Ang Bahay-Bata—Ang Ating Kahanga-hangang Unang Tahanan
Ang Bahay-Bata—Ang Ating Kahanga-hangang Unang Tahanan
ANONG kahanga-hangang dako, ang iyong unang tahanan! Mainit at maginhawa. Punúng-punô ng mayayamang pagkain. Ligtas at tiwasay.
Gumugol ka ng mga ilang buwan doon, lumalakas at lumalaki. Gayunman, hindi nagtatagal, ang iyong tirahan ay para bang sumisikip nang sumisikip, hanggang isang araw ikaw ay hindi na halos makakilos. Malamang, sa panahong iyon ikaw ay nakatiwarik! Pagkatapos, walang anu-ano, nadarama mong ikaw ay sinisiksik ng malalakas na puwersa, at ikaw ay lumalabas sa pinto ng iyong tahanan tungo sa isang malamig, maingay, na kaliwanagan sa daigdig sa labas.
Hindi mo natatandaan ang anumang karanasang iyon? Walang alinlangan na hindi mo natatandaan. Subalit utang mo ang buhay mo sa kahanga-hangang lugar na iyon kung saan ka nakatira—ang bahay-bata ng iyong ina. Ito ay sakdal na idinisenyo na ikaw ang nasa isipan, nagbibigay ng lahat ng pangangalaga at proteksiyon na kailangan ng isang lumalaking sanggol. Kaya bakit hindi magbalik at maglakbay sa kahanga-hangang unang tahanan mo—ang bahay-bata?
Isang Masiglang Pagbati ang Naghihintay sa Iyo
Ang iyong buhay ay malamang na nagsimula samantalang papasok sa magaling na tahanang ito. Isang hinog na itlog (ovum) mula sa iyong ina ang naglalakbay pababa sa isang tunél na tinatawag na tubong Palopyan. Samantala, milyun-milyong selulang punlay (sperm cell) mula sa iyong ama ay patungo rin sa daang iyon upang makatagpo ang itlog na ito. Isang punlay ang nagtatagumpay sa pagpunla sa itlog, at ikaw ay naging ikaw.
Sa panahong ito ang mga paghahanda para sa iyong pagdating ay nagsisimula na. Ang mga dingding ng bahay-bata, o matris (Latin uter, para sa “supot”), ay naghahanda na, at ang lugar na ito ay nag-uumapaw sa mga nutriyente. Ang sapin ng matris ay dumoble ang kapal kaysa normal na kapal nito, na may malambot at parang esponghang balot.
Pagkaraan ng tatlo o apat na araw, ikaw ay nagdaraan sa pasukan ng iyong bagong tahanan. Sa iyo—sinlaki ng ulo ng aspili na kumpol ng ilang dosenang selulang tinatawag na blastocyst—maaaring ito ay parang isang malaking yungib. Gayunman, ang espasyo sa loob ay napakaliit. Sa katunayan, ang matris ay isang hungkag na sangkap, malambot at malarosas, halos kasinlaki at kahugis ng isang nakabaligtad na peras.
Ito ang magiging tahanan mo sa susunod na 270 araw o higit pa, at ang iyong ina, kahit na sa kapinsalaan ng kaniyang katawan, ay maglalaan sa iyo ng mga pagkain na kakailanganin mo upang lumaki hanggang sa panahon ng pagsilang. Ilang linggo ang lilipas bago malaman ng iyong ina na ikaw ay umiiral, at isa pang tatlo o apat na buwan bago lálakí ang kaniyang tiyan upang mahalata ito ng iba.
Pagkatapos gumulong sa loob ng matris, ikaw ay lumutang-lutang sa palibot sa loob ng tatlo pang araw. Sa wakas, ikaw ay kumakapit sa dingding ng matris. Kinakain ng mga enzyme mula sa blastocyst ang ibabaw na mga selula ng malapelus na sapin na ito, na tinatawag na endometrium, at ikaw ay lumulubog at tiwasay na sumasalagmak sa malapelus na kalaliman ng endometrium. Kung hindi napunlaan ang itlog at naitanim sa sapin na ito, ilalabas ito ng matris mula sa iyong ina bilang regla.
Pagharap sa Pagtanggi
Ang kahanga-hangang mga proseso ay kumikilos na ngayon upang tiyakin na ang iyong pagtira ay maging kasiya-siya. Sa isang bagay, kailangan mo ng proteksiyon buhat sa mismong sistema ng
imyunidad ng iyong ina. Ang mga siyentipiko ay nalilito pa rin kung bakit hindi ka itinuturing ng katawan ng iyong ina na isang kakaibang manghihimasok at salakayin ka. Karaniwan na, ang masalimuot na sistema ng pagtanggi ay kumikilos sa unang tanda ng anumang manghihimasok. Gayunman, ikaw sa wakas ay maaaring lumaki na isang kakaibang katawan ng pagkalaki-laking kasukat, tumitimbang ng ilang libra. Bakit hindi ka sinalakay?Ang mananaliksik na si David Billington ng University of Bristol ay nagpaliwanag: ‘Napakahalagang may dingding sa pagitan ng ina at ng ipinagbubuntis na sanggol. Mabisang inihihinto ng dingding ang anumang pagpapalitan sa pagitan ng ina at ng ipinagbubuntis na sanggol.’ Tinutukoy niya ang isang suson ng mga himaymay na tinatawag na trophoblast, na nakapalibot sa ipinagbubuntis na sanggol. Hinahadlangan ng halang na ito ang anumang tuwirang kaugnayan sa pagitan mo at ng iyong ina. Kung bakit hindi hinahamon ng kaniyang mga depensa sa imyunidad ang trophoblast bilang isang kakaibang himaymay ay isang hiwaga. Ang sagot sa tanong na ito ay maaari ring magsabi sa atin kung bakit ang ilang pagbubuntis ay nagwawakas sa pagkalaglag.—Tingnan ang kahon sa pahina 16.
Nagpapatuloy ang Pagpapakain at Pangangalaga
Isaalang-alang ang iyong walang kabusugang gana sa pagkain, lalo na sa maagang yugtong ito. Sa iyong unang walong linggo ng buhay, ikaw ay 240 ulit na lumalaki, at ang iyong timbang ay bumibigat ng isang milyong ulit mula sa paglilihi. Sa wakas, ang iyong timbang sa pagsilang ay mga 2.4 bilyong ulit ng bigat niyan, na ang iyong kamangha-manghang tahanan ay lumalaki na parang lobo upang magkasiya ka. Sa panahong iyon ang bahay-bata ay tumitimbang ng halos 16 na ulit ng timbang ng bahay-bata na hindi nagdadalang-tao, subalit sa loob lamang ng ilang linggo pagkapanganak, ito ay bumabalik halos sa dating laki nito. Nakita ng unang tatlong buwan ng buhay ang mahalagang kayarian ng iyong anyo ng katawan, may mga sangkap at sistema nerbiyosa na handa para sa susunod na mga yugto ng paglaki.
Maaga rito, ang matubig na panubigan ay nag-aanyo. Binibigyan ka nito ng malambot, kontrolado-ang-temperaturang palaruan na doon ka nagpapagulung-gulong at nagsasaya sa iyong ikalawang yugto ng tatlong buwan. Pinalalakas mo ang iyong mga kalamnan na kakailanganin mo sa labas ng kawalang-timbang sa panubigan. Nilululon mo ang tubig sa panubigan, marahil bilang pagkain. Tuwing ikalawa o ikatlong oras, ang tubig ay pinapalitan para sa iyo.
Mula sa panlabas ng dingding ng blastocyst ay may tumutubong isang masalimuot na almuhadon ng mga himaymay na tinatawag na inunan o placenta (Latin para sa “piping cake”). Isaalang-alang ang ilang paglilingkod na ginagawa nito para sa iyo.
Ito ay kumikilos bilang isang bagà, pinapalitan ang oksiheno at carbon dioxide sa pagitan mo at ng iyong ina. Kumikilos bilang isang atay, pinoproseso nito ang ilan sa mga selula ng dugo ng iyong ina upang kunin ang kinakailangang mga sangkap, gaya ng iron, para sa gamit mo. Ang pagkilos nito bilang isang bato (kidney) ay sinasala ang urea mula sa iyong dugo at ipinapasa ito sa daluyan ng dugo ng iyong ina upang ilabas sa kaniyang mga bato. Tulad ng mga bituka, tinutunaw ng inunan ang mga molekula ng pagkain. Lahat ng prosesong ito ay nagaganap sa pamamagitan ng 55 centimetrong pusod.
Inaakala noon na ang inunan ay isang di-magugupong sistema ng seguridad, na wala itong papapasuking nakapipinsalang bagay mula sa ina tungo sa anak. Nakalulungkot sabihin, nalalaman natin ngayon na maaaring pasukin ng maraming impeksiyon ang sistema ng seguridad, gaya ng nagagawa ng masamang gamot na thalidomide. Ang mga sakit na gaya ng German measles ay isa ring banta sa isang yugto ng pagdadalang-tao.
Ang dugo-utak hadlang na nasa mga adulto ay hindi gaanong tatag sa lumalaking utak ng ipinagbubuntis na sanggol, iniiwan itong madaling salakayin ng mga manghihimasok na gaya ng usok ng sigarilyo, alkohol, droga, at iba pang kemikal na lason. Ipinakikita ng pananaliksik na ang alkohol ay lumilikha ng masamang mga epekto sa hindi pa isinisilang na sanggol. Naaapektuhan ba ng caffeine, na maaaring ipasa sa sanggol, ang paglaki ng sanggol? Nakikinabang ba sa anumang paraan ang lumalaking sanggol sa mga suplemento ng bitamina? Marami pa ang kailangang alamin tungkol sa mga katanungang iyon.
Kaya nga, ang sistema ng pagsasanggalang sa
kaninumang sanggol ay dapat magsimula sa pangangalaga mismo ng ina na iwasang kumain ng anumang bagay na nalalamang nakapipinsala sa mga sanggol. Sa positibong panig, ang timbang na pagkain at ehersisyo, na sinasang-ayunan ng doktor, ay maaaring malaking tulong sa pagkakaroon ng panlahat na kalusugan at kagalingan ng ina at ng bata.Pamamaalam sa Iyong Tahanan
Sa dakong huli ng ikatlong yugto ng tatlong buwan, nagsisimula na ang mga paghahanda para sa iyong pag-alis. Ang malalakas na kalamnan sa dingding ng matris ay nagsisimula ng isang di-palagiang ehersisyo ng pagliit-at-paglaki na kung minsan ay tinatawag na palsong paghilab o pagdaramdam sa panganganak. Ang matris ay nagiging mas malambot at mas nababanat.
Sa halip na sabihing, “Bumababa na ang bata,” mas tamang sabihin na bumababa na ang buong matris, kasama na ang bata sa loob. Ito’y dahilan sa ito’y tumutuwid tungo sa isang silindro at bumababa nang kaunti anupa’t ang ulo ng bata ay nasa sipit-sipitan na.
Walang nakaaalam kung ano ang nagpapasiya na panahon na para ikaw ay lumabas sa bahay-bata. Maaaring ang mga hormone mula sa nanay mo, o mula sa iyo, ang sanggol, ang naghuhudyat sa bahay-bata. Ang mensahe: “Hilab na!”
Inilalarawang mainam ng “paghilab” ang tatlong yugto ng proseso na sinisimulan ng matris. Una, ang kalamnang dingding ng matris ay lumiliit habang lumalaki naman ang bungad ng matris at ang kaluban bilang paghahanda sa pagbaba mo. Sa puntong ito malamang na pumutok ang panubigan.
Ikalawa, ang gawain ng ina ay talagang nagsisimula na habang itinutulak niya ang ulo ng kaniyang anak pababa tungo sa bungad ng matris at kaluban. Ang mga paghilab ay nagpapatuloy, tumitindi at bumibilis hanggang sa wakas ang iyong ulo ay lumabas. Mabilis na kasunod ang iba pang bahagi ng katawan mo. Sa huling yugto ng pagdaramdam sa panganganak, inilalabas ng nanay mo ang inunan at ang mga labí ng pusod, ang tinatawag na afterbirth.
Kaya hayan ka—gulat, nilalamig, at umiiyak—walang alinlangan na tinatangisan mo ang iyong biglang pag-alis sa iyong mapagpatuloy na tahanan sa nakalipas na siyam na buwan o higit pa. Subalit anong laki ng iyong kagalakan na magkaroon ka ng kaloob na buhay at maaaring pahalagahan ang pangangalaga ng isang maibiging Maylikha, na tumiyak na ikaw ay may magaling na tahanan mula sa simula!
[Kahon sa pahina 16]
Pagkalaglag—Ang Kalunus-lunos na Pagpapaalis
ANG trahedya ay maaaring humampas kahit sa pinakamaingat na ina. Ang mga sanhi ng pagkalaglag ay mailap at ang mga debate tungkol sa mga sanhi ng pagkalaglag ay mainit. Ang mga mananaliksik ay hindi pa nga nagkakaisa sa persentahe ng matagumpay na napunlaang itlog na nagwawakas sa isang kusang aborsiyon. Ang mga tantiya ay mula 10 porsiyento hanggang 20 porsiyento o higit pa sa mga pagdadalang-tao sa pangkalahatang populasyon ng mga babae sa Estados Unidos.
Bakit nga ba kung minsan ay sapilitang pinaaalis ng bahay-bata ang bagong buhay sa halip na ingatan ito sa loob ng bahay-bata? Marahil ang sistema ng imyunidad ng ina ay depensibong tumutugon sa trophoblast, sinasalakay ang protektibong dingding nito at nagiging dahilan ng pagkalaglag. Ang marami ay maaaring dahilan sa tinatawag na henetikong mga aksidente, ang binhi o ang ipinagbubuntis na sanggol ay masyadong napinsala anupa’t hindi ito maaaring mabuhay. O maaaring ito’y dahil sa mga abnormalidad sa proseso ng pagpaparami—ang maagang pagpasok ng isang itlog sa matris bago pa maging handa ang sapin na tanggapin ito o napakahuli anupa’t ang endometrium ay nagsisimula nang bumuhos. Marahil ang deperensiya sa matris ng ina mismo ay nagpapangyari na hindi siya maaaring magkaanak.
Ipinahihiwatig ng isang pag-aaral ng halos 200 babae sa Britaniya na ang pagkabaog at pagkalaglag ay maaaring nauugnay sa di-timbang na mga hormone. Ang paglalabas ng LH (luteinizing hormone), mula sa pituitary gland, ay karaniwang tumataas sa ika-14 na araw ng siklo ng regla at nagpapangyari ng isang hinog na itlog ay pumutok sa obaryo at simulan ang paglalakbay nito pababa sa tubong Palopyan para sa posibleng pagpupunla. “Ang nasumpungan ng pangkat ng Britanong mananaliksik,” ulat ng The New York Times, “ay maraming LH sa hindi angkop na panahon, sa ikawalong araw ng siklo ng regla, bago ang obulasyon.” Higit pang pagsubok ang kinakailangan upang matiyak at mabigyang kahulugan ang mga tuklas na ito.
[Mga larawan sa pahina 15]
Tatlong-buwang sanggol
Anim-na-buwang sanggol
Siyam-na-buwang sanggol