Normal ba Kung Walang Karanasan sa Sekso?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Normal ba Kung Walang Karanasan sa Sekso?
‘Mayroon bang gumagambala sa iyo, Jane?’ ang tanong ng mabait na manggagamot.
‘Doktor,’ ang may pag-aatubiling sabi niya, ‘maraming batang babae sa paaralan ang nag-uusap tungkol sa paggamit ng birth control pills [pilduras na pampigil sa pag-aanak] at pakikipagtalik. May diperensiya ba ako dahil sa hindi ako nakikipagtalik?’—What Shall We Tell the Kids?, ni Dr. Bennett Olshaker.
KAWALAN ng karanasan sa sekso (virginity). Noon iyon ay isang sagisag ng karangalan. Sa ngayon, minamalas iyon ng maraming kabataan na isang kahihiyan at nakakahiya, isang di-normal na kalagayan, isang sakit na dapat “gamutin” agad.
Hindi kataka-taka, sinubok ng napakaraming kabataan na magkaroon ng karanasan sa sekso. Halimbawa, isiniwalat ng isang pagsusuri sa mga kabataang Aleman noong 1983 na 9 na porsiyento lamang ng 15-anyos na mga batang babae at 4 na porsiyento ng 15-anyos na mga batang lalaki ang nakaranas na ng pagtatalik. Noong 1989 ang bilang ay tumaas tungo sa 25 porsiyento at 20 porsiyento alinsunod sa pagkakasunud-sunod! Ang gayong kalakaran ay mapapansin sa buong daigdig.
Kung gayon, ano ang nagbigay ng masamang pangalan sa kawalan ng karanasan sa sekso sa gitna ng mga kabataan? Kailangang harapin ng mga kabataan ng lahat ng salinlahi ang masidhing damdamin na napupukaw sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga. Gayunman, ang mga kabataan sa ngayon ay lumalaki sa isang daigdig na nagbibigay sa kanila ng kaunti o halos walang moral na patnubay. Sa isang bansa sa Europa, isang grupo ng mga Kristiyanong matatanda ang nag-ulat: “Sa kabila ng relihoyosong pagkukunwari, ito ay isang bansa na kulang sa moral na pagkaunawa. Ang imoral na sekso ay pinagpaparayaan bilang ‘kahinaan ng tao.’ Ang mga bata ay pinalalaki sa mga pamilyang di-kasal ang mga magulang. Ang nakahilig-sa-seksong mga pag-aanunsiyo ay higit na malala rito kaysa anumang bansa sa Kanluran.”
Ang mga kabataan sa umuunlad na mga bansa ay nakalantad din sa malakas na puwersa ng kultura at ekonomiya na humihikayat sa kahandalapakan. ‘Kung ang isang binata ay hindi nakikipagtalik,’ ang babala sa mga kabataan sa isang bansa sa Aprika, ‘kung gayon ang kaniyang katawan ay manghihina.’ Gayundin ang paniniwala na ‘hindi malalaman ng isang babae kung ano ang buhay hanggang siya’y nakipagtalik sa isang lalaki.’
Higit pa riyan, dahil sa laganap na kawalan ng trabaho at kahirapan, maaaring matakot ang isang babae na tanggihan ang kagustuhan ng isang malamang na maging amo na magkaroon ng kaugnayan sa kaniya. Ang mga guro ay maaari ring humiling ng pakikipagtalik bilang kabayaran sa pasadong grado sa paaralan. Aba, hindi ba’t karaniwan sa mahihirap na babae na mag-alok ng pakikipagtalik bilang kapalit ng pangunahing mga pangangailangan—maging para sa isang bareta ng sabon! “Ang pakikipagtalik ay ipinapalagay na gaya ng pag-inom
o pagkain,” ang ulat ng mga tagapagmasid sa isang umuunlad na bansa.Panggigipit ng mga Kasama
Gayunman, lalo nang nakaiimpluwensiya ay ang panggigipit mula sa mga kasama. Ang isang kabataan na wala pang karanasan sa sekso ay malamang na maging biktima ng panunukso at panliligalig. At kung isa ka sa mga Saksi ni Jehova, malamang na ikaw ang mapiling tuksuhin tungkol sa bagay na ito. Ang iyong mga kasama ay maaaring sabihan ka na hindi ka tunay na lalaki o babae malibang ikaw ay makipagtalik. Sila ay maaaring mangatwiran na mabuti ang magkaroon ng “karanasan” bago ang kasal. O maaaring sikapin nilang ikuwento sa iyo ang tungkol sa bawal na mga kapilyuhan sa sekso.
“Walang tigil na ikinukuwento ni Sally kung gaano kabuti ang kaniyang pakikipagtalik sa kaniyang kasintahan,” ang sabi ng isang dalaga. “Gusto rin niyang isipin ko na para bang nawawalan ako ng isa sa pinakadakilang kasiyahan sa buhay.” Hindi nababatid na “maraming pagyayabang, pagmamalabis at pagsisinungaling hinggil sa karanasan sa sekso sa mga kabataan,” maraming mga kabataan ang napadala sa gayong mga kuwento. (Coping With Teenage Depression, ni Kathleen McCoy) Isang kabataang babae na nagngangalang Maria na naiwala ang kaniyang pagka-dalaga sa imoral na sekso ang gumugunita: “Ako’y ginipit, at talagang gusto kong tanggapin ako ng iba. Bagaman alam kong mali, gusto kong maging gaya ng iba—magkaroon ng nobyo.”
Milyun-milyong kabataan ang tumanggap ng katulad na propaganda ng sanlibutan at naniniwala na di-normal kung walang karanasan sa sekso at na ang pakikipagtalik bago ang kasal ay kaunting katuwaan na di-nakapipinsala. Ang mga walang karanasan sa sekso ay halos nanganganib malipol na uri sa gitna ng mga kabataan.
Kawalan ng Karanasan sa Sekso—Ang Pangmalas ng Diyos
Gayunman, may isang panig sa pakikipagtalik bago ang kasal na hindi ipakikipag-usap sa iyo ng iyong mga kasama. Naaalaala ni Maria: “Pagkatapos na makipagtalik ako’y napahiya at nahihiya. Kinasuklaman ko ang aking sarili at kinamuhian ko ang aking nobyo.” Ang gayong mga karanasan ay karaniwan kaysa tinatanggap ng maraming kabataan. Kalimutan ang walang katotohanang mga kuwento at pagmamalabis na maririnig mo sa iyong mga kasama. Sa katunayan ang pakikipagtalik bago ang kasal ay malimit na nakasasakit sa damdamin at nakahihiyang karanasan—na may nakapipinsalang mga bunga!
Ito’y hindi mo dapat ipagtaka. Bagaman maaaring minamalas ng sanlibutan ang pakikipagtalik bago ang kasal na mabuti at normal, hindi nito ginagawang tama ang bagay na ito sa paningin ng Diyos. Ipinaaalaala sa atin ni Jesu-Kristo na “ang dinadakila ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.” (Lucas 16:15) Ang Diyos ay may sarili niyang mga pamantayan ng karapat-dapat na paggawi. “Ito ang kalooban ng Diyos,” ang sabi ng Bibliya, “ang pagpapakabanal ninyo, na kayo’y lumayo sa pakikiapid; na bawat isa sa inyo’y dapat makaalam kung paano magpipigil sa inyong sariling katawan ukol sa pagpapakabanal at kapurihan . . . Sapagkat tayo’y tinawag ng Diyos, hindi sa ikarurumi, kundi sa pagpapakabanal.”—1 Tesalonica 4:3-7.
Kung gayon, yamang nasasangkot ang Diyos, ang kawalan ng karanasan sa sekso ng lalaki o ng babae ay hindi lamang normal kundi malinis at banal! Sa sinaunang Israel, ang mga babaing birhen ay nagtatamasa ng isang marangal na katayuan. Sila’y naiingatan ng Kautusan mula sa seksuwal na pagsasamantala. (Deuteronomio 22:19, 28, 29) At ang kawalan ng karanasan sa sekso ay patuloy na pinararangalan sa gitna ng tunay na mga Kristiyano. Ang kongregasyong Kristiyano mismo ay itinulad sa isang “dalagang malinis” dahilan sa kalinisang moral nito.—2 Corinto 11:2; Apocalipsis 21:9.
Saanman sa Bibliya ay wala tayong mababasa na hinihimok nito ang mga kabataan na malasin ang kanilang kawalan ng karanasan sa sekso bilang isang sumpa. Sa kabaligtaran, sinabi ni apostol Pablo na “kung ang sinuman ay nananatiling matibay sa kaniyang puso . . . na ingatan ang kaniyang sariling pagkabirhen [sa pamamagitan ng pananatiling walang asawa], mabuti ang kaniyang gagawin. Kaya nga ang nag-iiwan ng kaniyang pagkabirhen at nag-aasawa ay gumagawa ng mabuti, ngunit ang hindi nag-aasawa ay gumagawa ng lalong mabuti.” a Hindi hinahatulan ni Pablo ang marangal na pagtatalik sa loob ng pag-aasawa. Bagkus, kaniyang ipinakikita na ang Kristiyanong pumili na panatiliin ang kaniyang pagka-dalaga o pagka-binata sa pananatiling walang asawa ay makapagtatamasa ng “laging pag-aasikaso sa Panginoon nang walang hadlang.”—1 Corinto 7:25, 33-38.
Kung gayon, para sa isang Kristiyanong kabataan hindi isang tanda ng kahihiyan ang kawalan ng karanasan sa sekso kundi isang patotoo ng katapatan ng isa sa Diyos. Ipagpalagay na, hindi madali na manatiling malinis; kinakailangan ang matinding pagpipigil-sa-sarili. Ngunit tinitiyak sa atin ng Bibliya na “hindi naman mabibigat ang mga utos” ng Diyos. (1 Juan 5:3) Tinitiyak sa atin ng salmista: “Ang mga utos ni Jehova ay matuwid, pinasasaya ang puso; ang kautusan ni Jehova ay malinis, pinakikinang ang mga mata.” (Awit 19:8) Ang pagsunod sa daan ng Diyos ay laging mabuti, kapaki-pakinabang.
‘Pagkakasala Laban sa Sariling Katawan’
Sa kabaligtaran, ang Bibliya ay nagsasabi sa 1 Corinto 6:18: “Ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.” Sa kabila ng mga kuwentong di-totoo, walang katibayan na ang pag-iwas sa pakikipagtalik ay mapanganib sa katawan. Ang pagpapakalabis ang siyang nagdadala ng panganib sa katawan! Isang kilalang manggagamot ang nagsasabi: “Ang mga sakit na naililipat ng pagtatalik ay patuloy na madaragdagan malibang ikapit ang mabisang mga paraan ng pagpigil, at ang pagdami kamakailan ng pangyayari ay dahilan sa, ilang bahagi, sa tumaas na antas ng seksuwal na gawain ng mga kabataan.”—Current Controversies in Marriage and Family.
Ang handalapak na pag-uugali ng mga kabataan ay naging sanhi rin ng pagdami ng pagdadalang-tao ng mga tin-edyer. Sa Estados Unidos, kalahati ng pagdadalang-taong ito ay winawakasan sa kusa at sapilitang pagpapalaglag. Nariyan din ang pagkawasak ng damdamin na maaaring sirain ng imoral na pagtatalik. “Pagkatapos na makuha niya ang kaniyang gusto,” gunita ng kabataang si Diana, “iniwasan na niya ako.” Totoo ang mga salita ni Pablo. Ang pakikipagtalik bago ang kasal ay ‘pagkakasala laban sa sariling katawan.’
‘Pinipinsala at pinanghihimasukan [din ng pakikiapid] ang mga karapatan’ ng iba. (1 Tesalonica 4:6) Sa paano man, pinagkakaitan nito ang isa ng karapatan na mag-asawa sa isang kalagayang malinis sa moral. Ang magiging asawa ay pinagkakaitan din ng kaniyang karapatan na magkaroon ng birheng kabiyak.
Kaya ganito ang maingat na pagmamasid ng aklat na Why Wait Till Marriage?: “Sa iyong unang karanasan sa pakikipagtalik, hindi ka na isang birhen. . . . Ikaw ay makapipili lamang nang minsan.” Gumawa ng tamang pagpili! Huwag magpadala sa propaganda ng sanlibutan sa pag-iisip na may diperensiya sa iyo kung itinataguyod mo ang mga pamantayan ng Bibliya. Ang kawalan ng karanasan sa sekso ay hindi kakatuwa o di-normal. Ang imoral na sekso ang siyang nakasásamâ, nakahihiya, at mapanganib. Sa pananatiling walang karanasan sa sekso, iniingatan mo ang iyong kalusugan, ang iyong emosyonal na kapakanan, at higit sa lahat, ang iyong kaugnayan sa Diyos.
Kung papaano ito gagawin ng isang kabataan ang magiging paksa sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ang Griegong salita na isinaling “birhen” sa Bibliya ay kumakapit kapuwa sa lalaki at babae.
[Larawan sa pahina 21]
Maraming pagyayabang at pagsisinungaling tungkol sa seksuwal na pagsasamantala