Isang Sulyap sa Ginintuang Panahon ng mga Inca
Isang Sulyap sa Ginintuang Panahon ng mga Inca
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Peru
Panahon ito ng winter solstice—panahon para sa malaking kapistahan ng araw. Habang lumiliwanag ang walang ulap na langit sa taglamig sa Cuzco, ang mga mananamba ay nagkalipumpon sa loob ng matibay na kurbadang mga pader na nakapaligid sa Templo ng Araw.
Ang lahat ng mata ay nakatutok sa mataas na saserdote habang pinapatay niya ang handog na llama, kinukuha ang pumipintig pang puso, at isinasagawa ang huwad na panghuhula upang alamin ang tadhana ng bagong taon. Isang makináng na salaming pilak ang kumikislap sa kaniyang kamay habang itinututok niya ang mga sikat ng araw sa isang piraso ng bulak. Sa wakas, nagkakaroon ng usok, at ang sagradong apoy ay minsan pang nagliliyab. Ang siyam-na-araw na kapistahan ay nagsimula na.
ANG mga Inca at ang kanilang kabihasnan ay malaon nang pinagtatakhan ng mga manggagalugad, mananalaysay, at mga mambabasa ng kasaysayan. Ang hindi kapani-paniwalang kayamanan ng Inca sa ginto at pilak na dinambong ng mga konkistadores na Kastila ay bumago sa buong sistema sa ekonomiya ng Europa. Ang mga kababalaghan sa inhinyeriya, gaya ng muog ng misteryosong Machu Picchu, ang kuta ng Sacsahuaman sa Cuzco, at ang napakahusay na sistema ng patubig ay nagpapatunay sa teknolohikal na katalinuhan ng Inca. Sinasabi pa nga ng iba na walang nakawan, katamaran, o bisyo sa gitna ng mga Inca. Higit pa riyan, talagang pambihira na mapangangasiwaan ng isang pamahalaan ang maraming iba’t ibang tribo, marami rito ay nakakubli sa mga tagong dako at mga sulok ng ilan sa pinakamataas at magdarayang mga bundok sa daigdig.
Ang Kanilang Pinagmulan—Isang Himala
Subalit sino nga ba ang mga Inca? Saan sila nanggaling? Ano ang dahilan ng pagbagsak ng kanilang makapangyarihang imperyo?
Walang isa man ang nakaaalam kung saan nanggaling ang mga Inca. Napansin ng ilan ang pagkakahawig nila sa sinaunang mga Ehipsiyo. Tulad ni Faraon, ang panginoon ng Inca ay pinagpipitaganan bilang ang anak ng diyos-araw at kaniyang kukunin bilang asawa ang kaniyang kapatid na babae upang panatilihin ang “dugong bughaw.” Ang ilang relihiyosong gawain ay magkatulad, at ang mga bangka ng Inca na dati’y naglalayag sa Lawa ng Titicaca ay kahawig na kahawig ng mga bangkang tambo ng mga Ehipsiyo. Gayumpaman, sa kabila ng kanilang mga pagkakatulad, marami ring pagkakaiba sa pagitan ng mga Inca at ng mga Ehipsiyo. Kaya, ang Ehipsiyong pinagmulan ng mga Inca ay lubhang pinag-aalinlanganan.
Kawili-wili, isa sa alamat ng Inca ay nagsasabi na ang orihinal na mga Inca ay mga nakaligtas sa baha. Ang aklat na Sociografia del Inkario ay nagsasabi: “Lahat ng mga tradisyon ng mga tao sa mataas na talampas ng Andes ay bumabanggit tungkol sa isang baha na naglubog sa buong lupa.” Sang-ayon sa isang alamat ng Inca, lahat ng nabubuhay na kinapal ay napuksa. Gayunman, binabanggit ng isa pang bersiyon na may ilan “na, sa pamamagitan ng pagtago sa isang guwang sa tuktok ng isang napakataas na bundok, ay nakaligtas at muling nagparami sa lupa.”
Kapansin-pansin ang pagkakahawig nito sa ulat ng Bibliya tungkol sa Baha. Gayumpaman, ang mga ninuno ng mga Inca ay malamang na napuntaGenesis 11:1-9.
sa Timog Amerika mga ilang panahon pagkatapos ng paggulo sa mga wika sa Babel.—Gayunman, ano ba ang hitsura ng sinaunang mga Inca? Paano sila namuhay? Bilang sagot ay ating balikan ang ginintuang panahon ng mga Inca.
Ang Buhay sa Isang Ayllu sa Kaharian ng Inca
Ito ay taóng 1500. Minasdan naming mabuti ang isang kapatagan na libis sa ibaba, na napaliligiran ng maliliit na tirahan. Ito ay isang nayon ng Inca na ayllu, yaon ay, isang angkan ng mga pamilya na namumuhay at gumagawang sama-sama. Ang buong imperyo ng Inca ay nahahati sa mga ayllu, bawat isa’y pinangangasiwaan ng isang pinunò na tinatawag na curaca. Ang mga pamilya ay nakatira sa mga bahay na yari sa bato o putik at ang atip ay pawid o kugon. Halos walang mga mesa, silya, o anumang bagay na nagbibigay ginhawa sa katawan. Sila’y basta nauupo sa sahig upang kanin ang kanilang dalawang matipid na pagkain sa araw-araw na binubuo ng pinatuyong patatas, mais, quinoa, at tapang karne ng llama. Sa gabi, ang buong pamilya ay natutulog sa sahig.
Ang mahiwagang pagkatakot sa masama ay laganap sa buhay ng Inca saanman. Nilapitan namin ang isang grupo ng mga tao na nagkatipon sa paligid ng isang bagong tatag na pundasyon para sa isang silid na yari sa adobe. Inilagay ng isang lalaki ayon sa seremonya ang isang tuyong ipinagbubuntis na llama sa isang maliit na nitso. Ito’y upang payapain si Pacha-Mama, o Inang Lupa, at upang pangalagaan ang tahanan mula sa masama. Ang iba pang anting-anting, na binubuo ng mumurahing hiyas mula sa mga hayop, kabibi, at mga balahibo, ay isusuksok sa mga sugpong sa mga dingding o ilalala sa atip na pawid o kugon.
Ang mga Inca ay natatakot na may masamang mangyari sa kanila kahit na kapag sila’y natutulog. Ang kakatwang mga panaginip ay ipinalalagay na mga abentura ng kaluluwa kapag ito’y umaalis sa katawan sa gabi. Kinabukasan, maaaring sangguniin ang isang mangkukulam upang bigyan-kahulugan ang mga panaginip na iyon.
Ang inaasahang haba ng buhay ay maikli, ngunit ang mga Inca ay naniniwala sa reinkarnasyon. Ang mga ginupit na kuko sa daliri, ginupit na buhok, at mga ngipin ay pawang maingat na itinatago sakaling kailanganin ito ng nagbabalik na espiritu. Samantala, kung ang tao ay naging mabait, magtutungo siya sa isang dako ng paghihintay na tinatawag na Hanan Pacha; kung hindi masyadong mabait, sa Hurin Pacha; at kung masama, sa Ucu
Pacha upang magdusa sa hirap—kahawig ng langit, impiyerno, at purgatoryo ng Sangkakristiyanuhan.Ang Kaluwalhatian ng Cuzco
Pagkatapos, nilapitan namin ang malawak na kuta ng Sacsahuaman, na nagbibigay proteksiyon sa Cuzco, ang pinakasentro ng imperyo ng Inca. Ang malalaking tinibag na mga bato, ang ilan ay tumitimbang ng mahigit na isang daang tonelada, ay kinaladkad dito mula sa malalayong tibagan ng bato, sa mga bundok at mga bangin, ng libu-libong manggagawang Inca. Ang mga batong ito ang bumubuo ng tatlong sunud-sunod na mabibigat na pader. Dahil sa disenyong zigzag ng mga pader ang mga sasalakay na hukbo ay mapipilitang tumalikod anupa’t sila’y madaling tamaan ng mga mamamana at maninibat na mga Inca.
Gayunman, sa ngayon ang maraming tao ay nagsisiksikan sa plasa ng Templo ng Araw, at ang lahat ay pumapalakpak sa pagdating ng matagumpay na prusisyon. Isang grupo ng nasindak at takot na mga tao buhat sa lalawigan ang inaakay bilang mga bilanggo. Nagtatakang minamasdan nila ang pagkalaki-laking mga gusali ng templo na ang atip ay pawid, na napalalamutian ng nakasisilaw na ginto.
Sa looban ng templo, maingat na itinatala ng mga akauntant na Inca ang bilang ng mga bihag, mga hayop, at iba pang mga samsam mula sa kanilang pinakahuling nasakop. Kapag ang mga pinunò ay mapayapang sumusuko, sila, kasama ng kanilang mga anak na lalaki, ay dinadala sa mga Amautas, propesyonal na mga guro. Doon ay kanilang malalaman ang wikang Inca, ang mga tuntunin ng relihiyon ng Inca, at kautusan. Sa dakong huli, sila ay pababalikin upang pamahalaan ang kanilang dating angkan—sa pagkakataong ito bilang isang sugo ng Inca. Gayunman, ang kanilang mga anak ay dapat manatili sa Cuzco para sa higit pang pag-aaral. Tinitiyak nito na, kapag sila’y napalaya, ang mga pinunò ay hindi maghihimagsik laban sa mga bumihag sa kanila.
Halos wakasan ng isang kalapit na tribo ang mga Inca noong maagang 1400’s. Ang matanda nang panginoon ng Inca na si Viracocha ay napilitang umalis sa Cuzco. Subalit ang kaniyang anak na lalaking si Pachacuti ay sumaklolo kasama ang mga tropa at itinaboy ang mga manlulusob. Napasigla ng tagumpay na ito, sinakop niya ang iba pang mga tribo, sa gayo’y itinatatag ang imperyong ito na binubuo ng iba’t ibang bansa.
Gayunman, ang kasaganaan ng imperyo ay hindi dumidepende lamang sa mga samsam ng digmaan. Ang sekreto ng kayamanan ng Inca ay ang mita. Ang mita naman, ay isang programa ng paggawa na ipinatutupad ng lahat ng pinunong Inca. Yamang nangangailangan lamang ng 60 o 70 araw sa isang taon upang sakahin ng isang pamilya ang pangangailangan nito, ang natitira pang panahon ay iniuukol sa mita. Sa gayon ang lahat ay may kani-kaniyang turno sa paggawa sa mga bukirin na pag-aari ng templo, sa pagtatayo ng mga tulay, kalsada, templo, at mga terado, o sa pagkuha ng ginto at pilak sa mga minahan. Angaw-angaw na mga manggagawa ang abalang-abalang gumagawa, samantalang ang panginoon ng Inca at ang kaniyang mga maharlika ang nangangasiwa sa lahat ng trabaho sa Cuzco sa pamamagitan ng mga pinunò ng libu-libo, daanin, at sampu.
Ang kautusan ng Inca ay nakatutulong upang panatilihin ang kaayusang ito. Ang nahatulang mga kriminal ay maaaring sentensiyahan ng kamatayan
sa paghahagis sa kaniya sa mababangis na hayop. Hindi kataka-taka, kakaunti ang krimen. Subalit mayroon pang mas mabisang paraan ng pagsawata sa paghihimagsik. Sa isang kapistahan tuwing ikasiyam na araw ang panginoong ng Inca ay nagbibigay ng libreng chicha, isang inuming nakalalasing.Ang Paghina ng Kaharian ng Inca
Sa loob ng mga taon ang imperyo ng Inca ay nagpatuloy sa ganitong paraan hanggang dalhin ng mga pangyayari kapuwa sa loob at labas ng imperyo nito ang sukdulang pagbagsak nito. Nang mamatay ang panginoon ng Inca na si Huayna Capac, ang trono ay napunta sa kaniyang anak, si Huáscar. Subalit isang anak sa labas ni Huayna Capac na nagngangalang Atahuallpa ay naghimagsik at nagsulsol ng isang gera sibil. Libu-libong Inca ang namatay. Hinati ng pagkadiskontento at pagkapoot ang dating mapayapang imperyo. Kinuha ni Atahuallpa ang pagkahari.
Si Atahuallpa ay hindi gaanong nabahala nang isang maliit na pangkat ng mga lalaking nadaramtan-ng-bakal ay nagsimulang lumibut-libot sa kabundukan. Wala siyang kaalam-alam na pinangunahan nila ang isang malaking internasyonal na pagsalakay, ni nalalaman man niya na hahawahan ng mapuputing mga bisita ang kaniyang bayan ng nakamamatay na mga salot na papalis sa kaharian ng mga Inca.
Sinabihan ng kaniyang huwad na mga manghuhula na siya’y tiyak na magtatagumpay, si Atahuallpa ay naglakbay tungo sa Cajamarca (nasa gawing hilaga ng Peru ngayon) upang salubungin ang isang pangkat ng sumasalakay na mga Kastila. Bagaman napalilibutan ng libu-libo niyang mga tagasunod, siya ay walang kaarmas-armas. Isang mongheng Katoliko ang saka lumapit at inalok siya ng isang relihiyosong aklat. Ang layon ay upang kumbertihin siya sa Katolisismo. Gayunman, inihagis ng panginoon ng Inca ang aklat sa lupa. Umugong ang mga kanyon ng mga Kastila, at 6,000 Inca ang namatay.
Si Atahuallpa ay iningatang buháy upang maisiwalat niya ang kinaroroonan ng lahat ng ginto. Inialok niyang pupunuin ang isang malaking silid ng gintong mga bagay kapalit ng kaniyang kalayaan. Ang kaniyang labis-labis na alok ay tinanggap, tinupad ni Atahuallpa ang kaniyang salita. Hindi tinupad ng mga Kastila ang kanilang salita. Si Atahuallpa ay binigti, at nagwakas ang ginintuang panahon ng imperyo ng Inca.
Tila man din ginawang huwaran ng paglipas ng panahon ang buhay ng mga Inca. Subalit dapat tandaan na bagaman nakagawa sila ng dakilang mga bagay, ang mga Inca ay bihag ng pagsamba sa araw at ng pamahiin. Ngayon, sa gitna ng mga mamamayan ng Andes, ang relihiyosong mga tradisyon, bahagyang binago ng Katolisismo, isang napakasimpleng istilo-ng-buhay, at pamahiin ang nangingibabaw pa rin sa buhay ng mga inapo ng mga Inca.
Gayunman, kawili-wili, iniwan na ng marami sa kanila ang gayong mapamahiing takot. Sa sinaunang mga Inca, ang Maylikha ay isang malayong diyos, umaasa sa pangalawahing huacas (mga bagay na sinasamba) at mga diyos. Subalit natutuhan ng ilan sa kanilang mga anak ang tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova, na malapít sa lahat ng humahanap sa kaniya.—Gawa 17:27.
[Kahon sa pahina 27]
Ilang Katotohanan Tungkol sa Imperyo ng Inca
*Ano ang ibig sabihin ng katagang “Inca”?
Ang “Inca” ay unang kumakapit sa hari, o pinunò, na tinatawag na Capa Inca, ibig sabihin ay “Tanging Panginoon.” Ang katagang “Inca” ay ibinibigay rin sa lahat ng inapong lalaki ng dugong bughaw. Ngayon, ang kataga ay maaaring kumapit sa lahat ng nanirahan sa imperyo ng Inca daan-daang taon na ang nakalipas.
*Gaano karami ang nanirahan sa imperyo ng Inca?
Sa sukdulang dami nito, iniuulat, 6,000,000 katao ang nanirahan sa imperyo, bagaman hindi kukulangin sa isang pinagmumulan ng balita ang nagtatala ng 12,000,000. Ipinakikita nito kung gaano kalaki ang imperyo, kung isasaalang-alang na noong panahong iyon ang populasyon ng daigdig ay mas kaunti kaysa ngayon.
*Paano nakipagtalastasan ang mga Inca?
Karamihan ay sa pamamagitan ng bibigang pakikipagtalastasan, yamang ang mga Inca ay hindi bumabasa o sumusulat. Ang Quechua ay wikang sinasalita subalit hindi nasusulat na wika, bagaman may mga pagsisikap sa ngayon na gumawa ng isang nasusulat na anyo batay sa ibang wika. Ang maiikling opisyal na mga mensahe ay ipinahahatid sa pamamagitan ng paggamit ng quipu, mahabang mga pisi na may mga buhol upang itala ang impormasyon.
[Larawan sa pahina 25]
Ang pagsamba sa araw ng mga Inca ay isinasagawa sa Machu Picchu, Peru
[Mga larawan sa pahina 26]
Kuta ng Sacsahuaman sa Cuzco