Ano ba Itong Tinatawag na Intuwisyon?
Ano ba Itong Tinatawag na Intuwisyon?
ISANG gabi noong 1893, isang kawani sa isang kompaniya ng karbón sa Detroit, Michigan, E.U.A., ang nakakita ng isang kakatwang aparato na yari sa mga spare part at mga gulong ng bisikleta na maingay na kumakalansing sa lansangan. Walang anu-ano, kinutuban siya—isang silakbo ng intuwisyon. Sa paano ma’y nalalaman niya na narito ang isang imbensiyon na may kinabukasan. Agad niyang inilabas ang kaniyang ipon sa bangko na isang libong dolyar at ipinuhunan ito sa kompaniya ng imbentor, hindi pinapansin ang pagtuya ng mga dalubhasa na nagsasabing ito ay isang kakatwang aparato na hindi kailanman magiging totoong popular. Pagkalipas ng mga 30 taon, ipinagbili niya ang kaniyang sapì (shares) sa kompaniya ng kotse ni Henry Ford sa halagang $35 milyon. Sabihin pa, ang kaniyang intuwisyon ay kumita!
Ang kilalang siyentipikong si Albert Einstein ay isa pa na kumilos sa silakbo ng intuwisyon. Nagkaroon siya ng paniwala—isa na tinawag niyang ang pinakamaligayang kaisipan ng kaniyang buhay—na humantong sa pasimula ng bantog na teoriya ng general relativity. Si Einstein ay naghinuha na ang intuwisyon ay mahalaga sa pagkatuklas ng natural na mga batas. Gayunman, hindi lahat ng mga kutob ni Einstein ay naging matagumpay. Ipinagtapat niya na minsan ay nawalan siya ng katumbas na dalawang taon ng pagpapagal sa pamamagitan ng pagtaguyod sa isang nakalilinlang na intuwisyon na hindi kailanman nagkaroon ng mabuting resulta.
Mangyari pa, ang intuwisyon ay hindi laging humahantong sa katanyagan o kayamanan, ni ito man ay natatangi sa mga henyo at mga multimilyonaryo. Para sa karamihan sa atin, ang intuwisyon ay isang karaniwang bahagi ng pang-araw-araw na buhay. Maaaring gumanap ito ng ilang bahagi sa maraming pasiyang ating ginagawa: ang pasiyang huwag magtiwala sa isang estranghero, ang pasiyang pumasok sa isang pakikipagnegosyo, ang sapantaha na may diperensiya sa isang kaibigan na ang boses ay hindi tama ang dating sa telepono.
Gayunman, marami ang umaasa sa intuwisyon sa paggawa ng mas mahalagang mga pasiya: kung anong karera ang kukunin, kung saan titira, sino ang mapapangasawa, pati na nga ang relihiyon na susundin. Kapag hindi nagkaroon ng mabuting resulta ang intuwisyon sa mga bagay na ito, ang halaga ay maaaring mas mataas kaysa pagkawala ng dalawang taon ng trabaho, gaya ni Einstein. Ano, kung gayon, ang “intuwisyon”? Paano ito kumikilos? Gaano ito maaasahan?
Sinagot ng isang babaing tin-edyer, na sinipi sa The Intuitive Edge, ni Philip Goldberg, ang tanong na iyan sa pagsasabing: “Ang intuwisyon ay katulad halimbawa na may nalalaman kang isang bagay, subalit, hindi mo alam kung saan ito nanggaling?” Ang intuwisyon ay mas pormal na binibigyan-kahulugan bilang “kaalaman na napupunta sa isang tao nang walang anumang may malay na alaala o pangangatuwiran.” Wari bang, ang intuwisyon ay nagsasangkot ng isang uri ng paglukso—mula sa pagkaunawa sa isang problema tungo sa pagkaalam sa lunas nito. Walang anu-ano, basta nalalaman natin ang sagot o nauunawaan natin ang kalagayan. Gayunman, hindi iyan nangangahulugan na ito ay katulad ng isang silakbo ng damdamin o isang pagnanasa.
Halimbawa, “nang makita ko ito, nalalaman ko na kailangang makuha ko ito,” ay hindi nagpapahayag ng intuwisyon kundi pagnanasa. Ang intuwisyon ay maaaring magtinging kahawig ng pagnanasa sa bagay na ito ay waring dumarating sa atin nang walang pamamaraan, hakbang-hakbang na pangangatuwiran. Subalit ang mga pinagmulan nito ay talagang hindi emosyonal at mahiwaga kaysa mga pagnanasa na nagmumula sa ating kadalasa’y “mapandayang” puso.—Jeremias 17:9.
Maliwanag na ang intuwisyon ay hindi rin isang
mahiwagang ikaanim na pandamdam (sixth sense). Gaya ng sinasabi ng The World Book Encyclopedia: “May kamaliang tinatawag ng ibang tao ang intuwisyon na ‘ang ikaanim na pandamdam.’ Subalit karaniwang ipinakikita ng imbestigasyon na ang mga intuwisyon ay nasasalig sa karanasan, lalo na sa karanasan ng mga indibiduwal na may masidhing pakiramdam.” Ang indibiduwal ay nag-iipon ng “isang kamalig ng mga alaala at mga impresyon,” sabi ng Encyclopedia, kung saan maaaring hanguin ng isip ang isang “biglang impresyon na tinatawag na intuwisyon, o ‘kutob.’”Kaya sa halip na isang misteryoso o makamahikong katangian, lumilitaw na ang intuwisyon ay likas na bunga kapag ang isang tao ay nagtatanong sa isang dalubhasa. Gaya ng sinasabi ng magasing Psychology Today kamakailan: “Nasumpungan ng mga mananaliksik na ang mga taong may intuwisyon ay may iisang mahalagang katangian: Sila ay mga dalubhasa sa partikular . . . na larangan ng kaalaman. At madali nilang nagagamit ang kanilang kaalaman upang lutasin ang mga problema sa kanilang pantanging mga larangan. Sa katunayan, ang mga tao ay lumilitaw na may intuwisyon dahilan—at sa lawak—ng kadalubhasaang taglay nila.” Subalit ang kadalubhasaan ba ang pagmumulan ng intuwisyon?
Ganito ang teoriya ni Michael Prietula, isang kasamang propesor ng industrial administration, na habang sila’y nagtatamo ng higit na kaalaman tungkol sa isang paksa, “may unti-unting pagbabago sa kung paano nag-iisip at nangangatuwiran ang tao.” Inaayos ng isip ang impormasyon tungo sa mga bloke, o mga tipak. Ang malawak na huwarang ito ng impormasyon ay nagpapangyari kung minsan na iwasan ng isip ang mas mabagal, painut-inot, na mapanuring mga hakbang at tuwirang lumulukso sa mga konklusyon ng intuwisyon, o mga kutob. Sang-ayon kay Prietula, ang mga kutob ay bumubuti habang iniuugnay ng utak ang higit pa sa malawak na mga huwarang ito.
Isaalang-alang ang isang pang-araw-araw na halimbawa mula sa aklat na Brain Function: “Masdan mo ang isang panday-susi na nagtatrabaho habang ipinapapasok niya ang isang simpleng baluktot na alambre sa isang masalimuot na kandado at binubuksan ito, na para bang inuugitan ng mahiwagang intuwisyon.” Ang intuwisyon ng panday-susi ay maaaring magtinging mahiwaga sa isang nagmamasid; sa katunayan, ito’y nagmumula sa mga taon ng karanasan. Ginagamit nating lahat ang ganitong uri ng intuwisyon. Kapag ikaw ay sumakay sa isang bisikleta, halimbawa, hindi mo sinasabi sa iyong sarili ang mga bagay na gaya ng, ‘Sa palagay ko makabubuting ipihit ko nang bahagya pakanan ang gulong sa unahan, kung hindi’y mawawalan ako ng panimbang.’ Hindi, ginagawa ng utak ang gayong mga pasiya nang di mo namamalayan, salig sa kaalaman na natamo mo mula sa mahabang karanasan.
Sa gayunding paraan, ang intuwisyon ni Einstein sa pisiks ay hindi nagmula sa kung saan. Mayroon siyang malaking imbakan ng kadalubhasaan na mapagkukunan nito. Gayunman, ang kadalubhasaan sa isang larangan ay maaaring hindi humantong sa intuwisyon sa iba. Ang intuwisyon ni Einstein ay hindi tutulong sa kaniya na ayusin ang problema sa instalasyon ng mga tubo.
Sa isipan ng marami, ang mga salitang “mga babae” at “intuwisyon” ay magkaugnay. Talaga bang mas malakas ang intuwisyon ng mga babae kaysa mga lalaki? At kung gayon nga, paano maipaliliwanag ng pagkakaroon ng kadalubhasaan ang palatandaang ito?
Isaalang-alang ang isang karaniwang halimbawa. Ang sanggol ay umiiyak. Ang may karanasang ina, na abala sa isang silid, ay inaabot ang mga lampin sa halip na ihanda ang pagkain ng bata. Bakit? Kilala na niya ang mga iyak ng kaniyang anak. Alam niya kung anong iyak ang nagpapahiwatig ng aling pangangailangan at kung alin dito ang nangyayari sa isang tiyak na oras. Sa isang saglit, at walang anumang may malay na pangangatuwiran, nalalaman niya ang pangangailangan ng bata at kumikilos nang naaayon. Ilang makahimalang ikaanim na pandamdam na kumikilos? Hindi, ang kaniyang intuwisyon ay salig sa kaniyang kadalubhasaan bilang isang ina, isang pakinabang dala ng
karanasan. Ang isang bagong ina o isang yaya ay maaaring malito sa simula sa katulad na situwasyon.Gayunman, ang paniwala ng intuwisyon ng mga babae ay hindi limitado sa pagiging ina. Napapansin ng marami na ang mga babae ay kadalasang nakagagawa ng opinyon tungkol sa mga katusuhan ng mga kalagayan na kinasasangkutan ng mga tao at mga personalidad na mas mabilis at mas malakas ang intuwisyon kaysa mga lalaki. Ang mga siyentipiko ay hindi nakatitiyak kung bakit ang mga sekso ay waring nagkakaiba sa bagay na ito.
Salig sa kaniyang pag-aaral sa paksang ito, ang sikologong si Weston Agor ng University of Texas, El Paso, ay naghinuha na bagaman ang mga babae ay, sa kainaman, mas malakas ang intuwisyon kaysa mga lalaki, ang kaibhang ito ay higit na nasasalig sa kultura kaysa pisyolohiya. Ang ibang mga eksperto ay naghinuha rin na ang tradisyunal na mga bahagi ng mga babae ay nagsasanay sa kanila na maging mabuting mga hukom ng pagkatao. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang antropologong si Margaret Mead: “Dahil sa kanilang matagal na pagsasanay sa mga kaugnayan sa tao—sapagkat iyan ang ibig ngang sabihin ng intuwisyon ng babae—ang mga babae ay may pantanging tulong na magagawa sa anumang grupo ng organisasyon.”
Bagaman ang intuwisyon ng mga babae ay sinasabing baka-sakaling paksa, may dumaraming kuru-kuro ang karamihan sa gitna ng mga dalubhasa na ang intuwisyon ay isang lubhang kapaki-pakinabang na kagamitan kapuwa sa lalaki at babae. Sa kaniyang aklat na The Process of Education, ang sikologong si Jerome Bruner ay nagsasabi: “Ang labis-labis na papuri na ibinibigay ng mga siyentipiko sa kanilang mga kasamahan na kilala sa pagiging ‘malakas ang intuwisyon’ ay pangunahing katibayan na ang intuwisyon ay mahalagang bagay sa siyensiya at isa na dapat nating paunlarin sa ating mga estudyante.”
Gayunman, hindi lamang ang estudyante ng siyensiya ang nagpapahalaga sa pakultad ng intuwisyon at nagnanais na linangin ito. Ang tanong ay, Magagawa ba ito? Ipagpalagay na, ang ilang tao ay mas malakas ang intuwisyon kaysa iba. Subalit yamang ang intuwisyon ay waring lubhang nauugnay sa pagtatamo ng kadalubhasaan, inaakala ng ilang dalubhasa na maaari nating mapabuti ang likas na kakayahan sa pagkakaroon ng intuwisyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng higit na pansin sa paraan na tayo’y natututo.
Halimbawa, kapag nagbabasa, huwag basta ipasok ang maraming bagay. Magbangon ng mga tanong. Liwanagin ang anumang bagay na hindi mo maunawaan. Sikaping buurin ang pangunahing mga punto at alamin antimano ang mga konklusyon. Sa halip na sikaping unawain ang maraming detalye, hanapin ang malawak na mga
kategorya at huwaran, ang pinagbabatayang mga simulain. Gaya ng pagkakaunawa rito ng propesor sa sikolohiya na si Robert Glaser, “ang kakayahang maunawaan ang malalaking makahulugang mga huwaran” ang nasa pinaka-ugat ng intuwisyon.Mangyari pa, hindi lahat ng intuwisyon ay mabisa. Kumusta, halimbawa, kung ang kaalaman na pinagbabatayan ng intuwisyon ay mali sa pasimula? Ang maliwanag na kaisipang iyon ay maaaring magbigay sa atin ng inspirasyon na subuking maingat ang kawastuan ng ating natututuhan. Halos 2,000 taon na ang nakalipas, gayon nga ang sinabi ng Bibliya. Ganito ang pagkakasabi rito ng Filipos 1:10: “Inyong tiyakin ang lalong mahalagang mga bagay.”—Tingnan din ang Gawa 17:11.
Ang isa pang disbentaha ng intuwisyon ay na ito ay maaaring maapektuhan ng ating mga damdamin. Iyan ang dahilan kung bakit ang pag-asa tangi lamang sa intuwisyon kapag gumagawa ng mahahalagang pasiya o kapag tinatasa ang mga tao ay maaaring maging mapanganib. “Kung ang iyong emosyon ay nasasangkot sa isang bagay, ang intuwisyon mo ay maaaring hindi gaanong maaasahan malibang ayusin mo ang iyong mga damdamin,” babala ng sikologong si Evelyn Vaughan. Ang galit, takot, inggit, at poot—ang mga ito ay matitinding damdamin, bagaman hindi ito ang mismong intuwisyon, na maaaring impluwensiyahan at hawaan pa nga ang ating intuwisyon. Kuning halimbawa, ang dalawang tao na malaon nang inis sa isa’t isa. Kapag bumabangon ang isang bagong di-pagkakaunawaan, malakas ang kutob ng bawat isa sa kanila na basta alam niya na ang isa ay may masamang motibo. Gayunman, tayo ay matalinong binabalaan ng Bibliya laban sa ganitong uri ng paghatol ‘ayon sa nakaharap sa iyong mukha.’—2 Corinto 10:7.
Ang isa pang damdamin, ang pagmamataas, ay maaaring umakay sa atin na masyadong pahalagahan ang ating intuwisyon, na para bang ito’y may ilang pantanging halaga kung ihahambing sa paghatol at mga opinyon ng iba. Maaaring gumawa tayo ng mabilis na mga disisyon nang hindi isinasangguni yaong mga apektado. O maaari tayong akayin ng pagmamataas na may katigasang manghawakan sa isang disisyon batay sa intuwisyon dahil sa nasaktang damdamin o isinaalang-alang na mainam na payo ng iba. Minsan pa, ang Bibliya ay may ilang matalinong payo: “Kung ang sinuman ay nag-iisip na siya’y may kabuluhan bagaman siya ay walang kabuluhan, dinadaya niya ang kaniyang sariling isipan.”—Galacia 6:3.
Sa katapusan, ang lubusang pag-asa sa intuwisyon ay maaaring pagmulan ng mental na katamaran. Walang shortcut sa pagtatamo ng kaalaman, unawa, at karunungan; ang organisadong pag-aaral ang tanging paraan. Kaya sa halip na sunggaban ang unang intuwisyon na dumarating, ang isang matalinong tao ay gumagawa ng isang imbakan ng kaalaman, na nagiging isang pinagmumulan ng unawa, matalinong unawa—at kadalasan ng intuwisyon din naman.
Sa paano man, ang intuwisyon ay tunay na mahalaga lamang kapag ito ay kasuwato ng pinakadakilang kaisipan sa sansinukob—ang kaisipan ng Maylikha. Siya ang bukal ng tumpak na kaalaman at tunay na karunungan, at nais niyang kunin natin ang mahalagang kaalamang ito. Sa pamamagitan ng Bibliya, may kabaitang hinahayaan niya tayong makalapit sa kaniyang mga kaisipan, damdamin, at mga kilos. Habang ikinakapit natin ang gayong kaalaman sa ating mga buhay, ang ating “kapangyarihang umunawa,” kasali na ang intuwisyon, ay “nasasanay.”—Hebreo 5:14.
Kaya kumuha ng kadalubhasaan sa larangang ito ng kaalaman tungkol sa Maylikha at sa kaniyang Anak. (Juan 17:3) Kailanman ay hindi ka makasusumpong ng anumang bagay na mas sulit sa iyong pagsisikap. Wala nang mas mabuting pinagmumulan kung saan hahanguin ang intuwisyon.
[Blurb sa pahina 16]
Mas pinahalagahan ni Einstein ang intuwisyon
[Blurb sa pahina 17]
Ang intuwisyon ay hindi ang mahiwagang ikaanim na pandamdam
[Blurb sa pahina 17]
Talaga bang mas malakas ang intuwisyon ng mga babae kaysa mga lalaki?
[Blurb sa pahina 19]
Ang mga intuwisyon ay hindi maaasahan kapag ito’y nasasalig sa maling kaalaman
[Larawan sa pahina 18]
Sa pamamagitan ng intuwisyon nakikilala ng isang ina ang mga pangangailangan ng kaniyang sanggol kapag ito’y umiiyak