Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ba ang Kahulugan sa Iyo ng Easter?

Ano ba ang Kahulugan sa Iyo ng Easter?

Ano ba ang Kahulugan sa Iyo ng Easter?

ALAS 8:30 na ng gabi. Sa karimlan ng 300-taóng-gulang na simbahan sa hilagang Aprika, 20 diyákonó na nakaputing bata ang umuusal at tinatambol ang kanilang mga tambol. Ang halimuyak ng insenso ay lumalaganap mula sa mga insensaryo. Ngayon isang pangkat ng mga pari ang sumasama sa seremonya, binabasa ang Bibliya sa Geez, isang sinaunang wika sa liturhiya. Ang mga mananamba ay nakikinig. Iilan lamang sa mga naroroon ang nakauunawa sa mga salita. Ang ritwal ay nagpapatuloy hanggang alas tres ng umaga.

Sa Lungsod ng Vatican ang papa ay nagdaraos ng isang pantanging Misa. Ang kaniyang mga tagapakinig para sa di-pangkaraniwang pulong na ito ay binubuo ng lahat ng grupo ng mga diplomatiko ng Vaticano, kasama ang daan-daang kardinal, prelado, pari, at mga madre at libu-libong peregrino.

Sa ibayo ng Atlantiko, sa Lungsod ng New York, ang pulisya ay naglalagay ng mga halang upang hindi makapasok ang mga sasakyan sa magandang kalye ng Fifth Avenue. Isang prusisyon ng eleganteng nakabihis na mga taga-New York​—mga lalaking nakasombrero at mga babaing nakasuot ng magagarang bonete—​ang namamasyal sa abenida suot ang makulay na kasuotan.

Ano ang okasyon? Ang pagdiriwang ng Easter (Pasko ng Pagkabuhay). Sa buong daigdig, may mga taong labis na pinahahalagahan ang relihiyosong pagdiriwang na ito. Tinatawag pa nga itong reyna ng mga kapistahan at festum festorum​—Latin para sa “pista ng mga kapistahan.”

Gaano Kahalaga Ito sa Iyo?

Ano ang palagay mo tungkol sa Easter? Alam mo ba kung bakit ito ipinagdiriwang? Marami ang hindi nakaaalam. Isinisiwalat ng isang surbey na isinagawa sa Britaniya na hindi nalalaman ng 1 sa bawat 3 Britano ang dahilan ng pagdiriwang ng Easter. Gayunman, sa Britaniya, at sa karamihan ng mga bansa sa daigdig, ang Easter ay nananatiling ang pinakamahalagang relihiyosong pagdiriwang ng Sangkakristiyanuhan.

Sang-ayon sa The New Encyclopædia Britannica, ang Easter ang “pinakamahalagang kapistahan ng Taon sa Simbahang Kristiyano, ipinagdiriwang ang Pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo sa ikatlong araw pagkatapos ng pagpako sa kaniya sa Krus.” Ang aklat na Easter​—Its Story and Meaning ay nagpapaliwanag na ang Easter ang “pinakadakilang kapistahan sa Kristiyanong Taon, ipinagdiriwang nang buong kagalakan, sapagkat ito’y nangangako ng isang kahawig na pagkabuhay-muli sa lahat ng tumanggap sa Pananampalataya ni Kristo.” Gayon ba kaseryosong ipinagdiriwang mo ang Easter? Talaga bang naniniwala ka na ang Easter ay may kaugnayan sa iyong mga pag-asa sa buhay sa hinaharap?

Marami ang walang gayong pagpipitagan sa Easter. Nagkokomento tungkol sa pagkokomersiyo sa Easter, tinawag ito ng isang pahayagan na “Ang Pinakadakilang Kuwento na Naibenta Kailanman.” Susog pa nito: “Ang Easter, ang pinakamahalagang kapistahang Kristiyano, ay naging ang ikalawang pinakamalaking kapistahan para sa pagbibigayan ng regalo, sabi ng mga tagagawa ng laruan.” Ang pinakamalaki, mangyari pa, ay ang Pasko, at inaakala ng ilang opisyal ng simbahan na ang pagiging makasanlibutan ng Easter ay isinunod sa pagiging makasanlibutan ng Pasko.

Halimbawa, para sa kapanahunan ng Easter noong 1989, ang mga manggagawa ng kendi sa Estados Unidos ay nagkaroon ng malakas na benta na $815 milyon. Ito ang ikalawang pinakamalakas na benta ng mga kendi sa Estados Unidos kasunod ng Pasko. Isang kompaniya ay gumagawa ng mahigit na isang daang uri ng kending hugis kuneho para sa Easter.

Sang-ayon sa The Detroit News, inamin ni Jack Santino, propesor ng mga alamat at popular na kultura sa Bowling Green State University sa Ohio, na ang pagiging makasanlibutan ng Easter ‘ay “karaniwan” sa lipunan ngayon na mahilig sa pagbili at pagbenta ng mga kalakal.’ Idinagdag pa ng pahayagan na ang Easter “bunny​—hindi ang pagkabuhay-muli—​ang naging pokus ng Easter.”

Isa Lamang Pista

Sa Hilagang Hemispero, ang Easter ay nagbabalita sa pasimula ng tagsibol at karaniwang isang linggong bakasyon mula sa mga paaralan at mga kolehiyo. Kaya kailanma’t posible, maraming kabataan ang nagkakalipumpon sa mga bakasyunan na mainit ang lagay ng panahon para sa maiingay na mga parti sa tabing-dagat. Ang iba naman ay minamalas ang kapanahunan ng Easter bilang ang wakas ng panahon ng ski​—ang kanilang huling pagkakataon upang masiyahan sa mga dalisdis.

Sa Norway, kung saan halos 88 porsiyento ng populasyon ay kabilang sa relihiyon ng estado na Lutheran Evangelical, halos 14 porsiyento lamang ng tinanong sa isang pag-aaral kamakailan ang nagsabi na pag-iisipan nila ang pagsisimba sa Easter. Halos 75 porsiyento ang umamin na hindi na nila ipinalalagay ang Easter bilang isang relihiyosong pista. Sinabi nila na mas gugustuhin pa nila ang mag-ski.

Para sa marami, ang ilang mahalagang sagisag ng Easter ay naging mga simbolo ng katuwaan at mga laro. Ang itlog, halimbawa, ay malamang na siyang pinakapopular na simbolo ng Easter sa maraming bansa. Ang simbolismo ng itlog ay masyadong relihiyoso. Ayon sa paniwala, ang pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo ay kinakatawan ng bagong buhay na nagmumula sa wari’y walang buhay na itlog. Kaya, ang kaugalian na paggagayak sa mga itlog ng kaakit-akit na mga kulay at mga disenyo ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ng Easter.

Subalit para sa ilan, ang pangunahing halaga ng itlog ng Easter ay upang aliwin ang mga bata. Sa isang bayan ang tradisyunal na paghahanap ng mga bata sa itlog ng Easter sa lokal na simbahan ay nagwawakas sa paghahagisan ng itlog ng mga kalahok! “Para sa mga bata,” sabi ni Robert J. Myers sa kaniyang aklat na Celebrations, “ang Easter ay nangangahulugan ng katuwaan, mga sorpresa, at marahil ng sapat na kendi at matamis na tatagal hanggang sa susunod na Halloween!”

Sa teoriya, ang Easter ay patuloy na nananatili sa pinakamataas na puwesto sa mga relihiyosong pista ng Sangkakristiyanuhan. Gayunman, sa gawain, waring ito ay higit at higit na itinuturing ng mga tao na hindi gaanong mahalaga, isa lamang pista. Kumusta ka naman? Ano ba ang kahulugan sa iyo ng Easter? Gayunman, bago mo sagutin ang tanong na ito, hindi ba dapat ay tanungin mo muna: ‘Ano ba ang kahulugan ng Easter sa Diyos? Isa ba itong pagdiriwang na nakalulugod sa kaniya? Ang mga Kristiyano ba ay talagang hinihiling na ipagdiwang ang Easter?’

[Blurb sa pahina 4]

Ang mga sagisag ng Easter ay naging mga simbolo ng katuwaan at mga laro