Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Tulong Para sa Nag-aagaw-Buhay Yamang ako’y isang nars na nagtatrabaho sa cardiology unit sa isang ospital, ako’y nagkainteres sa labas ng inyong Gumising! na “Tulong Para sa Nag-aagaw-Buhay” (Oktubre 22, 1991). Gayunman, inaakala kong dapat ituwid ang isang maliit na pagkakamali, sapagkat sinabi ninyo: ‘Maraming manggagamot ang naghinuha na naayon sa etika na ihinto ang pagkain at mga likido sa ilang pasyenteng nag-aagaw-buhay, maysakit na wala nang pag-asang gumaling, o permanenteng walang-malay.’ Tinitiyak ko sa inyo na isang kalupitan at nakapasakit na ihinto ang pagkain at pagpasok ng likido sa taong maysakit. Sa pamamagitan ng personal na obserbasyon, masasabi ko na ito ay magdudulot ng higit na paghihirap.
M. S., Pransiya
Ang pinag-uusapang pahayag ay sinipi mula sa “The New England Journal of Medicine” at nagpapabanaag sa kaisipan ng maraming manggagamot. Ang mga doktor ay naniniwala na maraming pasyenteng lubhang napinsala ang utak ay hindi nakadarama ng kirot at paghihirap. Isa pa, ang pagpapasok ng pagkain at likido ay nangangailangan ng masalimuot na kasanayang pangmedisina at pinagmumulan ng kawalan ng ginhawa at panganib pa nga. Kaya naniniwala ang ilang doktor na sa ilang kalagayan, ang gayong mga panganib ay nakahihigit sa mga pakinabang. Sa anumang kaso, ang bawat Kristiyano ay dapat gumawa ng kaniyang sariling pagpapasiya ayon sa budhi pagdating sa gayong masakit at emosyonal na mga usapin.—ED.
Dalawampung taon na ang nakalipas ako’y nagpasiyang alisin ang sumusuporta sa buhay ng aking isang-araw-na-gulang na anak na lalaki. Siya ay isinilang nang wala sa panahon at patay ang kaniyang utak. Ipinanganak ko siya sa bahay, yamang hindi kami makarating sa ospital sa panahon. Hindi ko maipaliwanag ang kalungkutan at pagkadama ng kasalanan na dinala ko sa loob ng maraming taon. Subalit sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga artikulo, naibsan ang aking 20-taong-gulang na pasanin.
S. M., Estados Unidos
Mga Kombensiyon sa Silangang Europa Labis na naantig ang aking damdamin ng mga serye na “Nagsasaya ang mga Umiibig sa Maka-Diyos na Kalayaan sa Silangang Europa.” (Disyembre 22, 1991) Yamang ako’y pinalaki bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, parang hindi ko gaanong pinahahalagahan ang espirituwal na pagkaing ating tinatanggap. Subalit ang pagkaalam kung paanong ang mga Saksi sa Silangang Europa ay tumanggap sa kauna-unahang pagkakataon ng mga publikasyon sa kanilang sariling wika na taglay natin sa loob ng mga ilang taon na ay nangpangyari sa akin na higit na pahalagahan ang pribilehiyo na taglay ko bilang bahagi ng kahanga-hangang organisasyong iyon.
T. O., Hapón
Pagbabasa Ako po’y 13 anyos. Ang artikulong “Magbasa Upang Palawakin ang Iyong Kaalaman” (Hulyo 22, 1991) ang siyang kailangan ko. Dati’y isang salita sa isang panahon ang basa ko. Ang aking isip ay kadalasang naglalakbay, kinakailangang basahin kong muli ang materyal upang maunawaan ito. Ang inyong napakahusay na mga tip ay malaking tulong.
A. K., Poland
Pagpapanibagong-Buhay sa mga Kriminal May anak akong lalaki sa bilangguan na tumatanggap ng isang suskripsiyon sa Gumising!, at masikap kong ipinanalangin ang mga artikulong maaaring umabot sa kaniyang puso. Kaya labis kong pinasasalamatan ang mga artikulong “Ang Kapangyarihan ng Katotohanan na Baguhin ang Buhay” (Hulyo 22, 1991) at “Ako’y Dating Propesyonal na Magnanakaw.” (Setyembre 8, 1991) Binasa ko ang mga ito na lumuluha sa masidhing pasasalamat sa Diyos, na “may nais na ang lahat ay magsisi.” (2 Pedro 3:9) Inaasahan ko, balang araw ang aking anak ay magsisisi.
A. F., Estados Unidos
“Cricket” Ang cricket ay isa sa aming paboritong libangan dito sa Caribbean. Subalit ako ay talagang nagulat na makita ang artikulong “Cricket o Baseball—Ano ang Pagkakaiba?” (Nobyembre 8, 1991) Kailanman ay hindi ko napangarap na makita ang gayong artikulo sa magasin! Ito’y totoong nakapagtuturo, at ginagamit itong artikulo lamang na ito, ako’y nakapagpasakamay ng maraming kopya ng Gumising! sa iba.
J. D., Jamaica