Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Motorsiklo—Gaano Kapanganib Ito?

Motorsiklo—Gaano Kapanganib Ito?

Motorsiklo​—Gaano Kapanganib Ito?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón

ANG maliit na motorsiklo ni Susumu ay tumatakbong mahusay nang bigla niyang makita ang isang kotse na tumatawid sa kaniyang landas. Ang susunod na nakita niya ay ang bubong ng isang bahay habang siya ay humahagis sa himpapawid. Bumagsak siya sa kaniyang ulo at balikat. Ang lamat sa gitna ng kaniyang helmet ay nagpapahiwatig sa pagkagrabe ng bagsak. Siya’y nakaligtas sa aksidente, subalit ang kaniyang paa ay nabali at nabaluktot na hugis U.

Ang aksidente ni Susumu ay hindi natatangi. Ang The Globe and Mail ng Canada ay nag-uulat na sa loob ng isang taon 166,000 Amerikano ang naospital pagkatapos ng mga aksidente sa motorsiklo. “Sa mga ito, 4,700 ang namatay. Maraming iba pa ang nalumpo habang-buhay.” Sa Canada, sabi ng pahayagan ding iyon, ang mga aksidente sa motorsiklo ay dumoble sa loob ng sampung taon. At sa Hapón 2,575 mga motorsiklista ang namatay noong 1989. Sa mga ito, hindi kasali ang mga sumasakay ng maliliit na motorsiklo, mahigit na 70 porsiyento ay mga kabataan sa pagitan ng edad na 16 at 24.

Paano maihahambing ang bilang na ito sa estadistika ng mga aksidente sa kotse? Ang mga kompaniya ng seguro ay nagsasabi na sa ilang bansa, sa magkatulad na layo ng paglalakbay, ang dami ng kamatayan para sa mga motorsiklista ay halos siyam na beses na mas mataas kaysa mga taong nakasakay sa kotse. Ano ang mga dahilan ng mas maraming kamatayan? Ang Consumer Reports ay nagbibigay ng tatlong dahilan: (1) Ang motorsiklo ay mas mahirap makita kaysa isang kotse. (2) Ang motorsiklo ay nagbibigay ng kaunti o walang proteksiyon para sa nakasakay rito. (3) Ang pagpapatakbo ng motorsiklo ay nangangailangan ng kasanayan​—kapag ito’y dumulas, ito’y kadalasang nahuhulog. Hindi kataka-taka na maraming tao ang may palagay na ang motorsiklo ay mapanganib. Ang iba ay hindi sumasang-ayon. Ang pagsakay sa isang motorsiklo ay may mga pakinabang, sabi nila. Ano sa palagay mo?

Totoo, bilang isang matipid na transportasyon, mahirap mahigitan ang motorsiklo. Ang tipid nito sa gasolina ang tanda nito. Sa isang katamtamang-laki na motorsiklo, sabi ng Consumer Reports, makatatakbo ka ng 25 hanggang 30 kilometro sa isang litrong gasolina. Isa pa, dalawa lamang ang gulong nito. Ang iba pang mga bentaha ay: madali itong imaneobra, walang problema sa pagpaparada, at ang presyo ay mas mababa kaysa isang kotse. Subalit kahit na ang iba na kayang magmaneho ng isang mamahaling kotse ay pinipili pa rin ang motorsiklo. Bakit?

Ang Pangunahing Pang-akit

Karamihan ng mga mahilig sa motorsiklo ay umaamin na ang pangunahing pang-akit ng mga motorsiklo ay ang katuwaan na nanggagaling sa pagsakay rito. “Maaaring ang tunog nito,” sabi ng isang mahilig sa motorsiklo. Ang ugong ng makinang “English twin,” at ang tunog ng “Japanese multi-two-stroke,” o ang huni ng “multicylinder four-stroke”​—ay pawang musika sa pandinig ng mga mahilig sa motorsiklo.

Para sa ibang motorsiklista, ito ang pagkadama ng kalayaan at kapangyarihan. Sabi ng isa: ‘Nakatutuwang madama ang makina sa ilalim mo, malaman na ito ay tutugon sa balang maibigan o direksiyon na gusto mo, kumiling sa mga kurbada at malaman na maaasahang dadalhin ka nito sa iyong patutunguhan.’ Ang sama-samang tunog, tulin, at kalayaan ay maaaring nakaaakit din sa iyo. Subalit may panganib. Ang katuwaang ito ay maaaring maging isang pagkasugapa.

Lalo nang nanganganib ang mga kabataan. “Natatakot ka pagka nakikita mo ang isang biglang liko,” sabi ng isang dating miyembro ng isang gang ng motorsiklo, “subalit ang katuwaan na malampasan mo ang liko nang matulin nang hindi nadudulas ay nagpapangyari sa iyo na labis na matuwa. Hinahanap ko ang mas mahirap na mga pagliko at kinukuha ko ito nang napakatulin.” Si Yoshio, na dati’y hibang na hibang sa pagmomotorsiklo, ay nagsasabi: “Ako’y nagmomotorsiklo, umula’t umaraw, sapagkat ito’y nagbibigay sa akin ng labis na katuwaan. Sa akin ito ay parang droga.” At si Susumu, nabanggit kanina, ay nagsabi: “Hindi ko alintana kung ito ang papatay sa akin o hindi​—basta sasakay ako.” Kaya bago pa maalis ang semento sa kaniyang nabaling paa, nagmomotorsiklo na naman siya. Sabi niya: “Nagumon na ako rito.”

‘Dapat ba Akong Magmotorsiklo?’

Kaya’t timbangin ang mga aspektong ito ng pang-akit at kaligtasan kapag isasaalang-alang mo ang pagsakay sa isang motorsiklo. At kung ikaw ay isang Kristiyano na pinahahalagahan ang isang malinis na budhi at gumagalang sa Bibliya, may mga kasulatan na nanaisin mong isaalang-alang.

Halimbawa, itinatala ng Kawikaan 6:16, 17 ang pitong bagay na kasuklam-suklam kay Jehova. Ang isa rito ay “mga kamay na nagbububo ng walang salang dugo.” Ang kautusan na ibinigay sa sinaunang bansang Israel ay nagsasabi pa sa atin ng higit tungkol sa pangmalas ni Jehova ukol sa pagbububo ng walang salang dugo. Ang kautusan ay nagsasabi: “Datapuwat kung ang baka ay dating manunuwag at naisumbong na sa may-ari subalit hindi niya ikinulong, na anupa’t makamatay ng isang lalaki o babae, ay babatuhin ang baka at ang may-ari nito ay papatayin.” (Exodo 21:29) Sa ibang salita, tayo’y mananagot sa ating mga pag-aari.

Kaya kung naiisip mong bumili ng isang motorsiklo, paano mo pangangasiwaan ito at anong uri ng motorsiklo ang pipiliin mo? Isa na malakas, mapanganib na motorsiklo na dinisenyo para sa matutulin na pagtakbo at na kadalasan ay nasasangkot sa nakamamatay na mga aksidente? Kung gayon, malaya ka kaya sa pagkakasala sa dugo kung ikaw ay masangkot sa isang aksidente? Kahit na kung hindi ka makapinsala sa iba, kumusta naman ang iyo mismong buhay? Nagpapakita ka ba ng paggalang sa kaloob na buhay kung ikaw ay magmamatulin sa mapanganib na mga kanto dahil lamang sa katuwaan?

Ang simulaing ito ay kapit din sa pagmamantensiyon ng iyong motorsiklo kung mayroon kang isa nito o bibili ka ng isa nito. Ang iyong motorsiklo ay maaaring maging isang ‘manunuwag na baka,’ wika nga, kung hindi mo pananatilihing maayos ang preno. Isa pa, sa tuwing sasakay sa motorsiklo, dapat mong tingnan ang kadena at makina. At kumusta naman ang pagiging nakabubulahaw sa mga kapitbahay dahil sa walang ingat na pagpapatakbo at ingay?

Oo, kung ikaw ay mahilig sa motorsiklo, maaaring naiibigan mo ang tunog ng makina ng motorsiklo, subalit hindi ito naiibigan ng lahat. Sa katunayan, sa ibang tao ang tunog ay nakaiinis anupa’t ang ilan ay marahas ang naging reaksiyon. Isang galít na lalaki sa Hapón, ulat ng pahayagang Nara Shimbun, ang naghagis ng isang piraso ng kahoy sa isang nagdaraang motorsiklo. Ang nakasakay rito, isang 16-anyos na miyembro ng isang gang ng motorsiklo, ay namatay. Isa pang tao, sabi ng pahayagang Asahi Shimbun, ang naglagay ng tali sa ruta na madalas daanan ng mga gang ng motorsiklo. Nahagip ng tali ang leeg ng isang lalaking siklista, na nabigti sa kamatayan. At nang anyayahan ng pahayagan ang mga mambabasa nito na ipahayag kung ano ang kanilang nadarama tungkol sa polusyon ng ingay ng mga motorsiklo, ang ibang mambabasa ay nakiramay sa mga gumawa ng hakbang laban sa mga motorsiklista.

Mangyari pa, hinahatulan ng Bibliya ang gayong mararahas na kilos. Subalit sa kabilang panig, hindi dapat galitin ng mga motorsiklista ang iba sa pagdaraan sa residensiyal na mga dako sakay ng mga motorsiklo na walang mga tambutso, gaya ng kung minsan ay ginagawa ng mga gang ng motorsiklo. Tutal, dapat tayong mamuhay ayon sa kautusan na ibinigay ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Dapat mong ibigin ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”​—Mateo 22:39.

Matinong Pag-iisip

Ibig bang sabihin nito na hindi ka dapat sumakay sa isang motorsiklo? Hindi naman, subalit kinakailangan ang isang matinong pag-iisip. Para sa maraming tao ang isang motorsiklo ay isang makakaya, kombinyente, at kaaya-ayang paraan ng transportasyon. Gayunman, sa ilang bansa, karaniwang ginagamit ng mga tao ang mga motorsiklo sa paglilibang. Iyan ay maaaring maging kasiya-siya, subalit maging maingat. Huwag mong hahayaang ang pagkahumaling mo sa bilis at kapangyarihan ay mangibabaw sa iyong mabuting paghatol.

Ang iba na nabuhay lamang para sa kanilang motorsiklo ay gumawa ng mga pagbabago. Ngayon isinisentro nila ang kanilang buhay sa pagbibigay-lugod sa Diyos. Si Yoshio, halimbawa, ay sumasakay ng malalaki’t matutuling motorsiklo. Ngayon sabi niya: “Kapag ako’y nagmomotorsiklo para sa katuwaan, sarili ko lamang ang aking pinalulugdan. Ngayon, mayroon akong kagalakan ng pagbibigay sa pamamagitan ng paggawa bilang isang ministrong Kristiyano.” Dahil sa alam niya na hindi niya kayang supilin ang kaniyang sarili minsang siya’y sakay ng motorsiklo, hindi na muling-binago ni Yoshio ang kaniyang lisensiya.

Ganito ang gunita ng isang dating miyembro ng isang gang ng motorsiklo sa Hokkaido, Hapón: “Dati akong nagmomotorsiklo upang magyabang. Nasangkot ako sa paggamit ng mga droga bunga ng masamang pakikisama sa mga miyembro ng gang ng motorsiklo.” Subalit sinimulan niyang pag-isipan ang tungkol sa kinabukasan. Sinuri niya ang ilang grupo ng relihiyon at sa wakas ay nasumpungan niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya na kasama ng mga Saksi ni Jehova.

At kumusta naman si Susumu? Para sa kaniya, ang pagsakay sa motorsiklo ay hindi na siyang sentro ng kaniyang buhay. Si Susumu, gayundin ang dalawa pang mahilig sa motorsiklo na nabanggit kanina, ay naglilingkod ngayon bilang buong-panahong mga ministrong Kristiyano. Ang isa sa kanila ay ipinagpalit ang kaniyang mabigat na motorsiklo sa isang maliit na motorsiklo at ginagamit ito sa pagpapalaganap ng katotohanan ng Bibliya sa iba.

Oo, ang motorsiklo ay maaaring maging isang mahusay na paraan ng transportasyon, subalit sa tuwina ito ay dapat na gamitin nang buong ingat at taglay ang paggalang sa damdamin ng iba.

[Kahon sa pahina 12]

MGA TIP NA PANGKALIGTASAN SA MGA SUMASAKAY SA MOTORSIKLO

◼ Sumakay Taglay ang Buong Pag-iingat: Ang pag-uugit, pagpapabilis, at pagpreno ay nangangailangan ng kasanayan at matinding koordinasyon.

◼ Iwasan ang Gitna ng Anumang Daan: Diyan natitipon ang kalat at mga tulo ng langis ng mga kotse.

◼ Magsuot ng Wastong Kasuotan: Tiyaking magsuot ng isang helmet. Ang mga guwantes, jacket, at boots ay proteksiyon din sa iyo.

◼ Pailawin ang Ilaw sa Unahan Kapag Nagmomotorsiklo: Kung ipinahihintulot ng mga batas trapiko sa inyong bansa, gawin ito kahit sa araw. Gagawin nitong nakikita ka ng ibang motorista.

◼ Lagyan ng Reflective Tape ang Iyong Helmet: Pinapangyari nitong ikaw ay makita sa gabi.

◼ Magpatakbo nang Depensibo: Huwag mong asahan na ang mga tsuper ng kotse ay magbibigay sa iyo ng “right-of-way.”

◼ Huwag Sasakay ng Motorsiklo Kapag Ikaw ay nasa Ilalim ng Impluwensiya ng Alak o ng Droga

◼ Pumili ng isang Motorsiklo na Kaya Mong Pangasiwaan