Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Masamang Balita sa TV
“Masamang balita para sa mga Brazilianong nanonood ng telebisyon: Ang bilang ng masamang balita sa TV ay dumarami,” sabi ng pahayagang O Estado de S. Paulo. Ang pahayagan ay nag-uulat na sa loob ng sampung araw, pinanood ng 15 peryudista ang lahat ng balita sa mga TV channel. Tanging 18 porsiyento lamang ng kanilang napanood ang maituturing na mabuting balita. Ang patnugot ng institusyong gumawa ng surbey ay sinipi na nagsabing: “Ito’y isang 95-oras na marathon ng mga trahedya.” Ang balita tungkol sa ekonomiya at ekolohiya ay itinuring na pinakanegatibo. Ang ilang optimistikong balita ay may kaugnayan sa entertainment at isports. Isang saykoanalis ay nagbabala na maaaring baguhin ng gayon karaming dosis ng karahasan at kasawian na ibinobrodkas sa balita ang pag-uugali ng tao, malamang na pangyarihin ang iba na malasin ang kalunus-lunos na karanasan ng iba na walang kuwenta.
“Mangmang sa Moral”
Ang mga guro ay sumasang-ayon na dumaraming bata na “mangmang sa moral” ang lumilitaw sa lipunan ngayon. “Ang mabilis na landasin tungo sa tagumpay, ang mabilis na pag-asenso, pangangasiwa, ang makalamang,” ay ipinakikita sa mga bata bilang mahalagang mga pamantayan, sang-ayon kay Burle Summers, presidente ng Ontario Morals/Values Education Association. “Ang paglilingkod sa iba, paggalang sa iba, pangangalaga sa iba ay hindi itinuturing na mahalaga,” sabi niya.
Nakaninerbiyos na Tunog ng mga Kampana ng Simbahan
“Ang mga kampana ng simbahan ay tumutunog nang napakadalas at napakalakas” para sa ilang residente sa kanluran ng Toronto, ulat ng The Toronto Star. Ipinalalagay ng mga maybahay ang tunog ng kampana ng simbahan bilang “polusyon sa ingay” at hiniling nila sa city hall ang tungkol sa bagay na ito. Inirekomenda ng komite sa paglilingkod sa lungsod na patugtugin ng mga simbahang nasasangkot ang mga kampana sa loob ng isang minuto dalawang beses sa isang araw sa loob ng sanlinggo at tatlong beses kung Linggo—subalit huwag bago ang ika–9:00 n.u. Ang mga kampana ng simbahan ay maaaring patugtugin sa ibang okasyon, gaya sa mga kasalan, libing, at mga serbisyo sa gabi kung panahon ng Kuwaresma. Ang mga kampana ng simbahan ay pinatutugtog upang tawagin ang mga nagsisimba sa parokya sa mga panalangin at mga serbisyo ng simbahan. Gayunman, ang mga maninirahan sa lungsod ay nagsasabi na magagawa rin iyon ng mga orasang de alarma nang hindi iniistorbo o ginigising ang buong distrito.
Posisyon sa Pagtulog ay Nauugnay sa SIDS
Taun-taon, ang SIDS (Sudden Infant Death Syndrome) ay sumasawi sa buhay ng libu-libong sanggol sa buong daigdig. Nananatili itong isa sa pangunahing sanhi ng kamatayan sa gitna ng mga bata sa unang mga buwan ng buhay. Ang tunay na sanhi ng SIDS ay hindi pa alam. Gayunman, ang International Herald Tribune ng Paris ay nag-uulat na ang mga dalubhasa sa medisina sa buong daigdig ay nagtipon kamakailan sa Australia upang talakayin ang problema. Pinayuhan nila ang mga magulang: “Huwag patulugin ang mga sanggol na nakadapa.” Waring ipinahihiwatig ng pananaliksik na ang panganib na mamatay dahil sa SIDS ay tatlong ulit na mas mataas sa mga sanggol na pinatutulog na nakadapa kaysa roon sa pinatutulog na nakatihaya o nakatagilid. Iminumungkahi ng mga doktor na kung ang mga magulang ay napabatiran tungkol sa mga panganib, libu-libong buhay sana ang nailigtas.
Popular na Paglapastangan sa Diyos
Isang klerigong Australiano ang tahasang nagsalita tungkol sa dumaraming paggamit at waring pagtanggap ng lapastangan na mga pananalita. Ipinakikita niya ang partikular na pagkabahala sa epekto nito sa mga kabataan, at tinawag niya ang isang kampaniya upang alisin ang paglapastangan sa pananalita ngayon. Sinisipi ng pahayagan sa Brisbane na Courier-Mail ang klero na nagsasabi: “Ang mga katagang gaya ng ‘Good God’, ‘Oh God’, ‘By God’, ‘By Christ’ at ‘Oh Christ’ ay higit at higit na ginagamit bilang paglapastangan sa halip na bilang mga kataga ng pagpipitagan. Maliwanag ito sa mga nobela, sa tanghalan, sa pelikula, TV, radyo at pahayagan. Kaya habang kinukunsinti natin ang kalapastanganang ito, hindi natin maaasahan ang ating mga kabataan na magkaroon ng paggalang sa Diyos at kay Kristo.” Sinabi pa niya na napansin niya na ang paggamit ng paglapastangan sa Diyos ay patuloy na dumami sa nakalipas na mga taon at na ang gayong pananalita ay itinuturing ngayon ng marami na isang anyo ng tinatanggap ng panunungayaw.
Pagkalason Dahil sa Pestisidyo
Taun-taon, sa lahat ng nagpapaunlad na mga bansa, ang mga pestisidyo ay lumalason ng halos 25 milyon katao at pumapatay ng 20,000, ayon sa magasing New African. Dinadala ng mga kompaniya ng kemikal ang mapanganib na mga pestisidyo sa mahihirap na bansa kung saan ang mga magsasaka ay walang kamalay-malay tungkol sa mga panganib nito at kung saan hindi sapat na napatitigil ng mga gobyerno ang mga produktong
inaangkat. Ang New African ay nag-uulat na inamin ng isang Suisong kompaniya ng kemikal ang pagbibili sa Tanzania ng 450,000 litro ng isang pamatay-insekto na naglalaman ng DDT, na lubhang mapanganib na kemikal na ipinagbawal o mahigpit na ipinagbabawal sa 45 bansa. Sa rural ng Ghana, ang DDT kung minsan ay ginagamit na panghuli ng isda. Ang kemikal ay ibinubuhos sa mga ilog, pinapatay ang mga isda at ginagawang madali na mahuli ng isda. Ang isda, na naglalaman pa ng mabisang lason, ay nagiging ulam ng mga Aprikano.Mapanganib na Pagkukulay-Kayumanggi
Ang kanser sa balat sa gitna ng mga taga-Canada “ay dumami ng 235 porsiyento sa nakalipas na walong taon,” ulat ng The Toronto Star. Isinisiwalat ng bagong mga estadistika na 1 sa 7 taga-Canada ang magkakaroon ng kanser sa balat sa kaniyang buhay. Ano ang pangunahing sanhi? Ang pagbilad sa araw, sang-ayon sa Canadian Dermatology Association. Si Dr. Gary Sibbald, isang dermatologo, ay nagsasabi na “dinudoble ng isa lamang pagkasunog sa araw ang iyong panganib na magkaroon ng kanser sa balat.” Susog pa niya: “Ang kulay-kayumanggi ay hindi malusog. Ito’y kumakatawan ng pinsala sa balat.” Sang-ayon sa The Globe and Mail, maaari itong humantong sa “mga kulubot, mga balàt, sakit at kanser sa balat.” Ang paggamit ng magaling na pantabing sa araw, damit na pananggalang, at ang pag-iwas sa tuwirang pagbilad sa araw sa pagitan ng alas-diyes ng umaga at alas-tres na hapon ay inirekomenda bilang pananggalang.
Homoseksuwal na mga Teologo
Ang mga Guro ng Teolohiya sa Helsinki University sa Finland ay may isang organisasyon na kinakatawan ang mga estudyanteng homoseksuwal. Mga 20 estudyante ang nakisama sa gawain ng pangkat na ito na tinatawag na Baklang mga Teologo, ulat ng Kotimaa, isang pangunahing babasahin ng simbahan. Ipinaliwanag ng isang kinatawan ng Baklang mga Teologo na sa Finland ay may magsindaming homoseksuwal sa gitna ng mga teologo at mga opisyal ng simbahan at sa iba pa sa populasyon. Ang eksaktong bilang ay hindi alam, subalit ang mga tantiya ay nasa pagitan ng mula 4 hanggang 10 porsiyento. Tinututulan ng mga estudyanteng ito ng teolohiya ang hindi pagsang-ayon ng simbahan sa Finland na ordinahin yaong lantarang ipinakikilala sa madla ang kanilang homoseksuwalidad.
Pagtulong sa Tahanan
Sa tradisyunal na paraan, ang mga lalaking Hapones ay hindi kilala sa pagtulong sa mga gawain sa bahay, subalit nagbabago ang panahon. Isinisiwalat ng isang surbey na isinagawa kamakailan sa Tokyo na bagaman pangkalahatang itinuturing pa rin ng mga lalaki ang pagluluto, pag-aalaga ng mga anak, at paghuhugas ng pinggan na trabaho ng mga babae, halos 60 porsiyento ang naniniwala na ang mga lalaki ay dapat na tumulong sa mga gawain sa bahay. Sinasabi ng mga 70 porsiyento na madalas na ginagawa nila ang mga gawain na gaya ng paglilinis, pamimili, at paglalabas ng basura. Ang nakababatang mga asawang lalaki ang pinakahandang tumulong; 60 porsiyento sa kanila ay sumasang-ayon na “ang mga lalaki ay dapat makibahagi sa gawain sa bahay hangga’t magagawa nila,” at 29 na porsiyento ang nagsasabing “hindi nila alintana ang tumulong.” “Gayunman, ang matulunging saloobing ito sa gitna ng nakababatang mga asawang lalaki ay hindi nagtatagal,” sabi ng Mainichi Daily News, isinususog pa na “sa mga sambahayan na ang panganay na anak ay pumapasok na sa mababang paaralan, ang mga asawang lalaki na nagsasabing kusa silang makikibahagi sa mga gawain sa bahay hangga’t maaari ay bumaba tungo sa 47 porsiyento.” Bukod pa riyan, ang bilang ng mga asawang lalaki sa mga sambahayang iyon na iginigiit na hindi kinakailangang tumulong sa bahay ay dumami ng 13 porsiyento.
TV at Kolesterol
Ang mga batang gumugugol ng labis na panahon sa harap ng telebisyon ay sinisira hindi lamang ang kanilang isipan kundi ang kanila rin namang mga arteriya. Isinisiwalat ng isang pag-aaral kamakailan sa 1,000 kabataan na wala pang 20 anyos na ang mga batang nanonood ng telebisyon sa pagitan ng dalawa at apat na oras isang araw ay malamang na magkaroon ng mas mataas na antas ng kolesterol kaysa roon sa hindi gaanong nanonood. Sang-ayon sa Prevention, isang magasing pangkalusugan, si Dr. Kurt V. Gold ng University of California-Irvine ay nagpapaliwanag na “ang pagkakaroon ng mataas na kolesterol sa gayong kamurang gulang ay nagdaragdag ng tsansa sa maagang sakit sa puso.” Sinabi ni Dr. Gold na “ang TV ang dahilan ng maraming nalalamang mga salik sa panganib. Maaaring ikaw ay maupo sa maghapon na kumakain ng napakaraming tsitsiryang pagkain at hindi gaanong nag-eehersisyo.”
Nagsosolong mga Ina
Isiniwalat ng isang report kamakailan na mahigit na sangkatlo ng mga babaing nanganak sa Costa Rica noong 1990 ay walang asawa. Halos 16 na porsiyento ay wala pang 19 anyos. Ang kabuuang bilang ng mga sanggol na isinilang sa Costa Rica noong taóng iyon ay 81,939. Sa mga ito, 30,119 ang may nagsosolong ina, samantalang 50,411 ang isinilang sa mga babaing may-asawa. Ang iba pa ay isinilang sa mga biyuda, diborsiyada, o mga babaing hiwalay sa kanilang asawa. Sang-ayon sa pahayagan ng San José, Costa Rica na La Nación, 360 mga sanggol ang may ina na wala pang 15 anyos, at 12,578 ang may ina na ang edad ay nasa pagitan ng 15 at 19.