Bahagi 2—Pagpapalawak Upang Patatagin ang Kapangyarihan
Ang Pagbangon at Pagbagsak ng Pandaigdig na Komersiyo
Bahagi 2—Pagpapalawak Upang Patatagin ang Kapangyarihan
SA SIMULA, ang pag-unlad ng daigdig ng komersiyo ay lubhang natatakdaan dahil sa walang makuha, mabagal, at magastos na transportasyon at komunikasyon. Ang kalakal na inilululan sa bapor ay matagal. Ang mga ruta naman sa lupa ay punô ng panganib. Subalit lahat ng ito ay malapit nang magbago.
Naging Internasyonal ang Kalakalan
Noong Helenistikong panahon, mula 338 B.C.E. hanggang 30 B.C.E., ang mga lungsod sa Mediteraneo ang naging pangunahing mga sentro ng kalakalan. Kasali rito ang Alexandria, Ehipto, na itinatag ni Alejandrong Dakila noong 332 B.C.E. Subalit “noong ikalawang siglo B.C.[E.], ang Helenistikong Silangan,” sabi ng propesor sa kasaysayan na si Shepard B. Clough, “ay nagpakita ng mga palatandaan ng hindi pag-unlad ng ekonomiya; noong unang siglo B.C.[E.], ito ay maliwanag na humina.” Ang Gresya ay pinalitan ng Roma bilang isang kapangyarihang pandaigdig. Nang maglaon, sa ilalim ng pamamahala ng Roma, ang Alexandria ay naging kabiserang panlalawigan, pangalawa lamang sa Roma mismo.
Narating ng katapat sa Silangan at kahalili ng Imperyo ng Kanlurang Romano, ang Imperyong Byzantine, ang tugatog nito sa pagitan ng ika-9 at ika-11 siglo. Ang kabisera nito, ang Constantinople (Istanbul sa ngayon), na may populasyon na isang milyon, ay walang pasubaling ang pinakamalaking lungsod sa daigdig. Isang pamilihang dako para sa mga seda, mga pampalasa, pangulay, at mga pabango ng Silangan at mga balahibo ng hayop, ambarino, troso, at bakal ng Kanluran, ito’y nagsilbing isang malakas na tulay sa ekonomiya sa pagitan ng Europa at ng Asia.
Subalit noong 1204, noong panahon ng Ikaapat na Krusada, ang imperyo ay dumanas ng paghina. Ang kabisera nito ay sinakop at dinambong, isang biktima ng kasakiman sa ekonomiya. Paano? Sang-ayon sa The Collins Atlas of World History, “ang kilusan ng Kanluran na hanapin ang kayamanan ng Silangan ang siyang pinagmulan ng mga krusada.” Maliwanag na ipinahihiwatig nito na ang simbahan, bagaman nauudyukan ng alab sa relihiyon, ay mayroon ding ibang motibo.
Samantala, sa Europa noong Edad Medya, ang mga negosyante ay nagtatag ng mga peryang (fair) pangkomersiyo, o pangkalakal, kung saan maaari nilang ipakita ang mga kalakal na galing sa iba’t ibang bansa sa mga ruta na kanilang nilalakbay. Tungkol sa matagumpay na mga iksibisyong ginanap sa rehiyon ng Champagne sa hilagang-silangan ng Pransiya, ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang mga transaksiyon ng mga negosyante sa mga perya ay kadalasang ginagawa sa pamamagitan ng mga liham na nangangako ng bayad sa susunod na perya at na maaaring ilipat sa ibang tao. Ang gayong mga transaksiyon ang naging simula ng paggamit ng kredito. Noong ika-13 siglo ang mga perya ay nagsilbi bilang isang regular na sentro ng pagbabangko para sa Europa.”
Noong ika-15 siglo, isinapanganib ng mga pananakop ng mga Turkong Ottoman na putulin ang mga ruta ng kalakalan sa pagitan ng Europa at Asia. Kaya ang mga manggagalugad na Europeo ay naglayag upang humanap ng bagong mga ruta. Pinangunahan ni Vasco da Gama, isang Portuges na nabigador, ang isang ekspedisyon mula 1497 hanggang 1499 na matagumpay na naglayag sa palibot ng Cape of Good Hope sa Aprika, sa gayo’y itinatatag ang isang bagong ruta sa dagat patungo sa India na nakatulong upang gawing isang kapangyarihang pandaigdig ang Portugal. Ang bagong ruta ay nag-alis din sa Alexandria at sa iba pang daungan sa Mediteraneo ng kanilang komersiyal na halaga bilang pangunahing mga sentro ng pangangalakal.
Samantala, tinutustusan ng kapitbahay ng Portugal, ang Espanya, ang pagsisikap ng Italyanong nabigador na si Christopher Columbus na marating ang India sa paglalayag pakanluran sa palibot ng daigdig. Noong 1492—eksaktong 500 taon sa darating na Oktubre—si Columbus ay natalisod, sa matalinhagang salita, sa Kanlurang Hemispero. Sa kabilang dako, sa halip na sikaping marating ang Silangan sa pamamagitan ng paglalayag patimog na gaya ng ginawa ni Vasco da Gama o pakanluran na gaya ni Columbus, ang mga Ingles ay patuloy na naghanap ng isang daanan sa hilagang-silangan o sa hilagang-kanluran. Lahat ng panggagalugad na ito ay nakatulong upang ang kalakalan ay maging internasyonal. At sa pagiging isang tiyak na salik sa pagkatuklas sa Amerikas, ipinakita ng daigdig ng komersiyo ang malakas na impluwensiya nito sa mga pangyayari sa daigdig.
Lakas ng Ekonomiya—Tagapagtatag ng mga Imperyo
Ang daigdig ng komersiyo ay nakapagtatag ng makapangyarihang mga organisasyon. Ang isang halimbawa, sang-ayon sa aklat na By the Sweat of Thy Brow, ay “ang isa na pinakamalayo ang nararating at nagtatagal na sosyoekonomikong mga pagbabago sa sinaunang daigdig: ang samahan ng mga negosyante o mga artisano.” Tagapagpagunita ng kahawig na makapangyarihang mga organisasyon ngayon, kung minsan ang mga samahang ito ng mga negosyante, pati na ang kabutihang nagagawa nito, ay tahasang inaabuso ang kanilang kapangyarihan, anupa’t sinasabing binatikos ng tagapagsalin ng Bibliyang si John Wycliffe ang ilan sa kanila noong ika-14 na siglo bilang “huwad na mga tagapakana . . . na isinumpa ng Diyos at ng tao.”—Tingnan ang kahon sa pahina 13.
Ang daigdig ng komersiyo ay nakapagtatag pa nga ng mga imperyo, walang alinlangang ang Imperyong Britano ang pinakamatagumpay. Subalit bago ito lumitaw noong ika-16 na siglo, sinimulang sunggaban ng ibang pakikipagsapalaran sa negosyo sa Europa ang kapangyarihan ng ekonomiya na nagpapaikot sa mundo. Ang isa sa mga ito ay ang Hanseatic League (samahan ng mga negosyanteng Aleman noong Edad Medya).
Ang matandang salitang Aleman na Hanse, nangangahulugang “mga tropa,” ay unti-unting ginamit sa alinmang samahan o asosasyon ng mga negosyanteng bumangon. Noong dakong huli ng ika-12 at maaga noong ika-13 siglo, isang Hanse na nakasentro sa hilagang lungsod ng Alemanya na Lübeck ang naging dalubhasa sa kalakalan sa Baltic at matagumpay na iniugnay ang Alemanya sa Russia at sa iba pang bansa sa hangganan ng Baltic. Samantala, sa kanluran, pinalakas naman ng Hanse sa Alemanyang lungsod ng Cologne ang mga kaugnayan sa negosyo sa Inglatera at sa Mababang mga Bansa.
Ang mga samahang ito ng mga negosyante ay nagpasa ng batas upang ipagtanggol ang kanilang sarili at ang kanilang mga kalakal, inaayos ang kalakalan para sa kabutihan ng lahat. Nagsama-sama rin sila upang sugpuin ang pandarambong at pagnanakaw sa lupa o sa dagat. Habang lumalawak ang kalakalan, ang pangangailangan para sa higit pang pakikipagtulungan sa gitna ng iba’t ibang grupo ay naging maliwanag. Kaya sa pagtatapos ng ika-13 siglo, lahat ng pangunahing mga
lungsod ng Alemanya sa hilaga ay nagsama-sama sa isang liga na nakilala bilang Hanseatic League.Dahil sa heograpikong posisyon nito, kontrolado ng liga ang pangunahing daloy ng kalakalan sa gawing hilaga. Sa kanluran ito ay nakipagkalakalan sa maunlad ang ekonomiyang mga bansa ng Inglatera at ng Mababang mga Bansa, na nakikipagkalakalan naman sa Mediteraneo at sa Silangan. Sa silangan ito ay madaling nakapapasok ng pangangalakal sa Scandinavia at Silangang Europa. Bukod pa sa pangangalakal ng lana sa mga Flanders, nakontrol sa gayon ng liga ang kalakalan ng isda sa Norway at Sweden gayundin ang kalakalan ng mga balat ng hayop sa Russia.
Bagaman hindi isang pulitikal na pederasyon, at walang permanenteng lupong tagapamahala o permanenteng mga opisyal, gayunman sa tugatog nito ang liga ay may malaking kapangyarihan. Isa sa pinakadakilang nagawa nito ay ang pagkakaroon ng isang sistema tungkol sa paglalayag at mga batas pangkomersiyo. Samantalang nagpapalawak sa bagong mga pamilihan, mabilis na ipinagtatanggol ng liga ang dati nitong mga pamilihan, gumagamit ng dahas kung kinakailangan. Sa karamihan ng mga kaso nagagawa pa ngang sirain ng maraming barkong pangkalakal nito ang pagtutol sa pagpapatupad ng mga embargo o pagharang sa ekonomiya.
Narating ng Hanseatic League ang tugatog nito noong kalagitnaan ng ika-14 na siglo. Ang paghina nito ay nagsimula noong ika-15, nang ang mga Ingles at Olandes ay nagsimulang lumakas sa kapangyarihan at nangibabaw sa kalakalang pandaigdig. Ang Tatlumpung Taóng Digmaan ang pumatay sa Liga. Ang mga miyembro nito ay nagtipon sa huling pagkakataon noong 1669. Tanging iilang lungsod, kabilang dito ang Lübeck, Hamburg, at Bremen, ang makapagmamalaki na kabilang pa sa mga lungsod na Hansa, wala nang silbing mga miyembro ng dati’y isang makapangyarihang dambuhala sa komersiyo.
Inaabangan ng mas malaki, mas makapangyarihang mga dambuhala sa komersiyo na palitan ang Hanseatic League. Alamin ang tungkol dito sa Bahagi 3 ng seryeng ito: “Unti-Unting Ipinakikita ng Komersiyo ang Tunay Nitong Kulay.”
[Kahon sa pahina 13]
Ang Kapangyarihan ng mga Samahan ng mga Negosyante at mga Unyon ng mga Manggagawa
Noong ikaapat na siglo B.C.E., ang ilang lungsod sa Mediteraneo ay nagdadalubhasa sa ilang kalakal, na ang mga gumagawa ng parehong paninda ay nagsasama-sama sa isang dako sa loob ng mga lungsod na ito. Sa simula, ang samahang ito ng mga artisano ay maliwanag na likas na relihiyoso-sosyal. Sinasabi sa atin ng By the Sweat of Thy Brow na “ang bawat samahan ay may kani-kaniyang patrong diyos o diyosa, at ang mga miyembro nito ay nagsasagawa ng kanilang sariling sama-samang mga serbisyo sa relihiyon.”
Ang samahan ng mga negosyante noong Edad Medya ay dinisenyo upang maglaan ng tulong sa kanilang nangangailangang mga miyembro at ingatan ang produkto sa kabuuan sa pag-aayos sa produksiyon at paglalagay ng mga pamantayan, posibleng pinangangasiwaan pa nga ang presyo at mga sahod. Ang iba ay naging monopolistika, minamaneobra ang mga presyo sa pamamagitan ng lihim na mga kasunduan, nilalayong protektahan ang pamilihan ng samahan at iwasan ang di-makatarungang kompetisyon.
Bilang kasunod ng mga samahan ng mga artisano, ang mga samahan ng mga negosyante ay umiral noong ika-11 siglo, nang ito’y organisahin ng naglalakbay na mga negosyante upang magkaroon ng proteksiyon laban sa mga panganib sa daan. Subalit ang samahan ay unti-unting nawalan ng dating karangalan nito. Nakatutok sa lokal na kalakalan, ang kapangyarihan at prestihiyo nito ay humina habang ang panrehiyon, pambansa, at internasyonal na mga pamilihan ay nangibabaw at ang mga negosyante ay nangibabaw sa mga artisano.
Noong dakong huli ng ika-18 at maaga ng ika-19 na siglo, bilang resulta ng Industriyal na Pagbabago, ang mga unyon ng manggagawa ay nagsimula sa Britaniya at sa Estados Unidos bilang mga samahan ng mga manggagawa na may magkakatulad na kasanayan. Bahagyang nagsimula bilang mga samahang sosyal, ito’y naging mga kilusan sa pagprotesta laban sa umiiral na sistema ng lipunan at ng pulitika. Ngayon, basta sinisikap ng ilang unyon na tiyakin ang mga sahod, oras, kalagayan sa trabaho, at seguridad sa trabaho ng kanilang mga miyembro, natatamo ito sa pamamagitan ng kasunduang pangkalahatan o sa pamamagitan ng pagwewelga. Gayunman, ang iba ay labis na pulitikal ang uri.