Ano Kung Mahirap ang Pamilya Ko?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano Kung Mahirap ang Pamilya Ko?
ANG bayan ng mga barung-barong sa Timog Aprika na kinalakhan niya ay hindi nagpapagunita ng maliligayang alaala kay George. “Kami’y tumira sa isang tipikal na tirahang mukhukhu—wala kundi isang maliit na barung-barong na may dalawang silid,” gunita niya. Kasama niya sa isa sa mga silid ang kaniyang walong kapatid na lalaki at babae. Sa mga buwan ng taglamig, titiisin niya ang ginaw ng hangin sa taglamig upang umigib ng tubig mula sa isang gripo na naglilingkod sa buong pamayanan. “Subalit ang lubhang kinaaayawan ko sa paglaking mahirap,” sabi ni George, “ay ang mamasdan ang aking ama na halos gawing araw ang gabi sa pagtatrabaho upang panatilihin lamang kaming buháy. Ang ikinasasamâ ng loob ko ay na wari bang wala nang lunas ang problema.”
Ang kahirapan ng buhay ay karaniwan sa nagpapaunlad na mga bansa. At kahit na sa mayayamang bansa sa Kanluran ay may nakasisindak na dami ng mga taong mahirap. Marahil isa ka sa kanila. Tulad ni George maaaring nadarama mo na ikaw ay nasilo sa karukhaan. Bagaman ang gayong mga damdamin ay nauunawaan, maaari rin nitong udyukan ka na kumilos sa paraang lalo lamang magpapalala, sa halip na lunasan, ang mga suliranin ng pagiging mahirap.
Ang Silo sa Pagtakas
Nakatatakot na dami ng mahihirap na kabataan ang nagsisikap na takasan ang kirot ng karukhaan sa pamamagitan ng pagpapamanhid ng kanilang mga pakiramdam sa pamamagitan ng alkohol o droga. Sang-ayon sa mananaliksik na si Jill Swart, ang mga batang lansangan sa isang lungsod sa katimugang Aprika ay “hindi basta sinisinghot ang usok ng kola (glue) ‘dahil sa kasiyahan na nakukuha rito’. Ginagamit nila ito . . . upang takasan ang lamig, kalungkutan at gutom.”
Ngunit ano ba ang nadarama ng mga kabataang ito kapag nagbalik na sila sa kanilang katinuan at tapos na ang kalanguan sa droga? Pinatunayan ni Jill Swart ng mga dokumento ang mga sintomas na gaya ng “matinding panlulumo,” “pagsalakay,” “mabilis na pabagu-bagong kalagayan,” “huminang paningin,” at marami pang ibang pisikal na karamdaman na hindi mailalarawan bilang isang malusog na “pagtakas” mula sa karukhaan.
Ang matalinong si Haring Solomon ay nagsabi: “Ang manlalasing . . . ay darating sa karalitaan, at ang antok ay magbibihis sa tao ng pagkapulubi.” (Kawikaan 23:21) Hindi aalisin ng pagbabago sa kalagayan ng isip sa pamamagitan ng alkohol, kola, o droga ang problema tungkol sa kahirapan. (Ihambing ang Kawikaan 31:7.) Gaya ng sabi ni Maria, isang 16-anyos na babae buhat sa isang mahirap na pamilya ng nagsosolong-magulang sa Timog Aprika: “Ang pagsisikap na takasan ang katotohanan ay nagdadala ng higit na problema kaysa nalulutas nito.” Isa pa, ang mataas na halaga ng pagpapanatili ng gayong nakasisirang bisyo ay lalo lamang naglulubog sa isa sa karalitaan. Tanging kapag makatuwirang hinaharap ng isang mahirap na kabataan ang kaniyang kalagayan saka lamang siya makaaasa na malunasan ang kalagayan.
Galit at Kabiguan
Nagagalit dahil sa sila’y nasilo sa isang mahirap na kapaligiran, inilalabas ng maraming kabataan ang kanilang galit sa pamamagitan ng karahasan, bandalismo, pagnanakaw, at iba pang anyo ng masamang asal ng mga kabataan. Ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabing nakikita lamang ito ng mga kabataang iyon bilang ang “tanging lunas para sa pagkabagot, karalitaan, at iba pang problema.” Nagugunita ni George, nabanggit kanina, na ang ilan sa kaniyang mga kasama ay nagalit at nabigo at sila’y
sumali sa mga gang na tumatakot sa mga purok. Sinabi pa niya na “karaniwang sila’y nakikipag-away at nagnanakaw para may ikabuhay.” Gayunman sinisikap daigin ng ibang kabataan ang karalitaan sa pamamagitan ng pagsangkot ng kanilang sarili sa pinagkikitaang ilegal na mga gawain, gaya ng pagbibili, o pagbebenta, ng droga.Gayunman, sa halip na iangat buhat sa kahirapan lalo lamang pinalulubha ng delingkuwenteng asal ang mga bagay-bagay. Ang lakas na maaari sanang magamit sa produktibong mga gawain—gaya ng pagkatuto ng isang kapaki-pakinabang ng kasanayan o trabaho—ay nasasayang. Sa halip na pagbutihin ang kaniyang kalagayan, ang suwail na kabataan ay basta ipinaiilalim ang kaniyang sarili sa higit pang pisikal at emosyonal na trauma. Ang ibang kabataan ay nagwawakas pa nga sa paggugol ng panahon sa bilangguan—o pagkasawi ng kanilang buhay dahil sa karahasan. Gaya ng babala ni Haring Solomon: “Karalitaan at kahihiyan ang tatamuhin ng nagtatakwil ng disiplina.”—Kawikaan 13:18.
Walang-Kaya at Walang Pag-asa
Marahil ang pinakanakapipinsalang epekto na iniiwan ng karalitaan sa isang kabataan ay ang nagtatagal na mga damdamin ng pagiging walang halaga at pagkasilóng. Sa marami, ang matinding karalitaan sa lahat ng larangan ng buhay ay nag-alis ng anumang pag-asa para pasulungin ang kanilang pamantayan ng kabuhayan. Ang World Book Encyclopedia ay nagkokomento na ang mga kabataan ay kadalasang “nakadarama rin ng kawalang-kaya at kawalang pag-asa na gaya ng kanilang mga magulang.” Sa wakas, isang “kultura ng karalitaan” ang maaaring maitatag, ang mga biktima nito ay itinatalaga ang kanilang sarili sa isang habang-buhay na kahirapan.
Subalit bubuti ba ang iyong kalagayan kung ikaw ay magmumukmok sa mga damdamin ng kawalang-kaya at kawalang pag-asa? Hindi! Sa halip, ang paggawa niyaon ay lalo lamang nagpapanatili sa masamang siklo ng karalitaan. Gaya ng pagkakasabi ng isang sinaunang kawikaan: “Ang nagmamasid sa hangin ay hindi maghahasik ng binhi; at ang tumitingin sa mga alapaap ay hindi aani.” (Eclesiastes 11:4) Kung ang isang magsasaka ay nakatutok lamang sa negatibong mga posibilidad—maaaring liparin ng hangin ang kaniyang mga binhi o maaaring basain ng ulan ang kaniyang ani—hindi siya gagawa ng kinakailangang pagkilos. Sa gayunding paraan, sa pagtutuon ng isip sa negatibong mga damdamin lamang, maaari mong itigil ang lahat ng pagsisikap na pagbutihin ang iyong sarili.
Kaya ganito pa ang payo ni Haring Solomon: “Ihasik mo ang iyong binhi sa umaga at huwag mong iurong ang iyong kamay hanggang sa gabi; sapagkat hindi mo nalalaman kung alin ang tutubo.” (Eclesiastes 11:6) Oo, sa halip na huwag kumilos dahil sa takot na mabigo o dahil sa inaakala mong ang mga bagay ay wala nang pag-asa, kumilos ka! May mga bagay na maaari mong gawin upang tulungan ka na unti-unting halinhan ang negatibong mga damdamin ng positibong mga damdamin.
Pagkakaroon ng Paggalang-sa-Sarili
Isaalang-alang ang 11-anyos na si James. Siya’y nakatira na kasama ng kaniyang ina at ng kaniyang kapatid na babae sa isang kampo ng mga iskuwater malapit sa Johannesburg, Timog Aprika. Sa materyal na paraan, halos wala silang pag-aari. Tuwing dulo ng sanlinggo si James ay nagboboluntaryo upang tumulong sa pagtatayo ng isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova roon. Hindi lamang ito kumukuha ng panahon na marahil ay mabagal na lilipas kundi nagbibigay rin ito sa kaniya ng katuwaan na mayroon siyang nagawa. Sabi ni James na nakangiti: “Pagkatapos ng isang araw sa pagtatayo ng gusali, damang-dama ko ang kasiyahan!” Dukha man ang kabataang ito, mayroon pa rin siyang mahalagang pag-aari: panahon at lakas.
Isa pang produktibong gawain ay ang gawaing pagtuturo ng Bibliya sa bahay-bahay. (Mateo 24:14) Maraming kabataang mga Saksi ni Jehova ang regular na nagsasagawa ng gawaing iyan. Sa paggawa ng gayon hindi lamang sila nagbibigay sa iba ng pag-asa sa isang mas mabuting buhay sa hinaharap kundi lalo silang nakadarama ng paggalang-sa-sarili, halaga, at dignidad. Oo, ang isa ay hindi kumikita ng pera sa paggawa ng gawaing iyon. Subalit gunitain ang mensahe na ibinigay ni Jesus sa mga Kristiyano sa sinaunang kongregasyon ng Smirna. Napakadukha nila sa materyal, subalit dahil sa kanilang matinding espirituwalidad, nasabi sa kanila ni Jesus: “Nalalaman ko ang inyong kapighatian at ang inyong karukhaan—datapuwat kayo ay mayaman.” Sa katapusan, dahil sa kanilang aktibong paglalagak ng pananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus, sila ay magiging lubhang mayaman, tinatanggap ang putong ng buhay na walang-hanggan.—Apocalipsis 2:9, 10.
Hindi madali ang lumaking mahirap. Gayunman, walang dahilan upang mapahiya, makadama ng kawalang-kaya, o kawalang pag-asa tungkol sa iyong kalagayan. Ang karalitaan ay umiiral sapagkat “dominado ng tao ang tao sa kaniyang kapahamakan.” (Eclesiastes 8:9) Ipinakikita ng katibayan na malapit nang pamahalaan ng Diyos ang mga pangyayari sa lupa at aalisin ang kahirapan at ang mapangwasak na mga epekto nito. (Awit 37:9-11) Dadalhin ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus, ang bilyun-bilyon na sangkatauhan sa makalupang Paraiso, gaya ng ipinangako niya sa manggagawa ng masama na nagpahayag ng pananampalataya sa kaniya samantalang sila’y nag-aagaw-buhay sa bitayang tulos. (Lucas 23:43) Gayunman, samantala ay marami kang magagawa sa praktikal na paraan upang makayanan ang karukhaan. Ito ay tatalakayin sa susunod na labas.
[Kahon sa pahina 20]
“Para Akong Nasilo sa Karukhaan”
Si George ay isang kabataang Aprikano na gustung-gustong manatili sa pag-aaral at tapusin ang kaniyang saligang edukasyon. Ikinakatwiran niya na sa paggawa ng gayon ay makasusumpong siya ng isang trabaho na malaki ang sahod na mag-aahon sa kaniya at sa kaniyang pamilya sa karukhaan. Gayunman, ang mga bagay ay hindi nagkagayon. Ang kaniyang pamilya ay nabaon sa pinansiyal na kagipitan anupa’t pagkalipas ng anim na taon lamang na pag-aaral, si George ay napilitang huminto ng pag-aaral at humanap ng trabaho. Sa wakas ay nakasumpong siya ng isang trabaho na pagkakahon sa isang planta ng mga bote, kumikita ng 14 na rand lamang sa isang linggo ($5, U.S.). Ang kaniyang buong kita ay napupunta sa gastos ng kaniyang pamilya.
“Bagaman para akong nasilo sa karukhaan,” sabi ni George, “natanto ko na ang pagsali sa isang gang o ang pagnanakaw para may ikabuhay ay hindi makatutulong. Ngayon, marami sa mga kaedad ko na gumawa ng gayong mga bagay ay alin sa walang pag-asang mga huminto sa pag-aaral, alipin ng alak at mga droga, o kaya’y nasa bilangguan. Ang iba ay napatay pa nga bunga ng kanilang istilo-ng-buhay.”
Pagkatapos ay nakaharap ni George ang mga Saksi ni Jehova. “Ang unang bagay na napansin ko,” sabi ni George, “ay na sa mga pulong Kristiyano, ang lahat ay lalapit at magalang na makikipag-usap sa akin.” Susog pa niya: “Unti-unti akong nagkaroon ng pagtitiwala at paggalang-sa-sarili na dati’y wala ako.” Si George ay nakasumpong din ng malaking kaaliwan sa mga teksto sa Bibliya na gaya ng Awit 72:12, 13, na nagsasabi: “Sapagkat kaniyang [ang Mesianikong Hari] ililigtas ang mga dukhang nangangailangan ng tulong . . . Siya’y maaawa sa hamak at dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay kaniyang ililigtas.” Ang mga pangako ng Bibliya ay pumunô sa kaniya ng panibagong interes at pag-asa sa buhay.
Kung titingnan mo si George ngayon, hindi mo aakalain kung anong pakikipagpunyagi ang dinanas niya upang baguhin ang kaniyang mga damdamin ng kawalang-kaya at kawalang pag-asa tungo sa isang positibong pangmalas. Isang maligayang may-asawang tao, siya ngayon ay naglilingkod bilang ang punong tagapangasiwa sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Soweto, Timog Aprika.
[Mga larawan sa pahina 19]
Ang paggamit ng iyong panahon at lakas sa paggawa ng isang bagay na kapaki-pakinabang ay mas mabuti kaysa payagan ang iyong sarili na madaig ng mga damdamin ng kawalang pag-asa