Bakit Dapat Akong Puspusang Mag-aral sa Paaralan?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Dapat Akong Puspusang Mag-aral sa Paaralan?
‘Karamihan ng natututuhan namin sa paaralan ay teoriya lang naman. Wala naman talaga rito ang may anumang praktikal na halaga.’
‘Ang araling-bahay ay hindi nakaiinteres sa akin. Mas interesado ako sa ibang bagay, gaya sa isports at paglabas kasama ng mga kaibigan ko.’
‘Alam kong papasok ako sa buong-panahong ministeryo, kaya bakit pa ako mag-aaral nang puspusan sa paaralan?’
ANG mga komento na gaya nito ay madalas sabihin ng mga kabataan kapag binabanggit nila ang tungkol sa paaralan at araling-bahay. Marahil gayundin ang iyong nadarama.
Totoo, kung papipiliin sa pagitan ng pag-aaral at paglilibang, malamang na piliin ng karamihan ng kabataan ang huling banggit. Baka naisin pa nga ng iba na huwag nang mag-aral pa. Hindi sila seryoso sa pag-aaral; hindi nila maisip kung ano ang kaibhang gagawin nito sa kanilang buhay. Sa kabilang panig, marahil isa ka na nagnanais magtagumpay sa paaralan subalit wala kang gaanong sigla sa iyong gawain sa paaralan. ‘Hindi ako ang uring palaaral,’ katuwiran mo.
Ano man ang iyong damdamin, interes, o kakayahan, maaari kang magtagumpay sa pag-aaral. Subalit dapat ay maganyak ka na gawin iyon. At ang pagsusuri sa mga pakinabang na matatamo mo kung ikaw ay puspusang mag-aaral ay maaaring magbigay sa iyo ng tunay na pangganyak.
Ehersisyo sa Utak
Karamihan ng natututuhan mo sa paaralan ay maaaring walang kaugnayan ngayon sa iyong buhay. Malibang ikaw ay nagpaplano ng isang karera bilang isang siyentipiko, malamang na may kaunting gamit ka lamang sa hinaharap para sa mga pormula sa pisiks na itinuro sa iyo ng iyong guro. Isa pa, malamang na bilang isang adulto ay wala kang pang-araw-araw na pangangailangang magbanghay ng mga pandiwa o magkalkula ng mga anggulo ng isang isosceles na tatsulok. ‘Kaya, bakit dapat pang pag-aralan ang lahat ng iyan?’ tanong mo.
Sa isang bagay, ang paaralan ay nagbibigay sa iyo ng pagkakataon na magtamo ng panlahat na kaalaman tungkol sa maraming iba’t ibang paksa, gaya ng kasaysayan, literatura, siyensiya, heograpya, at matematika. Pagyayamanin ng malawak na saligang kaalamang ito ang pagkaunawa mo sa daigdig sa paligid at magiging pundasyon kung saan maaaring idagdag ang mas espisipikong impormasyon. “Ang kaalaman ay madali sa kaniya na nag-uunawa,” sabi ng Kawikaan 14:6.
Sa kaniyang aklat na Savoir étudier (Pag-alam Kung Paano Mag-aaral), ipinaliliwanag pa ni Robert Bosquet na ang kakayahan ng isip na matuto ay “dapat progresibong tuklasin at pagtrabahuin.” Sabi pa niya: “Karaniwang kaalaman na matatamo lamang ng isang kampeon sa isports ang pinakamagaling na resulta pagkatapos ng mahabang panahon
ng pagsasanay kung saan natutuklasan niya kung paano lubusang gagamitin ang kaniyang mga kakayahan. . . . Gayung-gayon ang pagkaalam kung paano mag-aaral: paggamit ng iyong buong potensiyal, pagkuha ng pinakamabuting mga resulta, taglay ang pinakakaunting panahon at pagsisikap.”Kaya ang araling-bahay ay maaaring tawaging isang ehersisyo ng utak. “Ang utak ay . . . napakalawak na magkakaugnay na network,” sabi ng aklat na How to Study, “at mientras mas masalimuot at ugnay-ugnay ito ay lalong humuhusay ang paggawa nito.” Ang mga takdang-aralin sa paaralan ay makatutulong upang patalasin ang iyong mga kakayahan na magtuon ng isip, mangatuwiran, magsaulo, o suriin ang isang problema, at gumawa ng makatuwirang mga konklusyon.
Emosyonal at Espirituwal na Paglaki
Ang iyong mga taon ng pag-aaral sa paaralan ay panahon din ng emosyonal at espirituwal na paglaki. Ikaw ay nagkakaroon ng mga ugali at mga saloobin na sa malaking bahagi ay titiyak kung anong uri ng adulto ka paglaki mo. Ikaw ba’y magiging masipag, masikap, may disiplina-sa-sarili, at may kakayahan—isa na nanaisin kunin ng isang maypatrabaho? Ang pagsasanay mo sa iyong sarili ngayon na magkaroon ng mabuting kaugalian sa trabaho at pag-aaral ay magkakaroon ng habang-buhay na mga pakinabang. (Ihambing ang Kawikaan 22:6.) Kabilang sa ibang bagay, maaaring magkaroon ito ng malaking epekto sa iyong kabuhayan at mapapasukang trabaho sa hinaharap. Ginagamit ng maraming negosyo ang rekord ng akademikong tagumpay ng isang tao bilang isang tagapagpahiwatig ng potensiyal sa hinaharap na trabaho ng isang aplikante.
Apektado rin ng iyong mga kaugalian sa pag-aaral ang iyong espirituwal na paglaki. Itinuro ni Jesus na dapat sambahin ng isang tao ang Diyos ng kaniyang “buong isip.” (Marcos 12:30) Ipinahihiwatig nito na ang mga lingkod ng Diyos, bata’t matanda, ay kinakailangang gamitin ang kanilang isip nang puspusan upang kumuha ng kaalaman na inilalaan sa kanila ni Jehova at unawain kung paano ikakapit ito sa kanilang buhay.—Juan 17:3; 1 Timoteo 4:7.
“Nakikita ko ito sa ibang kabataan na kaedad ko,” sabi ni Sylvie, isang dalagita sa Pransiya. “Ang kaugalian nila sa pag-aaral sa paaralan ay nadadala nila sa kanilang kaugalian sa personal na pag-aaral sa espirituwal na mga bagay. Yaong mga hindi natutong mag-aral sa paaralan ay hindi rin interesado sa personal na pag-aaral ng Bibliya.” Ang Kawikaan 10:4 ay nagsasabi: “Siyang gumagawang walang kasipagan ay magiging dukha, ngunit ang kamay ng masipag ay nagpapayaman.” Ito’y totoo kay Sylvie sa espirituwal na diwa. Ang kaniyang mabuting kaugalian sa pag-aaral ay ginawang madali para sa kaniya na palalimin ang kaniyang pagkaunawa sa Bibliya. Inihanda siya nito para sa kaniyang karera bilang isang buong-panahong ebanghelisador.—Ihambing ang Awit 1:2, 3.
Matuto Kung Paano Mag-aaral
Subalit kumusta kung ikaw ay hindi palaaral? Alamin mo na ang pangunahing kaibahan sa pagitan
ng isang magaling na estudyante at sa isang mahinang estudyante ay karaniwan nang ang kasipagan—hindi ang talino. “Wala akong gaanong likas na kakayahan na gaya ng ibang estudyante,” sabi ni Sylvie. “Upang maging magaling sa paaralan, kailangan kong mag-aral nang mag-aral upang makakuha ng kasiya-siyang marka.” Bagaman ang pag-aaral ay hindi madali sa kaniya, si Sylvie ay nagsumikap; natuto siya hindi lamang kung paano mag-aaral kundi kung paano rin masisiyahan dito. “Sapagkat ito’y naging isang ugali,” sabi niya, “hindi isang malaking gawain ang mag-aral o magsaliksik ng isang paksa. Natutuhan kong gawin ito nang natural.”Sa kaniyang aklat na How to Study, ganito ang sabi ni Harry Maddox: “Hindi sapat ang kakayahan. Maraming matatalinong estudyante ang bumabagsak . . . sapagkat hindi sapat ang kanilang pag-aaral, o sapagkat hindi nila natutuhan kung paano mag-aaral nang mabisa.” Susog pa niya: “Sulit matutuhan ang may kakayahang mga paraan ng pag-aaral hindi lamang para sa iyong kagyat na mga layunin sa pag-aaral, kundi sapagkat ang iyong mga kaugalian sa pag-aaral ay mananatili sa iyo sa buong buhay mo.”
Ang mga tao ay karaniwan nang nasisiyahan sa paggawa ng mga bagay na nagagawa nilang mahusay—at sinisikap nilang iwasan ang paggawa ng mga bagay na doo’y mahina sila. Kaya, marahil ay kinaiinisan mo ang pag-aaral sa paaralan sapagkat hindi mo pa napasusulong nang husto ang iyong mga kasanayan sa pag-aaral upang gawing kasiya-siya ang iyong pag-aaral. Kung gayon, bakit hindi ituon ang iyong pansin na matutuhan kung paano mag-aaral? Ang nakatutulong na impormasyon ay ibinibigay sa kabanata 18 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. a
Tanawin ang mga Taon Pagkatapos ng Pag-aaral
Maraming estudyante ang nagpapabaya sa kanilang pag-aaral dahil lamang sa mayroon silang mas gustong gawing ibang bagay—gaya ng paggu-good time. Subalit ang Kawikaan 21:17 ay nagbababala: “Ang umiibig sa kalayawan ay magiging dukha.” Ang paglilibang at pagrerelaks ay may kaniyang dako. (Eclesiastes 3:1, 4) Gayunman, samantalang ikaw ay pumapasok sa paaralan, ang pag-aaral ang dapat na maging isa sa iyong mga prayoridad. Ang mga resulta na matatamo mo ay depende sa iyong pagsisikap. “Sa bawat uri ng gawain ay may pakinabang,” sabi ng Kawikaan 14:23.
Hindi naman ito nangangahulugan na maiibigan mo ang bawat klase o takdang-aralin sa paaralan na matatanggap mo. Subalit maaari mong sikaping unawain ang iyong edukasyon bilang isang positibong paraan upang makamit ang tunguhin—ang pagkakamit ng kaalaman at mga kasanayan na tutulong sa iyo na magkaroon ng isang kapaki-pakinabang at mabungang buhay. Oo, ang mga kahilingan sa edukasyon at mga kalagayan sa kabuhayan ay iba-iba sa bansa at bansa. Gayumpaman, maraming kabataan ang humihinto sa pag-aaral nang hindi nakakukuha kahit ng mahalagang panimulang mga kasanayan sa pag-aaral; nasusumpungan nila ang kanilang mga sarili na hindi handa o hindi kuwalipikado sa karamihan ng mga trabaho. At bakit? Sapagkat hindi sila nag-aral samantalang nasa paaralan.
Huwag mahulog sa bitag na ito! Tanawin mo ang mga taon pagkatapos ng pag-aaral at planuhin mo na masuportahan mo ang iyong sarili pagkatapos mong mag-aral. Balang araw ikaw ay maaaring magkaroon ng pananagutan na maglaan para sa pamilya. (1 Timoteo 5:8; ihambing ang Kawikaan 24:27.) Tulad ng maraming kabataan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, maaaring ikaw man ay nagpaplano ng isang karera bilang isang buong-panahong ebanghelisador. Kakailanganin mo pa ring suportahan ang iyong sarili at marahil ang isang pamilya pa nga. Kaya magplano para sa hinaharap. Bago pa magtapos sa pag-aaral, sikapin mong alamin kung anu-anong uri ng part-time na trabaho ang makukuha sa lugar ninyo. Ang pag-aaral nang husto sa paaralan ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng kinakailangang mga kasanayan upang makuha ang trabahong iyon.
Anuman ang iyong mga plano sa hinaharap, makabubuting mag-aral nang puspusan sa paaralan. Hindi, hindi naman kinakailangang maging numero uno ka sa inyong klase. Subalit maaari mong matutuhan na maibigan ang pag-aaral. Mas mabuti pa, maaari kang magkaroon ng kaalaman, mga kasanayan, at mga kaugalian na pakikinabangan mo habang-buhay.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga kasanayan sa pag-aaral na malilinang mo samantalang nag-aaral ka ay pakikinabangan mo habang-buhay