Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Aral na Natutuhan Buhat sa Sansinukob

Mga Aral na Natutuhan Buhat sa Sansinukob

Mga Aral na Natutuhan Buhat sa Sansinukob

“Hindi ako nagkukunwang nauunawaan ang Sansinukob​—di-hamak na mas malaki ito kaysa akin.”​—Thomas Carlyle, 1795-1881.

PAGKALIPAS ng sandaang taon, tayo ay may higit na ideya kung gaano ngang mas malaki ang sansinukob kaysa atin. Bagaman mas marami ang nauunawaan ng mga siyentipiko ngayon kaysa noon, ang kanila pa ring kalagayan, gaya ng pagkakalarawan dito ng isang astronomo, ay gaya ng “mga dalubhasa sa halaman noong ika-18 siglo na nasa gubat na nasusumpungan ang lahat ng bagong mga bulaklak.”

Sa kabila ng ating limitadong kaalaman, maaari tayong maghinuha. At ang mga konklusyong ito ay may kinalaman sa pinakamahalagang mga katanungan sa lahat​—kung paano kumikilos ang sansinukob, at kung paano nagkaroon ng sansinukob.

Kaayusan sa Halip na Kaguluhan

Ang pag-aaral sa kalikasan ng sansinukob ay tinatawag na kosmolohiya. Ang katagang iyan ay hinango sa dalawang salitang Griego, ang kosmos at logos, na ang ibig sabihin ay ‘ang pag-aaral tungkol sa kaayusan o pagkakasuwato.’ Ito’y angkop na pangalan sapagkat ang kaayusan ang talagang natagpuan ng mga astronomo, ang kanila mang sinusuri ay ang kilos ng makalangit na mga bagay o kung anong materya ang bumubuo sa sansinukob.

Ang lahat ng bagay sa ating sansinukob ay kumikilos, at ang pagkilos ay hindi padaskul-daskol o hindi mahulaan. Ang mga planeta, bituin, at mga galaksi ay kumikilos sa kalawakan ayon sa tiyak na pisikal na mga batas, mga batas na nagpapangyari sa mga siyentipiko na mahulaan ang ilang pangyayari sa sansinukob nang may kawastuan. At hindi kapani-paniwala, ang apat na pangunahing mga puwersa na umuugit sa pinakamaliit na atomo ay siya ring umuugit sa pinakamalalaking galaksi.

Nakikita rin ang kaayusan sa mismong materya na bumubuo sa sansinukob. “Ang materya ay . . . organisado sa lahat ng laki mula sa napakaliit hanggang sa napakalaki,” paliwanag ng The Cambridge Atlas of Astronomy. Malayo sa pagiging ala-suwerte ang pagkakaayos, ang materya ay maayos ang pagkakayari, ito man ay ang paraan ng pagkakakabit ng mga elektron sa mga proton at neutron ng nukleo ng atomo o ang atraksiyon sa isa’t isa na nagbubuklod sa malaking kumpol ng mga galaksi.

Bakit makikita sa sansinukob ang gayong kaayusan at pagkakasuwato? Bakit may nakahihigit na mga batas na namamahala rito? Yamang ang mga batas na ito ay malamang na umiral bago ang pasimula ng sansinukob​—kung hindi gayon ay hindi nito mapamamahalaan ito—​ang makatuwirang tanong ay: Saan nanggaling ang mga ito?

Ang kilalang siyentipikong si Isaac Newton ay naghinuha: “Ito ang pinakamagandang sistema ng araw, mga planeta, at mga kometa na maaari lamang manggaling sa payo at pamamahala ng isang matalino at makapangyarihang Maykapal.”

Ang dalubhasa sa pisika na si Fred Hoyle ay nagsabi: “Ang pinagmulan ng Sansinukob, gaya ng paglutas sa Rubik cube, ay nangangailangan ng talino.” Ang konklusyon na kailangang may isang sobrenatural na Tagapagbigay ng Batas ay pinatutunayan ng ating pang-unawa sa pinagmulan ng sansinukob.

Ang Ultimong Tanong: Paano Nagkaroon ng Sansinukob?

Ganito ang paliwanag ng theoretical physicist na si Hawking: “Ang unang sansinukob ay sumasagot sa ultimong tanong tungkol sa pinagmulan ng lahat ng bagay na nakikita natin ngayon, pati na ang buhay.” Ano nga ba ang kasalukuyang siyentipikong pangmalas tungkol sa unang sansinukob?

Noong 1960’s, napansin ng mga siyentipiko ang malabong radyasyon na nanggagaling sa lahat ng bahagi ng langit. Ang radyasyong ito ay sinasabing isang alingawngaw na nanggagaling sa pagsabog noong unang panahon na tinawag ng mga astronomo na big bang. Gayon na lamang kalaki ang pagsabog, sabi nila, anupa’t ang alingawngaw nito ay napapansin pa rin pagkalipas ng bilyun-bilyong taon. a

Subalit kung ang sansinukob ay biglang sumabog sa pag-iral sa pagitan ng 15 bilyon at 20 bilyong taon ang nakalipas, gaya ng paniwala ngayon ng karamihan ng mga pisikó (bagaman iyan ay mainit na tinututulan ng iba), isang mahalagang tanong ang bumabangon. Saan nanggaling ang orihinal na enerhiya? Sa ibang salita, ano ang nauna sa big bang?

Ito ang tanong na minamabuting iwasan ng maraming astronomo. Isa sa kanila ang umamin: “Napatunayan ng siyensiya na ang daigdig ay umiral bunga ng mga puwersa na waring hindi kailanman mailalarawan ng siyensiya. Ito’y nakababahala sa siyensiya sapagkat ito’y hindi naaayon sa siyentipikong relihiyon​—ang relihiyon ng sanhi at epekto, ang paniwala na ang bawat epekto ay may sanhi. Ngayon nalalaman natin na ang pinakamalaking epekto sa lahat, ang pagsilang ng sansinukob, ay lumalabag sa artikulong ito ng paniniwala.”

Isang propesor sa Oxford University ang mas tahasang sumulat: “Bahala na ang mambabasa na magpasiya kung sino o ano ang pinagmulan ng sansinukob. Ngunit ang ating larawan ay hindi kompleto kung wala siya.” Gayunman, itinutuwid ito ng Bibliya, kinikilala nito “ang pinagmulan” sa pagsasabing: “Sa pasimula ay nilikha ng Diyos ang mga langit at ang lupa.”​—Genesis 1:1.

Ang Kawalang-saysay ng Tao

Ang pinakasimpleng aral na itinuturo sa atin ng sansinukob ay ang walang kaduda-dudang bagay, isa na sinikap waling-bahala ng mapagmataas na mga tao noong Edad Medya subalit mapakumbabang kinilala ng mga makata ng Bibliya libu-libong taon na ang nakalipas​—ang kawalang-saysay ng tao.

Pinatutunayan ng mga tuklas kamakailan ang makatotohanang paghahalaga ni Haring David: “Pagka natatanaw ko ang iyong mga langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano baga ang taong mortal upang iyong alalahanin siya, at ang anak ng makalupang tao upang iyong pangalagaan siya?”​—Awit 8:3, 4.

Natuklasan ng astronomiya ang kalakihan at ang karingalan ng sansinukob​—ang pagkalaki-laking mga bituin, ang mga distansiya na higit pa sa ating maguguniguni, ang angaw-angaw na mga taon na di-matarok ng unawa, ang mga hurno sa sansinukob na lumilikha ng mga temperatura na milyun-milyong digris, ang mga pagsabog ng enerhiya na pinagtitinging napakaliit ang isang bilyong bomba nuklear. Gayunman, lahat ng ito ay inilalarawang mainam sa aklat ni Job: “Narito! Ang mga ito ay mga gilid lamang ng kaniyang mga daan, at pagkarahan ng bulong na ating naririnig sa kaniya! Ngunit sinong makauunawa ng kulog ng kaniyang kapangyarihan?” (Job 26:14) Mientras mas marami tayong nalalaman tungkol sa sansinukob, para bang lalong lumiliit ang ating kaalaman, at lalong lumiliit ang ating mismong dako sa sansinukob. Para sa makatuwirang nagmamasid, ito’y isang makatotohanang aral.

Inamin ni Isaac Newton: “Para ba akong isang batang naglalaro sa pampang ng dagat, at inilalayo ko ang aking sarili sa paminsan-minsang pagkasumpong ng isang mas makinis na bato o ng isang mas magandang kabibi kaysa pangkaraniwang kabibi, samantalang ang malawak na karagatan ng katotohanan na hindi pa natutuklasan ay nasa harap ko.”

Ang kapakumbabaan na dapat pukawin sa atin ng gayong pagkaunawa ay tutulong sa atin na kilalanin na may Isa na lumikha sa sansinukob, Isa na nagtatag ng mga batas na sumusupil dito, Isa na makapupong dakila at mas matalino kaysa atin. Gaya ng ipinaaalaala sa atin ng aklat ng Job: “Nasa kaniya ang karunungan at ang kapangyarihan; taglay niya ang payo at pagkaunawa.” (Job 12:13) At iyan ang pinakamahalagang aral sa lahat.

Habang higit pang mga lihim ng sansinukob ay natutuklasan, mas marami pang hiwaga ang natutuklasan. Tatalakayin ng artikulo sa hinaharap ang ilan sa pinakabagong tuklas na ngayo’y nakalilito sa mga astronomo at nagbabangon ng mga tanong na pinagtatalunan ng mga kosmologo.

[Talababa]

a Kung paanong ang isang bato na inihagis sa isang lawa ay nag-aanyo ng mumunting alon sa tubig, kaya ang unang pagsabog na ito ayon sa teoriya ay nag-anyo ng “mumunting alon” ng microwave na radyasyon, na inaakala ng mga siyentipiko na natatanggap nila sa pamamagitan ng kanilang sensitibong mga antena ng radyo, mumunting alon na inilalarawan ng isang manunulat bilang “ang sagitsit na alingawngaw ng paglalang.”

[Larawan sa pahina 10]

Aparato sa pagmamatyag sa radyasyon mula sa teoriya ng big bang

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng Royal Greenwich Observatory at ng Canary Islands Institute of Astrophysics