Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Aking Pagpupunyaging Mabuhay

Ang Aking Pagpupunyaging Mabuhay

Ang Aking Pagpupunyaging Mabuhay

DALAWAMPUNG taon na ang nakalipas kami ni Ingrid, ang aking asawa, ay nagpapalaki ng dalawang batang lalaki sa Lima, Peru, at nagtatamasa ng isang ganap, abalang buhay. Bagaman ang aking sekular na gawain ay nagsasangkot ng pagbibiyahe sa ibang bansa sa Timog Amerika, gayunman kami ay nagsasaayos ng panahon linggu-linggo para sa mga pulong ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at sa pagbahagi ng mga katotohanan ng Bibliya sa iba sa pangmadlang ministeryo.

Pagkatapos, noong 1973, samantalang ako ay nasa aking huling taon ng 20’s, nagsimula akong dumanas ng mga sakit ng ulo at matagal na panlulumo. Ang mga sakit ng ulo at panlulumo ay lumala pa sa sumunod na dalawang taon at lalong dumalas. Nangailangan ito ng patuloy na pagsisikap na makaagapay sa pang-araw-araw na mga gawain.

Tandang-tanda ko pa ang pagbibiyahe ko may kaugnayan sa negosyo sa Quito, Ecuador, sa itaas ng Bundok Andes. Pagbaba ko ng eruplano, napakasakit ng ulo ko na para bang binibiyak anupa’t naisip kong sumakay sa susunod na eruplano pabalik sa Lima.

Agad akong nagtungo sa doktor ko. Ginagamot niya ako dahil sa tensiyon, inaakalang ito ang sanhi ng aking mga sakit ng ulo. Subalit nang sinuri niya ang likod ng aking mga mata, napansin niya ang pumutok na mga ugat. Kaya’t ako’y ipinasok sa ospital.

Pinatunayan ng mga pagsubok ang isang tumor sa utak. Subalit lalo pang mapangwasak ang balita na ang tumor ay napakalaki at waring sala-salabid sa utak anupa’t ito’y hindi maaaring operahin. Sa loob ng isang buwan, sabi ng doktor, ako’y mabubulag. Pagkatapos ako’y malulumpo at mamamatay sa loob halos ng tatlong buwan.

Ang balita ay hindi kapani-paniwalang matinding dagok kay Ingrid, na unang tumanggap ng resulta ng pagsubok. Agad siyang nakipag-alam sa ate ko, si Heidi, sa Los Angeles, California, E.U.A., at hiniling siya na humanap ng isang siruhano na papayag na mag-opera sa akin nang hindi magsasalin ng dugo​—isang mahalagang kahilingan para sa amin dahil sa aming matibay na pasiyang sundin ang maka-Kasulatang utos na umiwas sa dugo.​—Gawa 15:28, 29.

Pagkaraan lamang ng tatlong balisang-balisang araw, kami ay patungo na sa Los Angeles. Nang kami’y nasa eruplano at lumilipad sa ibabaw ng Caribbean, sinabi sa akin ni Ingrid: “Tingnan mo, ang ganda ng mga isla, na may puti, mabuhanging dalampasigan!” Tumingin ako subalit wala akong makita. Ako ay nabubulag na!

Ang Aking Unang Laban

Pagdating sa Los Angeles, ako ay agad na isinugod sa UCLA (University of California sa Los Angeles) Medical Center. Noong Oktubre 6, 1975, inoperahan ako ni Dr. Walter Stern. Paggising ko, kahit na ang maaliwalas na mukha ni Ingird ay hindi makapaghanda sa akin sa mabuting balita​—naalis nila ang buong tumor! Ito ay kasinlaki ng isang bola sa baseball, na nasa kanang frontal lobe ng utak. Subalit ito’y nakukulong ng sarili nitong lamad at nakuha nang buo.

Waring ang mabilis na paggagamot ang nagligtas sa aking buhay. “Kung naghintay ka pa ng ilang araw, hindi ka na namin makakasama,” sabi ng doktor. Subalit ako’y buháy at taglay ang aking buong pakultad ng isip! Tuwang-tuwa kami!

Gayunman, ang panahon ng pagpapagaling ay may mga pagkabalisa rin. Una, nagkaroon ng mga pamumuo ng dugo sa isang paa, na naghaharap ng problema. Sapagkat bagaman ako ay nangangailangan ng anticoagulants (pampalabnaw ng dugo) upang tunawin ang mga pamumuo bago ito kumalat at makarating sa isang mahalagang sangkap ng katawan, nangangailangan din ako ng coagulants (pampalapot ng dugo) upang maampat ang pagdurugo sa utak. Anong laking ginhawa nang matagumpay na mabalanse ng mga doktor ang dalawang magkasalungat na mga gamot!

Ang trauma ng 12 oras ng operasyon sa kanang frontal lobe​—ang bahagi ng utak na nauugnay sa mga damdamin—​ay maliwanag na siyang dahilan ng yugto ng labis na katuwaan, pagsidhi ng mga damdamin, na hindi masupil ng gamot. Sa loob ng anim na buwan pagbalik ko sa Lima, ako’y hindi makatuwiran sa aking pagkalkula ng kung ano ang maaari kong gawin, para bang ako’y laging lango. Pagkaraan ng ilang buwan, ito ay lumipas, at isang nakatatakot na panlulumo ang nadama ko, napakatindi anupa’t halos madalas akong mag-isip ng pagpapatiwakal. Mabuti na lamang, pagkalipas ng isang taon ako’y nagbalik sa dati at nagagawa ko namang baguhin-muli ang lahat ng aking mga gawain.

Ako ay nahirang na isang matanda sa kongregasyong Kristiyano, at ang hamon ngayon ay kung paano titimbangin ang mga pananagutan sa kongregasyon, sa pamilya, at sa negosyo. Kailanma’t ako’y hindi nagbibiyahe para sa negosyo, nagsasaayos ako ng panahon na kasama ng mga anak kong lalaki. Ang aming paboritong libangan ay ang pagsakay sa ng aming mga motrosiklo sa mabuhangin, mabatong mga burol sa labas ng bayan ng Lima. Ang susunod na siyam na taon ay para bang napakabilis na lumipas na hindi namin namamalayan. Pinagwalang-bahala ko ang aking panibagong kalusugan.

Pagkatapos, noong Mayo 1985, napansin ni Ingrid na ako ay maputla at walang sigla. Hindi kami nagsuspetsa na mayroon na namang tumor sa utak hanggang isang gabi nang gusto kong bumaling sa kama at hindi ko magawa iyon. Ang kaliwang bahagi ng aking katawan ay naging paralisado. Sa pagkakataong ito ipinailalim ako ng mga doktor sa isang makabagong anyo ng X ray, ang CAT scan, at ang mga resulta ay nagpangyari sa amin na magtungo sa Los Angeles.

Ang Pakikipagpunyagi ay Nagpasimulang Muli

Noong Hunyo 24, 1985, inoperahan akong muli ni Dr. Stern at ng kaniyang pangkat. Ang tumor ay lumaking muli, sa pagkakataong ito ay palikod tungo sa parietal lobe​—ang bahagi na sumusupil sa mga kilos ng paa at bisig. Bunga nito, ang aking kaliwang bisig at paa ay paralisado. Ang operasyon ay natapos pagkaraan ng walong oras, iniiwan ang 25 porsiyento ng tumor sa loob.

Ang aking bisig at paa ay nanatiling bahagyang paralisado pagkaraan ng operasyon. Binigyan ako ng paggamot sa pamamagitan ng radyasyon ng cobalt sa loob ng ilang linggo sa pagsisikap na ihinto ang paglaki ng tumor. Subalit pagkaraan ng dalawang buwan pagkatapos ng operasyon, nagkaroon ako ng mga kombulsiyon. Bagaman ang mga ito ay nasupil ng gamot, di nagluwat ito ay lalong dumalas at hindi masupil. Ang aking pampublikong buhay ay nabawasan nang husto. Nakakaya kong pangasiwaan ang ilang sekular na trabaho sa bahay, subalit ang mga banta ng kombulsiyon ay laging aali-aligid pa parang maitim na ulap. Napangingibabawan ng isang bagay na traidor sa loob ko ay isang madalas na pinagmumulan ng pagkasiphayo.

Hindi nalalaman kung kailan darating ang mga atake, hindi na ako nangahas na mangasiwa sa mga pulong sa Kingdom Hall. Subalit sa tulong ni Jehova, naibabahagi ko ang kaalaman ng Bibliya sa mga tao na nagnanais mag-aral sa kanilang tahanan. Ang regular na paggawa nito ay nagtuon ng aking isip sa ating Bukal ng lakas, ang Diyos na Jehova, at wari bang nababawasan ang aking pagkabalisa sa aking mabuway na kalagayan ng katawan.

Sa wakas, noong Mayo 1988, nagkaroon ako ng matinding kombulsiyon na nag-iwan sa akin na maparalisa ang aking buong kaliwang katawan. Gayunman, ang mga CAT scan sa bawat pagkakataon ay nagpapahiwatig na ang lahat ay normal, na ang tumor ay hindi lumaki. Ang konklusyon ay na ang mga kombulsiyon ay bahagi ng paggaling. Gayunman, nagpasiya kaming magbalik sa Los Angeles para sa mas malawak na mga pagsubok.

Si Dr. Stern, na nagsagawa ng unang dalawang operasyon nang walang pagsasalin ng dugo, ay nagretiro na. Subalit may kabaitang iminungkahi niya sa amin si Dr. Donald Becker, hepe ng UCLA Department of Neurosurgery. Si Dr. Becker ay sumang-ayon na mag-opera kung ito ay kinakailangan at, kasabay nito, igagalang ang aming salig-Bibliyang paggalang sa dugo nang hindi ako sinasalinan ng dugo.

Nagsimula na ngayon ang pamilyar na mga pagsubok. Subalit sa pagkakataong ito bukod sa mga larawan ng CAT-scan at isang angiogram ng utak, isang bago, hindi pamilyar na pamamaraan na tinatawag na MRI (magnetic resonance imaging) ang isinama. Pinatunayan nito na, oo, may mga tumor​—tatlong tumor!

Bago ang araw na iniskedyul para sa operasyon, isa pang bagay na nakatatakot ang natuklasan​—ayaw mamuo ang dugo ko! Ang gamot na iniinom ko upang supilin ang mga kombulsiyon ay sinisira ang mga platelet sa dugo. Kaya sa susunod na dalawa at kalahating linggo, ang gamot na ito ay unti-unting pinalitan ng isa pa na walang ganitong masamang epekto. Ang pagbabago ay traumatiko sapagkat nang ito ay makompleto, ako ay dumanas ng sunud-sunod na malalakas na kombulsiyon.

Ang Ikatlong Operasyon

Sa wakas dumating ang araw ng operasyon, Agosto 1, 1988. Noong ika–6:00 n.u., kami ni Ingrid ay malungkot na namaalam sa isa’t isa. Pagkaraan ng ilang minuto nasumpungan ko ang aking sarili sa operating room. Pagkaraan ng mahabang 12 oras ay lumabas si Dr. Becker upang ibalita kay Ingrid na naalis nila ang lahat ng tumor​—pati ang bahagi na naiwan mula sa ikalawang operasyon tatlong taon na ang nakaraan—​at wala pang isang tasa ng dugo ang nawala sa akin!

“Ngunit mayroon pa ring bumabalisa sa akin,” sabi ni Ingrid. “Ano kaya ang magiging kalagayan ng isip ni Hans paggising niya? Makilala pa kaya niya ako bilang kaniyang asawa?” Maaga kinabukasan, hinayaan ng mga doktor si Ingird na pumasok upang makita ako. Pagdilat ko ng aking mga mata, sabi ko, “Schatzi,” isang salita ng pagmamahal na lagi kong ginagamit. At, gaya ng sabi niya, “Ito ang pasimula ng isang bagong araw!”

Ang Pakikipagpunyagi ay Nagpapatuloy

Gayumpaman, ang panahon ng aking rehabilitasyon ay wari bang walang katapusan. Pagkalipas ng dalawang taon, bagong mga tumor ang nasumpungang humahadlang sa aking paggaling. Kaya noong Nobyembre 26, 1990, isinagawa ang ikaapat na operasyon sa utak. Dalawa pang tumor ang inalis. Minsan pa ako ay balik na naman sa isang silyang de gulong, at minsan pa ang aking mga araw ay punô ng masasakit na mga ehersisyo sa paa upang pasiglahin ang utak na tandaan kung paano ako muling makalalakad.

Gayunman, di-nagtagal ang mga tumor ay nagbalik, at sa pagkakataong ito ay narikonosi na ito ay nakamamatay. Ang aking pinakahuling operasyon ay naganap noong Hulyo 16, 1991; gayunman ang ilang tumor ay hindi maaaring operahin. Ako’y napasailalim ng isang pantanging paggagamot sa pamamagitan ng radyasyon sa pagsisikap na paliitin at tunawin ang mga ito. Inaasahan namin na ito ay magagawa, subalit ang aking paggagamot na rehabilitasyon ay naging mas mahirap.

Kung isasaalang-alang ang hinaharap na mga pag-asa batay sa kung ano ang pisikal na magagawa ko ay maaari lamang humantong sa pagkasiphayo. Ang tanging matalinong landasin ay ituon ang isip sa espirituwal na mga pagpapahalaga. Para bang ito’y personal na naisulat sa akin, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang pagsasanay sa katawan ay mapapakinabangan nang kaunti; ngunit ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, sapagkat may pangako ng buhay ngayon at sa darating.”​—1 Timoteo 4:8.

Ang buhay na darating ay buhay na walang-hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ipinakikita ng katibayan na ito ay malapit na, oo, na malapit nang ako’y tatakbo at lulukso na gaya ng usa. (Isaias 35:6) At kung ako ay mamatay bago dumating ang bagong sanlibutang iyon, kung gayon ang pagkabuhay-muli ay tinitiyak doon sa mga tapat kay Jehova. Hindi sa pamamagitan ng anumang kapangyarihan sa bahagi natin na matatamo ang buhay na walang-hanggan, kundi sa pamamagitan ng ating matapat na paglilingod sa ating Diyos, si Jehova.​—Gaya ng inilahad ni Hans Augustin.

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ng aking asawa, si Ingrid