Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ginagawang Abala ng “Iceman” ang mga Siyentipiko
Dalawang hiker na Aleman ang namanghang masumpungan ang isang iladong bangkay sa isang glacier malapit sa hangganan ng Austria at Italya noong nakaraang Setyembre. Ang nakatatakot na tuklas ay tinawag na ang preserbadong-husto na “prehistoric” na taong nasumpungan sa Europa. Pinanganlang “Simulaun Man,” mula sa glacier kung saan siya nasumpungan, ang bangkay “ay nagsisimulang magsiwalat ng ilan sa kaniyang mga sekreto pagkatapos ng ilang masinsinang siyentipikong pagsusuri,” ulat ng Süddeutsche Zeitung. Ang “iceman” ay may kasuotan, mga sandata sa pangangaso, at isang rucksack na ang balangkas ay kahoy, mga bagay na pinetsahan ng mga siyentipiko na halos 4,000 taóng gulang. Kawili-wili, ang kalidad ng pananamit at kasangkapan ay mas masalimuot kaysa kailanma’y naisip ng maraming eksperto.
Kolera sa Aprika
Ang dami ng mga kaso ng kolera sa Aprika noong unang pitong buwan ng 1991 ay halos doble ng kabuuang bilang noong 1990, sabi ng Daily Times ng Nigeria. Binabanggit ang isang report ng World Health Organization tungkol sa epidemya, sabi ng Times na apektado ngayon ng biglang paglitaw ng kolera ang 20 bansa sa Aprika, kasali na ang ilan na dati’y walang rekord ng sakit. Mula noong Enero 1991, ang bilang ng iniulat na mga kaso sa kontinente ay umabot ng 48,860, na ang bilang ng namatay ay 3,736. Kamakailan, ang kolera ay nananalanta rin sa Timog Amerika.
Binaligtad ng mga Presbyterian ang Pasiya Tungkol sa mga Ministrong Babae
Noong 1975 ang Presbyterian Church sa Australia ay nagpasiya na pahintulutan ang mga babae na ordinahan bilang mga ministro sa relihiyong iyon. Subalit noong Setyembre 11, 1991, binaligtad ng lupong tagapamahala ng Presbyterian, ang National General Assembly, ang pasiyang ito at nanalo sa botong dalawa-sa-isa upang pagbawalan ang mga babae sa ministeryo. Gayunman, gumawa ng pagpapahinuhod na payagan ang limang babae na ordinado na sa namagitang mga panahon na patuloy na maglingkod bilang mga ministro. At dalawa pang babae na tinanggap bilang mga kandidato ay pinayagan ding magpatuloy sa kanilang ordinasyon sa kondisyon na hindi sila lilipat ng parokya. Ang pasiya ay hindi sinasang-ayunan ng maraming miyembro ng relihiyon, at may usap-usapan tungkol sa isang hamon sa mga hukuman sa pamamagitan ng pagsalansang sa mga grupo. Hinuhulaan pa nga ng mas malakas na mga kritiko na ang pasiya ay maaaring humati sa relihiyon at na marami—lalo na ang mga babae—ay maaaring umalis sa Presbyterian Church.
Nanganganib ang Panustos na Pagkain ng Tao
Ang gobernador ng estado ng Amazonas ay humingi ng pahintulot sa Brazilian Institute of Environment and Renewable Resources na mangaso ng mga buwaya. Bakit? Sang-ayon sa magasing Veja, ‘ang napakaraming buwaya ay nakagagambala sa buhay ng mga tao. Sa Nhamundá, halimbawa, may 200 buwaya sa bawat taong mamamayan, at sa pagtatalo sa pagkain, ang tao ay hindi laging nananalo! Ipinaliliwanag ng Veja na hindi lamang inuubos ng mga buwaya ang isda bago pa lumitaw ang mga mangingisda kundi sinasalakay rin nito ang mga manok at mga baboy. Sabi ng gobernador: “Ang tao ay may karapatang pumatay ng buwaya kung inaagaw nito ang pagkain niya.”
Maruming Dugo
Sinentensiyahan ni Hukom José Eduardo Carreira Alvim ang pederal na gobyerno ng Brazil at ang Estado ng Rio de Janeiro na magbigay ng bayad-pinsala sa pamilya ng musikerong si Francisco Mário de Souza dahil sa siya’y nahawaan ng virus ng AIDS sa pamamagitan ng isang pagsasalin ng dugo, ulat ng magasing Veja. Ang musikero, isang hemophiliac (isang sakit sa dugo), ay namatay noong 1988. Sang-ayon sa Veja, si Gobernador Leonel Brizola ay nagsabi na ang kaniyang estado ay susunod. “Kung ako ang hukom,” iniulat na sinabi niya, “gayunding pasiya ang gagawin ko.” Gayunman, ang pederal na gobyerno ay nagbabalak na umapela. Ang pangwakas na pasiya ay maaaring may malawakang epekto, yamang, gaya ng ipinahayag ng magasin, tanging “70% lamang ng dugong iniaalok sa 3,600 mga bangko ng dugo sa bansa ang sinuri.”
Naitaboy ng Ina ang Babaing Leon
Isang ina, kasama ang kaniyang dalawang anak na lalaki, at isang batang kaibigan ay umakyat sa isang burol sa isang game park sa Botswana taglay ang intensiyon na tingnan ang pugad ng isang agilang itim. Kalahati pa lamang pataas sa burol, sang-ayon sa magasin sa buhay-iláng na Custos, narinig nila ang nakatatakot na ungol sa likuran ng isang palumpong. Likas lamang, tatakbo sana sila, subalit naalaala ng ina ang payo na minsa’y nabasa niya na huwag kikilos nang gayon. “Pumihit ako,” sabi ni Jill Olivier, “upang harapin ang pagkalaki-laking babaing leon, na, sa kabutihang palad, ay huminto mga limang metro ang layo.” At si Jill ay buong tapang na nagbigay ng malakas na tagubilin sa tatlong batang lalaki sa likuran niya, sinabihan sila na huwag kikilos. “Takot na takot ako,” susog niya, “subalit alam ko na hindi ko dapat alisin ang aking paningin sa kaniya, dahil baka salakayin niya ako.” Pagkaraan ng halos dalawang minuto, ang babaing leon ay umatras. Ang kaniyang mga mata’y nakatitig pa rin sa hayop, si Jill ay umatras din. Walang anu-ano, ang babaing leon ay
tumalikod at tumakbo. Si Jill ay nagtatapos sa pamamagitan ng matinong payo na ito: “Huwag ipagwalang-bahala ang palumpong at laging lumakad na kasama ng isa na may karanasan.”Pinakagrabe ang New York
Noong 1990, sa ikalawang magkasunod na taon, ang Lungsod ng New York ang nanguna sa 25 pinakamalaking lungsod sa Estados Unidos sa mga nakawan. Sang-ayon sa taunang report ng Federal Bureau of Investigation, isang rekord na 100,280 nakawan ang iniulat sa pulisya ng Lungsod ng New York noong nakaraang taon. Iya’y nangangahulugan na 1 sa bawat 73 katao sa lungsod ang sinalakay upang pagnakawan o pinagnakawan noong panahong iyon. Kasunod ng New York ay ang Chicago, Baltimore, Detroit, New Orleans, Washington, Dallas, Boston, at Los Angeles—bawat isa’y higit sa katamtamang bilang sa 25-lungsod na 9.7 nakawan sa bawat 1,000 residente. Sa kabila ng rekord nito na 2,262 pagpatay sa kapuwa noong nakaraang taon, ang Lungsod ng New York ay bumaba sa ikasampung dako sa mga pagpatay sa bawat tao, na 30.9 sa bawat 100,000 residente. Nangunguna sa listahan ang kabisera ng bansa, ang Washington, D.C. Mayroon itong 77.8 pagpatay sa bawat 100,000 residente. Sang-ayon sa report, ang mga sandatang pumuputok ang ginamit sa 3 sa bawat 5 pagpatay.
Isang Pamayanan ng mga Patutot
Ang Vila Mimosa ang kinikilalang pinakamatanda at pinakabantog na sentro ng prostitusyon sa Rio de Janeiro, Brazil. Sang-ayon sa pahayagang Clarín ng Argentina, mahigit na 400 patutot ang masusumpungan sa dalawang-blokeng pamayanang ito. Upang turuan at aliwin ang mga babaing ito, isang bagong istasyon ng radyo ang ngayo’y nagbobrodkas ng mga balita, panayam, anunsiyo, at musika para lamang sa mga patutot. “Karamihan ng mga disc jockey ay mga patutot,” ulat ng Clarín. Ang pagkalat ng AIDS ay lubhang nakabahala sa gitna ng maraming patutot. Isinususog pa ng pahayagan na may mahigit na 17,000 biktima ng AIDS sa Brazil, na may karagdagang 350,000 hanggang 450,000 tao na nahawaan ng virus subalit hindi pa nagkakaroon ng AIDS.
Sinisisi ang TV
Ang telebisyon ay muling sinisisi dahil sa pagbaba sa kakayahang bumasa ng mga estudyante. Ang mga puntos sa berbal na pagsubok ng magkokolehiyong mga estudyante sa Estados Unidos ay umabot sa pinakamababa sa lahat ng panahon noong 1991. Si William M. Honig, superintendente ng edukasyong pambayan sa California, ay nagsabi: “Mientras mas maraming oras ang panonood ng telebisyon, mas mababa ang kakayahan sa pagbasa.” Sa kabilang dako, ipinagtanggol naman ni Michael Fitzmaurice ng National Association of Broadcasters ang telebisyon. Sabi niya: “Ang isang bagay na nalalaman natin ay na ang pinakamalaking tagapagsabi ng tagumpay sa paaralan ay ang panahon na ginugugol ng mga magulang sa pagbabasa sa kanilang mga anak. Kahit na kung itapon ninyo ang telebisyon, ang mga kakayahang pampaaralan ay hindi bubuti.”
Mga Sakit sa Likod
“Bawat ikatlong Aleman ay laging pinahihirapan ng sakit sa likod,” ulat ng pahayagang Aleman na Schweinfurter Tagblatt. Sang-ayon kay Gebhard Glück, ministro para sa paglilingkod panlipunan ng Bavaria, ang pagliban sa trabaho dahil sa sakit na nauugnay sa likod ay umaabot ng 75 milyong araw ng trabaho sa isang taon. Apektado nito hindi lamang ang adulto o may edad nang populasyon kundi 11 porsiyento ng mga taong wala pang 18 anyos na sinuri na mayroon ding mga karamdaman sa gulugod. Ang pangunahing mga dahilan ay sinasabing ang di-tamang pagbubuhat ng mabibigat na bagay, hindi mahusay na tindig, pag-upo sa maling posisyon, at ang maliliksing kilos ng katawan samantalang nakikilahok sa isports o iba pang gawain sa paglilibang.
Polusyon ng mga Baybayin sa Asia
Ang polusyon ng mga tubig sa baybayin ay labis na ikinababahala sa Asia at sa Pasipiko, ulat ng magasing Asiaweek. Sinabi ni Charles Birkeland, isang marine biologist sa University of Guam, sa magasin na sapol noong kalagitnaan ng 1970’s, parami nang paraming tao ang naospital o namatay sa pagkain ng may lasong mga laman-dagat (shellfish). Ang mga laman-dagat ay maliwanag na nalason nang kanin nila ang mga organismo na, nakakain namin ng maruruming bagay. Ang pinagmumulan ng maruruming bagay na ito? Sang-ayon sa Asiaweek, ang pangunahing pinaghihinalaan ay ang punô ng nutriyenteng tubig-ulan na tumatagos sa dagat kapag kinakalbo ang tropikal na kagubatan.
Problema sa mga Espiritista
Si Zé Arigó, isang espiritistang medium na namatay noong 1971 at nag-aangking nagsasalita para sa isang espiritung tinatawag na ‘Doktor Fritz,’ ay kasalukuyang may 13 kahalili sa Brazil. Sang-ayon sa magasing Veja, ang pagdami ng mga medium ni ‘Doktor Fritz’ ay naghaharap ng isang problema sa 6.9 milyong espiritista sa Brazil. Iniulat, ang presidente ng Pederasyon ng mga Espiritista ng São Paulo ay nagsabi: “Sa teoriya, posibleng ang isang espiritu ay maaaring pumasok sa mahigit na isa katao. Subalit naiisip namin na napakaraming ‘Doktor Firtz.’ ” Gayunman, gaya ng komento ng Veja: “Ang espiritismo ay isang kilusang hindi sentralisado, walang anumang mahigpit na herarkiya, at walang awtoridad na magsabi kung sino talaga ang tumanggap ng espiritu ni Doktor Fritz at kung sino ang imitasyon lamang.” Gayunman, ang espiritismo ay hindi problema roon sa mga tumitingin sa Bibliya para sa mga tagubilin. Hinahatulan nito ang lahat ng anyo ng espiritismo.—Deuteronomio 18:10-12.