Kung Paano Nagtitinggal ng Kanilang Tubig ang Maramot na mga Halaman
Kung Paano Nagtitinggal ng Kanilang Tubig ang Maramot na mga Halaman
HINDI lahat ng halaman sa Saguaro National Monument sa Arizona ay maramot sa kanilang tubig. Sa kagubatan ng mga punong pino sa maringal na Kabundukan ng Rincon, ang maraming tubig ay nagdaraan lamang sa mga halaman, pumapasok sa mga ugat at lumalabas sa mga dahon. Subalit iyan ang liblib na dako ng parke. Ang mainit, tuyong disyerto ng kapatagan ang nakaaakit sa mga dumadalaw. Doon sagana ang mga halamang nagtitinggal ng tubig, kung saan wala pang 30 centimetro ng ulan ang bumabagsak sa isang tipikal na taon.
May mga 50 uri ng cactus sa parke, subalit ang isa na nagtitinggal ng pinakamaraming tubig ay ang kapangalan ng pambansang monumentong ito, ang dambuhalang saguaro, Carnegiea gigantea. Ang saguaro (binibigkas na “sawaro”) ay nagsisimulang maliit subalit nagwawakas na isang dambuhala. Gayunman, nangangailangan ng panahon upang marating iyon. Ang binhi mismo ay hindi na lálakí pa sa tuldok sa dulo ng pangungusap na ito. Sa pagtatapos ng unang taon nito, ang binhi ay maaaring sumukat lamang ng punto seis centimetro. Punto tres metro ang taas pagkaraan ng 15 taon, dalawang metro pagkaraan ng 50 taon, ang unang sanga nito ay lumalabas sa gulang na 75. Sa panahong ito, nagsisimula itong mamulaklak at gumawa ng mga binhi. Kapag gumulang na, ang isang saguaro ay nakagagawa ng sampu-sampung libong mga binhi sa isang taon, mga 40 milyon sa buong buhay nito, na isa lamang ang maaaring mabuhay at tumanda. Maaari itong mabuhay ng hanggang 200 taon, na ang katawan ng punungkahoy ay punto otso metro ang diyametro, maaaring umabot ng 15 metro ang taas, at tumimbang ng sampung tonelada—apat na kalima nito ay tubig. At ito’y masyadong maramot sa tubig nito!
Napakahirap ding kunin ito! Ang mga ugat nito ay nag-aanyo ng isang mababaw na sanga-sanga na kumakalat ng hanggang 30 metro sa bawat direksiyon. Pagkatapos ng pag-ulan, ang mga ugat nito ay
maaaring sumipsip ng hanggang 750 litro ng tubig, sapat upang tumagal ang saguaro sa isang taon. Ang mga silindro na binubuo ng 12 o higit pang makahoy na mga tadyang sa gitna ng katawan ng kahoy at sa mga sanga ay nagbibigay ng lakas. Ang tulad-akordyong mga pleges ay nagpapangyari rito na lumaki o lumiit habang ang tubig ay iniimbak o nauubos. Ang berde, makintab na balat nito ang nagsasagawa ng photosynthesis at pinananatili ang halumigmig. Ang matutulis na tinik nito ay sumisira sa loob ng mga hayop na nakawin ang tubig nito.Subalit ang pinakakahanga-hangang mekanismo ng cactus sa pagtitipid sa tubig ay ang kanilang kakayahan na gumawa ng kanilang pagkain nang hindi nauubusan ng labis na tubig. Ang photosynthesis—ang proseso kung saan ang mga halaman ay gumagawa ng kanilang pagkain—ay nangangailangan ng tubig mula sa mga ugat, carbon dioxide mula sa hangin, at liwanag ng araw. Kung araw, karamihan ng mga halaman ay naglalabas ng tubig sa pores, o stomata, ng kanilang mga dahon ng napakaraming suplay ng kanilang tubig, kasabay nito ay kumukuha ng carbon dioxide at liwanag ng araw na kailangan para sa photosynthesis.
Gayunman, hindi makakaya ng mga cactus na mawalan ng gayong tubig sa araw sa kanilang mainit, tigang na kapaligiran. Kaya, isinasara nila ang stomata ng kanilang mga tangkay upang ihinto ang pagkawala ng tubig sa pamamagitan ng pamamawis. Gayunman, inihihinto nito ang pagpasok ng carbon dioxide na kinakailangan sa photosynthesis, na maaari lamang mangyari kung may liwanag ng araw na nagbibigay ng kinakailangang enerhiya. Paano nalulutas ang problemang ito? Sa pamamagitan ng isang pambihirang biyolohikal na disenyo.
Ang Lunas sa Problema
Ang mga gabi sa disyerto ay presko, malamig pa nga. Binubuksan ng mga cactus ang kanilang stomata sa panahong iyan. Kumukuha sila ng carbon dioxide subalit kaunting-kaunting halumigmig lamang ang lumalabas sa hangin sa gabi. Subalit walang photosynthesis na nagaganap sa panahong ito. Ang carbon dioxide ay iniimbak sa ganap na kakaiba at pinakamahusay na set ng kemikal na reaksiyon, tinatawag na sistema ng PEP (phosphoenolpyruvate). Pagkatapos, ang carbon dioxide ay inilalabas at pinadadala sa lugar kung saan nagaganap ang karaniwang proseso ng photosynthesis sa araw.
Ang photosynthesis mismo ay isang napakasalimuot na proseso na kinasasangkutan ng mga 70 magkakaibang kemikal na mga reaksiyon at sinasabing “tunay na isang makahimalang pangyayari.” Ang pantanging paraan na doon sinisimulan ito ng cactus sa gabi upang ingatan ang tubig ay nakadaragdag lamang sa pagiging makahimala nito. Mangyari pa, sinasabi ng mga ebolusyunista na lahat ng ito ay nagkataon lamang, subalit yamang ginagamit ito ng ilang halamang walang kaugnayan dito, kailangang gawin ng bulag na pagkakataon ang himalang ito hindi lamang minsan kundi nang maraming ulit. Ang katibayan pati na ang sentido kumon ay nagpapahiwatig na nagkaroon ng photosynthesis ayon sa disenyo ng isang matalinong Maylikha.
Isang Lingkod ng Marami
Ang saguaro ay tumutulong sa kapakanan ng pamayanan. Simula sa dakong huli ng Abril at nagpapatuloy hanggang Hunyo, ang malalaking pumpon ng puting mga bulaklak ay nag-aanyong isang takip sa mga dulo ng katawan ng puno at sa mga sanga. Ang bawat isang bulaklak ay bumubukas sa gabi at nalalanta kinabukasan. Inuulit ng bawat saguaro ang panooring ito gabi-gabi sa loob ng apat na linggo, gumagawa ng kasindami ng isang daang mga bulaklak. Ang magandang pagtatanghal
ay umani ng karangalan nito bilang ang pang-estadong bulaklak ng Arizona. Kinakain ng mga ibon, paniki, bubuyog, at mga gamugamo ang nektar at pino-pollinate ang mga bulaklak.Ang bunga ay nahihinog sa Hunyo at Hulyo, kapag ang mga javelina, coyote, sora, ardilya, langgam, at maraming ibon ang nagpapasasa sa mga bunga at binhi. Ang mga flicker at woodpecker ay humuhukay ng higit na mga butas sa katawan at mga sanga ng punungkahoy kaysa kinakailangan nila, subalit pinaghihilom ng halaman ang mga sugat sa pamamagitan ng pananggalang na himaymay upang hadlangan ang pagkawala ng tubig, at ang mga butas na ito ay ginagamit sa dakong huli ng maraming iba pang ibon, pati na ang mga kuwagong elf, screech owls, at maliliit na lawin. Malakas ang kompetisyon.
Noong nakalipas na mga taon, ang tulad-kalabasang mga butas na ito ay ginamit ng mga Indian bilang mga banga ng tubig. Ang makahoy na tadyang na sumusuporta sa mabigat na timbang ng punô-ng-tubig na mga saguaro ay ginamit upang magtayo ng mga tirahan at bakod. Ang mga berdeng dambuhalang ito ay nagbibigay rin ng saganang makatas na tulad-igos na bunga, na hinahampas ng katutubong mga Papago Indian ng mahahabang patpat sa tuktok ng mga katawan at sanga ng puno. Gumagawa sila ng halaya, sirup, at matatapang na inumin mula rito. Ang mga buto ay kinakain ng mga Indian at ng kanilang mga manok. Napakahalaga ng bunga ng saguaro sa Papago anupa’t ang panahon ng pag-aani ay nagtatanda ng bagong taon.
Ang mga halaman sa disyerto ay maraming nalalaman upang malutas ang problema sa tubig. Kinukuha ng halamang mesquite lahat ng tubig na kailangan nito. Nagpapadala ito ng ugat mula 10 hanggang 30 metro sa ilalim upang humanap ng isang bukal ng tubig sa ilalim ng lupa. Subalit paano ba naliligtasan ng munting binhing ito ang mahabang panahon ng tagtuyo hanggang sa ang ugat nito ay nakakita ng tubig? Isa lamang iyan sa di-malutas na mga himala sa disyerto. Ang nagbubulaklak-sa-gabi na cereus ay may ulo na nagsisilbing pribadong imbakan nito ng tubig sa ilalim ng lupa. Ang palumpong creosote ay nagpapadala ng malayo-ang-nararating na mga ugat upang mangolekta ng tubig, na kasabay nito’y naglalabas ng mga lason upang patayin ang anumang binhi ng ibang halaman na nagsisimulang tumubo malapit dito.
Ang magagandang taunang bulaklak na ito na namumulaklak sa tagsibol at nilalatagan ang disyerto ng kanilang makulay na mga pagtatanghal ay wala ng mahusay na mga kagamitang ito para maligtasan ang kakulangan ng tubig. Kaya paano nila nagagawa ito? Lubos na iniiwasan nila ang kakulangan! Ang mga binhi nito ay may kemikal na mga panghadlang na humahadlang sa mga ito na umusbong. Aalisin ng malakas na ulan ang mga panghadlang na ito, at ang mga binhi ay tutubo at lalago, ang mga halaman ay mamumulaklak at gagawa ng mga binhi para sa hinaharap na mga halaman. Nangangailangan ng hindi kukulanging isa punto tres centimetro ng ulan upang alisin ang mga panghadlang; ang bahagyang pag-ambon ay hindi sapat. Sa wari, parang nasusukat ng mga binhing ito ang patak ng ulan, at malibang sapat na ulan ang bumagsak upang basain ang lupa nang husto upang makompleto ang siklo ng kanilang buhay, ang mga ito ay hindi lumalaki. Hindi nila sinisimulan ang kung ano ay hindi nila matatapos.
Ang mga saguaro ay may kawili-wiling mga kapitbahay, hindi ba?
[Mga larawan 24]
Ang mga bulaklak at bunga ng saguaro
[Larawan sa pahina 25]
Ito’y nagsisilbing matataas na dapuan para sa mga lawin
[Credit Line]
Frank Zullo