na maging maligalig.”

Si Dr. Anthony DeCasper, isang sikologo sa University of North Carolina, ay nagdisenyo ng isang tsupon na sumusubaybay sa bilis at tindi ng pagsuso ng sanggol. Sa pagbabagu-bago ng pagsipsip, ang sanggol ay natututong pumili ng inirekord na mga tunog na gusto nitong mapakinggan​—isang tinig at mga kuwento, halimbawa. Isang sanggol na isa o dalawang oras pa lamang isinilang ay nakilala ang tinig ng kaniyang ama, na nakipag-usap sa kaniya sa maiikling nakapagpapahinahong mga salita samantalang siya ay nasa bahay-bata. Hindi lamang pinili ng bata na pakinggan ang tinig na iyon kundi tumugon din ito sa emosyonal na paraan at huminto sa pag-iyak, nakadarama na siya’y ligtas. Sa gayunding paraan, pipiliin nitong pakinggan ang tinig ng ina, gayundin ang tibok ng kaniyang puso, na kapuwa nakasanayan niya sa loob ng bahay-bata.

Sa isa pang eksperimento, pinabasa nang malakas ni DeCasper ang 16 na babaing nagdadalang-tao ng isang kuwentong pambata na pinamagatang The Cat in the Hat. Binabasa nila ito dalawang beses sa isang araw sa huling anim at kalahating linggo ng kanilang pagdadalang-tao. Sandaling panahon pagkasilang ng kanilang mga sanggol, ang mga bata ay ikinabit sa isang aparato na pasusuhan, at pinatugtog sa kanila ang rekording ng dalawang kuwento, ang The Cat in the Hat at The King, the Mice and the Cheese. Sa pamamagitan ng bilis ng kanilang pagsuso, pinili ng mga sanggol sa lahat ng kaso ang The Cat in the Hat na gusto nilang mapakinggan, ang kuwento na narinig nila sa loob ng bahay-bata. Paulit-ulit nilang pinili ito sa halip ng The King, the Mice and the Cheese, na hindi nila narinig sa loob ng bahay-bata. Gayon ang ginagawa ng mga bata anumang gulang nila, gusto nilang marinig ang kanilang paboritong kuwento na paulit-ulit, sa halip na pakinggan ang isang bagong kuwento.

Si DeCasper ay naghinuha: “Wari ngang ang naiibigang pakinggan pagkasilang ay naiimpluwensiyahan ng kung ano ang narinig bago pa isilang.” Si Dr. Restak, na nag-ulat tungkol sa mga tuklas na ito, ay nagsabi: “Ang mga sanggol ay natututo sa loob ng bahay-bata, nakikilala nito ang tinig ng ina, kahit na ang pagbabagu-bago ng kaniyang tinig at ang mismong aklat na kaniyang binabasa.” Ang konklusyon niya: “Sa ibang pananalita, ang ipinagbubuntis na mga sanggol ay may kakayahang matuto sa pamamagitan ng naririnig nito sa loob ng bahay-bata mga ilang buwan bago nila aktuwal na kailanganin ito o maaasahang gamitin ito.”

Ang sanggol ay maraming natututuhan sa loob ng bahay-bata. Ito ay lubhang nasasangkapan upang matuto. Ipinakikita ng lahat ng nabanggit na kahit na sa loob ng bahay-bata ang utak ay kagila-gilalas. Samantalang naroon, natatamo nito ang ganap na tulong ng mga neuron. “Sa pagsilang, ang utak ng isang sanggol ay mayroong mas maraming neuron na bubuo ng mga network kaysa kailanma’y maaaring tamuhin nitong muli,” sang-ayon sa mga neurosiyentipiko. Mula sa simula ang bagong buhay na ito sa loob ng bahay-bata ay abalang-abala sa loob ng walong buwan sa paggawa ng bilyun-bilyong neuron na ito at sa paggawa ng bilyun-bilyong mga koneksiyon sa pagitan nila, ginagawang posible ang pagkilos, paghinga, pagsipsip, paglunok, paglasa, pag-ihi, pakikinig, pagkakita, pagkatuto, at pag-alaala. Paano masasabi ng sinumang matalinong tao na ang nilalang na ito ay hindi nabubuhay?

Maraming siyentipiko at milyun-milyon pang iba ay makatuwirang naniniwala na ang buhay ay nagsisimula sa bahay-bata sa paglilihi. Sa kaniyang aklat na The Mind, sabi ni Dr. Restak: “Ang tunay na pasimula at pinakakritikal na pangyayari sa ating buhay ay maliwanag na sa pasimula ng paglilihi sa atin. Kinikilala ito ng mga Intsik sa pagkalkula sa edad mula sa sandaling iyon; ang isang sanggol ay itinuturing na isang taon sa pagsilang.”

Ngayon, marami ang nais maniwala na ang mga sanggol ay hindi dapat ituring na isang buhay, isang tao, hanggang sa pagsilang, subalit ang Salita ng Diyos ay hindi sumasang-ayon. Kung ang sanggol ay sadyang ipinalaglag, ang tuntunin ng Diyos ay: ‘Buhay sa buhay.’ Ito ay pinatutunayan ng Exodo 21:22, 23: “Kung may magbabag at makasakit ng isang babaing buntis na anupa’t siya’y makunan at gayon ma’y walang nakamamatay na aksidenteng mangyari, walang pagsalang papagbabayarin siya ayon sa iatang sa kaniya ng asawa ng babae; at siya’y magbabayad ng ayon sa ipasiya ng mga hukom. Datapuwat kung may anumang nakamamatay na aksidenteng mangyari, kung gayon ay magbabayad ka nga ng kaluluwa sa kaluluwa [o, “buhay sa buhay,” King James Version].”

Samantalang ang sanggol ay nasa loob pa ng bahay-bata, itinuturing ito ni Jehova na isang nabubuhay na tao. Na gayon nga ito ay maliwanag buhat sa lahat ng gawain nito sa loob ng bahay-bata. Nalalaman ngayon ng siyensiya na ang lahat ng mga bahagi ng katawan nito ay presente at kumikilos sa pagtatapos ng ikalawang buwan, na ito ay nakadarama, natututo, at nakatatanda. Maliwanag na ang isip ng bagong silang ay hindi isang ‘walang sulat na pisara’ gaya ng sabi ni Aristotle, ni ang sanggol man ay ‘matalino lamang ng kaunti sa gulay’ gaya ng sabi ng propesor sa unibersidad. Taglay nito ang lahat ng neuron na kakailanganin nito, at ito’y handang magtala ng lahat ng bagong tanawin at tunog at damdamin na nakapalibot dito ngayon. Handa na itong lumabas! O gayon nga ba?

Malaki ang magagawa ng ina para sa kabutihan ng sanggol sa kaniyang bahay-bata, o maaari niyang masira ito. Maaari itong maapektuhan ng kaniyang mga pag-iisip, sa ikabubuti o sa ikasasamâ. Hindi naman ibig sabihin nito na iisipin ng ipinagbubuntis na sanggol ang kaisipan ng ina; kundi ang mga kaisipang pinagbubuhusan niya ng pansin ay lilikha ng mga damdamin, at ang ipinagbubuntis na sanggol ay apektado ng damdamin na likha ng mga kaisipang iyon, ito man ay tungkol sa katiwasayan, kahinahunan, at katahimikan o tungkol sa kabalisahan, takot, at matinding galit. Mas masahol pa, ang nakahahawang mga sakit ay maaaring ilipat mula sa ina tungo sa ipinagbubuntis na sanggol sa pamamagitan ng inunan. Ang mga sakit na naililipat ng pagtatalik, pati na ang AIDS, ay maaaring ipasa. Ang mga inang gumagamit ng tabako, marijuana, alkohol, morpina, cocaine, heroin, at iba pang droga sa panahon ng pagdadalang-tao ay maaaring magsilang ng mga sanggol na sugapa sa droga, may retarded na isip, napinsalang utak, dispormadong mga katawan, dumaranas ng atake serebral, mga sumpong, at iba pang katakut-takot na mga resulta.

Ang sanggol sa loob ng bahay-bata ay hindi natatabingan sa daigdig sa labas gaya ng akala ng marami noon. Samantalang nasa loob ng bahay-bata, ito ay maaaring maibiging palakihin o malupit na biktimahin. Anong pakikitungo ang naghihintay rito paglabas nito sa bahay-bata? Ang pagkatuto nito ay nagsisimula sa loob ng bahay-bata, subalit ano kaya ang magiging mga karanasan nito sa pagkatuto paglabas nito sa daigdig? Harinawa, mabubuting karanasan ang ilalaan ng maligayang pag-aasawa ng maibiging mga magulang.

[Blurb sa pahina 14]

“Ang pinakakagila-gilalas na sangkap sa sansinukob”

[Blurb sa pahina 14]

Sa loob ng walong linggo, at ang lahat ng bahagi nito ay nasa ayos na lugar na

[Blurb sa pahina 15]

Paano nga masasabi ng sinumang matalinong tao na ang nilalang na ito ay hindi nabubuhay?

[Blurb sa pahina 17]

Maraming siyentipiko ang naniniwala na ang buhay ay nagsisimula sa paglilihi

[Larawan sa pahina 16]

Sa loob ng walong linggo, 4 na centimetro ang haba, at lahat ng mga bahagi ng katawan nito ay nasa ayos na lugar na

[Credit Line]

Larawan: Lennart Nilsson para sa A Child Is Born - 1976 ed./Dell Publishing Co. (gayundin ang pahina 2)