Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Naiyak Ako sa Tuwa”

“Naiyak Ako sa Tuwa”

“Naiyak Ako sa Tuwa”

Mga Mambabasa ay Nagpahayag ng Taimtim na Pagpapahalaga sa “Pagpapagaling sa mga Sugat ng Damdamin na Likha ng Pag-abuso sa Bata”

ANG kamakailang serye ng mga artikulo sa magasing Gumising! ay nagpakilos sa maraming mambabasa mula sa buong mundo na magpahayag ng kanilang taos-pusong pagpapahalaga sa pabalat na seryeng “Pagpapagaling sa mga Sugat ng Damdamin na Likha ng Pag-abuso sa Bata” sa ika-8 ng Oktubre, 1991, na Gumising! Ang kanilang mga pagtugon ay nagpakita na naisagawa ng maingat na inihandang materyal na ito ang layunin nito, na may tatlong bahagi: (1) upang maglaan ng pag-unawa at pag-asa sa mga biktima; (2) upang babalaan ang mga magulang na maging mapagbantay sila sa kaligtasan ng kanilang mga anak; (3) upang tulungan ang matatanda na siyang tumutulong sa mga biktima ng pag-abuso na higit na mapabatiran upang sila’y makapagbigay ng mas epektibong tulong.​—Kawikaan 21:13; ihambing ang 27:23.

Ang paksang inuulit-ulit ng maraming mambabasa ay inilarawan sa ganitong komento: “Lagi kong ipinagpapasalamat ang pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, ang aking pagpapahalaga at pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang ‘tapat at maingat na alipin’ (Mateo 24:45-47) ay lalong lumago nang makasandaan pagkatapos na mabasa ang Oktubre 8, 1991, na labas ng Gumising!”

“Si Jehova ay Talagang Nakauunawa at Taimtim na Nagmamalasakit”

Ang marami ay nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa pinakamahalagang aspekto ng artikulo: na ang Diyos ay nakikinig, nagmamalasakit, nalalaman niya na hindi masisisi ang biktima, at maaaring maglaan ng lunas. Isang mambabasa ang nagsabi: “Salamat mula sa kaibuturan ng aking puso sa ika-8 ng Oktubre na Gumising! Ang inyong mga artikulo ay nakatulong sa akin sa pamamagitan ng pagpapakita sa akin na si Jehova ay talagang nakauunawa at taimtim na nagmamalasakit.”​—Britaniya.

Isang babae ang sumulat: “Mga ilang buwan na ang nakalipas nais kong hilingin na sumulat kayo hinggil sa bagay na pagpapagaling sa mga sugat ng damdamin ng pag-abuso sa bata. Hindi ako sumulat sa halip ay nanalangin ako kay Jehova tungkol doon. Kaya, maguguniguni ninyo kung bakit ako totoong nagalak nang makita ko ang pabalat ng labas ng ika-8 ng Oktubre. Ako’y napaiyak, at pinasalamatan ang ating maibiging Diyos, si Jehova, mula sa kaibuturan ng aking puso.”​—Gresya.

Isa pa ang nagsabi: “Pagka naiisip ko ang nangyari sa akin, napapaiyak ako sa sama ng loob. Kung kaya binasa ko nang may pantanging pansin ang mga serye tungkol sa ‘Pagpapagaling sa mga Sugat ng Damdamin na Likha ng Pag-abuso sa Bata,’ na totoong nasumpungan kong malaking tulong. Maliwanag na ipinakikita nito na kayo’y may maibiging interes sa mga nakaranas ng gayon sa kanilang buhay.”​—Italya.

Marami ang nagpahayag ng ganitong kaisipan: “Ako’y nagpapasalamat kay Jehova sa paglalaan ng ganitong impormasyon, ang pinakamagaling na mga artikulong aking nabasa sa ganitong paksa. Ako’y nananalangin na sana’y matulungan nito hindi lamang ang mga biktima (mga nakaligtas) kundi gayon din yaong mga natatakot na tukuyin ang isyu at nahihirapang ipakipag-usap ang bagay na ito.”​—Estados Unidos.

“Nadarama Kong may Kabuluhan na ang Buhay Ngayon”

Isang babae na ang anak na babae ay inabuso ay hindi pa napaglalabanan ang emosyonal na suliranin ng pag-abusong iyan. “Ngunit ang inyong mga artikulo ang nagpakita sa akin ng paraan,” kaniyang paliwanag. “Ako’y nagpapagamot linggu-linggo sa loob ng 11 buwan dahil sa pagkabalisa, mga biglang pagkatakot, at panlulumo. Higit na natulungan ako ng mga artikulong iyon kaysa lahat ng panggagamot sa buong mundo! Nadarama kong may kabuluhan na ang buhay ngayon, kaysa noong hindi ko pa nababasa ang labas na iyon, nakokonsensiya pa rin ako sa isang bagay na hindi ko maiwasan.”​—Britaniya.

Marami ang nagsasabi na ang impormasyon ay naging malaking pagbabago sa kanilang buhay: “Hindi sapat ang aking basta pagpapasalamat para sa mga artikulo. Iyon ay dumating sa naaalaala ko nang ako’y mahinang-mahina. May mga araw na ako’y nagmumukmok at umiiyak. Salamat sa mga artikulong ito, na aking nabasa at binabasa muli, nakikita kong ang aking nadaramang kirot, at ang nadaramang kirot ng iba, ay mahalaga kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Ang impormasyong ito ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob na magpagaling. Minsan pa’y nadarama kong ako’y mas malapít kay Jehova.”​—Estados Unidos.

Ngunit ang pag-abuso sa bata ay hindi lamang suliranin sa Kanluran, gaya ng ipinakikita ng halimbawang ito: “Nang tanggapin ko ang labas ng ika-8 ng Oktubre hinggil sa pag-abuso sa bata, dagli kong binasa iyon. Natagalan akong basahin ang mga artikulo dahil sa nahirapan akong makita ang mga salita sa luhaang mga mata! Ang aking damdamin at kaisipan ay naipahayag mismo sa artikulo. Ngayon ako’y naliligayahan na may nakauunawa. Ako’y napalakas-loob na makita kung paano may kabaitang tumutulong si Jehova sa mga tao na ang pagdurusa ay hindi nakikita ng iba. Ako’y totoong nagpapasalamat na inyong inilimbag ang mga artikulong ito. Upang mapagaling ang aking sugat ng damdamin, ikakapit ko kung ano ang naisulat sa mga artikulo. Taglay ang pag-ibig at damdamin ng pagpapasalamat na hindi maipahayag.”​—Hapón.

Isa pa ang sumulat: “Ako’y nakikipagpunyagi sa emosyonal na sugat ng pag-abuso sa bata sa buong buhay ko. Nang matanggap ko ang ika-8 ng Oktubre na magasin, napagwari ko na alam ni Jehova ang ating kailangan kahit bago pa natin kailanganin at na talagang mahal niya tayo. Halos hindi na ako makakita sa kaiiyak, at para bang sasabog ang aking puso sa pag-ibig at pagpapahalaga sa ating maibiging makalangit na Ama. Ang labas na ito ng ika-8 ng Oktubre ay isang magasin na aking pakaiingat-ingatan ‘hanggang sa ang mga dating bagay ay hindi na maaalaala, ni mapapasa-puso man.’ ” (Isaias 65:17)​—Estados Unidos.

“Ako’y Napalaya!”

Isang babaing matinding nabagabag sa kaniyang buhay ang sumulat: “Salamat sa inyong artikulo tungkol sa pag-abuso sa bata. Sa wakas, sa edad na 53, ako’y napalaya! Ang nagpalaya sa akin ay ang pangungusap na nagpapakita na ang mga batang biktimang ito ‘ay walang lakas upang ipagtanggol ang kanilang sarili pagka tinatakot, kaya hindi sila sinisisi ng Diyos.’ ” Ang pagbasa sa ika-8 ng Oktubre na Gumising! at ang pag-unawa na gaya ng sinabi ng magasin, “WALA KANG KASALANAN!” ay tumulong sa kaniya na ikapit ang haing pantubos ni Jesus sa pagpapasimula ng kaniyang pagpapagaling.​—Britaniya.

Isa pang babae ang nagsabi: “Mula sa aking kamusmusan hanggang sa maagang mga taon ko sa elementarya, ako ay paulit-ulit na hinalay. Gaya ng nabanggit sa mga artikulo, inalis ko ito sa isipan. Gayunman, patuloy na nagbabalik ang alaala. Palagi kong naiisip: ‘Ako’y maruming tao. Kailanman ay hindi ako tatanggapin ni Jehova.’ Kaya’t ang aking panalangin sa Diyos ay laging: ‘Maaaring hindi ninyo ako bigyan ng dako sa Paraiso, ngunit pakiusap pong hayaan ninyo akong manatili sa inyong organisasyon hanggang sa ako’y mamatay.’ Ito’y dahil sa kaisipan, gaya niyaong mga biktima na nabanggit sa mga artikulo, na ‘Hindi ako talagang malinis upang mapunta sa Kaharian ng Diyos’ at na ang aking kamatayan ay sa Armagedon. Iyon ay wari bang pagkadama ng kahihiyan at pagkahamak na iginugupo ako sa kamatayan. Kaya naman, ang nilalaman ng mga artikulo, na lubhang mapagmahal at mabait, ay tumulong sa akin nang malaki. Habang binabasa ko ito, tumutulo ang aking luha.”​—Hapón.

Isa pa ang nagsabi: “Nais kong pasalamatan kayo sa inyong maselan at maingat-na-sinaliksik na mga artikulo. Sa loob ng mga taon, ang trauma ng pag-abuso ay nagdulot ng emosyonal na kaligaligan sa akin. Madali para sa marami na maunawaan ang pag-abuso at labis na pagpapahirap ng digmaan at pulitikal na kaguluhan. Nauunawaan natin ang mga nakaligtas sa Holocaust. Ang kasamaang ginagawa ng mga estranghero ay madaling maintindihan. Ngunit bakit hindi ito maunawaan ng iba kapag ang maygawa ng kasamaan ay ang ating sariling mga ama, ina, amain, kapatid na babae, kapatid na lalaki​—yaong dapat na umaaliw, nangangalaga, at nag-iingat sa atin? Nakita ko ang aking sariling mga pilat at nabatid ko ang mapangwasak na katotohanan ng pagkawalang-pag-asa. Sa aking pagpapagaling ang aking espirituwal na Ama, si Jehova, ang paulit-ulit na nagpapalakas sa akin, iniingatan ako mula sa pagkapuksa.”​—Estados Unidos.

“Ako’y Biglang Nabuhay!”

Isang babae na nagsasabi na sa loob ng 28 mahabang taon nadama niya na para bang siya’y tinanggihan ang sumulat: “Tuluy-tuloy kong binasa ang mga artikulo nang gabing matanggap ko ang labas ng magasin at ako’y umiyak dahil sa naantig ang aking damdamin at nagpapasalamat. Natutuwa akong isipin na nauunawaang mainam ni Jehova ang aking damdamin. Nadama ko na para bang ako’y biglang nabuhay! Dahil idiniin ng mga artikulo na ang mga bata sa kalagayang iyan ay hindi masisisi sa nangyari, natanto ko na wala akong dahilan na ikahiya ang aking sarili. Ang aking isipan ay totoong nanahimik.” Ang kaniyang puso ay naudyukan na tumugon sa pagpapagaling mula sa Salita ng Diyos.​—Hapón.

Ang panggagahasa sa bata ay isa ring suliranin sa umuunlad na mga bansa, gaya ng makikita sa katulad na pagtugong ito mula sa Aprika: “Ang mga artikulo ay dumating sa panahon na kailangang-kailangan ko ito. Anong laking ginhawa na mabasa ang mga pagpapahayag na gaya ng, ‘magtiwala na may pag-asa, na maaari kang gumaling’ at, ‘WALA KANG KASALANAN!’ Habang binabasa ko ang mga artikulo, ako’y nakadama na talagang ligtas at naaliw sa unang pagkakataon sa aking buhay. Nagdulot iyon ng tunay na kaaliwan sa aking isip, kaluluwa, at katawan. Ngayon taglay ko ang lakas na maglakbay sa daan ng lubusang paggaling.”​—Nigeria.

Ang isa pa ay sumulat: “Hindi maipahayag ng mga salita ang aking pagpapahalaga at kung ano ang aking nadama pagkatapos na mabasa ang ika-8 ng Oktubre ng Gumising! tungkol sa pag-abuso sa bata. Lumuluha ang aking mga mata habang binabasa ko ang bawat parapo, bawat pahina, bawat kasulatan. Iyon ay naisulat na may lubusang pag-iisip, pagmamahal, at pag-ibig. Bilang isang biktima, ako’y nakikipaglaban sa aking damdamin at emosyon. Ngayon ay nadama kong naibsan nang malaki ang pabigat ng pagdadalamhati. Dahil sa inyong artikulo at sa isang mapagkakatiwalaan, matiyagang kaibigan na nakikinig at umaalalay sa akin, maaari ko nang pasimulan ang paggaling.” Ang Diyos ng lahat ng di-nararapat na kaawaan, sa pamamagitan ng makasaserdoteng paglilingkod ng kaniyang Anak, ay ginagawa ang maraming gayong biktima na “matatag” at “malakas.” (1 Pedro 5:6-11)​—Estados Unidos.

Isang biktima ng insesto ay balisang-balisa anupa’t siya’y nagtangkang magpatiwakal sa pagsunog sa garahe samantalang siya ay nasa loob. Siya’y nasagip at naospital. Paglabas na paglabas ng isyu ng ika-8 ng Oktubre, dinala iyon sa kaniya. Siya’y napahagulgol nang kaniyang mabasa iyon, at pagkatapos ay paulit-ulit na binalikan ang mga artikulo para sa alalay, tinutulungan siya na madaig ang hilig na magpatiwakal. Isang kaibigan niya na nakatulong sa kaniya nang malaki ang sumulat: “Minsan naiisip kong dapat panganlan-muli ang Gumising! ng Pagpunyagi dahil iyan nga ang ipinagagawa nito sa amin.”​—Estados Unidos.

“Ang Ilan ay Makalilimot, ang Iba ay Hindi”

Ganito pa ang sabi ng isang nagpapahalagang mambabasa: “Ang mga artikulo hinggil sa pag-abuso sa bata ay napakatimbang. Pinahahalagahan ko ang mga tekstong ginamit. Ang mga artikulong ito ay mahusay ang pagkakasulat anupa’t pinapupurihan ko kayo sa bawat parapo niyaon. Ako’y nagpapasalamat na inyong ipinakita na bagaman ang ilan ay makalilimot, ang iba ay hindi. Ako’y nagkakaroon ng pagbabalik-tanaw sa loob ng tatlong taon pati na ng mga sakit sa katawan sa bawat alaala. Ngunit mas bumubuti iyon sa pagkatuto na pakitunguhan ang mga nakaraan. Salamat muli sa gayong kahanga-hangang timbang na mga serye ng artikulo.” (Estados Unidos) Ang maka-Kasulatang mga artikulong ito ay tumulong sa biktimang ito, at sa marami pang iba, upang minsan pang magalak sa mga espirituwal na paglalaan ni Jehova.​—Filipos 4:4-9.

“Ako’y mambabasa ng Gumising! sa loob ng maraming taon,” ang sulat ng isang babae. “Gayunman, hindi pa ako kailanman nabagbag ng isang artikulo na gaya ng mga serye sa magasin na pinamagatang ‘Pagpapagaling sa mga Sugat ng Damdamin na Likha ng Pag-abuso sa Bata.’ Ang paksa ay isang mahirap pakitunguhang paksa, ngunit nagawa ninyo iyon na mataktika at may maibiging-kabaitan. Bilang isang inabusong bata mismo, ito’y labis-labis na nakatulong at nakaaliw sa akin. Iingatan ko ang magasing ito upang mabasa ko pang muli nang madalas. Hindi ko kayo lubusang mapasalamatan sa panahon, pagsisikap, matalinong unawa, at higit sa lahat sa pag-ibig na inyong ipinamalas para sa tahimik na mga nagdurusa.”​—Estados Unidos.

Pagharap sa Katotohanan

Napatunayang naging malaking tulong ito sa mga biktima na hindi makalimutan ang krimeng nagawa sa kanila na ipakipag-usap ito sa isang maawaing matanda, makatotohanang harapin ang suliranin, alamin kung paano minamalas ni Jehova ang mga bagay, at pakitunguhan iyon sa maka-Kasulatang paraan upang ang paggaling sa kapangyarihan ng hain ni Jesus ay maganap. Sa bagay na ito, isang babae ang nagsabi:

“Hindi ko masabi kung paano lubhang napapanahon ang mga artikulo. Hindi ako makapaniwala kung gaano katumpak ang mga impormasyon. Ako’y nagdanas ng panlulumo at bulimia sa loob ng 20 taon, naghahanap ng tulong at lunas sa lahat ng dako: mga sikayatrista, sikologo, doktor, group theraphy, mga klinika ng pampapapayat​—lahat ay naging walang saysay sa akin.

“Ngunit ngayon ako’y nakasusumpong ng tulong sa impormasyon na gaya ng matatagpuan sa labas ng ika-8 ng Oktubre. Ito’y lubhang kailangang-kailangan. Hindi ko masabi ang nadama kong kawalang-pag-asa kung minsan, napakasidhi anupa’t para bang mas mabuti pa ang mamatay. Ngunit ngayon ay naunawaan ko na ang nangyari sa akin bilang isang bata ay hindi ko kasalanan, na hindi iniisip ng Diyos na ako’y marumi. Ako’y naging biktima. Dahil sa impormasyong gaya nito, nauunawaan ko na si Jehova ay talagang nagmamalasakit, na mapagkakatiwalaan ko siya. Pagkaraan ng 33 taon ng aking buhay, aking nadarama na kinakalagan ng espiritu ni Jehova ang mga tanikala ng pagkabihag. Salamat sa inyong pagmamahal sa amin sa pagsisikap na isulat ang gayong kahanga-hangang hiyas gaya ng Gumising! na ito. Pakisuyo na patuloy na maglimbag ng ganitong uri ng mga artikulo at iba pa, yamang ang mga ito ay mahalaga sa aming espirituwalidad.”

Binubuod ng sumusunod na sulat mula sa isang lalaki ang damdamin ng marami. Siya’y nagdanas ng pagdadalamhati sa mahigit na 50 taon dahil siya’y inabuso noong siya’y bata. Ang sabi niya: “Ang maibiging pangangalaga ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang makalupang organisasyon ay hindi kailanman naglulubay na pahangain kami at pasiglahin ang mas taimtim na debosyon at pagtitiwala sa kaniya. Pagkatapos nang maingat na pagsusuri sa impormasyon sa ika-8 ng Oktubre, 1991, na Gumising! tungkol sa pag-abuso sa bata, ako’y napaiyak sa tuwa at kumanta nang kumanta kay Jehova, ang bato at moog, ang aming kanlungan. Mga kapatid, patuloy na maglimbag ng gayong mga artikulo. Ginagamit kayo ni Jehova sa mga paraan na hindi ninyo inaakala.”

Mula sa mga Tagapangasiwa

Kapansin-pansin ang sulat na ito mula sa naglalakbay na tagapangasiwa na nangangasiwa sa gawain ng ilang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova:

“Salamat sa ika-8 ng Oktubre na Gumising! tungkol sa ‘Pagpapagaling sa mga Sugat ng Damdamin na Likha ng Pag-abuso sa Bata.’ Ang napakahusay na impormasyon na iniharap ay talagang kailangan namin. Ang mga artikulo ay tamang-tama. Madalas kong mapansin na ang mga biktima ay nahihirapang makitungo kay Jehova bilang maibiging Ama. Pagka napansin ko ang problemang ito, maunawaing tinatanong ko sila, ‘Ikaw ba’y minaltrato noong ikaw ay bata?’ Kadalasan, ang sagot ay oo! Sa bawat pagkakataon na kung saan nauunawaan ng tao ang kaugnayan sa pagitan ng pag-abuso at ng kasalukuyang panlulumo o kaligaligan na kanilang nararanasan, nagsisimulang bumuti ang pakiramdam nila.”

Binubuod kung ano ang nadarama ng maraming matatanda ay ang maikling komentong ito ng isa: “Ang labas ng ika-8 ng Oktubre tungkol sa pag-abuso sa bata ay napakahusay at kailangang-kailangan. Bilang matatanda sa kongregasyon, kailangang malaman namin hangga’t maaari ang tungkol sa mga suliraning ito upang makapagpakita ng pagmamalasakit at pagtitiyaga na kailangan ng mga biktima. Habang lumulubha ang sistemang ito, ang ganitong uri ng mga suliranin ay nagiging pangkaraniwan. Salamat muli sa tulong.”

Nakagagalak sa aming mga puso na makatanggap ng gayong mga sulat. Lubhang pinahahalagahan na ‘wala silang kasalanan,’ at bilang resulta ng nakapagpapabagong kapangyarihan ng Salita ng Diyos, ang gayong mga biktima ng pag-abuso sa bata ay nakapananaig sa malulungkot na alaala. Sila’y nagagalak sa pag-asa sa hinaharap, nagtitiwala na sa bagong sanlibutan ng Diyos, “ang mga dating bagay ay hindi na maaalaala, ni mapapasapuso man.” (Isaias 65:17; Roma 12:12) Kahit na ngayon, sa pamamagitan ng nagpapagaling na kapangyarihan ng dugo ni Jesus, sila’y may malinis na katayuan sa harap ng Diyos. (Hebreo 9:14) At kailangang sila’y bumaling sa matatanda para sa tulong. Ang matatandang ito ay makakikilos bilang “isang kublihang dako buhat sa hangin” para sa mga nangangailangan, nakikipag-usap nang may kaaliwan at nananalanging kasama nila. (Isaias 32:2; 1 Tesalonica 5:14; Santiago 5:14, 15) Kung gayon, ang mga biktimang inabuso ay matutulungan na sumulong at makasumpong ng kagalakan sa lahat ng gawain sa Kristiyanong kongregasyon.