Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Equatorial Guinea—Isang Kaban-Yaman ng mga Sorpresa

Equatorial Guinea—Isang Kaban-Yaman ng mga Sorpresa

Equatorial Guinea​—Isang Kaban-Yaman ng mga Sorpresa

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Equatorial Guinea

MAY isang bansa sa Aprika kung saan ang mga elepante at mga gorilya ay gumagala pa sa kagubatan, kung saan halos hindi pansin ang pagdaan ng komersiyalismo, kung saan ang mga bata ay kumakaway sa mga nagdaraan. At sa labas ng Aprika, iilan lamang ang kailanma’y nakarinig tungkol dito.

Ang pangalan nito​—Equatorial Guinea​—ay hindi maling tawag. Ang bansa, na humigit-kumulang kasinlaki ng Belgium, ay halos nakasaklang sa ekuwador. Noong Disyembre 1990, dinalaw ko ang dalawang pangunahing rehiyon: ang isla ng Bioko at Mbini, isang maliit na bahagi ng Aprika.

Ang unang sorpresa ko ay ang malaman na karamihan ng 350,000 mamamayan nito ay mahusay magsalita ng Kastila karagdagan pa sa kanilang mga wikang pantribo. Natuklasan ko na ito lamang ang bansa sa Aprika na nagsasalita ng Kastila dahil sa isa sa di-karaniwang pangyayari sa kasaysayan ng kolonya.

Ang Kaugnayang Europeo

Mga 20 taon bago natuklasan ni Columbus ang Amerika, ang Portuges na nabigador na si Fernão do Po ay naggagalugad sa Gulpo ng Guinea nang makita niya ang malalagong pananim sa bulkanikong isla ng Bioko. Siya’y lubhang naakit ng kagandahan nito anupa’t tinawag niya itong Formosa (Maganda). Pagkalipas ng mga taon inilarawan ito ng isa pang kilalang manggagalugad, si Sir Henry Stanley, na “ang hiyas ng karagatan.”

Subalit sa loob ng mga dantaon ang malinis na kagandahan ng rehiyon ay sinira ng pangit na kalakalan ng alipin. Ang estratihikong lugar ng Bioko at Corisco (isa pang isla sa Guinea na malapit sa baybayin ng Mbini) ay gumawa ritong mahusay na dako sa pagtitipon ng mga tao upang ilulan ang mga aliping Aprikano tungo sa Amerika. Mula noong ika-16 hanggang ika-19 na siglo, daan-daang libong alipin ang nagdaan sa dalawang islang ito.

Inaangkin ng Portuges ang Bioko at ang kalapit na baybayin ay isinuko sa mga Kastila noong 1778 upang lutasin ang alitan sa pagitan ng dalawang bansa may kaugnayan sa kanilang mga pag-​aangkin ng teritoryo sa malayong Timog Amerika. Sa gayon ang Espanya ay nagkaroon ng sarili nitong pinagmumulan ng mga alipin sa Aprika at isinuko ang paghahabol nito sa teritoryo ng Portuges sa Brazil.

Ngunit ang mga hangganan ay hindi gaanong malinaw, at ang mga mananakop na mga Kastila ay kaunti ang bilang. Noong ika-19 na siglo, noong panahon ng pag-aagawan ng Europa sa mga kolonyan sa Aprika, inangkin ng Pransiya at Alemanya ang teritoryo sa pangunahing bahagi ng kontinente (mainland), samantalang inangkin naman ng Britaniya ang isla ng Bioko. Noon lamang 1900 sa wakas nalutas ang mga hangganan sa Equatorial Guinea, kung saan ito ay nanatiling isang kolonyang Kastila hanggang sa kamtin nito ang kasarinlan noong 1968.

“Ang mga Ngiti ay Ibinabalik”

Nasumpungan ko ang mga tao sa Equatorial Guinea na kahali-halinang etnikong halo. Nariyan ang mga Bube sa isla ng Bioko, samantalang sa dalawang pangunahing lungsod, kapansin-pansin ang matataas na Hausa. Sila’y mga mandarayuhan mula sa hilaga at pangunahing mga mangangalakal ng Guinea. Ang tribong Fang ang pinakamalaking tribo sa bahaging kontinente ng bansa, at sila ang bumubuo ng malaking bahagi ng serbisyo sibil. Ang mga taga-Guinea ay palangiti, nagpapatunay sa kawikaang Fang na nagsasabing, “Ang mga ngiti ay ibinabalik.”

Ang tradisyunal na mga kasanayan at mga kaugalian ay buháy na buháy. Natawag ang pansin ko sa kung paano itinatayo ng mga taga-Guinea ang kanilang mga tahanan, simple lamang, mula sa mga materyales na masusumpungan sa kagubatan. Tinatabtab pa rin ng mga mangingisda ang kanila mismong bangka, at sila’y nangingisda sa sinaunang pamamaraan.

Araw-araw libu-libong taga-Guinea ang nagsisiksikan sa walang-bubong na mga pamilihan ng Bata at Malabo, ang pangunahing mga lungsod ng bansa. Ang pagdalaw sa pamilihan ay nagbigay sa akin ng unawa sa mga tao at sa kanilang buhay. Ang pamilihan ay nagbibili ng lahat ng maiisip na bagay​—mula sa segunda-manong liyabe hanggang sa mga unggoy (ang karne ng unggoy ay masarap gawing nilaga). Sarisaring bote ng gawang-bahay na mga detergent ay nakikipag-agawan ng lugar sa maayos na mga salansan ng balatong at mga ulo ng bawang. Sa Guinea ang mga tao ay hindi masyadong nababahala sa oras, at napansin ko na ang mga tindahan ay para bang hindi nagsasara, sa paano man hindi nagsasara hanggang sa gabi o hanggang sa maubos ang paninda.

Sa maraming nayon na Fang, nakita ko ang isang malaking kubo ng pamayanan. Sinabi sa akin na ito ay tinatawag na Casa de la Palabra (Bahay ng Salita). Dito nagtatagpo at nilulutas ng mga taganayon ang kanilang mga alitan, pagkatapos na ihinga ng magkabilang panig ang kanilang mga hinanakit, o “mga salita.” Bukás ang mga bintana nito upang marinig ng sinumang nais makinig ang paglilitis.

Ang Tropikal na Kagubatan​—Isang Yaman na Dapat Ingatan

Subalit para sa akin ang ekuwatoryal na kagubatan ang higit na naglalarawan sa Guinea. Nang kami’y nasa labas ng bayan, ang mayabong na pananim sa kagubatan ay gumawa ritong magtinging kami’y namamasyal sakay ng kotse sa isang berdeng tunél. Berde ang kulay ng Guinea, lahat ng kulay na berde, berdeng kumikinang pagkatapos ng bawat tropikal na pag-ambon. Ang gumagapang na mga pananim, makapal na kumpol ng kawayan, at daan-daang uri ng mga punungkahoy ang nagsisiksikan upang mag-anyo ng isang berdeng lambong sa lupain. Ang tropikal na kagubatan​—magulo subalit magkasuwato​—ay isang bagay na sulit pakaingatan sa ating planetang kalbo ang kagubatan.

Malalawak na sukat ng lupa sa Equatorial Guinea ang nag-iingat pa rin ng basal na tropikal na kagubatan, at ang ilan dito ay napili bilang pambansang mga parke sa hinaharap. At ang kagubatan ay hindi lamang panggayak. Ito’y naglalaan ng pagkain, gatong, at medisina pa nga para sa mga taga-Guinea. Hindi kataka-taka, isang malaki at matibay na tropikal na punungkahoy, ang ceiba, ang siyang pangunahing tampok sa pambansang emblema ng Guinea.

Hangang-hanga ako sa kagandahan ng Bioko, isang kagandahan na hinangaan din ng sinaunang mga manggagalugad na Europeo limang siglo na ang nakalipas. Isa itong bulubunduking isla na napaliligiran ng mga bunganga ng bulkan, ang ilan ay naging mga lawa, sa gayo’y nakadaragdag sa iba’t ibang tanawin. Ang pinakamataas na tuktok ng bulkan sa isla ay umaabot ng halos 3,000 metro sa ibabaw ng antas ng dagat, at ang magubat na mga dalisdis nito ay tirahan ng sari-saring eksotikong mga ibon at paruparo, na nakadaragdag ng kulay sa mayabong na pananim.

Sa itaas ng bundok, ako’y nabighaning pagmasdan ang mumunting mga pipit dapo na sumisibad sa mga palumpon at mga bulaklak sa mga dalisdis ng bundok. Ang berde at pulang balahibo ng mga lalaking ibon ay kumikinang na parang mga hiyas sa araw kung hapon. Kahawig ng mga hummingbird sa Amerika, kinakain nila ang mga nektar ng malalaking bulaklak o ang mga insekto na nasusumpungan nila sa mga talulot ng bulaklak.

Pambihirang mga Hayop sa Kagubatan

Ang ekwatoryal na kagubatan ay tirahan ng hindi kapani-paniwalang sarisaring klase ng buhay-iláng, lalo na sa mainland. Ang buffalo at mga elepante, mga uring mas maliliit kaysa mga kauri nila sa madamong kapatagan ng Aprika, ay nakatira sa masukal na kagubatan, subalit marahil ang pinakabantog na hayop sa kagubatan ay ang gorilya, na ang bilang ay umuunti sa buong Aprika. Nakipaglaro ako sa isang maamong batang gorilya na ang ina ay napatay ng mga mangangaso. Ang kaniyang malungkot na mukha ay nagpapagunita sa akin sa di-tiyak na kinabukasan ng gorilya sa mga kamay ng tao.

Dalawampu’t-limang taon na ang nakalipas, ang mga dalubhasa sa kalikasan buhat sa lahat ng panig ng daigdig ay nagulat na mabalitaan ang tungkol sa pagkatuklas ng isang albinong gorilya sa Guinea. Ito ang kauna-unahang kaso ng albinismo sa mga gorilya. Ang balahibo nito ay lubusang puti, at ito ay may kulay rosas na balat at asul na mga mata. Ito ay pinanganlang Copito de Nieve (Munting Snowflake) at sa katapusan ay dinala sa Barcelona Zoo sa Espanya, kung saan ito ay nagbibigay kasiyahan pa rin sa publiko.

Ang unang bagay na napansin ko tungkol sa kagubatan ay na iilang hayop ang aktuwal na makikita. Ang marami ay natutulog sa araw, at sa gabi lamang talagang nabubuhay ang kagubatan. Pagsapit ng dilim, libu-libong paniking prutas ang umaalis ng kanilang dapuan upang halughugin ang pananim sa itaas ng kagubatan, at sinisimulan ng mga kuwagong mangingisda ang kanilang panggabing pagpapatrolya sa mga sapa at mga ilog. Ang malapad-matang mga galago ay kumakarimot ng takbo mula sa isang sanga tungo sa isang sanga na para bang umaga.

Sa umaga, ang mga ibon at mga paruparo lamang ang nakadaragdag ng buhay at kulay sa kagubatan. Ang pagkalaki-laking paruparong swallowtail, na may matingkad na itim at berdeng pakpak at kakatwang paglipad, ang pinakamagandang pagmasdan. Sa itaas ang umid na halakhak ng berdeng kalapating prutas ay ibang-iba sa paos na huni ng mukhang asiwang mga kalaw.

Sa sahig ng kagubatan, nakita ko ang isang asul at kulay dalandan na bubuling agama na nakatindig at nagmamasid sa isang nahulog na katawan ng punungkahoy. Ito’y walang katinag-tinag na nakayukyok maliban sa pagpilantik ng dila nito, na sanay na sanay na nakukuha ang anumang langgam na lumapit dito.

Hindi ako nagkapalad na makita ang isa sa pambihirang maninirahan sa ilog ng Guinea. Sa kahabaan ng pampang at ng mga talón ng tubig sa Ilog Mbía ay nakatira ang pinakamalaking palaka sa daigdig, ang Conraua goliath. Ang mga palakang ito ay maaaring tumimbang ng tatlong kilo o higit pa at sumusukat ng 0.9 metro mula sa ulo hanggang sa paa. Sang-ayon sa mananaliksik na si Paul Zahl ng National Geographic, ang kanilang malalakas na paa ay maaaring magtulak sa kanila ng tatlong metro sa isang malaking lukso.

Sa Equatorial Guinea ang lumulubog na araw ay kulay dalandan sa halip na pula, isang paalaala na ang kapaligiran ay hindi gaanong marumi gaya sa ibang bahagi ng daigdig. Ang mga taong kumukunsumo ng maraming ekonomikong paninda ay gumawa ng ilang pagsalakay, at ang mga punungkahoy sa kagubatan ay gumagawa araw-araw upang dagdagang muli ang oksiheno. Ang gayong basal na mga dako sa daigdig ay iilan at bihira. Harinawa, ang ekuwatoryal na yamang ito ay manatiling isang yaman.

[Mga mapa sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

APRIKA

Equatorial Guinea

EKWADOR

[Mapa]

Bioko

Mbini

[Mga larawan sa pahina 25]

Tinatabtab pa rin ng mga mangingisda ang kanilang bangka

Kubo ng pamayanan (“Casa de la Palabra”) kung saan nagtatagpo at nilulutas ng mga taganayon ang kanilang mga alitan

[Mga larawan sa pahina 26]

Batang gorilya

Kuwagong Pel

Mas malaking galago

Paruparong Aprikano