Ang Paghahanap ng Pampalasa, Ginto, mga Kumberte, at Kaluwalhatian
Ang Paghahanap ng Pampalasa, Ginto, mga Kumberte, at Kaluwalhatian
“TIERRA! Tierra!” (Lupa! Lupa!) Binasag ng masayang sigaw na ito ang katahimikan ng gabi noong Oktubre 12, 1492. Nakita ng isang marino sa Pinta ang balangkas ng isang isla. Ang tila walang katapusang paglalayag ay sa wakas ginantimpalaan ng tagumpay para sa mga barkong Santa María, Pinta, at Niña.
Sa pagbubukang-liwayway, si Columbus, ang kaniyang dalawang kapitan, at iba pang opisyal ay bumaba sa bapor at lumakad sa pampang. Sila’y nagpasalamat sa Diyos at sinakop ang isla sa pangalan ng hari’t reyna ng Espanya, sina Ferdinand at Isabella.
Natupad ang pangarap ni Columbus. Inasam-asam niya ngayon ang pagkatuklas ng ginto (ang gintong mga singsing sa ilong ng mga katutubo ay napansin niya) at ang matagumpay na pagbabalik sa Espanya. Ang kanluraning ruta patungong India ay kaniya, sa palagay niya, at ang kabiguan ng nakalipas na walong taon ay makalilimutan.
Nagkakatotoo ang Pangarap
Sa pagtatapos ng ika-15 siglo, dalawang kalakal ang mabiling-mabili sa Europa: ginto at mga pampalasa. Ang ginto ay kailangan upang bumili ng mga panindang luho mula sa Oryente, at pinasasarap ng mga pampalasa mula sa Silangan ang nakasasawang pagkain sa mahabang mga buwan ng taglamig. Nais ng Europeong mga mangangalakal ang diretsong daan patungo sa mga lupain kung saan makukuha ang mga kalakal na iyon.
Ang mga negosyante at mga nabigador na Portuges ay abala sa pagtatatag ng monopolyo sa kalakalan sa Aprika, at sa wakas ay nasumpungan nila ang isang ruta patungo sa Silangan sa pamamagitan ng daan sa Aprika at sa Cape of Good Hope. Samantala, ang kaisipan naman ng Italyanong nabigador na si Columbus ay patungo sa kanluran. Naniniwala siya na ang pinakamaikling ruta patungong India at sa pinakahahangad na mga pampalasa nito ay sa ibayo ng Atlantiko.
Sa loob ng walong nakababagot na taon, si Columbus ay palipat-lipat mula sa isang maharlikang korte tungo sa isa bago niya nakamit sa wakas ang pagsuporta ng hari at reyna ng Espanya. Sa katapusan ang kaniyang matatag na paniniwala ay nanaig sa nag-aalinlangang mga soberano at sa nag-aatubiling mga marino. May kani-kaniyang dahilan naman ang mga nag-aalinlangan. Ang proyekto ni Columbus ay may kapintasan, at may katapangang iginiit niya na siya ay hiranging “Gran Almirante ng Karagatan” at habang-buhay na gobernador ng lahat ng lupaing kaniyang matutuklasan.
Subalit ang pangunahing mga pagtutol ay nakasentro sa kaniyang mga kalkulasyon. Noong panahong iyon hindi na pinagtatalunan ng karamihan ng mga iskolar na ang lupa ay bilog. Ang katanungan ay, Anong lawak ng karagatan ang naghihiwalay sa Europa at Asia? Kinalkula ni Columbus na ang Cipango o Hapón—na nabasa niya sa ulat ng paglalakbay ni Marco Polo sa Tsina—ay mga 8,000 kilometro kanluran ng Lisbon, Portugal. Kaya inilagay niya ang Hapón sa kung ano ngayon ang Caribbean. a
Pangunahin nang dahil sa labis-labis na optimistikong tantiya ni Columbus sa distansiya na naghihiwalay sa Europa at sa Dulong Silangan, pinawalang-saysay ng maharlikang mga komisyon sa Espanya at Portugal ang kaniyang gawain na hindi matalino. Ang posibilidad na maaaring
may malaking kontinente sa pagitan ng Europa at Asia ay maliwanag na hindi naisip ninuman.Ngunit si Columbus, na itinataguyod ng mga kaibigan sa korte Espanyol, ay nagpumilit, at ang mga pangyayari ay naging pabor sa kaniya. Si Reyna Isabella ng Castile, isang taimtim na Katoliko, ay naakit ng pagkumberte sa Silangan sa pananampalatayang Katoliko. Nang bumagsak ang Granada sa mga soberanong Katoliko noong tagsibol ng 1492, ang Katolisismo ay naging relihiyon sa buong Espanya. Waring panahon na upang ipagsapalaran ang ilang salapi sa isang pakikipagsapalaran na maaaring magdala ng malalaking gantimpala, kapuwa sa relihiyon at ekonomiya. Nakamit ni Columbus ang pagsang-ayon ng hari’t reyna at ang salaping kailangan niya.
Ang Paglalayag Tungo sa Di-kilalang Daigdig
Isang maliit na plota ng tatlong barko ang agad na sinangkapan, at kasama ng 90 lalaking mga tauhan, si Columbus ay umalis ng Espanya noong Agosto 3, 1492. b Pagkatapos na muling magtustos sa Canary Islands, noong Setyembre 6 ang mga barko ay pumakanluran patungo sa “India.”
Ang paglalayag ay napakahirap para kay Columbus. Ang pag-asa ay itinataas at saka ibinababa ng paborable at nakasasagabal sa paglalayag na hangin. Sa kabila ng pagkakita sa mga ibong-dagat, ang abot-tanaw sa kanluran ay nanatiling hungkag. Kailangang patuloy na palakasin ni Columbus ang pasiya ng kaniyang mga marino sa pamamagitan ng mga pangakong lupa at kayamanan. Ayon sa “personal na kalkulasyon” ni Columbus, nang sila ay mga 3,200 kilometro sa laot ng Atlantiko, ibinigay niya sa nabigador ang bilang na 2,819 kilometro. Pagkatapos ay isinulat niya sa talaan ng barko: “Hindi ko isiniwalat ang bilang na ito [3,413 kilometro] sa mga lalaki sapagkat maaari silang matakot, na masumpungan ang kanilang mga sarili na napakalayo sa sariling bayan.” (The Log of Christopher Columbus, isinalin ni Robert H. Fuson) Maraming beses na tanging ang matatag na determinasyon ni Columbus ang nagpanatili sa mga barko na bumalik.
Habang marahang lumilipas ang mga araw, ang mga marino ay higit at higit na naging alumpihit. “Ang pasiya ko ay hindi nakalugod sa mga tao, sapagkat sila’y patuloy na nagbubulung-bulungan at nagrereklamo,” sulat ni Columbus. “Sa kabila ng kanilang pagbubulung-bulungan ako’y nanindigan sa ruta na pakanluran.” Noong Oktubre 10, pagkalipas ng mahigit na isang buwan sa dagat, sumisidhi ang mga reklamo sa lahat ng tatlong barko. Ang mga marino ay napayapa lamang ng pangako ni Columbus na sila’y babalik kung wala silang makikitang lupa sa loob ng tatlong araw. Gayunman, kinabukasan, nang kanilang mahatak sa barko ang isang berdeng sanga na may mga bulaklak pa, nagbalik ang pananalig nila sa kanilang almirante. At nang magbukang-liwayway kinabukasan (Oktubre 12), ang pagod-sa-dagat na mga marino ay tuwang-tuwang makita ang isang mayabong na tropikal na isla. Narating ng kanilang mahalagang paglalayag ang tunguhin nito!
Pagkatuklas at Kabiguan
Ang Bahamas ay maganda. Ang hubad na mga katutubo, sulat ni Columbus, ay “mga taong matitipuno ang katawan, makikisig ang pangangatawan at magaganda ang mukha.” Subalit pagkaraan ng dalawang linggong pagtatamasa ng kasiyahan sa tropikal na mga prutas at pagpapalitan ng mga kalakal sa palakaibigang mga maninirahan, si Columbus ay nagpatuloy sa paglalayag.
Hinahanap niya ang ginto, ang lupain ng Asia, mga kumberte, at mga pampalasa.Pagkaraan ng ilang araw, narating ni Columbus ang Cuba. “Kailanma’y wala pa akong nakitang anumang bagay na napakaganda,” sabi niya nang siya ay lumunsad sa isla. Maaga rito ay isinulat niya sa kaniyang talaan: “Natitiyak ko ngayon na ang Cuba ay pangalang Indian para sa Cipango [Hapón].” Kaya, nagsugo siya ng dalawang kinatawan upang makipagkita sa khan (ang pinuno). Walang nasumpungang ginto o mga Hapones ang dalawang Kastila, bagaman nag-ulat sila tungkol sa isang kakatwang ugali sa gitna ng mga katutubo, yaong paghitit ng tabako. Si Columbus ay determinado. “Walang alinlangan na maraming ginto sa bansang ito,” tiniyak niyang muli sa kaniyang sarili.
Ang paglalayag ay nagpatuloy, sa pagkakataong ito ay pasilangan. Natuklasan niya ang malaki’t bulubunduking isla malapit sa Cuba na pinanganlan niyang La Isla Española (Hispaniola). Sa wakas ang mga Kastila ay nakasumpong ng maraming ginto. Subalit pagkalipas ng ilang araw, dumating ang malaking kapahamakan. Ang barkong kaniyang sinasakyan na Santa María ay sumadsad sa isang buhanginan at hindi na muling mapalutang. Kusang tinulungan ng mga katutubo ang tripulante na iligtas ang lahat ng maaaring iligtas. “Mahal nila ang kanilang kapuwa na gaya ng kanilang sarili, at sila ang may pinakamahina at pinakamagiliw na tinig sa daigdig at sila’y laging nakangiti,” sabi ni Columbus.
Ipinasiya ni Columbus na magtatag ng isang maliit na pamayanan sa Hispaniola. Maaga rito, may masamang balak na naisulat niya sa kaniyang talaan: “Ang mga taong ito ay lubhang walang kasanayan sa armas. . . . May 50 tao ka lamang ay masasakop mo ang lahat at mapagagawa mo sa kanila ang anumang naisin mo.” Nakini-kinita rin niya ang isang relihiyosong pananakop: “Malaki ang tiwala ko sa Ating Panginoon na kukumbertihin ng Inyong Kamahalan silang lahat tungo sa Kristiyanismo at na silang lahat ay magiging iyo.” Nang maayos na ang pamayanan sa isang dako na tinawag niyang La Villa de la Navidad (Ang Bayan ng Kapanganakan), ipinasiya ni Columbus na siya at ang natitira pa sa kaniyang mga tauhan ay agad na bumalik sa Espanya taglay ang balita ng kanilang dakilang tuklas.
Nawalang Paraiso
Ang korte Espanyol ay tuwang-tuwa nang sa wakas ang balita tungkol sa tuklas ni Columbus ay makarating sa kanila. Siya ay pinaulanan ng parangal at hinimok na hangga’t maaari’y magsaayos agad ng ikalawang ekspedisyon. Samantala, mabilis na kumilos ang mga diplomatikong Kastila upang kunin sa papang Kastila, si Alejandro VI, ang karapatang gawing kolonya ang lahat ng lupaing natuklasan ni Columbus.
Ang ikalawang ekspedisyon, noong 1493, ay isang ambisyosong ekspedisyon. Isang armada ng 17 barko ang nagdala ng mahigit na 1,200 mananakop, kasama na ang mga pari, magsasaka, at mga sundalo—subalit walang mga babae. Ang layon ay upang sakupin ang bagong mga lupain, kumbertihin ang mga katutubo sa Katolisismo, at, mangyari pa, ang anumang ginto o pampalasa na maaaring matuklasan ay malugod na tatanggapin. Nilayon din ni Columbus na ipagpatuloy ang paghahanap niya ng daanan sa dagat patungo sa India.
Bagaman higit pang mga isla ang natuklasan, kasali ang Puerto Rico at Jamaica, tumitindi ang kabiguan. Ang populasyon sa La Navidad, ang orihinal na kolonya sa Hispaniola, ay lubhang nabawasan dahil sa mainit na labanan sa gitna ng
mga Kastila mismo, at pagkatapos ito ay halos palisin ng mga naninirahan sa isla, dahil sa matinding galit sa kasakiman at imoralidad ng mga mananakop. Si Columbus ay pumili ng mas magandang dako para sa isang malaki, bagong kolonya at pagkatapos ay ipinagpatuloy ang paghahanap niya ng ruta patungo sa India.Nang hindi niya malibot ang Cuba, ipinasiya niya na malamang na ito na nga ang mainland ng Asia—marahil ang Malaya. Gaya ng binabanggit sa The Conquest of Paradise, si Columbus ay “nagpasiya na dapat ipahayag ng lahat ng tripulante sa ilalim ng panunumpa na ang baybaying kanilang nilalayag . . . ay hindi yaong sa isang isla kundi sa katunayan ay ‘ang mainland na pasimula ng Indies.’” Pagbalik niya sa Hispaniola, nasumpungan ni Columbus na ang bagong mga mananakop ay walang pinag-iba sa dating mga mananakop, kanilang hinalay ang mga babae at inalipin ang mga batang lalaki. Pinasidhi pa ni Columbus ang poot ng mga katutubo sa pagtitipon ng 1,500 sa kanila, kung saan ang 500 ay inilulan niya sa barko patungo sa Espanya bilang mga alipin; ang lahat ay namatay pagkalipas ng ilang taon.
Ang dalawa pang paglalayag sa West Indies ay walang gaanong nagawa upang dagdagan ang tagumpay ni Columbus. Ang ginto, mga pampalasa, at ang daan patungo sa India ay pawang umiiwas sa kaniya. Gayunman, ang Iglesya Katolika ay nagkaroon ng mga kumberte, sa paano man. Ang kakayahan ni Columbus na mamahala ay hindi kasinghusay ng kaniyang kakayahan bilang isang nabigador, at dahil sa humihinang kalusugan siya ay naging awtokratiko at malupit pa nga sa mga hindi nakalulugod sa kaniya. Ang mga soberanong Kastila ay napilitang palitan siya ng isang may higit na kakayahang gobernador. Matagumpay siya sa karagatan subalit hindi siya matagumpay pagdating sa pampang.
Pagkatapos na pagkatapos niyang makompleto ang kaniyang ikaapat na paglalayag, siya ay namatay sa gulang na 54, isang taong mayaman subalit magagalitin, iginigiit pa rin na natuklasan niya ang ruta sa dagat patungong Asia. Ipaubaya na lamang natin sa susunod na salinlahi na ipagkaloob sa kaniya ang nagtatagal na kaluwalhatiang pinakaaasam-asam niya sa buong buhay niya.
Subalit ang mga ruta na kaniyang nilakbay ay nagbukas ng daan para sa pagkatuklas at pananakop sa buong kontinente ng Hilagang Amerika. Ang daigdig ay lubhang nagbago. Ito kaya’y para sa ikabubuti?
[Mga talababa]
a Ang pagkakamaling ito ay bunga ng dalawang malubhang maling kalkulasyon. Naniniwala siya na ang lupain ng Asia ay mas malawak sa gawing silangan kaysa inaakala. At hindi sinasadyang binawasan rin niya ng 25 porsiyento ang kabilugan ng lupa.
b Tinatantiya na ang Santa María ay may 40 tripulante, ang Pinta ay may 26, at ang Niña ay may 24.
[Mapa/Larawan sa pahina 6]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
PAGLALAYAG NG PAGTUKLAS NI COLUMBUS
ESPANYA
APRIKA
Karagatang Atlantiko
ESTADOS UNIDOS
Bahamas
Cuba
Hispaniola