Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inilalantad ng Paghingi ng Tawad ng Simbahan ang Malubhang Pagkakabahagi

Inilalantad ng Paghingi ng Tawad ng Simbahan ang Malubhang Pagkakabahagi

Inilalantad ng Paghingi ng Tawad ng Simbahan ang Malubhang Pagkakabahagi

“INAAMIN ko sa harap ninyo at sa harap ng Panginoon hindi lamang ang aking sariling kasalanan at pagkadama ng kasalanan . . . kundi​—alang-alang din sa iba—​pinangangahasan ko ring gawin ito alang-alang sa Dutch Reformed Church.” Binigkas ni Propesor Willie Jonker, isang kilalang ministro ng Dutch Reformed, ang nakagugulat na paghingi na ito ng tawad sa publiko sa harap ng pambansang komperensiya ng simbahan noong Nobyembre 6, 1990, sa Rustenburg, Timog Aprika. At anong mga kasalanan ang tinutukoy ni Jonker? Ang tungkol sa “mga kawalang-katarungang ginawa sa pulitika, lipunan, ekonomiya, at organisasyon” dahil sa patakarang apartheid sa Timog Aprika.

“Inaakala kong malaya kong magagawa ito,” patuloy ng propesor, “sapagkat ipinahayag ng Dutch Reformed Church sa konseho nito kamakailan na ang apartheid ay isang kasalanan, at ipinagtapat nito ang pagkakasala nito mismo.” Gayunman, ang malaganap na reaksiyon sa paghingi ng tawad ni Jonker ay nagpapahiwatig na maraming tagasunod ng simbahan ang lubusang salungat sa pahayag ng kanilang simbahan tungkol sa apartheid.

Ang dahilan ng pagtatalo ay na ang Dutch Reformed Church ng Timog Aprika, na ang karamihan ng mga miyembro ay mga puting taga-Timog Aprika na mula sa Europa, ay malaon nang iniuugnay sa apartheid.

Gayunman, noong Oktubre 1986 ang konseho ng simbahan ay gumawa ng madulang pagbabago ng patakaran sa pagpapahayag na ang pagiging miyembro ng simbahan ay bukás sa lahat ng lahi at na ang simbahan ay mali sa pagsisikap nitong gamitin ang Bibliya upang bigyan-matuwid ang patakaran ng apartheid. Isa pa, noong 1990 ipinahayag ng konseho na ang simbahan ay “dapat sanang maliwanag na lumayo sa pangmalas na ito na mas maaga” at na “kinikilala at inaamin nito ang hindi nito paggawa ng gayon.”

Ang paghingi ng tawad ni Jonker ay pinagmulan ng pagtatalo, inilalantad ang matinding pagkakabahagi ng opinyon ng simbahan tungkol sa apartheid. Oo, ang pagkakabahagi ay wari ngang umaabot sa lahat ng antas ng simbahan, mula sa karaniwang tao hanggang sa dating tagapangulo ng panlahat na konseho. Bilang tugon sa paghingi ng tawad ni Jonker, inaakala ni Willie Potgieter, ministro ng Dutch Reformed, na “kawalan ng taktika na gawin ang bagay na iyon karaka-raka.” Sinasabi niyang itinuturing pa rin ng halos kalahati ng kaniyang kongregasyon ang apartheid bilang isang huwarang Kristiyano na maaaring magkabisa.

Mauunawaan naman, maraming miyembro ng Dutch Reformed Church ay naliligalig sa kawalan ng pagkakaisang ito. Sa mga salita ng isang hindi nasisiyahang miyembro na sumulat sa isang pahayagan sa Johannesburg, ang Beeld: “Panahon na upang tayo . . . ay manikluhod at humingi ng tawad sa ating makasalanang pagkakabahagi at sa lahat ng katakut-takot na mga bagay na pinagsasabi natin sa isa’t isa.”

Gayunman, ang gayong pagkakasundo ay malamang na hindi mangyari; ni ang Dutch Reformed Church man ang tanging relihiyon sa Timog Aprika na sinasalot ng gayong pagkakabahagi. Ang pagtatalong ito ng tinatawag na mga Kristiyano ay malayung-malayo sa pag-ibig at pagkakaisa na sinabi ni Jesus ay pagkakakilanlan ng kaniyang tunay na mga tagasunod.​—Juan 17:20, 21, 26; ihambing ang 1 Corinto 1:10.