Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Nagtuturo sa Kanila Tungkol sa Sekso?

Sino ang Nagtuturo sa Kanila Tungkol sa Sekso?

Sino ang Nagtuturo sa Kanila Tungkol sa Sekso?

ANONG laking kagalakan ang dala ng isang bagong sanggol! Ang mga magulang ay nagagalak dito, nakikipaglaro rito, at sinasabi sa kanilang mga kaibigan ang halos lahat ng bagay na ginagawa nito. Subalit hindi nagtatagal ay natatanto nila na ito rin ay nagdadala sa kanila ng malaking bagong mga pananagutan. Isa sa mas mahalagang pananagutan ay ang pangangailangan na turuan ito na pangalagaan ang kaniyang sarili sa isang sumisidhing imoral na daigdig.

Paano matutulungan ng mga magulang ang isang minamahal na musmos na lumaki tungo sa isang maygulang na adulto na magtatamasa ng isang mainit at maligayang buhay pampamilya at marahil ay magpalaki ng sarili nitong mga anak na may takot sa Diyos? Maaaring malasin ito ng ilang magulang bilang isang halos napakalaking atas, kaya walang alinlangang ang ilang mungkahi ay pahahalagahan.

Malamang na tinuturuan mo ang iyong mga anak na gaya ng pagtuturo sa iyo ng iyong mga magulang. Subalit maraming magulang ang bahagyang naturuan, kung mayroon man, tungkol sa sekso. Kahit na kung ikaw ay naturuang mainam, ang daigdig ay nagbago, at gayundin ang mga pangangailangan ng mga bata. Isa pa, maraming mambabasa ng magasing ito ang mayroong mas mataas na mga pamantayan at mas mabuting paraan ng buhay. Kaya, dapat mong tanungin ang iyong sarili: ‘Ang paraan ba ng pagtuturo ko sa aking mga anak ay kaagapay ng kasalukuyang mga palagay at dumaraming pangangailangan ng aking mga anak?’

Ang ilang magulang ay hinahayaan ang kanilang mga anak na alamin ang gayong impormasyon sa ganang sarili nila. Subalit ang paggawa ng gayon ay nagbabangon ng nakatatakot na mga katanungan: Ano ang matututuhan nila? Kailan? Mula kanino, at sa ilalim ng anong mga kalagayan?

Kung Ano ang Itinuturo ng mga Paaralan

Maraming magulang ang nagsasabi: “Oh, matututuhan nila iyan sa paaralan.” Maraming paaralan ang nagtuturo nga tungkol sa sekso, subalit kakaunti lamang sa mga ito ang nagtuturo tungkol sa moral. Ang dating Kalihim ng Edukasyon sa E.U. na si William J. Bennett ay nagsabi noong 1987 na ang mga paaralan ay nagpakita ng “sadyang pag-ayaw na gumawa ng moral na mga pagkakaiba.”

Si Tom, ama ng dalawang kaibig-ibig na mga anak na babae, ay nagtanong sa kinatawan ng kanilang paaralan: “Bakit ayaw ninyong sabihin na ang pagtatalik sa labas ng pag-aasawa ay mali?” Sinabi niya na gusto niyang sabihin iyon ngunit hindi maaaring saktan ng paaralan ang damdamin ng hindi kasal na mga ina ng mga bata at ng live-in na mga boyfriend ng kanilang mga ina. Kaya, sasabihin ng paaralan sa mga estudyante na mayroon silang mapagpipilian subalit bihira nitong sasabihin kung aling pagpili ang tama.

‘Bibili Ako ng Isang Aklat’

Ang ibang magulang ay maaaring magsabi: “Ibibili ko sila ng isang aklat.” Marahil ang isang mabuting aklat ay makatutulong, subalit dapat na maingat na pakatiyakin mo na ikaw ay sumasang-ayon sa sinasabi nito. Kakaunting aklat tungkol sa paksang ito ang bumabanggit tungkol sa moral o binabanggit man ang tama at mali. Aktuwal na inirerekomenda ng ilan ang imoral na mga gawain. At pambihirang aklat nga ang nagsasabi na ang pagtatalik ay dapat lamang sa mag-asawa.

Kaya, ang pananagutan sa pagtuturo tungkol sa moral sa mga bata ay nasasalalay kung saan unang inilagay ito ng Diyos​—sa kanilang maibiging mga magulang. Ang Bibliya ay nagsasabi sa mga ama: “Iyong ituturo nang buong sikap [ang mga kautusan ng Diyos] sa iyong anak at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at pagka ikaw ay lumakad sa daan at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.”​—Deuteronomio 6:7.

Sa katunayan, ang mga magulang ay maaaring maging ang pinakamahusay na mga guro ng kanilang mga anak. Walang aklat o paaralan ang maaaring humalili sa lakas ng kanilang matibay na paniniwala o ng isang mahusay na halimbawa sa pamilya. Gaya ng pagkakasabi rito ni William Bennett: “Ipinakikita ng mga pag-aaral na kapag ang mga magulang ang pangunahing pinagmumulan ng edukasyon sa sekso, ang mga bata ay malamang na hindi magsagawa ng pagtatalik. . . . Ang mga magulang, higit kaninuman, ay gumaganap ng mahalagang bahagi.”

Gayunman, ang ilang magulang ay natatakot na ang kaalaman ay maaaring humantong sa pag-eeksperimento. Maliwanag na ito’y depende sa kung ano ang itinuro at kung paano ito itinuro. Ang totoo ay na matututuhan ng mga kabataan ang tungkol sa sekso. Hindi ba’t mas mabuti na matutuhan nila ito sa wasto at marangal na paraan mula sa moral at maibiging mga magulang kaysa mula sa isang tao sa lansangan o sa paaralan o mula sa mga adultong marurumi ang isip?

Subalit ang tanong ay nananatili: Paano mo ituturo ang mga bagay na ito sa isang maka-Diyos at magalang na paraan? Kapag narinig ng mga kabataan na “ginagawa ito ng lahat,” paano mo sila makukumbinsi na hindi ito ginagawa ng pinakamabuti at pinakamaligayang mga tao? Paano mo sila matutulungan na matalos na ang pamumuhay ayon sa tuntunin ng Bibliya na “umiwas sa pakikiapid” ay hindi lamang umaakay sa pinakamabuti at pinakamaligayang buhay kundi ito rin ang tanging paraan na kinalulugdan ng Diyos? Ang sumusunod na artikulo ay magmumungkahi ng mahahalagang sagot sa mahahalagang katanungang ito.​—1​Tesalonica 4:3.

[Blurb sa pahina 3]

“Ang mga pamantayang ikinikintal ng mga magulang sa isip ng kanilang mga anak ay waring siya pa ring pinakamahalaga.”​—U.S.News & World Report