Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagkidnap Maraming-maraming salamat sa artikulong “Huwag Kang Gagawa ng Anumang Kahangalan, Kung Hindi’y Papatayin Kita.” (Nobyembre 22, 1991) Naantig ang aking damdamin at ako’y napaiyak. Hindi ko pa naranasan ang anuman na gaya ng naranasan ni Lisa Davenport, subalit ako’y nakaranas ng panlulumo noon, kung minsan ay nadarama kong nais ko nang mamatay. Gayunman, pinag-isip ako ng artikulong ito tungkol sa malakas na alalay na ibinibigay ng Diyos na Jehova at kung paano siya laging tumutulong kung kinakailangan.
N. O., Hapón
Mga Pamilya Maging Malapit sa Isa’t Isa Ako’y tuwang-tuwa sa mga serye ng artikulong “Mga Pamilya—Maging Malapit sa Isa’t Isa Bago Maging Huli ang Lahat.” (Setyembre 22, 1991) Ang aking mga mata ay nangingilid sa luha nang makita ko ang magandang pabalat. At, bawat salita at parirala ay napakaingat na pinili at isinulat nang buong pagmamahal! Salamat sa pagpapaalaala sa amin sa kahalagahan ng pagkakaroon ng isang pamilya na malapit sa isa’t isa.
K. E., Estados Unidos
Ang mga artikulo ay kabilang sa pinakanakaaantig ng damdamin na kailanma’y nabasa ko. Marami sa atin ang naniniwala na kung basta pinag-aaralan natin ang Bibliya na kasama ng ating mga anak, dinadala sila sa mga pulong Kristiyano, at nakikibahaging magkasama sa gawaing pangangaral, magtatagumpay tayo bilang mga magulang. Gayunman, nasumpungan ko na ang matagumpay na mga magulang ay mayroon ding malapit na personal na kaugnayan sa kanilang anak—isang buklod na tumitiyak sa bata ng pag-ibig ng mga magulang. Ang puntong ito ay binanggit sa naunang mga artikulo, subalit ang epekto nito sa akin ngayon ay mas malakas higit kailanman.
T. H., Estados Unidos
Bago mag-asawa, ako ay isang bookkeeper. Lubos akong nasisiyahan sa aking trabaho. Nang ako’y magkaanak, nagpasiya akong huminto sa pagtatrabaho at manatili sa bahay na kasama ng mga bata. Gayunman, kung minsan, inaakala ko na ako’y walang silbi at hinahangad ko na muling magtrabaho. Pagkatapos mabasa ang inyong artikulo, nakadama ako ng panibagong diwa ng pananagutan sa aking mga anak.
S. M., Estados Unidos
Pagsusugal Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Talaga bang Napakasama ng Pagsusugal?” (Nobyembre 8, 1991) Sa aming paaralan, ang pagsusugal ay napakapopular. Isang laro sa pagsusugal ay nagbabayad ng 20 yen sa nanalo; ang ilang kaklase ay nag-uuwi ng 2,000 yen sa paaralan! Minsan ako’y naanyayahang sumali. Nag-isip ako kung ang pagsusugal nga ba ay napakasama, at ako’y natuksong subukan ito ng minsan lamang. Subalit pagkatapos basahin ang artikulo, alam ko na ngayon na ang pagsusugal ay hindi mabuti at na kung susubok kang minsan, baka gusto mong ulit-ulitin ito.
N. N., Hapón
Katapatan Ako’y sumusulat may kaugnayan sa artikulong “Kapaki-pakinabang ba ang Maging Tapat?” (Oktubre 22, 1991) Yamang hindi hinihimok ng mga Saksi ni Jehova ang mga gawain sa isports pagkatapos ng klase, inaakala kong ang artikulong ito ay naghahatid ng isang nakalilitong mensahe.
C. P., Estados Unidos
Isinaysay ng artikulo kung paanong ang isang batang lalaking naglalaro ng baseball ay ginantimpalaan dahil sa pagiging tapat. Gayunman, ang karanasan ay hinango sa magasing “Sports Illustrated.” Ang kabataang nasasangkot samakatuwid ay hindi isang Saksi ni Jehova. Sa paano man, ang artikulo ay inilathala, hindi upang itaguyod ang pagsali sa isports, kundi upang ilarawan ang halaga ng katapatan.—ED.
Mula sa Aming mga Mambabasa Lagi kong inaasam-asam na basahin ang bahaging “Mula sa Aming mga Mambabasa.” Humahanga ako sa inyong pagiging mataktika sa inyong mga sagot. Kung may nailimbag na mali o pagkakamali, mapakumbabang inaamin ninyo ito. Gayunman, gaano man kaligalig ang isang mambabasa, kailanman ay hindi kayo umiiwas sa pagsasabi ng katotohanan ng Salita ng Diyos. At mayroon pa nga kayong ugaling mapagpatawa! Natawa nga ako sa inyong tugon sa ilalim ng pamagat na “Maling Pagkakatulad” sa labas ng Pebrero 22, 1991.
C. W., Estados Unidos