Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Kahulugan ng Easter sa Diyos?

Ano ang Kahulugan ng Easter sa Diyos?

Ano ang Kahulugan ng Easter sa Diyos?

EASTER​—ang “reyna ng mga kapistahan!” festum-festorum!—​ay sinasabing upang ipagdiwang ang pagkabuhay-muli ni Kristo. Subalit ano ba ang sinabi ni Jesus tungkol sa pag-alaala sa kaniyang pagkabuhay-muli? Ipinag-utos ba ng mga apostol na ipagdiwang ito? Ang pagdiriwang ba ng Easter ay isang bigay-Diyos na utos o isang gawang-taong tradisyon? Madali mong masusumpungan ang mga sagot sa mga tanong na ito sa pagsusuri sa dalawang pinagmumulan ng impormasyon​—ang kasaysayan at ang Bibliya.

Ang Kasaysayan ay Nagsasaysay

Una, ano ba ang sinasabi ng kasaysayan? Sumusulat noong ikalimang siglo C.E., sinabi ng mananalaysay na si Socrates Scholasticus sa kaniyang Ecclesiastical History: “Sa akin wari bang ang pista ng Easter ay ipinakilala sa simbahan mula sa dating mga kaugalian, kung paano naitatag ang maraming iba pang mga kaugalian.”

Ang aklat na Curiosities of Popular Customs ay nagpapaliwanag na patakaran ng “Simbahan na bigyan ng Kristiyanong kahulugan ang gayong natitira pang paganong mga seremonya na hindi maalis. Sa kaso ng Easter ang pagbabago ay napakadali. Ang galak sa pagsikat ng likas na araw, at ang paggising ng kalikasan mula sa kamatayan ng taglamig, ay naging ang kagalakan sa pagsikat ng Araw ng katuwiran, sa pagkabuhay-muli ni Kristo mula sa libingan. Ang ilang paganong pagdiriwang na naganap noong Mayo 1 ay ibinaling din upang tumugon sa pagdiriwang ng Easter. Maraming bagong bahagi ang idinagdag.”

Sa kaniyang aklat na Celebrations, si Robert J. Myers ay sumasang-ayon, sinasabing “marami sa paganong ritwal ng muling-pagsilang, na ipinagdiriwang sa vernal equinox, ay naging bahagi ng kapistahan.” Ang mga pangungusap na ito ay inaalalayan ng The New Encyclopædia Britannica, na ang sabi: “Gaya kung Pasko, gayundin sa Easter, ang popular na mga kaugalian ay nagpapabanaag ng maraming sinaunang paganong kaugalian na nanatili​—sa halimbawang ito, may kaugnayan sa mga ritwal ukol sa pagkapalaanakin kung tagsibol, gaya ng mga sagisag na itlog sa Easter at ng kuneho o rabit sa Easter.”

Paganong Pinagmulan?

Maliwanag, kung gayon, ang Easter gaya ng ipinagdiriwang ngayon ay tigmák ng paganong mga ritwal at kaugalian. Gayunman, hindi ibig sabihin nito na ang selebrasyon ng Easter ay walang kaugnayan sa ilang pangyayari sa Bibliya.

Halimbawa, ang Easter ay binabanggit na siyang humalili sa Paskua ng mga Judio, isang pangyayari sa Bibliya. Sinasabi sa atin ng aklat na Curiosities of Popular Customs na “sa sinaunang Simbahan ang Easter ay kapetsa ng Paskua, yamang sa katunayan ang dalawang kapistahan ay may iisang pinagmulan.” Hindi kataka-taka kung gayon, na sa maraming wika, gaya sa Pranses, Griego, Italyano, Kastila, at iba pa, ang salita para sa Easter at ang salita para sa Paskua ay iisa o magkahawig.

Gayunman, hindi idinaraos ng sinaunang mga Kristiyano ang isang taunang kapistahan upang ipagdiwang ang ginawang Kristiyanong bersiyon ng Paskua ng mga Judio. Ganito ang sabi ng Abingdon Dictionary of Living Religions tungkol sa Easter: “Ang sinaunang pagdiriwang ay sa katunayan ang anibersaryo (14 Nisan, ayon sa kalendaryong lunar ng mga Judio) ng pagpako kay Jesus sa krus.”

Sinasabi sa atin ng Bibliya na noong gabi bago ang kaniyang kamatayan, si Jesus ay nakipagtagpo sa kaniyang mga alagad sa isang malaking silid upang ipagdiwang ang Paskua ng mga Judio. (Marcos 14:12-16) Pagkatapos nito, ang kaniyang huling Paskua, na sinimulan ni Jesus ang kilalang Panggabing Hapunan ng Panginoon. Pagkatapos ay inutusan niya ang kaniyang mga alagad: “Patuloy na gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.”​—Lucas 22:19.

Ang Panggabing Hapunang ito ng Panginoon, na dapat ipagdiwang minsan sa isang taon, ay bilang pag-alaala sa kamatayan ni Jesus. Ganito ang sabi ni apostol Pablo tungkol sa anibersaryong ito: “Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, patuloy na inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon.”​—1 Corinto 11:25, 26.

Binabantuan ang Turo ng Bibliya

Bilang pagsunod sa maka-Kasulatang utos na ito, ginaganap ng tunay na mga Kristiyano ang pagdiriwang na ito taun-taon sa ika-14 ng Nisan. Gayunman, sa paglipas ng panahon, sinimulan ding ipagdiwang ng mga tao ang pagkabuhay-muli ni Jesus. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagpapaliwanag na “ipinagdiwang ng unang mga Kristiyano ang Paskua ng Panginoon na kasabay ng mga Judio, noong gabi ng unang (paschal) kabilugan ng Buwan sa unang buwan ng tagsibol (Nisan 14-15). Noong kalagitnaan ng ika-2 siglo, inilipat ng karamihan ng mga relihiyon ang pagdiriwang na ito sa Linggo pagkatapos ng kapistahan ng mga Judio.”

Ang aklat na Seasonal Feasts and Festivals ay nagsasabi: “Hindi kundi noong pagtatapos ng ikaapat na siglo na ang Biyernes Santo at Araw ng Easter ay ipinagdiwang sa Jerusalem bilang magkahiwalay na mga pag-alaala.”

Ang ibang mga iskolar ay naniniwala na dahil sa lumalagong alitan sa pagitan ng nag-aangking mga Kristiyano at mga Judio, ayaw ng ilang lider ng Sangkakristiyanuhan na ang kanilang pinakamahalagang pista ay matapat sa eksaktong petsa ng pinakamahalagang pista ng mga Judio. Ang saloobing ito ay umakay sa isang pagbabago. Nang maglaon sinimulang ipagdiwang ng karamihan ng mga Sangkakristiyanuhan ang pagkabuhay-muli ni Jesus sa unang Linggo pagkalipas ng kalibugan ng buwan na kasunod ng spring equinox at ginawa itong ang pinakamahalagang relihiyosong pagdiriwang nito. Sa katunayan ibinaba nila ang pagdiriwang ng kamatayan ni Jesus.

Samakatuwid, ayon sa mga aklat na ito, inagaw ng Easter ng Sangkakristiyanuhan ang orihinal na anibersaryo ng kamatayan ni Jesus.

Ang Bibliya ay Nagsasaysay

Ano naman ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Easter? Mangyari pa, ang Kasulatan ay nagbibigay ng sapat na patotoo sa bagay na si Jesus ay binuhay-muli. Ang pagkabuhay-muli ni Kristo ay isang mahalagang doktrina ng tunay na Kristiyanismo. Maliwanag na pinaniniwalaan ito ni apostol Pablo. Sabi niya: “Kung si Kristo’y hindi muling binuhay, ay walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, at wala rin namang kabuluhan ang aming pananampalataya. Isa pa, kung si Kristo’y hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan; kayo’y nasa inyong mga kasalanan pa.”​—1 Corinto 15:14, 17.

Gayunman, hindi ipinahihiwatig saanman sa Bibliya ang isang taunang pagdiriwang ng pagkabuhay-muli ni Jesus. Ang mananalaysay na si Socrates Scholasticus ay nagsabi: “Ang Tagapagligtas at ang kaniyang mga apostol ay hindi nagtatagubilin sa atin na ipagdiwang ang pistang ito: ni tayo man ay pinagbabantaan ng Bagong Tipan ng anumang multa, parusa, o sumpa dahil sa hindi paggunita rito.” Kamakailan lamang binanggit ng magasing The Christian Century sa isang artikulo tungkol sa Easter: ‘Sinimulang ipagdiwang ng sinaunang mga Kristiyano ang pagkabuhay-muli noong ikalawang siglo.’ Kaya, ang Easter ay ipinakilalang mainam pagkamatay ng lahat ng mga apostol at pagkatapos na makompleto ang Bibliya. Maliwanag na ang tradisyon ng Easter ay gawang-tao sa halip na bigay-Diyos.

Gayunman, ang ilan ay maaaring magtanong: ‘Ano ang masama sa pag-alaala sa pagkabuhay-muli ni Jesus?’ Oo, hindi hinihiling ng Bibliya na ipagdiwang ng mga Kristiyano ang Easter. Subalit mayroon bang sinasabi sa Bibliya na bawal ito?

Malinis at Walang Bahid-Dungis na Pagsamba

Totoo, walang espisipikong pagbabawal sa Bibliya tungkol sa pagdiriwang ng pagkabuhay-muli ni Jesus. Gayunman, ang Bibliya ay nagbababala sa mga Kristiyano laban sa pagbanto sa dalisay na pagsamba ng gawang-taong mga tradisyon. Kapit ito lalo na sa isang tradisyon, gaya ng Easter, na hinaluan ng paganong mga kaugalian at ng sinaunang ritwal ng huwad na mga relihiyon.

Sa paunang salita sa kaniyang 123-pahinang aklat tungkol sa Easter, si Alan W. Watts ay nagsabi: “Ang buong istorya tungkol sa Easter ay pinakamasalimuot na halo ng kasaysayan at mitolohiya​—anupa’t ang mahirap na atas ng pagkilala sa pagitan ng dalawa ay higit pa sa saklaw ng isang maikling aklat.” Yamang ganito ang kaso sa Easter, tatanggapin kaya ng Diyos ang ating pagsamba kung kasali rito ang gayong halo ng paganong mga kaugalian? Hindi. Tinatanggap lamang ng Diyos “ang anyo ng pagsamba na malinis at walang bahid-dungis.” At ito’y nangangahulugan na “ingatan ang sarili na manatiling walang bahid ng sanlibutan,” na kasali rito ang makasanlibutang mga kaugalian na nauugnay sa Easter.​—Santiago 1:27.

Si apostol Pablo ay nagbabala sa mga Kristiyano laban sa pagpapasok ng gawang-taong mga tradisyon sa kongregasyon nang sabihin niya: “Mag-ingat kayo: baka may bumihag sa inyo sa pamamagitan ng pilosopya at walang kabuluhang pagdaraya ayon sa sali’t saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”​—Colosas 2:8.

Si Jesus mismo ay nagsalita laban sa mga tradisyon ng mga Judio na pumipilipit sa mga katotohanan ng Kasulatan at binabantuan ang tunay na pagsamba. Sa Marcos 7:6-8, ang mga salita ni Jesus sa mga lider ng relihiyon noong kaniyang kaarawan ay naitala: “Angkop ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagpaimbabaw, ayon sa nasusulat, ‘Ang bayang ito ay iginagalang ako ng kanilang mga labi, datapuwat ang kanilang mga puso ay malayung-malayo sa akin. Walang kabuluhan ang kanilang patuloy na pagsamba sa akin, sapagkat ang kanilang itinuturo bilang mga aral ay mga utos ng mga tao.’ Nilisan ninyo ang utos ng Diyos, at ang inyong mahigpit na pinanghahawakan ay sali’t saling sabi ng mga tao.”

Sa 2 Corinto 6:14-17, ang Bibliya ay nagbababala sa atin: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? Isa pa, anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa isang di-sumasampalataya? . . . ‘Magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at huwag kayong magsihipo ng mga bagay na marumi.’ ”

Ang Anibersaryo ng Kaniyang Kamatayan

Karagdagan pa, ayon sa turo ng Bibliya, kabilang sa kaayusan para sa ating kaligtasan ay ang hain ni Jesus ng kaniyang sakdal buhay, ang kaniyang pagkabuhay-muli, at ang paghaharap niya ng halaga ng kaniyang hain sa Diyos sa langit. Lahat ng mga elementong ito ay mahalaga. (Hebreo 7:25; 9:11-14) Iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ipagdiwang ang anibersaryo ng kaniyang kamatayan. Ito ang tanging pangyayari sa Kasulatan na iniutos na dapat alalahanin ng mga Kristiyano.

Sa taóng ito angaw-angaw na mga Saksi ni Jehova ang magtitipon pagkalubog ng araw, sa Abril 17 (Nisan 14), 1992, upang alalahanin ang kamatayan ni Jesus. Kasama sa pagdiriwang ang isang pahayag na nagpapaliwanag sa kahulugan ng sakripisyong kamatayan ni Kristo. Tutulungan ka nitong pahalagahan ang lawak ng pag-ibig ng Diyos na Jehova para sa sangkatauhan sa pagbibigay ng kaniyang bugtong na Anak upang matamasa natin ang pag-asa ng buhay na walang-hanggan. Makipagtipon sa amin sa pinakamahalagang petsa sa 1992!

[Blurb sa pahina 6]

Ang paganong mga pagdiriwang ay inilipat upang tumapat sa pagdiriwang ng Easter

[Blurb sa pahina 8]

Hindi ipinahihiwatig saanman sa Bibliya ang isang taunang pagdiriwang o selebrasyon ng pagkabuhay-muli ni Jesus

[Kahon sa pahina 6]

Ano ang Pinagmulan ng Salitang “Easter”?

◼ “Ang pangalan, na ginagamit lamang sa gitna ng mga taong nagsasalita ng Ingles at Aleman, ay hango, sa lahat ng probabilidad, sa isang diyosa ng mga paganong Saxon, si Ostara, Osterr, o Eastre. Siya ang katauhan ng Silangan, ng umaga, ng tagsibol.”​—Curiosities of Popular Customs, ni William S. Walsh.

◼ “Kami’y sinabihan ng isang Ingles na mananalaysay, ang Kagalang-galang na Bede, na ang salitang ‘Easter’ ay orihinal na pangalan ng isang Anglo-Saxon na diyosa ng bukang-liwayway, kilala bilang si Eostre o Ostara, na ang pangunahing kapistahan ay ipinagdiriwang sa vernal equinox. Tanging ang mga salita lamang ni Bede ang mapanghahawakan, sapagkat walang rekord ng diyosang iyon ang masusumpungan saanman, subalit tiyak na si Bede, bilang isang debotadong Kristiyano, ay hindi magpapakahirap upang mag-imbento ng isang paganong pinagmulan ng Easter. Subalit mayroon man o walang gayong diyosa, malamang na may ilang makasaysayang kaugnayan sa pagitan ng mga salitang ‘Easter’ at ‘East’ (Silangan), kung saan sumisikat ang araw.”​—Easter—​Its Story and Meaning, ni Alan W. Watts.

◼ “Ang pinagmulan ng kataga para sa pista ng Pagkabuhay-muli ni Kristo ay popular na ipinalalagay na mula sa Eastre ng mga Anglo-Saxon, isang diyosa ng tagsibol. Gayunman, ang mga pag-aaral kamakailan ni Knobloch . . . ay naghaharap ng ibang paliwanag.”​—New Catholic Encyclopedia.

◼ “Ang pangalang Ingles na Easter, gaya ng Alemang Ostern, ay malamang na hango sa Eostur, ang salitang Norse para sa tagsibol, at hindi mula sa Eostre, ang pangalan ng diyosang Anglo-Saxon.”​—The Encyclopedia of Religion.

[Chart sa pahina 8]

EASTER PASKUA

Danish påske påske

Olandes Pasen joods paasfeest

Finnish pääsiäinen pääsiäinen (juutalaisten)

Pranses Pâques La Pâque

Aleman Ostern Passah

Griego Paskha Paskha

Italyano Pasqua Pasqua ebraica

Kastila Pascua florida Pascua

Swahili Pasaka Pasaka

[Larawan sa pahina 7]

Ang sinaunang mga ritwal na may paganong pinagmulan ay binigyan ng Kristiyanong kahulugan at idinagdag sa mga kapistahan ng Easter

[Larawan sa pahina 9]

Sinimulan ni Jesus ang Panggabing Hapunan ng Panginoon na kasama ng kaniyang mga alagad