Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Anak ng Nagdiborsiyo Ako’y hiwalay sa aking misis sa loob ng tatlong taon, at sabik na sabik na ako sa aking anak. Subalit ang mga bata ang nagdurusa, kaya dapat na higit na pag-isipan naming mga magulang ang tungkol dito. Kung sana’y nabasa ko ang seryeng “Tulong para sa mga Anak ng Nagdiborsiyo” (Abril 22, 1991) noong magkasama pa kami, natitiyak ko na pinag-isipan namin nang husto ang tungkol sa paghihiwalay.
S. C. M. F., Brazil
“Barrier Reef” Ako’y naatasan sa eskuwela na magsaliksik tungkol sa mga korales. Gayunman, hindi ko alam kung saan hahanap ng detalyado at maikli subalit malamang impormasyon. Isang malaking sorpresa sa akin na makita ang artikulong “Pagdalaw sa Great Barrier Reef.” (Hunyo 8, 1991) Taglay nito kung ano ang kailangan ko! Ginamit ko ang impormasyon at ako’y tumanggap ng pinakamataas na marka. Maraming salamat sa inyong mahalagang tulong.
M. M. T., Argentina
Pagpapalaki ng mga Anak Ang artikulong “Pagpapalaki ng mga Anak sa Buong Daigdig—Pangangalaga sa mga Anak na Taglay ang Pag-ibig, Disiplina, Halimbawa, at Espirituwal na mga Pamantayan” (Setyembre 22, 1991) ay isang malaking pampatibay-loob sa akin bilang isang bagong estudyante ng Bibliya. Nang kami’y magsimulang dumalo sa mga pulong Kristiyano, ang aking anak na lalaki ay manggugulo at bubulahaw ng iyak. Subalit sa tulong ng babaing Kristiyano na nakikipag-aral sa amin, at sa pampatibay-loob mula sa mga magasing inyong inilalathala, ako ngayon ay umaani ng bunga nito. Ang aking dalawa-at-kalahating-taóng-gulang na anak na lalaki ay tahimik na nauupo ngayon sa panahon ng mga pulong at sumasagot pa nga ng maiikling komento.
M. T., Hapón
Tsismis Ako ay isang seryosong tsismoso. Subalit isang araw umuwi ako ng bahay galing sa eskuwela at binasa ko ang seryeng “Tsismis—Kung Paano Iiwasang Masaktan.” (Hunyo 8, 1991) Sa tulong ninyo ay naitigil ko ang masamang ugaling iyon. Hindi ko talaga alam na ang tsismis ay napakaselan at na maaari nitong sirain ang reputasyon ng isa. Ako’y labis na nagpapasalamat sa impormasyong ito.
F. B., Estados Unidos
Ang mga artikulo ay literal na nagligtas ng aking trabaho. Inulit ko ang isang bali-balitang kumakalat na ang pagawaang pinagtatrabahuan ko ay magsasara. Bago matapos ang araw, ako’y ipinatawag sa opisina ng aking superbisor. Sinabi niya sa akin na ako’y nagtsitsismis at na ang pagkakalat ng mga bagay na gaya niyaon ay tatakutin lamang ang mga tao sapagkat mahirap humanap ng trabaho. Ang mga tao’y naaalis sa trabaho sa aking pinapasukan, at naisip ko na ito ang kanilang dahilan upang alisin ako. Nang tanggapin ko ang Gumising! tungkol sa tsismis, tinanggap ko ito bilang isang payo mula sa itaas. Ipinakita ko ito sa aking superbisor at sinabi ko sa kaniya kung ano ang natutuhan ko at na gagawin ko ang lahat ng magagawa ko upang umiwas sa tsismis. Pinasalamatan niya ako—at hindi ako natanggal sa trabaho.
L. G., Estados Unidos
“Estrogen Replacement” Ako’y nagpapasalamat sa artikulong “ ‘Estrogen Replacement Therapy’—Ito ba’y para sa Iyo?” (Setyembre 22, 1991) Ako’y namangha sa linaw nito. Ako ngayo’y ginagamot dahil sa osteoporosis at ako’y tumatanggap ng estrogen replacement therapy sa loob ng apat na taon. Subalit ngayon ay mas nasasabi ko sa aking doktor ang mga bagay-bagay at nahaharap ko taglay ang higit na optimismo ang aking mga problema. Maraming-maraming salamat.
R. C. S. M., Brazil
Pag-aaral Tumugtog ng Musikal na mga Instrumento Talagang nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Kung Sana’y Makatutugtog Akong Gaya Niyan!” sa labas ng Setyembre 8, 1991. Ako ngayon ay nasa unang taon ng junior high school at ako’y nag-aaral tumugtog ng elektrik organ. Dalawang taon na ang nakalipas, at bagaman panahon na upang ako’y magpakita ng ilang pagsulong, wala akong naipakikitang pagsulong. Sa recital sa taóng ito, ang aking pagtugtog ay punô ng mga pagkakamali. Terible ito. Ang artikulong ito ay magiliw at napapanahong payo para sa akin.
M. O., Hapón