Ang Madaling Paraan ng Pag-akyat sa Bundok
Ang Madaling Paraan ng Pag-akyat sa Bundok
ANG aming cable car ay malamang na parang munting gagamba na marahang kumikilos sa kahabaan ng isang malasedang hibla. Sa katunayan, kami’y umaakyat sa isang bundok sa madaling paraan—sakay ng isa sa pinakamahabang panghimpapawid na tramways sa daigdig.
Ang 4.3-kilometrong tramway ay umaakyat sa Sandia Peak, na maringal na namumukod sa kataasan sa disyertong lungsod ng Albuquerque, New Mexico, E.U.A. Sa istasyon ng tram, sa taas na 1,980 metro, kami’y sumakay sa isang matatag na cabin na naglululan ng hanggang 60 katao. Habang umaakyat ang cabin, para bang kami’y lumiliit sa maringal na likuran ng tulis-tulis na mga dalisdis ng granito. Sa ilang dako kami’y nakabitin ng 460 metro sa ibabaw ng sahig ng makitid na mga libis sa ibaba.
Pagkaraan ng wala pang 20 minuto ay dumating na kami sa dakong tanawan, 3,163 metro sa ibabaw ng antas ng dagat, at ang tanawin ay nakaliliyo. Isang malawak na sukat ng lupa na 28,500 kilometro kudrado ang bumungad sa aming paningin. Ang mataas na altitud ba ang nagpangyari sa aming puso na tumibok nang mabilis, o ito ba’y ang kapana-panabik ng tanawin? Mahirap sabihin.
Nang maglaon ay napag-alaman namin, ang pagtatayo ng Sandia Peak Tramway ay isang pambihirang gawa ng inhinyeriya. Ang kalupaan sa bundok ay halos imposibleng bagtasin sa maraming lugar. Kaya pinili ng mga tagapagtayo na gamitin ang mga helikopter na parang mga kabayong nagdadala ng mga balutan. Itinaas ng mga ito ang lahat ng bagay mula sa mga girder na bakal hanggang sa kongkreto. Dalawang tore ang itinayo para sa mga kable, ang isa ay 71 metro ang taas at ang isa ay 24 metro. Ang pagtatayo ng matatag na mga pundasyon para sa mga toreng ito at saka ang tamang paghahanay rito ay nangangailangan ng napakaingat na kaeksaktuhan. Ang masalimuot na mga sistema sa pagpreno ay ikinabit upang tiyakin ang kaligtasan. Ang proyekto, na kumuha ng 24 na buwan, ay natapos noong tagsibol ng 1966.
Nang matapos na ang aming paglalakbay, tumingin kami uli sa napakataas na taluktok na inakyat at binaba namin. Anong pagkasindak-sindak nga ng mga bundok na iyon! Tunay ngang nakapupukaw at nakapagpapakumbabang isipin ang tungkol sa kanilang Maylikha, ang Isa na tumitimbang sa mga bundok sa kaniyang timbangan! (Isaias 40:12)—Isinulat.