Mga Sakuna—Parusa ng Diyos?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Mga Sakuna—Parusa ng Diyos?
SA Pilipinas, isang bansang paulit-ulit na hinampas ng likas na mga sakuna, maraming tao ang nagtatanong, ‘Sinusubok ba ng Diyos ang tao ng gayong mga kalamidad?’ Noong 1991, pagkatapos ng pinakamapangwasak na pagputok ng bulkan sa siglong ito, ang ulong balita ng isang pahayagan sa Pilipinas ay nagtanong: “Pagputok: Parusa ng Diyos?”
Ang kolumnistang si Nelly Favis-Villafuerte ay nagpahayag ng gayong palagay nang kaniyang isulat: “Sa mga Kristiyanong naniniwala-sa-Bibliya gayunman—may isa lamang paliwanag: Ang pagputok ng bulkan ng Mt. Pinatubo ay isang pagdalaw ng Diyos upang minsan pang ipaalaala sa atin na may isang kasindak-sindak at soberanong Diyos na nagtataglay ng kapangyarihang pamahalaan ang mga pangyayari at mga kapalaran ng tao at mga bansa.” Dahil sa sinabing ito, kami’y nagtatanong:
Hinahatulan ba ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ang mga Pamayanan Ngayon?
Na ginawa ng Diyos ang gayon noon ay hindi maikakaila. Ang mga halimbawang naiulat sa Kasulatan tungkol sa Baha noong kaarawan ni Noe, ang pagkalipol ng Sodoma at Gomora, at sa dalawang pagkakataon ang pagsunog sa Jerusalem, ang lungsod na nauugnay sa kaniyang dakilang pangalan, ay nagpapakita na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay maaaring magdala ng sadyang paghatol sa mga paulit-ulit na hindi nanghahawakan sa kaniyang mga pamantayan.—Genesis 7:11, 17-24; 19:24, 25; 2 Cronica 36:17-21; Mateo 24:1, 2.
Subalit kumusta naman sa ngayon? Na magkakaroon ng isang panahon ng pambuong-daigdig na kalamidad ay inihula ni Kristo Jesus sa Mateo kabanata 24, Marcos kabanata 13, at Lucas kabanata 21. Sa mga kabanatang ito, siya’y nagbigay ng makahulang babala tungkol sa pangyayari at mga kalagayan na mauugnay sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay upang malaman ng nangangatuwirang mga tao na siya ay di-nakikitang naghahari na sa langit. Ang mga hulang ito ay natutupad ngayon. Gayunman, dapat pansinin na sa bawat nabanggit na mga paghatol, ang Diyos na Jehova ay nagbigay ng maliwanag, paulit-ulit na mga babala bago dumating ang pagkawasak. (Amos 3:7) Gayunman, sa kaso ng natural na mga kapahamakan na nangyayari sa ating panahon, ang mga babala ay karaniwang nanggagaling sa sekular na mga awtoridad, salig sa siyentipikong mga obserbasyon.
Bukod pa riyan, ipinaaalam sa atin ng alagad na si Santiago sa unang kabanata ng kaniyang liham, San 1 talatang 13: “Ang Diyos ay hindi matutukso sa masamang bagay at hindi rin naman siya nanunukso sa kanino man.” Dahil sa dumaraming populasyon sa buong daigdig, ang tao ay namuhay sa maraming potensiyal na panganib. Ang mga kahilingan para sa lugar na matitirhan at magtanim ng makakain ay nagbunga ng paghahawan sa dating magubat na mga dako, kung minsan ay nakatutulong pa nga sa tindi ng ilang natural na kalamidad mula sa labis-labis na pag-ulan at mabilis na pag-agos ng tubig tungo sa mga sapa.
Kaya nga, hindi magiging tamang sabihin na ang natural na mga kapahamakan ay tuwirang ipinadala ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat bilang parusa sa mga taong naninirahan sa apektadong mga dako. Sa katunayan, madaling maunawaan na maraming walang malay, gaya ng mga bata, ang higit na nagdurusa sa panahon ng kabagabagan. Gayunman, bagaman hindi pinangyayari ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang gayong mga kalamidad, maitatanong pa rin natin:
May mga Aral ba Tayong Matututuhan?
Mayroon. Para sa mga nakatira sa apektadong mga dako, may pagsubok sa kung gaanong halaga ang inilalagay nila sa kanilang materyal na mga pag-aari kung ihahambing sa buhay mismo. Ang mga tao ay nagsasagawa ng hindi kinakailangan, nagbabanta-sa-buhay na mga panganib sa gayong mga panahon upang iligtas lamang ang ilang pag-aari. Dapat nating tandaan ang sinabi ni Jesus: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nanggagaling sa mga bagay na pag-aari niya.” (Lucas 12:15) Ang materyal na mga bagay ay maaaring palitan, ngunit hindi maaaring palitan ng tao ang kaniyang buhay.—Mateo 6:19, 20, 25-34.
Ang natural na mga kapahamakan ay maaari ring magpangyari sa mga tao na mag-isip kung paano nila ginagamit ang kanilang buhay. Hinihimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na maging maingat sa paraan ng paggawi nila: “Mag-ingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong, ginagawa ang lahat ng inyong makakaya tungkol sa krisis, sapagkat ang mga araw ay masasama.” (Efeso 5:15, 16, Byington) Ang bawat pagsubok na nakakaharap ng tao sa kaniyang buhay ay isang paalaala kung gaano kahalagang magkaroon ng malakas na pananampalataya.
Ang ikatlong aral na matututuhan natin buhat sa natural na mga kalamidad ay na kailangang magkaroon tayo ng mas matinding pakikiramay, o empatiya, sa iba. Sa loob ng sona ng sakuna, ang maibiging pagkabahala ay dapat ipakita sa mga kapuwa na naghihirap sa halip na magkaroon ng saloobin na bahala ka sa sarili mo. Totoo ito lalo na roon sa pinagkatiwalaan ng pananagutan na pangalagaan ang iba. Inilarawan ni propeta Isaias ang mga tinatawag niyang “prinsipe” na “gaya ng isang kublihang dako buhat sa hangin at isang dakong kanlungan buhat sa bagyo, gaya ng mga ilog ng tubig sa lupaing salat sa tubig, gaya ng lilim ng isang malaking batuhan sa isang nakapapagod na lupain.”—Isaias 32:1, 2.
Sa pagpapakita ng empatiya sa panahon ng sakuna, maraming pagkakataon na ibahagi sa iba kung ano ang taglay mo, kapuwa sa salita at sa gawa. Halimbawa, ang bulkanikong pagputok ng Bundok Pinatubo at ang kasunod na mga kapahamakan ay nagbigay na di-mabilang na mga pagkakataon na makibahagi sa pagtulong doon sa mga tumakas mula sa sakuna. Ang marami ay walang kabuhayan upang magkaroon kahit ng kanilang pang-araw-araw na pagkain. Kaya, naipakita ng mga indibiduwal ang kanilang kawalang pag-iimbot sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa iba. Gayunman, marami pa rin ang nagtatanong:
Magkakaroon ba ng Pangwakas na Paghuhukom sa Sangkatauhan?
Oo, magkakaroon nito, gaya ng malinaw na ipinakikita sa Salita ng Diyos. (Mateo 24:37-42; 2 Pedro 3:5-7) Bago dumating ang paghuhukom na iyon, isang pambuong-daigdig na gawaing pagbababala ay kailangang gawin, gaya ng inihula ni Jesus: “At, sa lahat ng mga bansa ay kinakailangan munang maipangaral ang mabuting balita.”—Marcos 13:10.
Kaya, kailangang tanungin ng bawat isa sa atin, ‘Ano ang gagawin ko?’ Hinihimok ka namin na maglaan ng panahon na suriin kung ano ang ipinapayo ng Bibliya na dapat gawin ng bawat isa sa atin upang makaligtas sa pangglobong kalamidad na iyon.