Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Teleskopyo ni Galileo—Pasimula Lamang!

Ang Teleskopyo ni Galileo—Pasimula Lamang!

Ang Teleskopyo ni Galileo​—Pasimula Lamang!

NANG ituon ni Galileo ang kaniyang bagong imbentong teleskopyo sa langit, nakita niya ang mga bagay na hindi niya nakita kailanman. Sampung ulit na dami ng mga bituin ang nakikita niya na hindi kailanman nakita ng sinumang tao. Ang Milky Way ngayon ay tumambad sa paningin, hindi bilang isang malabong kimpal, kundi bilang isang magandang tanawin ng di-mabilang na mga bituin, malalaki at maliliit. Nakita niya sa pamamagitan ng teleskopyo na ang buwan ay hindi isang patag na piraso ng porselana kundi ito ay may mga bundok, mga hukay, at mga karagatang walang tubig.

Pagkalipas ng ilang buwan, namataan niya ang apat na mga buwan ng Jupiter. Pagkatapos ay nakita niya ang magagandang anilyo ng Saturn. Itinututok ang kaniyang teleskopyo sa Venus, napansin niya ang ilang anyo ng planeta, mahiwagang pagbabago ng liwanag at hugis. Ang mga anyong ito ay maipaliliwanag lamang kung ang planeta ay umiikot sa palibot ng araw. Subalit kung ang isang planeta ay umiikot sa palibot ng araw, ang iba​—kasali na ang lupa—​ay dapat na umiikot din, hinuha niya. Tama siya. Kaya, noong taóng 1609, ang lupa ay naalis sa matayog na puwesto nito bilang ang sinasabing sentro ng sansinukob.

Subalit ang pinagpipitaganang mga paniwala ay hindi madaling talikdan. Naipasiya ng Iglesya Katolika na “ang palagay na ang lupa ay hindi ang sentro ng sansinukob at umiinog pa nga araw-araw ay . . . sa paano man isang maling paniwala.” Si Galileo ay iniharap sa Inkisisyon at ginugol niya ang huling mga taon ng kaniyang buhay na nakakulong sa bahay na may tanod. Gayunman, hindi mahadlangan ng relihiyosong dogmatismo ang pagkausyoso na pinukaw ng imbensiyon ng teleskopyo. Ang hamon na tuklasin ang mga lihim ng sansinukob ay nakaakit sa maraming siyentipiko.

Ngayon, pagkaraan ng halos apat na raang taon ng masusing pagsusuri, ang ating kaalaman tungkol sa sansinukob ay dumami na lubha. Iba’t ibang uri ng bituin, gaya ng red giants, white dwarfs, at mga pulsar, ay nakilala. Kamakailan, ang mga quasar​—misteryosong mga bagay na naglalabas ng napakaraming enerhiya—​ay napansin sa malayong kalawakan. At ang misteryosong mga black hole​—parang di-maisip na malakas na kosmikong alimpuyo—​ay pinaniniwalaan ngayon na di-nakikitang nagkukubli sa maraming galaksi.

Pinapangyari ng malalakas na optikal na mga teleskopyo ang mga astronomo na sumilip sa kalawakan at sa katunayan ay maglakbay nang bilyun-bilyong taon pabalik sa panahon, sa pinakadulo mismo ng nakikitang sansinukob. Napakaraming bituin at mga galaksi ang natuklasan, ang ilan ay napakalayo anupa’t ang kanilang liwanag ay tinatantiyang kumuha ng mahigit na 15 bilyong taon upang makarating sa atin. a

Bagaman ang mga bituin sa pangkalahatan ay mahihinang pinagmumulan ng radyo, ang ibang mga bagay sa langit, gaya ng mga pulsar at mga quasar, ay natuklasan dahil sa mga radyo teleskopyo. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, napapansin ng mga teleskopyong ito ang mga radio wavelength sa halip na ang mga optical wavelength. Sapol noong 1961, daan-daang quasar ang napansin, marami rito sa malayong kalawakan ng kilalang sansinukob.

Ang atas na paggawa ng mapa ng sansinukob ay mas malaki kaysa maaaring naisip ni Galileo. Sa siglong ito lamang naunawaan ng tao ang katakut-takot na laki ng sansinukob, ang bilyun-bilyong galaksi na bumubuo nito, at ang pagkalayu-layong mga distansiyang naghihiwalay sa kanila.

Upang tulungan tayong maguniguni ang distansiya ng sansinukob, iminungkahi ng espesyalista sa pisiks na si Robert Jastrow ang sumusunod na analohiya. Isip-isipin na ang araw ay paliliitin sa laki ng isang kahel. Kung gayon ang lupa ay magiging mistulang isang butil ng buhangin na umiikot sa orbita sa palibot ng araw sa layong 9 na metro. Ang Jupiter ay magiging gaya ng isang buto ng cherry na umiikot sa palibot ng kahel sa layo ng isang bloke ng lungsod, at ang Pluto ay magiging isa pang butil ng buhangin sa layo na sampung bloke ng lungsod mula sa ating guniguning kahel, ang araw. Sa sukat ding iyan, ang pinakamalapit na kapitbahay ng araw, ang bituing Alpha Centauri, ay magiging 2,100 kilometro ang layo, at ang buong Milky Way ay isang kumpol ng mga kahel na hiwa-hiwalay sa isa’t isa ng halos 3,200 kilometro, na may kabuuang diyametro na 30 milyong kilometro. Kahit na kung paliliitin pa ang sukat, ang mga distansiya ay napakalayo anupa’t mahirap maunawaan.

Hindi lamang ang distansiya ang lubhang kagila-gilalas. Habang tinutuklas ng mga siyentipiko ang mga lihim ng sansinukob, naging maliwanag ang kakatuwang palatandaan. May mga bituing neutron na binubuo ng mga bagay na napakasinsin anupa’t ang isang kutsarita ay tumitimbang ng 200 milyong elepante. May maliliit na bituin na tinatawag na mga pulsar, ang isa rito ay kumukuti-kutitap ng 600 beses sa isang segundo. At, mangyari pa, may mga kaakit-akit na mga black hole na pinag-iisipan ng mga siyentipiko. Ang mga black hole na ito mismo ay hindi makikita, subalit ang kanilang hindi maaampat na gana sa liwanag at bagay ay maaaring magpatunay sa kanilang pag-iral.

Mangyari pa, marami ang nananatili pang hiwaga, nalalambungan ng pagkalayu-layong distansiya at angaw-angaw na taon. Subalit ano na ba ang natuklasan ng mga siyentipiko tungkol sa sansinukob? Isinisiwalat ba ng kanilang nalalaman kung paano at bakit umiiral ang sansinukob?

[Talababa]

a Upang masukat ang pagkalayu-layong mga distansiyang ito, bagong mga yunit ng distansiya, gaya ng light-year, ay kailangang gawin. Ang isang light-year ay ang distansiya na nilalakbay ng liwanag sa isang taon, mga anim na trilyong milya. Ang isang kotseng tumatakbo sa tulin na 100 kilometro isang oras ay kukuha ng halos 11 milyong taon upang masaklaw ang distansiyang iyon!

[Larawan sa pahina 4]

Ang radyo teleskopyo ng Jodrell Bank, itinayo noong 1957 sa Inglatera, ang kauna-unang nauugitang yunit

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng Jodrell Bank Radio Telescope